‘Huwag Magpakalabis ng Paggamit sa Sanlibutan’
‘Huwag Magpakalabis ng Paggamit sa Sanlibutan’
“Yaong mga kailangang makitungo sa sanlibutan ay hindi dapat maging abalang-abala rito. Sinasabi ko ito sapagkat ang sanlibutan ayon sa ating pagkakilala rito ay lumilipas.”—1 Corinto 7:31, The Jerusalem Bible.
1, 2. (a) Anong pangmalas sa kinabukasan ng sanlibutan ang taglay ng marami ngayon? (b) Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa sanlibutan at sa paggamit nito?
“SINUMAN ay hindi makapagsasabi nang patiuna ng mga sorpresa o mga kabiguan na mangyayari sa kinabukasan. . . . Gayunman, sa magaspang man o sa madulas na paraan, ang sanlibutan, wari nga, ay sumusulong at susulong pa.” Ganiyan ang sabi ng kilalang historyador na si H. G. Wells mga ilang dekada na ngayon ang nakalipas. Bagaman maraming mga krisis at mga kalamidad, marami ang naniniwala na malulutas din ng sangkatauhan sa paanuman ang kaniyang mga problema, at ang sanlibutan, ayon sa ating pagkakilala, ay maliligtas.
2 Datapuwa’t, sa pagsulat sa ilalim ng makalangit na pagkasi, ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay nagharap ng isang naiibang larawan nang kaniyang ipayo sa mga kapananampalataya: “Yaong . . . mga nagsisigamit ng sanlibutan ay [maging] tulad sa hindi nagpapakalabis ng paggamit; sapagka’t ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” Ang isa pang pagkasalin ay: “Yaong mga kailangang makitungo sa sanlibutan ay hindi dapat maging abalang-abala rito. Sinasabi ko ito sapagka’t ang sanlibutan ayon sa ating pagkakilala rito ay lilipas.” (1 Corinto 7:29-31, New World Translation; JB) Ano ba ang ibig sabihin ng payong ito sa mga lingkod ng Diyos na Jehova ngayon?
“Ang Sanlibutan . . . ay Lumilipas”
3. Ano ang tinatalakay ni Pablo sa 1 Corinto kabanata 7, at ano ang ilan sa mga puntong iniharap niya?
3 Sa 1 Corinto kabanata 7 ang tinatalakay ni Pablo ay tungkol sa pag-aasawa ng mga Kristiyano. Bagaman ipinapayo niya na ang pagkawalang asawa ang lalong mainam, kinilala niya na yaong mga nag-aasawa ay “hindi nagkakasala.” Subali’t sinabi niya na sila’y magkakaroon ng “kapighatian sa kanilang laman,” sapagka’t ang pag-aasawa ay may kasamang mga kabalisahan. Halimbawa, dahil sa pagkakasakit ng isang mahal-sa buhay ay maaaring magdulot iyon ng kabalisahan. Bagaman dito’y hindi binanggit ni Pablo ang pag-uusig, ang resulta’y baka karagdagang kapighatian sa mag-asawa sa panahong iyon pagka ang mag-asawa’y nagkahiwalay o pagka ang mga magulang ay napahiwalay sa kanilang mga anak.—1 Corinto 7:25-28.
4. Ano ang kahulugan ng 1 Corinto 7:29?
4 At nagpatuloy pa si Pablo: “Isa pa, ito’y sinasabi ko, mga kapatid, ang panahong natitira ay maikli na. Mula ngayon ang mga lalaking may-asawa ay maging mga tulad sa wala.” (1 Corinto 7:29) Yamang “ang panahong natitira ay maikli na,” ang may-asawang mga Kristiyano ay hindi dapat gumugol ng buong panahon nila sa mga pribilehiyo at mga tungkulin ng pag-aasawa na anupa’t ito ang kanilang buong buhay. Ang mga intereses ng Kaharian ang dapat nilang unahin bagaman hindi pinababayaan ang mga pananagutang pangmag-asawa. (1 Corinto 7:3-5, 29-40) Yamang tayo’y nasa “mga huling araw” na, ngayon lalo nang dapat nating sundin ang payong ito.—2 Timoteo 3:1-5.
5. Ano ba ang “sanlibutan” na hindi natin dapat pagmalabisan ang paggamit?
5 Yamang “ang panahong natitira ay maikli na,” sinabi ni Pablo, “Yaong . . . mga nagsisigamit ng sanlibutan ay [maging] tulad sa hindi nagpapakalabis ng paggamit.” (1 Corinto 7:29-31) Sa talatang ito ang salitang Griego na isinaling “sanlibutan” (kósmos) ay hindi tuwirang kumakapit sa sangkatauhan,di-gaya sa Juan 3:16, kundi sa kapaligiran ng buhay ng tao at sa balangkas nito. Ang sangkatauhan ay mayroon ng kaniyang mga grupo-grupong wika, mga bansa, mga tribo (o angkan-angkan), mga pami-pamilya, mayayaman at mahihirap, at ang pangkalahatang balangkas na nakapalibot at may epekto sa mga tao. (1 Corinto 14:10; Santiago 2:5, 6; Apocalipsis 7:9; 14:6) Oo, ang kapaligiran ng buhay ng tao at ang pagkakataong ibinibigay nito ang tinutukoy ni Pablo nang kaniyang sabihin: “Samantalang ginagamit ninyo ang sanlibutan, huwag sikaping makuha ninyo rito ang lahat ng maaari ninyong makuha rito.”—1 Corinto 7:31, The New Testament in the Language of Today, William F. Beck.
6, 7. (a) Papaanong “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago”? (b) Anong punto ang iniharap ni apostol Juan tungkol sa kinabukasan ng sanlibutan?
6 Binanggit din ni Pablo na ang mga Kristiyano’y ‘huwag magpakalabis ng paggamit sa sanlibutan’ sapagka’t “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” Ang sanlibutang ito ay gaya ng nagbabagong tanawin sa isang tanghalan. Bagaman ito’y kaakit-akit kung pagmamasdan, ang mga artista rito at mga tanawin ay nagbabago. Ang mga tao ay umaakyat ‘sa tanghalan,’ at ang iba ay kumikilos nang may pagmamataas. Nguni’t sila’y hindi nagtatagal at pumapanaw kasama ng kanilang mga kalahi at malilimutan na. (Eclesiastes 1:4) Sa panahon natin, ‘halos ilaladlad na ang telon’ sa matandang sanlibutang ito! Oo, “ang sanlibutan ayon sa ating pagkakilala rito ay lumilipas.”—1 Corinto 7:31, JB.
7 Ganiyan ding punto ang iniharap ni Juan, na ang sabi: “Ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwa’t ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:15-17) Maliwanag na ang ibig sabihin ni Juan ay na nakatakdang lumipas noon ang masamang lipunan ng sangkatauhan na pupuksain ng Diyos, gaya ng sanlibutan ng mga masasama bago ng Baha na pinuksa rin. (Hebreo 11:7; 2 Pedro 2:5; 3:5) Mangyari pa, kasama ng mga taong balakyot na mapupuksa ang kasalukuyang balangkas o kaayusan ng mga bagay ng sangkatauhan at lahat ng iniaalok nito.
8. Bagaman ang sanlibutan ay lumilipas, ano ang pag-asa ng mga Kristiyano, at papaano dapat maapektuhan nito ang ating paggamit sa sanlibutan?
8 Kung paanong ang matuwid-kaloobang mga tao ay nakaligtas sa Baha, ipinakita ni Jesus na ang iba’y makaliligtas din sa mabilis na dumarating na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21, 22, 36-39; ihambing ang Apocalipsis 7:9-17.) Itinatatag na ngayon ang isang “bagong lupa,” isang lipunan ng mga tao na mamumuhay sa lupang ito sa ilalim ng paghahari ng Kaharian. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1; ihambing ang Awit 96:1.) Kaya kung may pag-asa tayong makaligtas at magtamo ng buhay na walang hanggan sa Bagong Kaayusan, bakit natin gugugulin sa lumilipas na matandang sanlibutan ang karamihan ng ating panahon at lakas!?
“Pinakamaliit Hangga’t Maaari”
9. Sa anong timbang na mga paraan tumpak na magagamit ng mga saksi ni Jehova ang sanlibutan?
9 Bilang mga saksi ni Jehova na namumuhay sa sistemang ito ng mga bagay, tayo’y hindi aktuwal na “makakaalis sa sanlibutan.” (1 Corinto 5:9, 10) Angkop na magagamit natin ang sanlibutan sa timbang, tumpak, at limitado na mga paraan. Halimbawa, yamang nagbabayad tayo ng buwis, may karapatan tayo sa mga serbisyong handog ng “mga nakatataas na autoridad” ng pamahalaan. (Roma 13:1-7) Tumpak na gamitin natin ang serbisyo ng koreo, pulisya at iba pa, tulad baga ng transportasyon. Para sa ano? Para sa wastong pamumuhay at sa atas-Diyos na pagpapatotoo sa Kaharian. Nguni’t yamang hindi natin dapat gamitin ang sanlibutan ‘nang labis,’ ang paggamit sa lahat ng ganiyang mga bagay ay hangga lamang sa nagsisilbi ito sa mga kapakanang Kristiyano.
10. (a) Saan kailangang nakasentro ang ating buhay? (b) Papaano ipinaghalimbawa ni Jesus ang napakalaking halaga ng Kaharian? (c) Kung pagkahala-halaga sa atin ang mga kapakanan ng Kaharian at ang matalik na kaugnayan kay Jehova, paano maaapektuhan nito ang paggamit natin sa sanlibutan?
10 Huwag sanang mangibabaw sa atin ang makasanlibutang mga kapakanan. Ang ating buhay ay kailangang nakasentro sa ating kaugnayan kay Jehova, sa pagsamba at paglilingkod sa kaniya. Ipinakikita ba natin na ang “matalik na kaugnayan sa Diyos” ang talagang mahalaga sa atin? (Job 29:4) At kinikilala ba natin na ang espirituwal na mga bagay ang pinakamahalaga? Ipinaghalimbawa ni Jesu-Kristo ang sukdulang halaga ng Kaharian nang sa “iisang perlas” na napakamahal ay isang mangangalakal ang “agad nagbili ng lahat ng kaniyang ari-arian at binili niya iyon.” (Mateo 13:45, 46) Dito’y ipinakita ni Jesus na ang taong tunay na nagpapahalaga sa pagkakamit ng Kaharian ay mag-iiwan ng lahat ng kaniyang makalupang kayamanan upang kamtin iyon. Kung pagkahala-halaga sa atin ang Kaharian at ang mga kapakanan nito, at lalo na ang matalik na kaugnayan kay Jehova, sisikapin natin na Lahat ng pakikitungo sa sanlibutan . . . ay maging pinakamaliit hangga’t maaari.”—1 Corinto 7:31, Phillips.
‘Hindi ang Espiritu ng Sanlibutan ang Ating Tinanggap’
11, 12. (a) Ano ba “ang espiritu ng sanlibutan“? (b) Anong espiritu ang tinanggap ng mga Kristiyano, at papaano ito naiiba sa espiritu ng sanlibutang ito?
11 Isa pang dahilan sa hindi pagmamalabis sa paggamit sa sanlibutan ay sapagka’t imposible na tamasahin ang matalik na kaugnayan kay Jehova samantalang mayroon ka ng “espiritu ng sanlibutan.” (1 Corinto 2:12) Ang espiritu o nagpapakilos na puwersa na kumukontrol sa sanlibutan ng lipunan ng mga taong masasama ay makademonyo at hiwalay sa Diyos. Sa panunupil ng Diyablo, ang sanlibutan ay pinakikilos ng kaimbutan at ng mga pita ng makasalanang laman, at ang resulta’y ang pakikipag-alitan sa Diyos na Jehova.—Juan 14:30; Efeso 2:1-3; 1 Juan 5:19.
12 Ipinakita ni apostol Pablo ang pagkakaiba ng espiritu ng sanlibutan at ng espiritu ng Diyos at ang sabi niya tungkol sa mga Kristiyano: “Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritung mula sa Diyos.” (1 Corinto 2:12) Yamang ang kaayusan ng kaisipan at asal ng sanlibutan ay salungat sa impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos at sa kaniyang Salita, dapat iwasan ng matuwid na mga tao ang espiritu nito. Ang dapat pasulungin at ipakita ng mga umiibig kay Jehova ay yaong bunga ng banal na espiritu na pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan at pagpipigil sa sarili.—Galacia 5:22, 23.
13. Ano ang isinulat ni Juan sa 1 Juan 4:1-6, at may kinalaman ba ito sa paggamit natin sa sanlibutan?
13 Ipinakita ng apostol Juan na ang tunay na “kinasihang mga kapahayagan” ng Diyos ay dumating sa pamamagitan ng tunay na kongregasyong Kristiyano, hindi ng makasanlibutang mga pinanggalingan. At sinabi niya: “Ang may kaalaman sa Diyos ay nakikinig sa atin; ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin.” Totoo, ang paksa ni Juan ay “kinasihang mga kapahayagan,” nguni’t idiniin niya na ang mga Kristiyano ay hindi “nagsasalita ng nanggagaling sa sanlibutan.” (1 Juan 4:1-6) Kaya’t bakit tayo magpapakalabis ng paggamit sa sanlibutan?
Manatiling “Walang Bahid ng Sanlibutan”
14. Papaanong ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang nag-alay na mga kasamahan ay napapatangi bilang “hindi bahagi ng sanlibutan”?
14 Dahil sa hanapbuhay at iba pang mga aktibidades kailangan na ang mga Saksi ni Jehova ay “makitungo sa sanlibutan” sa mga ilang paraan. Subali’t tayo ay “hindi dapat maging abalang-abala rito” sa isa pang dahilan. (JB) Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Si Jehova, sa pamamagitan ni Kristo, ay naglaan ng kaligtasan buhat sa sanlibutang ito na nasa ilalim ni Satanas. (Colosas 1:13, 14) Sa pamamagitan ng pagsunod sa isiniwalat na katotohanan ng Salita ni Jehova, ang mga pinahirang Kristiyano ay santificado na, o ginawang banal, ibinukod para gamitin ng Diyos sa paglilingkod sa kaniya. Kaya sila, pati kanilang mga kasamahan na “malaking pulutong,” ay “hindi bahagi ng sanlibutan” na hiwalay kay Jehova. (Apocalipsis 7:9; Juan 17:16, 17; Santiago 1:18; 1 Pedro 1:22) Hindi nga marapat na magpakalabis sa sanlibutan ang gayong mga tao!
15. Sang-ayon sa Santiago 1:27, ano ba ang kasali sa malinis at dalisay na pagsamba?
15 Ang hindi pakikialaman sa mga alitan at politika ng sanlibutan ay kasali sa pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Mateo 22:21; Juan 18:36, 37) Ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo at ang kanilang mga kasama ay kailangan ding umiwas sa espirituwal na pakikiapid sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa sanlibutan. Kailangan na sila’y malinis sa moral at sa espirituwal. (Efeso 4:25-32; Santiago 4:4) Para sa malinis at dalisay na pagsamba kay Jehova, tayo’y ‘manatiling walang bahid-dungis sa sanlibutan’ sa pamamagitan ng hindi pagtulad sa makasalanang mga taong hiwalay sa Diyos sa kanilang mga saloobin, pananalita at asal. (Santiago 1:27) Layuan natin ang sanlibutan sa kaniyang kabulukan, karahasan, pang-aapi, at iba pa. Oo, tayo’y manatiling ‘walang dungis buhat sa sanlibutan,’ kaya huwag nating ‘gamitin ang sanlibutan upang makuha ang lahat ng ibig natin dito.’—Beck.
Manatiling ‘Banal sa Ating Diyos’
16. Bakit ang mga Israelita ay pinagawa ng “mga palawit sa laylayan” ng kanilang mahahabang mga damit?
16 Ang mga lingkod ni Jehova ay naiiba sa sanlibutan sa pag-asa, mithiin at pagsunod sa kalooban ng kanilang banal na Diyos. (Exodo 39:30) Kanilang dapat patunayan na banal sila sa Diyos. Kaya, ang mga sinaunang Israelita ay pinagawa ng “mga palawit sa laylayan ng kanilang [mahahabang] mga damit,” at dapat lagyan ng panaling asul ang ibabaw ng palawit. Kanilang gagawin ito upang sila’y huwag sumunod ‘sa uso’ na gaya niyaong sa mga Moabita, Ehipsiyo o iba pa at upang maipaalaala sa kanila na sila’y naiiba bilang bayan ni Jehova at na dapat silang sumunod sa kaniya, na ‘nagpapatunay na banal sa kanilang Diyos.’ (Bilang 15:37-41) Ang naising maging ‘banal sa ating Diyos’ ang dapat mag-udyok sa atin na magpakaingat sa paggamit sa sanlibutan.
17. Papaanong ang makasanlibutang tunguhin na pagpapayaman ay makapagsasapanganib sa ating kaugnayan kay Jehova?
17 Sa makasanlibutang mga tunguhin ay kasangkot ang kayamanan, katanyagan at mga aktibidades na nakapipinsala sa espirituwalidad at maaaring makasira sa pananampalataya ng Kristiyano. Halimbawa, ang paghanap sa materyal na mga bagay at kayamanan, kung papayagan na mapalagay sa pangunahing dako sa ating buhay, ay maaaring humikayat sa atin na gumawa ng masama ukol sa mapag-imbot na kapakinabangan, sa gayo’y isinasapanganib ang ating kaugnayan kay Jehova. (Kawikaan 28:20; ihambing ang Jeremias 5:26-28; 17:9-11.) Yaong mga gumagamit sa sanlibutan na anupa’t ang materyal na mga kapakinabangan ang kanilang pangunahing tunguhin ay nanganganib na mapasangkot sa mga pandaraya at mawalan ng pananampalataya dahilan sa pagpapabaya sa espirituwalidad. Ang isa naman na nagiging matagumpay sa negosyo o nagiging mayaman ay maaaring magkaroon ng “matayog na kaisipan,” na ang kaniyang sariling mga kuru-kuro ay ipinagpapalagay na mataas kaysa payo buhat sa kongregasyon ng Diyos. (1 Timoteo 6:9, 10, 17) Tiyak na hindi ito pananatiling “banal sa ating Diyos.”
18. Bakit hindi tayo dapat magkaroon ng makasanlibutang tunguhin na pagkakaroon ng labis-labis na mga bagay na materyal?
18 Sinabi ni Jesus: “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang, pagka kayo’y nagkulang, kayo’y tanggapin nila [ang inyong mga Kaibigan sa langit, si Jehovang Diyos at si Jesu-Kristo] sa walang hanggan na mga tahanang dako.” (Lucas 16:9) Bagaman kailangan natin ang ilang materyal na mga bagay at magagamit natin iyon sa pagpapasulong ng mga intereses ng Kaharian at magkaroon ng mga Kaibigan sa langit, ang makasanlibutang tunguhin na pagkakaroon nang labis-labis ng mga bagay na ito ay huwag tulutang makasira sa ating puso.—Lucas 12:34.
19. Paano natin dapat malasin ang makasanlibutang tunguhin na pagkakamit ng karangalan?
19 Ang isa pang makasanlibutang tunguhin ay ang pagkakamit ng puwesto, ng katanyagan at karangalan. Malimit na nangangailangan ito ng maraming taon ng pag-aaral sa pamantasan, pagsisikap na mapasa-mataas na dako sa lipunan at iba pa. Subali’t ang mga taong nagsusumikap na sila’y mapatanyag ay inihahalintulad ng Kasulatan sa mga taong kumakain ng labis na honey o pulut-pukyutan, na sanhi na pagduduwal. Mababasa natin: “Hindi mabuti ang kumain ng labis na honey, ni marangal man ang hanapin ang sarili nilang karangalan [katanyagan].” (Kawikaan 25:16, 27, Rotherham; NW) At, ang matinding paghanga sa makasanlibutang mga bayani at artista ay di-maka-Kasulatan, at kung minsan ay baka kailangan na may kabaitang ipaliwanag ito ng mga magulang sa kanilang mga anak. (Ihambing ang Gawa 12:21-23.) Kailangan din nga ang wastong pagkakilala sa ganiyang mga bagay kung ibig nating manatiling ‘banal sa ating Diyos’ at maiwasan ang labis na paggamit sa sanlibutan.
‘Huwag Magpakalabis ng Paggamit sa Sanlibutan’
20, 21. Bakit tayo hindi dapat magpakalabis ng paggamit sa sanlibutan?
20 Kaya, bilang tapat na mga saksi ni Jehova, huwag tayong magpakalabis ng paggamit sa sanlibutan. Tayo ay “hindi dapat maging abalang-abala rito” sapagka’t (1) “ang panahong natitira ay maikli na”; (2) “ang sanlibutan ayon sa ating pagkakilala rito ay lumilipas”; (3) ang ating buhay ay dapat nakasentro sa ating mahalagang kaugnayan kay Jehova; (4) ang dapat makita sa atin ay ang espiritu ng Diyos, hindi ng sanlibutan; (5) tayo’y kailangang manatiling “walang bahid ng sanlibutan”; (6) tayo’y kailangang manatiling ‘banal sa ating Diyos.’
21 Magagawa nating lahat ito tanging sa tulong lamang ni Jehova. (Ihambing ang Zacarias 4:6.) Yamang taglay natin ang kahanga-hangang pag-asa sa Kaharian, hindi natin ibig na magpakalabis ng paggamit sa sanlibutan, na para bagang ang iniaalok nito ang siyang lahat sa atin. Subali’t ano nga ang talagang makatutulong sa atin upang maitakuwil ang makasanlibutang pamumuhay at mga pita?
Natatandaan Mo Ba?
□ Anong “sanlibutan” ang tinutukoy sa 1 Corinto 7:31?
□ Yamang ”ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago,” papaano dapat malasin ng mga Kristiyano ang paggamit sa sanlibutan?
□ Hanggang saan angkop na magagamit ng mga Kristiyano ang sanlibutan?
□ Ano ba “ang espiritu ng sanlibutan,” nguni’t anong espiritu ang makikita sa mga umiibig kay Jehova?
□ Papaanong ang mga lingkod ni Jehova ay naiiba sa sanlibutan kung tungkol sa mga tunguhin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Lahat na ay ipinagbili ng mangangalakal upang mabili ang “iisang perlas na napakamahal”
[Larawan sa pahina 20]
Ang mga palawit ng kanilang kasuotan ay nagpaalaala sa mga Israelita na sila’y dapat magpatunay na banal kay Jehova. Ang naising maging ‘banal sa ating Diyos’ ang dapat mag-udyok sa atin na magpakaingat sa paggamit sa sanlibutan