Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MAISASALBA PA BA ANG MUNDO?

Paghahanap ng Sagot

Paghahanap ng Sagot

KUNG ikaw ay nangangamba o natatakot dahil kabi-kabila ang masasamang balita, hindi ka nag-iisa. Noong 2014, ipinahiwatig ni Barack Obama, presidente noon ng United States, na dahil sa masasamang bagay na nababalitaan natin, marami ang nagsasabing “ang mundo ay umiikot nang napakabilis at walang sinumang makakakontrol nito.”

Pero pagkatapos niyang sabihin iyon, sinabi rin niya ang tungkol sa kasalukuyang mga pamamaraan para ayusin ang marami sa mga problema ng mundo. Tinawag niyang “mabuting balita” ang ilang pagsisikap ng gobyerno at sinabing siya ay “punô ng pag-asa” at “positibong-positibo.” Sa simpleng salita, tinukoy niya ang pagsisikap ng mga tao bilang paraan para maisalba ang mundo sa tuluyang pagkawasak.

Marami ang sumasang-ayon sa kaniya. Halimbawa, may ilang nagtitiwala sa siyensiya, at umaasa sa mabilis na pagsulong ng teknolohiyang magsasalba sa mundo. Isang eksperto sa digital technology at mga bagong imbensiyon ang nagtitiwala na sa taóng 2030, “ang teknolohiya natin ay magiging mas mahusay nang isang libong ulit, at sa 2045, magiging mas mahusay ito nang isang milyong ulit.” Dagdag pa niya: “Maganda ang nagagawa natin. Bagaman mas malalaking problema ang kinakaharap natin, nasosolusyunan natin ang mga ito bago pa lumala.”

Gaano na ba kalala ang kalagayan ng mundo? Nasa bingit na ba ito ng matinding kapahamakan? Kahit may magandang mensahe ang ilang siyentipiko at politiko, marami pa rin ang hindi nakatitiyak sa kinabukasan. Bakit?

MGA SANDATA PARA SA MARAMIHANG PAGLIPOL. Sa kabila ng pagsisikap ng United Nations at ng iba pang organisasyon, bigo pa rin silang alisin ang mga sandatang nuklear. Binale-wala ng mga masuwaying lider ang mga batas sa pagkontrol ng armas. Ang mga bansang mayroon nang sandatang nuklear ay nag-uunahan sa pag-a-upgrade ng kanilang mga bomba at paggawa ng mas matitinding bagong bomba. Ang mga bansa na walang kakayahang lumipol noon ay may kakayahan na ngayong pumatay ng napakaraming tao.

Dahil mas handa ang mga bansa sa digmaang nuklear, ang mundo ay naging napakapanganib, kahit sa panahon ng “kapayapaan.” “Ang lethal autonomous weapons systems na may kakayahang ‘pumatay’ kahit walang taong kumokontrol ay talagang nakababahala,” ang babala ng Bulletin of the Atomic Scientists.

PAG-ATAKE SA ATING KALUSUGAN. Limitado lang ang kayang gawin ng siyensiya para sa ating kalusugan. Ang alta presyon, sobrang katabaan, polusyon sa hangin, at pag-abuso sa droga—lahat ng dahilan ng pagkakasakit—ay dumarami. Dumarami rin ang namamatay sa mga di-nakahahawang sakit gaya ng kanser, sakit sa puso, at diyabetis. Tumataas ang bilang ng mga napipinsala ng iba pang sakit, kasama na ang sakit sa isip. Sa nakalipas na mga taon, marami ang nabiktima ng nakamamatay na mga salot, gaya ng Ebola virus at Zika virus. Ang punto: Hindi makokontrol ng tao ang mga sakit, at malabong mapigilan ang mga ito!

PAG-ATAKE NG TAO SA KALIKASAN. Patuloy na nagdudulot ng polusyon sa atmospera ang mga pabrika. Milyon-milyon ang namamatay taon-taon dahil sa nalalanghap na maruming hangin.

Ang mga tao, komunidad, at ahensiya ng gobyerno ay patuloy na nagtatapon sa karagatan ng mga basurang galing sa mga bahay, pabrika, ospital at agrikultura, mga plastik, at iba pa. “Nilalason ng mga basurang ito ang mga hayop at halaman sa dagat, pati na ang mga taong kumakain ng mga kontaminadong lamandagat,” ang sabi ng Encyclopedia of Marine Science.

Papaubos na ang malinis na tubig. Nagbabala ang Britanong awtor ng siyensiya na si Robin McKie: “Napapaharap ang mundo sa krisis sa tubig at apektado nito ang buong globo.” Inamin ng mga politiko na ito ay pangunahin nang kagagawan ng mga tao at magdudulot ito ng malubhang panganib.

PAG-ATAKE NG KALIKASAN SA TAO. Ang malalakas na bagyo, buhawi, at lindol ay nagdudulot ng mapangwasak na baha, pagguho ng lupa, at iba pang pinsala. Mas marami sa ngayon ang namamatay o napipinsala ng pananalasa ng kalikasan. Isang pag-aaral na inilathala ng National Aeronautics and Space Administration ng Estados Unidos, ang nagsabing malaki ang posibilidad na magkaroon ng “mas malalakas na bagyo, nakamamatay na mga heat wave, at mas matitinding siklo ng tag-ulan at tagtuyot.” Malilipol kaya ng kalikasan ang mga tao?

Tiyak na may naiisip ka pang mas matitinding banta sa mga tao. Pero hindi mo mahahanap ang kasiya-siyang sagot tungkol sa ating kinabukasan kung susuriin mo ang lahat ng masasamang nangyayari ngayon. Totoo rin iyan pagdating sa sinasabi ng mga politiko at siyentipiko. Pero gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, marami ang nakakita ng nakakakumbinsing sagot sa mga tanong tungkol sa kalagayan ng mundo at sa ating kinabukasan. Saan ito matatagpuan?