Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Ipinagtanggol ang Pagsambang May mga Rituwal
Sa labas kamakailan ng U. S. Catholic, ganito ang isinulat ng punong editor na si Robert E. Burns: “Tayo’y namumuhay sa isang daigdig na totoong napakamasalimuot at napakaraming pang-abala, kaya naman napakahirap na sumunod ka sa isang malinis na pamumuhay . . . At diyan pumapasok ang pangangailangan ng mga larawang relihiyoso at aguwa bendita at ng marami pang bagay na may kaugnayan sa rituwal.”
Sa kaniyang tudling na ito, ang editor na si Burns ay nagbibigay-babala tungkol sa pagsamba na walang “mga rituwal na pumupukaw sa ating mga emosyon at sa ating kaisipan.” Inaakala niya na ang mga rituwal at mga simbolo ang “marahil mga pamamaraan na hindi maiwawalay” sa “pagbabaling sa Diyos ng ating mga pag-iisip.”
Si Burns at ang iba pang mga autoridad na Katoliko ay nag-aakala marahil na ang isang katerbang iba pang mga bagay ng “rituwal” ay makatutulong sa pagsamba sa Diyos. Subali’t pansinin ang sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa “uri ng mananamba na ibig ng Ama.” Sa isang babae na may akala noon na kailangang pumunta ka upang doon ka sumamba sa isang partikular na bundok, sinabi ni Jesus.: “Ang Diyos ay espiritu, at yaong mga sumasamba ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.” Sa pagsamba “sa espiritu” ay malinaw na hindi kasali ang paggamit ng mga bagay na nakikita gaya rin ng ipinakita ni apostol Pablo, na nagsabing ang mga Kristiyano ay lumalakad “sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin.”—Juan 4: 23, 24; 2 Corinto 5:7, Katolikong Jerusalem Bible.