Ang Hawaii ay Nakakarinig ng Mabuting Balita Tungkol sa Pangglobong Paraiso
Ang Hawaii ay Nakakarinig ng Mabuting Balita Tungkol sa Pangglobong Paraiso
WAIKIKI Beach, Diamond Head, Pearl Harbor. Ano ba ang sumasaisip mo tungkol dito? Ayon kay Mark Twain ito “ang pinakamagagandang kumpol ng mga isla na napalilibutan ng ano mang karagatan.” Ang sabi naman ng iba’y ito “ang paraiso ng Pasipiko.” Oo, ang Hawaiian Islands ay kilalang-kilala dahilan sa kanilang likas na kagandahan—mapuputi at maiitim na buhanginan ng tabing-dagat, mga punong-niyog, pambihirang mga bulaklak, nag-uusok na mga bulkan, mga talon, bumubulang mga alon at kaakit-akit na mga paglubog ng araw.
Bagaman marami ang nag-aakalang ang Hawaii ay nasa South Seas, ang totoo’y mahigit na 1,000 milya (1,600 km) ito sa gawing norte ng ecuador sa Karagatang Pasipiko. Ang buong kapuluan ng Hawaii ay binubuo ng 132 isla, atoll, mga bahura at batuhan, na may lawak na humigit-kumulang 1,500 milya (2,400 km) buhat sa hilagang-kanluran hanggang sa timog-silangan. Ang populasyon ay sarisaring lahi at nasa bilang na 981,000 katao na naninirahan sa pito sa pinakamalalaking isla—Niihau, Kauai, Oahu, Molokai, Lanai, Maui at Hawaii.
May paniwala na ang Hawaii ay unang nadiskubre at pinanirahan ng mga katutubong Polynesian ng Marquesas Islands, at sinundan sila ng mga Tahitian. Sa mga Tahitian nanggaling ang pangalang Hawaii, na unang ipinangalan sa pinakamalaking isla ng grupo at nang magtagal ay naging pangalan ito ng buong kapuluan. Dati ay monarkiya ang pamahalaan nito at tinatawag na ang Kaharian ng Hawaii, nguni’t ngayon ay ito ang ika-50 estado ng Estados Unidos.
Nakarating sa Hawaii ang Mabuting Balita
Ang mabuting balita ay nakarating sa mga islang ito noong 1915, nang ang “pilgrim” na si Walter Bundy at ang kaniyang maybahay, kasama si Ellis Fox, ay dumating sa Hawaii. Kanilang ginanap ang unang pulong ng Bible Students (na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova) noong unang Linggo ng Pebrero 1915, at ang dumalo ay lima. Ang sunud-sunod na mga pagdalaw ng mga pilgrim nang mga
unang taon ng 1920’s ang tumulong sa pagpapalawak ng tunay na pagsamba sa Hawaii. Noong 1928 ang unang kombensiyon sa Hawaii ay ginanap sa McKinley High School auditorium, at 150 katao ang dumalo.Isa pang mahalagang pangyayari ang naganap noong 1935, nang dumalaw si J. F. Rutherford, pangulo noon ng Watch Tower Society. Ang Hawaii noon ay mayroon lamang 12 mamamahayag ng Kaharian. Gayunman, para sa bagong katatatag na sangay sa Honolulu, inaprobahan ni Brother Rutherford ang pagbili ng ari-arian sa mga kalye ng Pensacola at Kinau. Dito pa rin pinangangasiwaan ang gawaing pangangaral sa Hawaii.
Habang naroroon si Brother Rutherford ay isinaayos din niya ang pagtatayo ng isang bulwagan kaugnay ng bagong gusali ng sangay. Ang dakong pulungang iyon ay tinawag na “Kingdom Hall,” at magmula noong 1935 hangga ngayon, ang kanilang mga dakong pulungan ay tinatawag na mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.
Makalipas ang anim na taon, ang Hawaii at ang Estados Unidos ay napasangkot sa Digmaang Pandaigdig II dahilan sa pag-atake sa Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941. Mga ilang araw pagkatapos ng pagbomba rito, may mga sundalong dumating sa sangay at kanilang kinuha si Don Haslett, ang unang tagapangasiwa ng sangay, upang pagtatanungin sa army hedkuwarters. Nang malaunan ay pinalaya rin siya. Bagaman may pagrarasyon ng gasolina, curfew at kahirapan sa pagkakarga, patuloy na inuna ng mga Saksi ang mga intereses ng Kaharian. Noong 1946 ang mga kapatid sa Hawaii ay nakalaya buhat sa martial law at sa mga kalagayan na umiiral kung digmaan at ang pinakamataas na bilang nila ay 129 na mamamahayag.
Nang sumunod na mga taon pagkatapos ng digmaan, nagsimulang dumating sa Hawaii ang mga misyonerong nagsanay sa Watchtower Bible School of Gilead. Dahilan sa kanilang masigasig at buong-kaluluwang paglilingkod ay nagkaroon ng kahanga-hangang mga pagsulong, at noong 1957 ang Hawaii ay mayroong 1,019 na mamamahayag. Ang mainam na halimbawa ng mga misyonero ay malaki rin ang nagawa upang pasiglahin ang iba, lalo na ang mga kabataan, upang lumahok sa buong-panahong pangangaral. Maraming payunir (buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian) ang lumisan sa mga islang iyon upang maglingkod sa Brooklyn Bethel, ang punong-tanggapan ng Society,
at sa mga larangang misyonero sa Hapon, Taiwan, Micronesia, Samoa, Aprika at Timog Amerika.Lubus-lubusang Pagpapatotoo
Malimit na ang Hawaii ay tinatawag na isang “melting pot” ng maraming lahi. Sang-ayon sa senso noong 1980, ang populasyon ay binubuo ng 26.3 porciento na Caucasian, 23.5 porciento na Hapones, 18.9 porciento na Hawaiiano o mestisong Hawaiiano at 11.2 porciento na Pilipino. Kasali pa rin dito ang iba pa, gaya baga ng mga Intsik, Koreano, Samoano, Puerto Rican, mga negro at, kamakailan, mga Vietnames, Cambodian at Laotian.
Puspusang sinisikap na maipangaral ang mabuting balita sa sarisaring grupong ito na may iba’t-ibang wika. Mayroon na ditong mga kongregasyong Hapones, Koreano, Kastila at Samoano, at walong kongregasyong Pilipino na ang wikang ginagamit ay Iloko. Pagka ang mga taong hindi marunong ng Ingles ay naging interesado sa mabuting balita, sila’y tinutulungan ng karampatang kongregasyon. Ginagamit pati ang lokal na direktoryo ng telepono upang matagpuan ang mga taong may banyagang wika. Sa gayon, walang hindi ginagawa upang ang katotohanan ng Kaharian ay makarating sa “lahat ng uri ng mga tao.”—1 Timoteo 2:4.
Noong nakalipas na mga taon ay may napatayong mga condominium at pagkatataas na mga apartment dahil sa dumaraming mga nangangailangan ng bahay. Kailangan na ang mga kongregasyon ay gumamit ng sarisaring paraan ng paglapit upang mabigyan ng patotoo ang mga naninirahan sa “mga nakakulong” na ito. Isa sa gayong paraan ang pag-aalok ng mga magasin sa kalye. May mga umaga ng sanlinggo na ang mga mamamahayag ay nangakatayo na sa harap ng mga condominium sa ganap na alas-seis. At samantalang ang mga naninirahan doon ay paalis upang pumasok sa trabaho, sila’y inaalukan ng mga magasing Watchtower at Awake! Kasiya-siya ang resulta nito. Isang payunir sister ang nagbibida ng kung paano humantong sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang maikling pagpapatotoo isang umaga:
“May mag-asawang dala ang kanilang anak na lumabas sa condominium at papatungo sa kanilang kotse. Nilapitan ko ang asawang lalaki at ipinaliwanag ko kung bakit kami naroon. Kilala niya ang mga magasin at nagtataka siya dahil sa pagkaaga-aga naming pamamahaging iyon ng mga magasin. Galak na galak siyang makita ang mga magasin sapagka’t matagal na siyang hindi nakakakuha. . . . Inalukan ko ang mag-asawa ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at agad silang sumang-ayon, kaya’t ibinigay nila sa akin ang numero ng kanilang apartment. Makaanim na beses na dinalaw ko sila nang paulit-ulit nguni’t hindi ko dinatnan, subali’t sa wakas ay natagpuan ko rin at napasimulan ko ang pag-aaral. Ngayon, tuwing Linggo ako’t ang aking asawa ay nakikipag-aral sa mag-asawang ito sa aklat na The Truth That Leads to Eternal Life.”
Karamihan ng condominium ay may intercom kung kaya’t ang isang bisita ay maaaring tumawag sa isang nakatira roon. Ginagamit ng mga ibang mamamahayag ang intercom at kung mayroong sumagot ay ipinaliliwanag nila sa taong iyon ang kanilang layunin.
Sinubok ng isang kapatid na lalaki na gamitin ang ganoong paraan. Sa unang pagtawag ay wala siyang nasumpungang sinuman sa tahanan. Nang isang lalaki ang sumagot nang dumayal siya ng ikalawang numero, ang sabi ng brother na iyon: “Magandang umaga po. Ako po’y namamahagi ng isang pabalita ng pag-asang nasa Bibliya, at naghahanap po ako ng mga taong interesado pa rin sa Diyos at sa Bibliya.” Inanyayahan ng lalaki ang brother sa kaniyang apartment at mahigit na isang oras ang nagugol sa pagsagot sa kaniyang mga tanong.
Nang bumalik ang brother noong sumunod na linggo, ang asawa ng lalaking iyon ay naroon, at mayroong sariling mga tanong. Bago sumang-ayon na sila’y aralan
ng Bibliya, ipinasiya ng mag-asawa na magmasid muna sa isang pulong sa Kingdom Hall. Nang Linggong iyon ay dumalo sila sa pahayag pangmadla at sa pag-aaral ng Watchtower. Sila’y siyang-siya sa dalawang pulong at hangang-hanga sila sa kasiglahan at pagkapalakaibigan ng mga Saksi kaya agad pumayag sila na aralan sila ng Bibliya sa tahanan. Sila’y mabilis na umunlad at gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay. Kahit na nang malaunan ay bumalik na uli sila sa mainland, ang pag-aaral ay ipinagpatuloy at hindi lumipas ang isang taon at sila’y napabautismo. Ang lalaki ay isa na ngayong ministeryal na lingkod, at ang kaniyang asawa ay isang regular payunir.Nakalulugod na mga karanasang katulad nito ang nagpapatibay-loob sa mga kapatid upang magtiyaga sa paggamit ng lahat ng paraang maaaring gamitin upang lubus-lubusang makapagpatotoo. Kaya naman nagagawang mainam ang teritoryo. Sa katamtaman, ang atas sa kanila na teritoryo ay nagagawa ng mga kongregasyon nang minsan tuwing apat hanggang anim na linggo, at ang iba’y nagagawa ang kanila tuwing dalawang linggo.
Paglaganap ng “Espiritu ng Pagpapayunir”
Sa lumipas na mga taon ang mga payunir ay malaking tulong sa mga kongregasyon. Bagaman mahal ang mga bilihin at maraming kahirapan sa pamumuhay, mga tao na may sarisaring karanasan sa buhay at iba’t-ibang edad ang pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Sang-ayon sa mga ulat para sa 1982 sa katamtaman ay 20 porciento ng mga mamamahayag sa Hawaii ang regular o auxiliary na mga payunir, na gumagawang kaugnay ng halos lahat ng 59 na mga kongregasyon sa estado.
Ang isa sa mga kongregasyong ito ay may 95 mamamahayag at 29 na mga payunir. Isang hinirang na matanda sa kongregasyong iyon, na 20 taóng payunir (17 taon nito ang ginugol niya bilang espesyal payunir), ang nagsasabi ng ganito tungkol sa kung paano niya tinutulungan ang iba upang makapagpayunir:
“Isang bentaha ng pagiging payunir at elder ay yaong nagagawa kong makasama ang mga mamamahayag sa paglilingkod sa larangan araw-araw at nakikilala kong mabuti sila pati ang kanilang mga kalagayan. . . . Bago ko himukin ang sinuman na magpayunir, nananalangin muna ako kay Jehova na alalayan ako at patnubayan upang makapagsalita ako nang nararapat at dumuon sa mamamahayag ang espiritu ni Jehova upang tugtugin ang kaniyang puso. Sa tulong ni Jehova ay sinisikap kong marating ang puso ng taong iyon, at ipinaliliwanag ko buhat sa Kasulatan ang kaiklian ng panahon, ang kahalagahan ng pangangaral, ang dahilan kung bakit kailangan ang mga payunir at kung paano matutulungan siya nang malaki ng pagpapayunir.
“Kung inaakala niyang hindi siya makagugugol nang 90 oras isang buwan sa pangangaral, ipinakikita ko sa kaniya ang isang praktikal na iskedyul, kung paano makapaglalagay ng 90 oras, at may matitira pang panahon para sa kaniyang sarili at sa iba pang mga pananagutan niya.
“Kung kulang siya ng tiwala dahilan sa kahirapan ng pamumuhay, buhat sa mga lathalain ng Samahan ay ibinibida ko sa kaniya ang mga karanasan niyaong nasa mga gayong kalagayan na ngayo’y mga payunir. Isa pa, gumagamit ako ng mga teksto na tutulong sa kaniya upang maging lalong malapit kay Jehova at magbibigay sa kaniya ng kinakailangang pampatibay-loob upang magkaroon ng pasulong na kaisipan.
“Pagka ikinatuwiran niyang baka wala siyang maipamasahe o may iba pang pagdadahilan, sinisiguro ko sa kaniya na lahat ng kapatid sa kongregasyon ay handang tumulong sa kaniya sa ano mang paraang maaari upang siya’y makapagpayunir. Sa gayo’y nawawala ang kaniyang paurong na kaisipan dahilan sa praktikal na payo na tinatanggap niya.”
Kabilang sa 90 natulungan ng elder na ito upang magpayunir ang ilang mga kapatid na naglilingkod ngayon sa Brooklyn Bethel at mga misyonero sa Hapon at Micronesia. Sa wakas ay sinabi ng elder na ito: “Ang mahalaga ay gumawa ka kasama ng iba’t-iba sa larangan at ihasik
mo ang ‘espiritu ng pagpapayunir’ sa kongregasyon.”Ikinagagalak ang Pagsulong
Malaki na ang matagumpay na naisagawa sapol ng unang pulong na iyon na ginanap sa Honolulu noong 1915. Noong Marso 29 ng nakaraang taon, sa Alaala ng kamatayan ni Jesus, ang kabuuang bilang ng mga dumalo para sa kapuluan ng Hawaii ay 14,151, 9 na porciento ang isinulong kaysa noong 1982. Bilang pinakamataas, 4,937 mga mamamahayag ng Kaharian ang naglingkod sa larangan noong Hulyo 1983. Mahigit na isang milyong oras ang ginugugol sa ministeryong Kristiyano taun-taon. Ang sangay sa Hawaii ay nag-uulat ngayon na ang katumbasan ng mamamahayag sa populasyon ay humigit-kumulang 1 sa 200 katao sa estado. Ang paglagong ito ay tunay na isang katunayan ng 68 taong pagpapala ni Jehova sa gawaing pangangaral.
Malaki pa ang gawain sa maririkit na islang ito. Ang larangan ay mabunga pa. May kagalakan na ang mga tagapagbalita ng Kaharian sa kapuluan ng Hawaii ay nag-aanyaya sa iba: “Halikayo, . . . umahon tayo sa bundok ni Jehova . . . at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan.” (Isaias 2:3) Inaasahang marami pa ang tutugon sa paanyayang ito at sa gayo’y pagpapalain upang mabuhay sa panahon na hindi lamang ang Hawaii kundi ang buong lupa ay magiging isang Paraiso.
[Mapa/Larawan sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KAULA
NIIHAU
LEHUA
KAUAI
OAHU
MOLOKAI
LANAI
MAUI
KAHOOLAWE
HAWAII