Nilayon na Mamuhay Ka sa Paraiso
Nilayon na Mamuhay Ka sa Paraiso
NAIS ng ating mapagmahal na Maylikha na tamasahin mo ang ligaya ng pamumuhay sa Paraiso ng kaligayahan. Siya’y lumikha ng gayong tahanan para sa ating unang mga magulang. Sinasabi ng Bibliya: “Naglagay ang Diyos ng isang halamanan sa Eden, at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang. At pinatubo ni Jehovang Diyos sa lupa ang lahat na punungkahoy na nakalulugod sa paningin at mabuting kainin.”—Genesis 2:8, 9, 15.
Ang unang-unang tahanan ay isang Paraiso nga, sapagka’t ang kahulugan ng salitang “paraiso” ay “halamanan.” Iyon ay isang “Paraiso ng Kaluguran,” na tumutukoy din sa “halamanan ng Eden.” Ano ba ang naguguniguni mo tungkol sa gayong tahanan? Naguguniguni mo ba ang sarisaring-kulay na mga bulaklak, mga pananim, mga namumungang punungkahoy, magagandang tanawin, mga bukal at payapang malakristal na mga ilog? Nakikini-kinita mo ba rin ang luntiang mga damuhan na sa gilid ay may pagkatataas na mga punungkahoy, at humahalimuyak ang buong paligid sa samyong nagbubuhat sa malawak na kakahuyan kasaliw ng awitan ng mga ibon?
“Iyan at higit pa,” sasabihin mo marahil. “Kapayapaan at katiwasayan ay iiral din.” At umiral nga iyan sa halamanan ng Eden! Pati ang mga hayop ay may kapayapaan sa isa’t-isa at sa ating unang mga magulang. “Sa bawa’t nagsisiusad sa ibabaw ng lupa na may buhay bilang isang kaluluwa ay ibinigay ko ang lahat na sarisaring pananim bilang pagkain,” ang sabi ng Diyos. “At pinagdadala [ng Diyos] sa lalaki [ang mga hayop] upang malaman kung ano ang itatawag niya sa bawa’t isa sa mga iyon . . . At pinanganlan ng lalaki ang lahat ng domestikadong mga hayop at ang mga ibon sa himpapawid at ang bawa’t mabangis na hayop sa parang.”—Genesis 1:30; 2:19, 20.
Anong kalugud-lugod na tahanan! At sakdal na kapayapaan ang umiiral sa gitna ng tao at ng mga hayop na may pakikipagpayapaan sa kanilang makalangit na Maylikha. Tunay na matutuwa kang mamuhay sa ganiyang Paraiso ng kaluguran!
Nasaan ang unang-unang Paraisong iyan? Sinasabi ng Bibliya na iyon ay nasa lupa, at binabanggit pa rin ang apat na ilog niyaon, pati na ang Eufrates na umiiral hanggang ngayon. Subali’t isang ensiklopedia ng relihiyon ang bumanggit kamakailan “na ang orihinal na Eden ay nasa langit.” Ang ganiyang paniwala ay salungat hindi lamang sa sinasabi ng Bibliya kundi pati sa sinabi ni Jesu-Kristo na ang unang lalaki at babae sa Eden ay naging “isang laman” nang sila’y pag-isahin bilang mag-asawa.—Mateo 19:4-6; Genesis 2:21-24; 1 Corinto 15:50.
Bagaman nilikha ng Diyos ang mga tao upang mamuhay sa isang makalupang Paraiso, karamihan ng mga tao sa mga iglesya ngayon ay naniniwala na ang tanging paraisong maaaring kamtin ay nasa langit. Subali’t, kapuna-puna, isang ensiklopedia ng Bibliya ang nagsasabi tungkol dito: “Ang tao nga ay karaniwang naniniwala na ang mga kagalakan sa langit ay kapareho rin, o kung hindi man ay kahawig, ng mga kaligayahan ng sanlibutang
ito; at lahat ay umaasang kakamtin iyon, at tatamasahing lubusan pagkamatay niya, yaong pinakamimithi niya sa ibabaw ng lupa.”Makalupang kaisipan ang taglay ng tao tungkol sa Paraiso sapagka’t nilikha ng Diyos ang tao upang mamuhay sa lupa at maligayahan sa makalupang mga bagay. (Awit 115:16) Ito’y nagbabangon ng mga tanong. Halimbawa, nang ipangako ni Jesus sa magnanakaw na katabi niya noon, “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso,” saan ba iiral ang Paraisong iyon?—Lucas 23 :43.