Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

■ Ang Faraon ba na tinutukoy sa Exodo ay namatay nang ang hukbo ng Ehipto ay malipol sa Dagat na Pula?

Oo, siya’y namatay, bagaman hindi tuwirang binabanggit sa aklat ng Exodo ang bagay na iyan. Sinasabi nito:

“Hinabol sila ng mga Ehipsiyo, at nagsipasok na kasunod nila [ng mga Israelita] sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ni Faraon, ang kaniyang mga pandigmang karo, at ang kaniyang mga mangangabayo. . . . Sa wakas ay sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Ang iyong kamay ay iunat mo sa dagat, upang ang tubig ay lumaban sa mga Ehipsiyo, sa kanilang mga pandigmang karo at sa kanilang mga mangangabayo.’ Agad iniulat ni Moises ang kaniyang kamay . . . At ang tubig ay patuloy na nagsauli. Sa wakas ay tinakpan ang mga pandigmang karo at ang mga mangangabayo na nasa buong hukbo ni Faraon na pumasok at sumunod sa kanila sa dagat. At walang natira kahit isa sa kanila.”—Exodo 14:23-28.

Binabanggit ng ulat na ito ang mga mangangabayo at mga hukbong pandigma, nguni’t hindi espesipikong sinasabi kung namatay nga si Faraon. Hindi rin sinasabi ito ng awit ng tagumpay ng mga Israelita, na doo’y sinasabi nila: “Ang mga karo ni Faraon at ang kaniyang mga hukbong pandigma ay kaniyang ibinulusok sa dagat, at ang pinakamagagaling niyang mga kawal ay nilunod sa Dagat na Pula.”—Exodo 15:4.

Subali’t, ipinakikita ng Awit 136:1 na si Faraon ay nasawi. Dito’y mababasa natin ang pagpapasalamat ng bayan ‘sa Kaniya na lumipol sa mga panganay ng Ehipto, at Siyang naglabas ng Israel buhat sa gitna nila sa pamamagitan ng malakas na kamay at ng unat na bisig, sa Kaniya na nagpaurong sa Dagat na Pula upang magkabaha-bahagi, at nagpapangyaring ang Israel ay makaraan sa gitna niyaon, at nagbulusok kay Faraon at sa kaniyang mga hukbong pandigma sa Dagat na Pula.’

Samakatuwid ang aklat ng Mga Awit ay kaayon ng Exodo sa pagsasabing ang hambog na si Faraon, na umapi sa mga Israelita, ay nasawi sa Dagat na Pula.