Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Armagedon Muna Bago Paraiso

Armagedon Muna Bago Paraiso

Armagedon Muna Bago Paraiso

ISRAEL. Ang pangalang iyan ay malimit na binabanggit sa larangan ng relihiyon pagka pinag-uusapan ang dakilang digmaan ng Diyos. Hindi kataka-taka, kung gayon, na marami ang nakatuon ang pansin sa Gitnang Silangan! Datapuwa’t, si apostol Pablo, na isinilang na isang Hebreo, ay sumulat: “Hindi lahat ng nanggaling sa Israel ay talagang ‘Israel,’ . . . Samakatuwid baga, ang mga anak sa laman [ang natural na mga Judio] ay hindi talagang siyang mga anak ng Diyos.” Iniwala ng bansang Judio ang pribilehiyo na pagiging “Israel” ng Diyos dahilan sa kanilang pagtatakuwil kay Jesu-Kristo bilang ang Mesiyas. (Roma 9:6-8; Mateo 21:43) Sa gayon, ang propetang Hebreo na si Moises ay nagbabala na kapahamakan ang magiging resulta ng pagsuway sa Diyos na Jehova.—Deuteronomio 28:58-68.

Sino, kung gayon, ang “Israel” na tinukoy ni Pablo? Siya na rin ang nagpapaliwanag: “Siya’y isang Judio sa loob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa espiritu.” (Roma 2:28, 29) Ang mga hula tungkol sa Armagedon ay kumakapit unang-una, hindi sa isang lugar sa Gitnang Silangan, kundi sa isang kalagayang pambuong daigdig.

Ang Daan na Patungo sa Armagedon

Mga digmaang pandaigdig, mga lindol, kakapusan sa pagkain, paglago ng katampalasanan—iyan ang binanggit ni Jesus na magiging “tanda” ng kaniyang di-nakikitang “pagkanaririto” at ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Malimit nang pinatutunayan sa Kasulatan sa lathalaing ito na tayo’y nabubuhay sa mga huling araw ng sistemang ito sapol ng sukdulang taon ng 1914. Isa pang karagdagang ebidensiya nito ang kasalukuyang katuparan ng mga sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa, at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3-14) Ang mga kaanib sa tunay na “Israel ng Diyos” ang nanguna sa pangangaral na ito sa 205 mga bansa. Samakatuwid, tiyak na pagkalapit-lapit na “ang wakas.”

Papaano, sa gayon, dumarating “ang wakas”? Makabubuo ng hustong larawan kung pag-uugnay-ugnayin ang mga bahagi ng hula na kalat-kalat sa buong Bibliya. Bilang halimbawa: Gaya ng inihula ni Daniel, ang komunistang “hari ng hilaga” at ang karibal na di-komunistang “hari ng timog” ay kasalukuyang nagpapaligsahan para masakop ang daigdig. Ano ang susunod? Nakita ni Daniel sa pangitain na ang komunistang “hari ng hilaga” ay puwersahang mangangamkam ng materyal na mga kayamanan, na kinakatawan ng “ginto,” “pilak” at “lahat ng kanais-nais na mga bagay.”—Daniel 11:40-43. a

Gayunman, sa papaanuman ay magkakasundo ang mga pinuno ng daigdig. Sila’y sisigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” (1 Tesalonica 5:1-3) Subali’t, dagling mawawasak ang gayong kalagayan. Ang mga pinunong politiko, na sawa na sa panghihimasok ng makasanlibutang relihiyon, ay magkakaisa-isa upang lipulin iyon—nang buong bilis, di-mapag-aalinlanganan. Nguni’t ang Diyos na Jehova mismo ang magpapangyari na ang higit sa lahat na kasuklam-suklam na bahaging ito ng organisasyon ni Satanas, ang huwad na relihiyon, ay malipol.—Apocalipsis 17:1-18.

Subali’t, ang tunay na “Israel” ay makakaligtas, bagaman hindi sa pamamagitan ng pagkuha sa kanila rito sa lupa at pagtataas sa kanila sa ibang kalagayan, gaya ng sinasabi ng ibang makabagong mga predikador. Ipinakikita ni propeta Ezekiel kung ano ang mangyayari, una muna’y sinisipi rito ang sinabi ni Satanas (tinatawag dito na Gog): “Sasampahin ko sila na nasa katahimikan [ang mga lingkod ni Jehova], na nagsisitahang tiwasay.” Yamang inuudyukan ng kaniyang pusakal na pagkapoot sa “babae” ng Diyos, ang mga tunay na Kristiyano ay sasalakayin ni Satanas. (Ezekiel 38:2, 11, 12) Ang tagisan ng lakas na iyan, na inihula mga siglo na ang nakalipas, ay sasapit kung gayon sa sukdulan.

Tutugunin ni Jehova ang pagsalakay ni Gog at kaniyang ipagtatanggol ang Kaniyang bayan. Sila’y ililigtas, ukol sa higit pang ikababanal ng pangalan ng Diyos. At mangyayari iyan sapagka’t si Jehova mismo ang nagpapangyari ng Armagedon.—Ezekiel 38:18-23.

‘Sa Dako na Tinatawag na Har-Magedon’

Sa Bibliya sa aklat ng Apocalipsis ay inihula na “karumaldumal na kinasihang mga pananalita” ang “magpupunta sa mga hari ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Palibhasa’y kinasihan ni Satanas na propaganda ang nagsusulsol sa “mga hari,” sila’y matitipon “sa dako na tinatawag sa Hebreo na Har-Magedon [“Bundok ng Megiddo”].”—Apocalipsis 16:13-16.

Walang tunay na bundok na may ganiyang pangalan. Totoo, noong sinaunang panahon sa Bibliya nagkaroon ng maraming digmaan malapit sa isang lunsod na tinatawag na Megiddo. Subali’t noong nakaraan at kahit ngayon ay walang bundok doon—mayroon lamang isang bunduk-bundukan. At lahat ng hukbo sa daigdig ay hindi magkakasiya sa Kapatagan ng Esdraelon, sa gawing ibaba ng Megiddo, gaya ng ginuguniguni ng iba. Bagaman ang salitang “Har-Magedon” ay makikitang hinango sa Megiddo, ang talagang ibinabadya nito ay nasa kahulugan ng salitang iyan, alalaong baga, “bundok na pinagtitipunan ng mga hukbo.” Lahat na ito ay nagpapakita na ang Armagedon ay hindi isang dako, kundi, bagkus, isang kalagayan: ang pagtitipon o paghahanay-hanay ng sanlibutan laban sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga lingkod.

Sa puntong ito, si Jehova mismo ay sasali na sa labanan. “Habang buhay pa,” o gumagana pa, ang mga organisasyong politikal ay lilipulin. (Apocalipsis 19:20) Di-kawasang kaguluhan at kagitlaanan ang iiral samantalang bumabagsak ang mga pamahalaan! Kung magkagayo’y mangingilabot ang mga tao sa lupa ng kakilabutan na hindi mailalarawan habang inaaryahan ni Jehova ang kaniyang higit na makapangyarihang mga armas. (Ezekiel 38:18-23; Zacarias 14:12, 13) “At ang mapapatay ni Jehova sa araw na yao’y magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.”—Jeremias 25:33.

Si Jesu-Kristo, ang pangunahing “binhi” ng “babae” ng Diyos, o kaniyang organisasyon sa langit, ang mangunguna samakatuwid sa mga hukbo ng mga anghel tungo sa tagumpay. Si Satanas ay igugupo at ihahagis sa “kalaliman” o pagkabilanggo nang may isang libong taon. (Apocalipsis 20:1-3) Nguni’t ang mga lingkod ni Jehova ay ililigtas at itatawid sa dakilang digmaan ng Diyos.—Mateo 24:21, 22, 37-39.

Pagkatapos—Isang Mapayapang Paraiso!

Pagkatapos na pagkatapos ng Armagedon ay kawasakan ang masasaksihan sa buong lupa. Ang trabaho na pagsasauli sa lupa upang maging isang Paraiso ay waring pagkalaki-laki. Nguni’t ito’y matagumpay na maisasagawa sa ilalim ng patnubay ng makalangit na pamahalaan ng Diyos. Sa takdang panahon ang buong lupa ay makakatulad na rin ng unang tahanan ng tao, ang halamanan ng Eden, at ang matuwid na mga tao ay “lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan” na iiral sa buong globo.—Awit 37:11.

Sa wakas, ang lupa ay magiging isang Paraiso na kung saan ang sangkatauhan ay magtatamasa ng maraming pagpapala sa espirituwal at sa materyal. Aba, ‘ang tabernakulo ng Diyos ay sasa-gitna ng sangkatauhan’! At samantalang sumusunod ang mga tao sa patnubay ng makalangit na pamahalaan, “papahirin [ng Diyos] ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man.” (Apocalipsis 21:1-4) Kasakdalan ang hahalili sa sakit, kalungkutan at maging sa kamatayan man.

Ang Dako ng Kaligtasan?

Kung gayon, dapat na maging palaisip ka kung papaano makaliligtas sa Armagedon at makapapasok sa mapayapang Paraisong iyon. Ang kaligtasan ay hindi masusumpungan sa maraming sekta ng relihiyon ng sanlibutan, kasali na yaong mga nasa Sangkakristiyanuhan. Sila’y hindi nakasusunod sa sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Hindi rin naman nila ipinangangaral ang “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Ang umano’y mga relihiyong Kristiyano ay baha-bahagi sa daan-daang mga sekta at hindi makikitaan ng pag-ibig na sinabi ni Jesus na pagkakakilanlan ng kaniyang mga tunay na tagasunod.—Juan 13:35.

Nasaan, kung gayon, ang dako ng kaligtasan? Iyon ay nasa tunay na “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Ang mga pinahirang Kristiyanong ito ay hindi kalat-kalat sa maraming sekta-sekta ng Sangkakristiyanuhan kundi sila’y bahagi ng isang nagkakaisang organisasyon. Kasama ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus ang mahigit na 2,000,000 na umaasang makaliligtas sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14) Ang organisadong mga tagapuring ito sa Diyos ay ‘tatawag sa pangalan ni Jehova’ at sila’y makakaasang ‘maliligtas.’ (Joel 2:32) Oo, yaong mga nasa tunay na “Israel” ay hindi lamang tatawag sa pangalan ng Diyos kundi taglay din naman nila ang pangalang iyan bilang mga Saksi ni Jehova. Sila’y malugod na tutulong sa iyo upang higit mo pang malaman ang tungkol sa kaligtasan sa dakilang digmaan ng Diyos at sa pag-asang buhay na walang hanggan sa mapayapang Paraiso.

[Talababa]

a Tingnan Ang Bantayan ng Enero 15, 1982, pahina 3-8.

[Mga larawan sa pahina 6]

Ang sigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” ay susundan ng lubus-lubusang pagwawasak sa relihiyon!

[Larawan sa pahina 7]

Ang Armagedon ay hindi itong lugar na ito sa Megiddo, kundi iyon ay isang simbolikong kalagayan ng sanlibutan