Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Lahi ng “Balakyot na mga Kakatuwang Tao”
Sa National Concord ng Nigeria, ang kolumnista sa pahayagan na si Derek Ingram ay nagsabi na ang Digmaang Pandaigdig II ang giyera sibil sa Europa at aniya: “Ito ang pinakamalubhang giyera sibil sa lumipas na mga daan-daang taon; sa isang diwa ay siyang ikalawang bahagi ng isang 31-taóng giyera sibil na nagsimula noong 1914 . . . Ang totoong pambihira tungkol sa panahon na mula noong 1933 hanggang 1945 ay yaong bagay na lumitaw sa Europa ang maraming talagang balakyot na mga kakatuwang tao pawang sabay-sabay. Ano’t nangyari na umiral hindi lamang ang nahihibang at kakatuwang katauhan ni Adolf Hitler kundi ang isang buong tungkos ng labis-labis na kakila-kilabot na mga tao?” Pagkatapos ay isa-isang binanggit si Goring, Goebbels, Himmler, Heydrich, Mussolini at Stalin bilang kasuklam-suklam na mga halimbawa, at sinabi niya tungkol sa kanila: “Lahat ng mga lalaking ito ay nasa iisang henerasyon, may iisang kapangyarihan, at kanilang pinapangilabot ang angaw-angaw na mga tao upang sumunod sa kanila.”
Ang Bibliya ang sumasagot sa tanong ni Mr. Ingram. Binabanggit nito ang “mga huling araw” at “ang katapusan ng sistema ng mga bagay” bilang makikitaan ng pag-iral ng mga taong “walang katutubong pagmamahal,” “walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis,” at ang daigdig ay baha-bahagi, at ‘ang bansa ay tumitindig laban sa bansa’ at ‘ang pag-ibig ng maraming tao ay manlalamig.’ (Mateo 24:3, 7, 12; 2 Timoteo 3:1-3) Sapol noong 1914 ay natutupad ang mga hulang ito at ang mga iba pa. Ang pinaka-ugat na sanhi ng lahing ito ng “balakyot na mga kakatuwang tao” ay si Satanas na Diyablo, na ipinakikilala na siyang nagdadala ng ‘kaabahan sa lupa’ at humihila sa mga tao upang mabanaag sa kanila ang kabalakyutan ni Satanas. Gayunman ay batid niya na siya’y may “maikling yugto na lamang ng panahon” na natitira. Kaya’t magpakatibay-loob tayo sapagka’t sinabi ni Jesus, “Ang katubusan ninyo ay malapit na.”—Apocalipsis 12:7-12; Lucas 21:28.
Gaanong Katindi ang Impluwensiya ng mga Kababata?
“Sanayin mo ang bata ayon sa daan na dapat niyang lakaran; tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon,” ang payo ng Kawikaan 22:6. Ang payo bang ito ng Bibliya ay mabuting ikapit ngayon? Oo, lalo na kung tungkol sa relihiyon. Sa isang artikulo na inilathala kamakailan lamang sa Adolescence, isang lathalain tuwing ikatlong buwan, si David A. de Vaus, Ph.D., ng La-Trobe University, Victoria, Australia, ay nag-ulat na “sa larangang sagrado (sa kasong ito, sa mga paniwala sa relihiyon), ang mga magulang ay higit na mahalaga kaysa mga kababata” ng kanilang mga anak sa paghubog sa kanilang mga anak kung tungkol sa landasin sa relihiyon na tatahakin ng kanilang mga anak.
Ang pag-aaral ni Dr. de Vaus ng 375 mga adolescente sa Australia, na 16 hanggang 18 anyos, ay nagpapatunay na mga magulang ang may pinakamatinding impluwensiya tungkol sa landasing relihiyoso na tatahakin ng kanilang mga anak. Bagaman nadadaig ng mga magulang ang impluwensiya sa kanilang mga anak ng mga kababata nito kung tungkol sa mga paniwalang relihiyoso, hindi ipinakikita ng pag-aaral na ito na totoo rin ito kung tungkol sa relihiyosong paggawi ng adolescente. Kung gayon, para sa mga magulang na Kristiyano, makabubuting palakihin nila ang kanilang mga anak “ayon sa disiplina at turong Kristiyano” at ihanap nila ng mabubuting kasama ang kanilang mga anak samantalang tumatalima sa babala ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabuting ugali.”—Efeso 6:4; 1 Corinto 15:33, Today’s English Version.
Namimilipit ang Kabuhayan ng Daigdig
Samantalang ang kabuhayan ng industriyal na mga bansa ay namimilipit upang makabangon pagkatapos na padapain ng krisis ng kabuhayan na dinaranas ng daigdig sapol noong 1980, “ang mga kalagayang pangkabuhayan naman ng maraming nagpapaunlad na mga bansa ay lumubha,” ang sabi ng World Development Report 1983, na inilathala para sa World Bank. “Ang krisis ay tumagal nang higit kaysa inaasahan at mabilis na pinaatras ang pangglobong pag-unlad nang higit kaysa kailanman sapol noong Great Depression” ng 1930’s ani A. W. Clausen, pangulo ng World Bank. At hindi rin nagpapahiwatig ang report na iyan ng magandang kinabukasan. Bilang pagtatapos ay sinabi: “Patuloy ang di-mapigil na paglago ng populasyon, umatras naman ang produksiyon at ang kalakalan, dumami ang mga walang hanapbuhay . . . at malalaking pagkakautang ang nagpapahirap sa maraming bansa” at “nanganganib na ang patuloy na paglubha ng krisis na ito sa nagpapaunlad na mga bansa ay makahahadlang sa bilis ng pagbabangon ng kabuhayan ng mga bansang industriyal.”
Kahit na taimtim ang pagsisikap ng mga tao na mapahusay ang daigdig, matalino pa rin ang payo ng salmista: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.” Bagkus, “Maligaya siya . . . na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos.”—Awit 146:3, 5.