Mga Tungkulin o mga Libangan—Alin Ba ang Inuuna Mo?
Mga Tungkulin o mga Libangan—Alin Ba ang Inuuna Mo?
NILIKHA tayo ng ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, na taglay ang kalayaang magpasiya. Ang ibig sabihin, binigyan tayo ng abilidad at ng kalayaan na piliin kung ano ang gusto nating gawin. Kung minsan ay kailangang pumili tayo sa dalawa: mga tungkulin o mga libangan.
Isang popular na kasabihan ang nagsasabi. “Pagka magkabangga ang tungkulin at libangan, pabayaang madurog ang libangan.” Bagaman malimit nagkakabangga ang tungkulin at libangan, hindi naman dapat na magkagayon sa tuwina. Subali’t pagka nagkagayon, alin ba ang ating inuuna? Ang tungkulin (duty) ay ‘yaong obligado ang isang tao na gawin o hindi gawin.’ Ang libangan ay yaong ‘nagbibigay ng kasiyahan; kaluguran; kaligayahan,’ ng damdamin ng pagkalugod.
Ang Ating mga Tungkulin
Ipinakita ni Jesu-Kristo na ang ating mga pangunahing tungkulin at obligasyon ay may kaugnayan sa ating Maylikha, si Jehovang Diyos. (Marcos 12:29, 30) Ang pangunahing layunin ng Diyos para sa kaniyang mga lingkod ngayon ay magpatotoo sila tungkol sa kaniyang pangalan at Kaharian at gumawa ng mga alagad. (Isaias 43:10-12; Mateo 10:7; 24:14; 28:19, 20) Upang matupad nang husto ang mga tungkuling ito, ang mga Kristiyano’y kailangang patuloy na kumuha ng kaalaman sa Bibliya, regular na makisama sa kanilang mga kapananampalataya at maging matiyaga sa pananalangin. Samakatuwid ang mga pangunahing tungkulin ng isang Kristiyano ay kaugnay ng iba pang mga tungkuling ito.—1 Timoteo 4: 16; Hebreo 10:23-25; Roma 12:12; Eclesiastes 12:13.
Tayo ay may mga obligasyon din sa ating kapuwa-tao. Ang malaking bahagi nito ay yaong may kinalaman sa buhay na ito sa kasalukuyan. Tayo’y “kailangang magtrabaho kung ibig nating kumain,” sapagka’t hindi tayo sa iba dapat umasa ng ikabubuhay. Nararapat na tustusan natin ng ikabubuhay ang atin-ating pamilya. Sundin natin ang mga batas ng lupain, tulad ng mga regulasyon sa trapik, at magbayad tayo ng buwis.—Roma 12:17; 13:1-7; 2 Tesalonica 3:10; 1 Timoteo 5:8.
Tayo ay may mga tungkulin sa Diyos, sa atin-ating pamilya, sa ating mga kapuwa-tao at, oo, sa atin-ating sarili. Mga tungkulin, tungkulin, tungkulin! Ibig bang sabihin na walang panahon o pagkakataon na tayo’y maglibang man lamang? Hindi, kundi ang ibig sabihin ay na kailangang ilagay natin sa wastong dako ang mga paglilibang. Hindi tayo dapat tumulad sa marami sa “mga huling araw” na ito, na mga taong “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1, 4.
Bawal na “mga Libangan”
Sa paglalagay sa libangan sa nararapat na dako, tantuin natin na may mga uri ng libangan na hindi kasuwato ng ating mga tungkulin, sapagka’t walang dako sa ating buhay bilang mga Kristiyano. Sa ngayon ay may mga tao na lumalabag sa mga batas ng trapik, namihasa na sa pang-uumit o iba pang mga gawang paglabag sa batas dahil lamang sa “kaluguran” o “katuwaan” nila iyon, ang sabi nila. Maliwanag, ang gayong mga gawain ay bawal na “libangan.”
Mayroon namang mga tao na ang libangan ay mga droga, at nagiging alipin ng narkotiko. Ang iba’y nalilibang sa tabako o sigarilyo. Ang ganiyang mga libangan ay labag din sa ating mga tungkulin sa Diyos at sa ating kapuwa. Ang mga Kristiyano ay mga taong malalaya, na may pag-ibig sa kanilang kapuwa at ipinapayo sa kanila na “maglinis sila buhat sa ano mang karumihan ng laman at ng espiritu.”—2 Corinto 7:1; Mateo 22:39; Roma 6:6, 16; 13:10.
Tiyak na ang pinakapalasak na libangan ngayon ay ang imoralidad sa sekso. Lahat ng gayong “mga pita sa kalayawan ng laman” ay salungat sa ating mga tungkulin sa Diyos at sa kapuwa. (Santiago 4:3; Kawikaan 6:20-35) Iwasan natin ang aktuwal na paggawa ng imoralidad sa sekso, huwag man lamang tayong magbiru-biro na gawin iyon. Dahil sa ibinabawal iyan kaya naman para bang iyan ay nagiging lalong kanasa-nasa at kasiya-siya, gaya ng sabi ng nag-aanyayang patutot: “Ang mga nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinakain sa lihim—ito’y masarap.”—Kawikaan 9:17.
Bakit ang ganiyang mga libangan ay nakararahuyo sa makasalanang laman? Sapagka’t “ang hilig ng puso ng tao ay masama na magbuhat pa sa kaniyang kabataan.” Kaya’t sa Kristiyano kailangan na kaniyang ‘hampasin at supilin ang kaniyang katawan,’ gaya ng ginawa ni apostol Pablo. (Genesis 8:21; 1 Corinto 9:27) Huwag tayong padala sa ganitong bawal na mga libangan kung ibig nating kalugdan tayo ng Diyos.—1 Corinto 6:9-11.
Mga Simulain na Dapat Sundin sa Paglilibang
Maraming maaaring paglibangan ang mga Kristiyano. Subali’t upang mapanatili sa tamang dako ang mga iyan kailangang sundin natin ang mga simulain na may kinalaman sa uri, sa dami, sa panahon at sa gastos. Bilang halimbawa: Tiyak na ang libangan na pinakapalasak at lubhang kasiya-siya sa marami ay yaong pagkain. Isang kagandahang-loob ng Diyos na gawin itong kalugud-lugod para sa atin. Ang libangang ito ay masasabi natin na nasasaklaw ng simulain na ‘tayo’y kumakain upang mabuhay, hindi nabubuhay upang kumain.’
Unang-una, yamang may mga simulaing dapat tayong sundin sa ating pagkain, tayo’y pipili ng mga pagkain na hindi lamang masarap para sa atin kundi mabuti rin naman. Hindi rin tayo magpapakalabis, at kakain nang higit kaysa makabubuti sa atin. Isa pa, maging palaisip tayo sa panahon. Ang pagkain nang marami ay nakasasagabal sa konsentrasyon at sa aktibidad na nangangailangan ng malaking kasanayan. Ang propesyonal na manganganta ay hindi kakain nang ganadung-ganado bago siya magtanghal ng isang konsiyerto, gayundin tayo na hindi labis na magpapakabusog bago gampanan ang isang mahirap na atas na magbigay ng isang pahayag sa Bibliya. Oo, baka dahil sa kabusugan ay hindi natin pakinabangan nang husto ang pinakikinggan nating pahayag sa Bibliya. Mangyari pa, ang mga taong alergik o may diabetes, o matataba, ang lalong higit na may dahilang maging palaisip sa mga simulaing ito ng uri, dami at panahon pagka sila’y kumakain. At, hindi rin natin gustong maging bulagsak, na labis-labis ang ginagasta sa libangang ito.
Ang isa pang libangan ay ang panonood ng mga palabas sa telebisyon. Bilang mga
Kristiyano tiyakin natin na ang mga palabas na pinapanood natin ay kasiya-siya at nakapagpapatibay, kung hindi man nakapagtuturo. At pag-isipan din natin kung tayo baga’y gumugugol ng napakaraming oras sa panonood ng TV, sapagka’t baka kinukulang tayo ng tulog o napapabayaan natin ang mga gawaing dapat nating gawin. Dapat ding pag-isipan ang panahon, sapagka’t ayaw natin na ang mga panoorin sa TV ay makahadlang sa ating pamamahinga o sa ating pagdalo sa mga pagpupulong ng kongregasyong Kristiyano.Ang kapit sa libangan na panonood ng TV ay kapit din sa panonood ng sine o ng mga palaro o palakasan. Sa mga sandaling dapat tayong kasama ng ating mga kapuwa Kristiyano sa pakikinig sa isang pahayag sa Bibliya, talaga kayang angkop na naroon tayo sa isang stadium at nanood ng isang laro? Ang pagkamahilig natin sa musika ay hindi dapat humila sa atin na gumawa ng ganoon ding pagkakamali.
Baka tayo ay mahilig sa isang hobby o gawaing kinahihiligan natin nang husto. Dito ay kailangan din natin na magtimpi at unahin ang mga bagay na dapat unahin. Ano kaya kung dahil sa ating hobby ay kahalu-halubilo natin ang mga taong naninigarilyo at malalaswa kung mangusap? O ano naman kung ang ating hobby ay masyadong magastos, nakapipinsala sa ating kalusugan o nakapagpapahirap sa ating pamilya? Kung gayon, hindi ba dapat na magbago tayo ng hobby?
Kahit na kung walang naidudulot na masama ang ating hobby o pampalipas-oras kailangang ilagay iyon sa wastong dako. Ang isang lalaking de-pamilya ay baka mahilig sa bowling. Nguni’t kung ang kaniyang pamilya ay hindi niya makasama sa pagbobowling, ang mabuti’y bawasan niya ang aktibidad niyang ito. At iiwasan din niya ang magbowling kung makahahadlang iyon sa pagdalo niya sa isang asamblea ng mga Kristiyano. At mangyari pa, ang mga simulaing may kinalaman sa pagbobowling ay kapit din sa mga libangan na gaya ng paglalakad, pagsu-swimming o pagbu-boating.
Ang mga bakasyon ay inaasam-asam na magiging mga panahon ng paglilibang. Nguni’t, bilang mga Kristiyano, dito man ay ayaw nating maging mapagpabaya tungkol sa ating asal dahil lamang sa tayo’y kahalu-halubilo ng mga ibang tao na hindi natin kakilala o marami tayong panahon na magagamit. At ang ating pagliliwaliw o pamamasyal sa mga lugar na pamasyalan ay hindi natin itataon sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.
Nakalilibang ang Pagganap ng mga Tungkulin
Oo, nakalilibang nang husto ang pagganap ng mga tungkulin. Bagaman maraming tao ang nag-aakala na ang mga tungkulin at mga libangan ay magkasalungat, hindi totoo ito. Tayo’y malilibang nang husto pagka ginaganap natin ang ating mga tungkulin—kung tayo ay may tamang kaisipan. Tiyak na ang unang tao, si Adan, ay nalibang nang husto sa pangangalaga sa kaniyang tahanan, ang magandang halamanan ng Eden. At nalibang din siya sa pakikisalamuha sa lahat ng hayop sa halamanang iyon at pagbibigay sa kanila ng mga pangalan. At nang dalhin ng Diyos na Jehova kay Adan ang babaing si Eva, siya’y nalibang at naligayahan, ayon sa ipinakikita ng Genesis 2:15, 18-23.
Ang asawang lalaki ay malilibang sa paggawa ng gawaing kapaki-pakinabang, anuman iyon, kung kinikilala niyang may layunin iyon—ang magsilbing marangal na hanapbuhay iyon upang matustusan siya at ang kaniyang pamilya. Ganoon din para sa asawang babae na may tamang kaisipan. Siya’y nalilibang sa paglilinis at pag-aayos ng kaniyang tahanan, ng paghahanda ng masarap na pagkain para sa kaniyang pamilya at iba pa.
Ang mainam na halimbawa ng pagkalibang dahil sa nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin ay ang mga Saksi ni Jehova. Sila’y galak na galak na mag-aral ng Bibliya at matuto ng mga bagong katotohanan. Nadarama nila ang gaya ng salmista: “Ako’y nagagalak sa iyong salita na gaya ng isang nakakasumpong ng malaking samsam.”—Awit 119:162.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nalilibang din sa pagtitipong sama-sama sa kanilang mga pulong sa kongregasyon at regular na mga asamblea. At, napatutunayan ng mga Kristiyanong ito ang sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.” (Gawa 20:35) Sa pagbabahay-bahay at pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ginaganap nila unang-una ang isang tungkuling tinanggap nila para paglingkuran ang Diyos at ang tao. Pagka nakasumpong sila ng isang handang makinig at makipag-usap sa kanila tungkol sa Bibliya, at lalo na kung ang taong ito’y ‘palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan’ sila’y nagagalak at nasisiyahan.—Mateo 5:3.
Pagpapatingkad sa Ating Pagpapahalaga sa Tungkulin Natin
Ano ba ang tutulong sa atin upang patingkarin ang ating pagpapahalaga sa tungkulin natin at mailagay sa wastong dako ang mga paglilibang? Ang katarungan at ang katuwiran ay tutulong. Halimbawa, ipakita nating tayo’y makatarungan upang tayo’y maging tunay na magandang-loob. Oo, hindi makatarungan na tulungan natin ang iba samantalang ipinagkakait naman natin sa ating pamilya ang mga pangangailangan sa buhay. Kung nagkukulang tayo ng pagtupad ng ating mga tungkulin, ating ginagawan ng masama at pinipinsala ang ating sarili at ang iba. Yamang hindi natin gustong pinsalain tayo ng mga ibang tao, iwasan din natin na sila’y pinsalain.—Lucas 6:31.
Ang pag-ibig ang lalo nang tutulong sa atin upang unahin ang tungkulin kaysa paglilibang. Ang pag-ibig sa Diyos ay yaong pagsunod sa kaniyang mga utos, pagtupad ng ating mga tungkulin sa Diyos. (1 Juan 5:3) Dahil sa pag-ibig sa ating kapuwa ay ipagmamalasakit natin ang kaniyang kapakanan, hindi lamang ang sa atin.—1 Corinto 10:24.
Kung gayon, tiyak na may dako ang paglilibang sa ating buhay. Tayo’y nalilibang nang malaki sa pagganap natin ng ating mga tungkulin. At maaari rin tayong masiyahan sa mga ibang libangan, kung magtitimpi tayo at iiwasan natin yaong mga nakapipinsala sa ating mga tungkulin. Kaya’t maging palaisip tayo sa uri, sa dami at sa gastos ng ating mga paglilibang, pati na rin sa panahon na ginugugol natin diyan. Kaya uunahin natin ang tungkulin kaysa paglilibang.
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga Saksi ni Jehova ay tunay na nalilibang pagka ginagampanan nila ang tungkuling mangaral ng mabuting balita