“Ang Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una”
“Ang Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una”
“Mayroon akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang pag-ibig na taglay mo noong una. Kaya’t alalahanin mo kung saan ka nahulog, at magsisi ka.”—Apocalipsis 2:4, 5.
1, 2. (a) Anong payo ang ibinigay ni Jesus sa kongregasyon sa Efeso? (b) Ano marahil ang naging epekto ng mga salitang ito?
ISA ka bang saksi ni Jehova na marami nang mga taon ng tapat na paglilingkod? Kung gayon, ano kaya ang madama mo kung ang isang lubhang iginagalang mo ay nagsalita sa iyo nang ganiyan? Ikagalit mo kaya? O aakalain mong siya’y nagkamali o ang pinagsasalitaan niya ay hindi yaong dapat na pagsabihan niyaon?
2 Bueno, halos may 1,900 taon na ngayon ang nakalipas ang kongregasyon, o ecclesia, sa Efeso sa Asia Minor ay pinagsabihan niyan sa isang mensahe na ipinahatid sa kaniya ng walang iba kundi ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Tiyak na nabigla sila sa kaniyang mga sinabing iyan. Ang mga Kristiyanong iyon sa Efeso ay nangagtiis alang-alang sa pangalan ni Jesus at kanilang nilabanan ang impluwensiya ng mga apostata sa loob ng mahigit na 40 taon. (Gawa 18:18, 19; Efeso 1:1, 2) “Nalalaman ko ang iyong mga gawa,” ang sabi ni Jesus, “at ang iyong pagpapagal at pagtitiis, at hindi mo matitiis ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagpapanggap na apostol, at sila’y hindi gayon, at sila’y masumpungan mo na pawang bulaan.” (Apocalipsis 2:2) Sila’y “nasa katotohanan” pa rin, gaya ng masasabi natin. Kaya’t ano ba ang problema?
3. Ano ba ang problema ng mga Kristiyano sa Efeso?
3 Kanilang iniwala ‘ang pag-ibig na taglay nila noong una.’ Hindi na sila naglilingkod na taglay ang dating sigasig ng pag-ibig Kristiyano kay Jehova na gaya noong una. Kaya naman, sila’y mabagal gayon sa pagkilos. Kaya, sila’y pinaalalahanan ni Jesus: “Alalahanin mo kung saan ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang iyong mga dating gawa.”—Apocalipsis 2:5.
4. Anong babala ang makukuha natin sa karanasan ng mga taga-Efeso?
4 May babala rito para sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Pinatutunayan nito na yaong may mahahabang karanasan na bilang masigasig na mga Kristiyano ay maaaring magsipanlamig. Sa panlabas ay waring malalakas pa rin sila, subali’t sa loob ay baka nawalan na sila ng matimyas na pag-ibig kay Jehova na dating taglay nila. Sa isang liham sa mga taga-Corinto, si Pablo ay nagbigay ng babala: “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.” (1 Corinto 10:12) Upang tulungan tayo sa bagay na ito, tingnan natin kung paano nakamit ng mga taga-Efeso ang kanilang pag-ibig at kung paano sila natulungan na manatili roon.
Ang Kristiyanismo sa Efeso
5, 6. Papaano at kailan ipinangaral sa Efeso ang mabuting balita?
5 Noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, ang lunsod ng Efeso ay isang mayaman at maunlad na kabisera at sentro ng malaganap na kulto ng paganong diyosa na si Artemis (o, si Diana). Ang turo tungkol kay Jesus bilang ang Mesiyas ni Jehova ay unang narinig doon noong 52 C.E. sa pinakahuli, nang si Pablo ay dumating doon galing sa Corinto at kasama niya ang mag-asawang sina Aquila at Priscilla. Si Pablo ay hindi lumagi roon, nguni’t si Aquila at Priscilla ay namalagi roon. Nang ang isang kilalang tagapagsalita, si Apollos, ay nagsimulang nagturo roon “nang may kawastuan” tungkol kay Jesus, ang Kristiyanong mag-asawang ito ay tumulong upang ituwid ang maling pagkaunawa niya tungkol sa bautismo. Si Apollos ay nagpatuloy at naging isang masigasig na manggagawa sa kongregasyon noong unang siglo.—Gawa 18:24-28.
6 Makalipas ang mga ilang buwan, si Pablo ay bumalik sa Efeso at nadatnan niya roon ang isang grupo ng mga 12 alagad na nangabautismuhan sa bautismo ni Juan. Sa pagtugon sa mga salita ni Pablo, sila’y muling napabautismo. Pagkatapos, may tatlong buwan na siya (si Pablo) ay nangaral sa sinagoga. Nguni’t nang karamihan sa mga Judio ay hindi tumugon, si Pablo at ang mga bagong alagad ay lumipat sa auditorium ng paaralan ni Tiranno at doo’y nagpahayag siya nang araw-araw.—Gawa 19:8-10.
7, 8. Anong mahalagang mga pangyayari ang naganap nang bago pa lamang umuunlad ang kongregasyon sa Efeso?
7 Ngayon ay nagsimula ang isang kaayaayang panahon sa Efeso. Si Jehova ay gumawa ng kahima-himalang pagpapagaling sa pamamagitan ni Pablo. Gumaling ang mga maysakit kahit na mahipo lamang nila ang kaniyang damit, at napabalita ang kaniyang pangangaral sa buong lugar na iyon. (Gawa 19:11-17) Sa isang liham na isinulat niya noon, sa kongregasyon sa Corinto, sa kabilang ibayo ng Dagat Aegeano, sinabi ni Pablo: “Ako ay titigil sa Efeso hanggang sa kapistahan ng Pentecostes; sapagka’t nabuksan sa akin ang isang malaking pinto na patungo sa gawain, nguni’t marami ang mga mananalansang.”—1 Corinto 16:8, 9.
8 Si Pablo ay tumigil sa Efeso nang mahigit na dalawang taon. Marami ang nakaalam ng tungkol sa pambihirang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa pagsusugo sa kaniyang bugtong na Anak upang yaong mga sumasampalataya ay magtamo ng buhay na walang hanggan. Kanilang tinanggap ang katotohanan, at sila’y kinakitaan ng malaking pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak. Ang mga dating nagsisigamit ng kabihasnang mahika ay “nagsipagtipon ng kanilang mga aklat at pinagsusunog ang mga iyon sa paningin ng lahat. At kanilang tinuos ang halaga niyaon at nasumpungan na nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak. Sa gayo’y lumagong totoo ang salita ni Jehova at nanaig.” (Gawa 19:19, 20) Gunigunihin ang pagkalawak-lawak na pagpapatotoong iyon!
9. Papaano nasubok ang tindi ng pag-ibig ng bagong kongregasyon?
9 Hindi nalaunan at nasubok ang tindi ng pag-ibig ng mga taga-Efeso. Sa Efeso, maraming panday-pilak ang kumikita nang malaki sa paggawa ng mga dambanang pilak ni Artemis. Ngayon na ang bagu-bagong kongregasyong Kristiyano ay nagsisilbing panganib sa kanilang hanapbuhay, isa sa kanila, si Demetrio, ang nanghimok sa kaniyang mga kapuwa panday-pilak na magbangon ng kaguluhan. Ang buhay ng mga Kristiyano ay napasapanganib kung hindi sinawata ng kalihim-bayan ang mga manggugulo. (Gawa 19:23-41) Marahil ay mayroon pang nakakatulad na mga pagsubok na hindi nakasulat sa Bibliya, sapagka’t si Pablo ay may binanggit na ‘pakikipagbaka sa Efeso laban sa mababangis na hayop.’ (1 Corinto 15:32) Gayunman, ang maningas na pag-ibig kay Jehova ng mga taga-Efeso ang tumulong sa kanila na magtiis.
10. Nang sumunod ay papaano naman sinikap ni Pablo na patibayin-loob ang hinirang na matatanda sa Efeso?
10 Sa wakas, nilisan ni Pablo ang Efeso. Subali’t noong 56 C.E., samantalang patungo sa Jerusalem, siya’y naparaan sa Mileto, 30 milya (48 km) lamang ang layo roon. Kaya’t tumawag siya ng pulong ng hinirang na matatanda sa Efeso at ipinayo sa kanila na sila’y tumulad sa kaniyang halimbawa at magpastol sa kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa kanila. At lalong higit na kaniyang pinaalalahanan sila laban sa “ganid na mga lobo” na lilitaw sa gitna nila at ililigaw ang mga alagad. At sinabi rin niya na malamang na hindi na niya makita sila uli nang mukhaan. Kaya “silang lahat ay nagpanangisan nang ganiyan na lamang, at nagsiyakap sa leeg ni Pablo at kanilang hinagkan siya nang magiliw.”—Gawa 20: 17-38.
11. Ano ang nabalitaan ni Pablo tungkol sa mga taga-Efeso nang siya ay nasa Roma?
11 Nang dumating si Pablo sa Jerusalem ay inaresto siya at sa wakas ay ipinadala siya sa Roma bilang isang bilanggo. Doon, muling naalaala niya ang kaniyang mga kapatid sa Efeso, at isinulat niya ang liham na nasa Bibliya at pinamagatan na “Sa mga taga-Efeso.” Ang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak ng mga Kristiyano sa Efeso ay matibay pa rin hanggang sa puntong ito, yamang sinabi sa kanila ni Pablo: “Ako rin naman, pagkarinig ko ng tungkol sa inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at may kaugnayan sa lahat ng mga banal, ay hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo.”—Efeso 1:15-17.
12. Anong payo ang isinulat ni Pablo buhat sa Roma na marahil nakatulong sa mga taga-Efeso upang mapanatili ‘ang pag-ibig na taglay nila noong una’?
12 Sa kaniyang liham, si Pablo ay nagbigay ng mainam na payo na ang layunin ay tumulong sa kanila na mapanatili ang kanilang pag-ibig. Kaniyang ipinaalaala sa kanila na sila’y nabubuhay sa mga araw ng kabalakyutan at, sa gayon, dapat nilang “samantalahin ang karapat-dapat na panahon,” at huwag hayaang ang ibang mga bagay ay makapigil sa kanila ng paggawa ng kalooban ng Diyos. (Efeso 5:15-17) Ipinagunita rin ni Pablo sa mga taga-Efeso na ang kanilang tunay na mga kaaway ay hindi yaong mga tao na sumasalansang sa kanila. Bagkus, sinabi niya, “Ang ating pakikipagbaka ay . . . laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.” Kaya naman, mahigpit na ipinayo niya sa kanila na sila’y magbihis ng espirituwal na kagayakang baluti at laging makipagtalastasan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.—Efeso 6:11-18.
13. Papaano natulungan ni Timoteo ang mga taga-Efeso?
13 Ang kaniyang liham sa mga taga-Efeso ay isinulat ni Pablo noong humigit-kumulang 60 o 61 ng ating Karaniwang Panahon. (Efeso 1:1) Hindi natagalan pagkatapos, si Timoteo ay dumalaw sa Efeso at, samantalang naroroon, tumanggap siya ng liham kay Pablo na tinatawag natin na Unang Timoteo. Doon ay ipinayo ni Pablo sa nakababatang lalaking ito na tumigil doon sa Efeso upang “ipag-utos sa mga ilan doon na huwag magturo ng naiibang aral, ni huwag makinig sa mga katha-katha at sa mga talaangkanan, na sa walang kabuluhan humahantong.” (1 Timoteo 1:3, 4) Tiyak na ang pagkanaroroon ni Timoteo sa lunsod ang tumulong sa karamihan ng mga Kristiyano sa Efeso upang mapanatili ang kanilang masigasig na pag-ibig kay Jehova bagaman sila’y napaliligiran ng masamang impluwensiya.
14. (a) Papaano pinalakas ni Jehova ang mga taga-Efeso? (b) Sa kabila nito, ano ang nangyari sa kanila?
14 Humigit-kumulang 65 C.E., isinulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo. Doon ay binanggit niya na siya’y nagpadala sa Efeso ng isa pang sugo, si Tiquico. (2 Timoteo 4:12) Iyan ang huling balita na mababasa natin tungkol sa Efeso hanggang sa ipadala ni Jesus ang kaniyang mensahe na nakasulat sa aklat ng Apocalipsis. Ang mga Kristiyano sa Efeso ay bunga ng pangangaral ni apostol Pablo. Sila’y makinabang sa mga pagdalaw noong malaunan ng mga tanyag na Kristiyano na gaya baga ni Timoteo, tumanggap ng payo sa pamamagitan ng isang liham na kinasihan ng banal na espiritu at sila’y bahagi ng “isang katawan.” (Efeso 4:4) Gayunman ay kanilang naiwala ang ‘pag-ibig na taglay nila noong una.’
Kailangan ang Mahigpit na Payo
15, 16. (a) Bakit marahil ay aakalain ng iba na medyo nanlalamig ang mga taga-Efeso sa maningas na pag-ibig na taglay nila noong una? (b) Ganoon ba ang paniwala roon ni Jesus?
15 Marahil aakalain ng iba na magkakagayon nga, na medyo manlalamig ang pag-ibig ng mga taga-Efeso. Kung tutuusin, mahigit na 40 taon na ang kongregasyon sa Efeso nang ang kaniyang mensahe ay ipadala ni Jesus sa pamamagitan ni Juan. Marahil, marami ang sa ganang sarili nila’y nakalimot na sa mainam na halimbawa nina Aquila at Priscilla at sa kapana-panabik na pangangaral ni Apollos. Si apostol Pablo ay 30 taon nang patay. Ang Jerusalem naman ay nawasak na may dalawamput’-limang taon na noon ang nakalipas. Kaya naman maaasahan na ang mga Kristiyano sa Efeso ay mananahimik na, at mawawala sa kanila ang diwa ng pagkaapurahan at ang kasigasigan.
16 Datapuwa’t, hindi nakalampas kay Jesus ang gayong dahilan. Ang mga iba na naging Kristiyano nang kasingtagal ng mga taga-Efeso o kaya’y nang lalong matagal ay hindi naman nanlamig sa kanilang ‘unang pag-ibig.’ Si apostol Juan, na sumulat ng mensahe ni Jesus sa mga taga-Efeso, ay tagasunod na ni Kristo nang mahigit na 20 taon nang ang mabuting balita ay dalhin ni Pablo sa Efeso. Isa pa, ang mga kaugnay sa kongregasyon sa Filadelfia ay isang mariing katibayan na taglay pa rin nila ang ‘pag-ibig nila noong una.’—Apocalipsis 3:7-11.
17. Ano ba ang payo ni Jesus sa mga Kristiyano sa Efeso?
17 Samakatuwid, may katuwiran si Jesus na pagsabihan ang mga taga-Efesong iyon na kung sila’y hindi magsisisi at hindi nila muling paniningasin ang kanilang pag-ibig, sila man ay itatakuwil. Sinabi niya: “Aalisin ko ang iyong kandelero sa kaniyang kinalalagyan, maliban na magsisi ka.” (Apocalipsis 2:5) Hindi gaanong isang pagbabanta ito kundi isang maibiging paalaala sa mga Kristiyanong iyon, na nagpapayo sa kanila na kumilos sila nang may kapantasan at sa gayo’y huwag maiwala ang kanilang mga pribilehiyo.
Kung Bakit Iniwan ang ‘Unang Pag-ibig’
18, 19. (a) Anong sigasig ang ipinakita ng mga Israelita nang sila’y palayain buhat sa Ehipto? (b) Bakit nila naiwala ang sigasig na iyon?
18 Bakit ba naiwawala ng mga tao ang kanilang unang pag-ibig kay Jehova at ang kanilang sigasig sa paggawa ng kaniyang kalooban? Hindi sinasabi sa atin ng Bibliya ang nangyari sa mga taga-Efeso. Nguni’t mayroong mga ibang halimbawa sa Bibliya ng nakakatulad na pangyayari. Alalahanin ang mga Israelita na pinangunahan ni Moises sa paglabas sa Ehipto. Pagkatapos na masaksihan nila ang mga himalang ginawa ni Jehova na ang sukdulan ay yaong paglipol kay Faraon at sa kaniyang mga hukbo sa Dagat na Pula, lubhang masisigla ang nakalayang mga lingkod ng Diyos. “Sino ba sa mga diyos ang gaya mo, Oh Jehova?” ang inawit nila nang buong kagalakan. (Exodo 15:11; Awit 136:1, 15) Nang malaunan, noong si Jehova ay gumawa ng pakikipagtipan sa kanila, sila’y nagkaisa nang pagsasabi: “Lahat ng sinalita ni Jehova ay handa kaming gawin at susundin namin.”—Exodo 24:7.
19 Gayunman ay dagling nagbago ang loob ng mga Israelita. Dahilan sa pansamantalang pagkukulang sa tubig, pagkukulang ng mga ilang pagkain, pagkatakot sa mga Canaaneo at iba pang mga problema kanilang nakalimutan ang mga himala ni Jehova at ang kaniyang pakikipagtipan sa kanila. Aba, kahit na malayong-malayo na sila sa Ehipto, na lupaing umalipin sa kanila, ito’y nagtinging kaakit-akit sa kanila. Kanilang nakalimutan ang kabagsikan at kalupitan ng mga Ehipsiyo at wala silang naisip kundi ‘ang isda, ang pipino, ang pakuwan, ang puero, ang sibuyas at ang bawang na kinain nila noon doon.’—Bilang 11:5.
20, 21. (a) Anong nakatutuwang balita ang narinig ng mga Judio noong panahon ni Ciro, at ano ang naging epekto nito? (b) Ano ang dahilan ng pagpanaw ng kanilang kasiglahan?
20 Alalahanin din ang mga Judio na nagsibalik galing sa pagkabihag sa Babilonya noong 537 B.C.E. Gunigunihin ang kanilang katuwaan nang kanilang marinig ang pahayag ni Ciro: “Si Jehova . . . ang nagsugo sa akin na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa ang kaniyang Diyos. Kaya’t umahon siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at itayong muli ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel.” (Ezra 1:2, 3) Libu-libo ang nagsitugon, at nag-uumapaw ang kagalakan nang sa wakas ay mailatag ang pundasyon ng bagong templo.—Ezra 2:64; 3:10-13.
21 Subali’t, ang kasiglahang iyon ay dagling pumanaw. Ang mga kaaway sa palibot ay nagsitutol at nagmaniobra sila upang gumawa ng isang utos buhat sa namiminuno para pahintuin ang pagtatayo ng templo. (Ezra, kabanata 4) Ang mga Judio ay nagsimula ng pagtatayo ng magagandang bahay para sa kanilang sarili. (Haggai 1:4) Mangyari pa, sila’y naniniwala pa rin na mga tagasunod sila ng relihiyong Judio. Hindi pa nila iniiwan ang kanilang pananampalataya. Nguni’t naiwala na nila ang maningas na pag-ibig na taglay nila noong una para kay Jehova at sa mga intereses ng tunay na pagsamba. Marahil, ang akala nila ay timbang sila o makatuwiran sa kanilang ginagawa. Nguni’t hindi ganoon ang pagkakilala sa kanila ni Jehova. Kaniyang sinugo ang mga propetang sina Haggai at Zacarias upang pukawin ang kanilang sigasig at palakasin-loob sila na tapusin ang pagtatayo ng bahay ni Jehova.—Ezra 5:1, 2.
22, 23. (a) Ano ang maaaring dahilan ng pagwawala ng mga Kristiyano sa ngayon ng pag-ibig na taglay nila noong una? (b) Anong mga tanong ang napapaharap para talakayin natin?
22 Isang bagay na nahahawig diyan ang maaaring mangyari sa mga Kristiyano sa panahon natin. Ang araw-araw na mga problema ng pamumuhay sa isang daigdig na di-Kristiyano ay maaaring makaalis ng kanilang kagalakan. Sa paglipas ng panahon, ang katotohanan ay baka luma na ang pakiwari nila at hindi na kapana-panabik. At maaari pa ngang mangyari na, samantalang pinapawi ng panahon ang alaala ng pamumuhay sa sanlibutan, baka magtinging katakam-takam sa Kristiyano ang umano’y kalayaan, ang kawalan ng responsabilidad, na taglay ng mga tao ng sanlibutan. (Efeso 2:11, 12) O baka ang mga Kristiyano ay manlupaypay dahilan sa iginagawi ng mga tao sa palibot nila. Baka tubuan sila ng kaisipan na mas makatuwiran na medyo magpa-easy-easy muna sa paglilingkod sa Diyos, o magpahinga muna nang kaunti.—Jeremias 17:9.
23 Marahil ay ganiyan ang nangyari sa mga Kristiyano sa Efeso, nguni’t naniniwala si Jesus na sila’y maaari pang makabangon. Sa katunayan, sa pamamagitan ni apostol Pablo ay tumanggap na sila ng maraming payo na, kung ikakapit, ay tutulong sa kanila upang mapanumbalik ‘ang pag-ibig na taglay nila noong una.’ Ano ba ang mahalagang payong ito? At tutulong kaya ito upang mapanatili natin ngayon ang ating ‘unang pag-ibig’? Ating tatalakayin ito sa sumusunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba—
□ Ano ba ang problema sa kongregasyon sa Efeso?
□ Ano bang tulong ang ibinigay sa kanila ni Jehova?
□ Bakit nawala ang sigasig ng mga Israelita noong panahon ni Moises?
□ Noong panahon ni Ezra ano ang nagpawala ng kasiglahan ng mga Israelita?
□ Ano ang maaaring umakay sa atin na maiwala ‘ang pag-ibig na taglay natin noong una’?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 11]
Marahil dahil sa materyalismo, iniwan ng mga kaugnay sa kongregasyon sa Efeso ang pag-ibig na taglay nila noong una
[Larawan sa pahina 12]
Itinanong ni Haggai sa mga Judio: ‘Panahon ba na tumira kayo sa inyong maririkit na tahanan, samantalang giba-giba ang bahay ng Diyos?’