Dalawang Babae na May Suliranin
Buhay ang Salita ng Diyos
Dalawang Babae na May Suliranin
ANG lalaking magsasagawa ng ministeryo ay ang apostol Pablo. At ang dalawang babaing kasama niya si Euodias at si Sintique, mga nasa unang-siglong kongregasyong Kristiyano sa siyudad ng Filipos.
Ilang taon pagkaraan nito, nang si Pablo ay nasa Roma, siya’y sumulat sa kongregasyon sa Filipos: “Patuloy na tulungan ang mga babaing ito na nangagpagal na kasama ko sa mabuting balita.” (Filipos 4:3) Bakit ganito ang isinulat ni Pablo tungkol kay Euodias at kay Sintique?
Nabalitaan ni Pablo na may suliranin na namamagitan sa dalawang babae, at sila’y hindi magkasundo. Kaya’t sumulat siya: “Ipinamamanhik ko kay Euodias, at ipinamamanhik ko kay Sintique, na mangagkaisa ng pag-iisip sa Panginoon.” (Filipos 4:2) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang hindi nila pagkakaunawaan, gayunma’y mabigat iyon para kay Pablo sapagka’t nabalitaan niya iyon bagaman naroon siya sa Roma na daan-daang milya ang layo. Baka nagkakainggitan ang dalawang iyan. O baka malubha ang kanilang di-pagkakaunawaan, gaya ng makikita rito, at hindi na sila nag-uusap na dalawa. Anuman iyon, pinayuhan sila ni Pablo sa liham na pahatid niya sa buong kongregasyon.—Filipos 1:1.
Si Euodias ba at si Sintique ay tumugon sa payo at nilutas ang kanilang alitan? Hindi sinasabi ng Bibliya. Nguni’t sila’y mabubuting babae na dating kasa-kasama ni Pablo sa paglilingkod, kaya maguguniguni natin na sila’y lumapit sa isa’t-isa pagkatapos ng pulong at nilutas ang kanilang suliranin taglay ang espiritu ng pag-ibig. Sa kabilang panig, maaari rin marahil na sila’y nagmatigas sa kabila ng payo na ibinigay sa kanila. Baka sabihin nila: ‘Ano ba ang karapatan ni Pablo na ipaalám pa ang aming problema sa harap ng kongregasyon?’ Kung gayon ay hindi malulutas ang kanilang alitan, at lulubha pa nga. Ano kaya kung ganito ang nangyari?
Ang liham na ito sa mga taga-Filipos ay isinulat mga bandang 60 C.E. Mga ilang taon ang nakalipas at nagkaroon ng malaking pag-uusig sa mga Kristiyano sa Roma. Ano kaya kung ang pag-uusig na ito ay nakarating sa Filipos, at sina Euodias at Sintique ay nangabilanggo, gaya ni Pablo at ni Silas na nangabilanggo rin doon mga ilang taon bago noon? (Gawa 16:19-34) Ano kung sila’y ikinulong sa iisang bilangguan at sa iisang selda?
Kung sila’y hindi nagkakaisa ng pag-iisip, at kung ang kanilang di-pagkakaunawaan ay napauwi na sa pagkakapootan, ano kaya ang nangyari? Baka kanilang nilapa ang isa’t-isa sa espirituwal na paraan, sa gayo’y ipinahamak ang kaugnayan ng isa’t-isa sa kanila sa Diyos na Jehova. Anong lungkot kung gayon ang mangyayari! At anong lungkot din ang mangyayari ngayon kung tayo’y walang maningas na pag-iibigan sa isa’t-isa pagka ang “malaking kapighatian” ay sumapit na sa sistemang ito ng mga bagay!—Mateo 24:21.