Paano Tayo Makapananatili sa Ating ‘Unang Pag-ibig’?
Paano Tayo Makapananatili sa Ating ‘Unang Pag-ibig’?
1. Sa mga huling araw na ito, ang mga lingkod ba ng Diyos bilang organisadong bayan ay nawalan ng ‘pag-ibig na taglay nila noong una’?
“ANG bayan mo ay kusang maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong lakas-militar.” (Awit 110:3) Gaya ng pangitaing ibinabadya ng hulang ito, ang mga lingkod ng Diyos ngayon ay puspusang nagsasagawa ng kaniyang kalooban, na kumakapit nang mahigpit sa kanilang unang pag-ibig kay Jehova. Bilang organisadong bayan, ang mga Saksi ni Jehova ay nananatili sa kanilang sigla at sigasig sa paglilingkod sa kaniya sa buong panahon ng kahirapan sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 24:3, 14.
2, 3. (a) Bakit maaaring maiwala ng isang indibiduwal ang kaniyang ‘unang pag-ibig’? (b) Pagka naramdaman nating nagkakaroon na tayo ng ganiyang saloobin, ano ang dapat nating gawin?
2 Gayunman, posible para sa isang indibiduwal na Kristiyano na mawalan siya ng pag-ibig na taglay niya noong una. Dahil sa araw-araw na mga problema ay baka makalimutan niya ang mga dakilang bagay na ginawa para sa kaniya ni Jehova. Baka magsawa na siya ng kahihintay sa katuparan ng mga layunin ni Jehova at magsimulang maakit sa materyal na mga pakinabang na iniaalok ng sanlibutan, o baka isipin niya na kailangang gumugol siya ng higit na panahon sa paglilibang. Baka iniisip niya na isang kabigatan ngayon ang mga pananagutang Kristiyano, gaya halimbawa ng pagdalo sa mga pulong o mga asamblea, ng paghahanda ng mga pahayag at ng paglilingkod sa larangan.
3 Pagka naramdaman nating nagkakaroon na tayo ng ganiyang mga saloobin, sundin natin ang payo ni Jesus sa kongregasyon sa Efeso, upang mapanariwa natin uli “ang pag-ibig na taglay natin noong una,” at pagsumikapan nating gawin ang mga dating gawa.’ (Apocalipsis 2:4, 5) Tantuin natin na kailangang manumbalik ang ating dating maningas na pag-ibig kay Jehova at ang ating sigasig at sigla sa paglilingkod sa kaniya. Paano natin magagawa iyan?
Linangin ang Pag-ibig kay Jehova
4. Paano natin matutularan ang mainam na saloobin ng salmista? (Awit 119:97)
4 Ang kinasihang salmista ay nagsabi: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! Siya kong pinagkakaabalahan buong araw.” (Awit 119:97) Anong inam na saloobin tungkol sa kautusan ng Diyos! Lalong higit na kasiya-siyang maglingkod kay Jehova na taglay ang ganiyang saloobin kaysa laging pilitin natin ang ating sarili na gawin ang alam natin na matuwid. Kailangang paunlarin natin ang pagnanasang gawin ang matuwid, at gawin iyon dahil sa ibig natin.—Awit 25:4, 5.
5. (a) Ano ang ipinayo ni Pablo upang maingatan ang ating espirituwalidad? (b) Papaano natin mapananatiling malakas iyon?
5 Nais ni Satanas na gipitin tayo upang maiwala natin ang ating ‘unang pag-ibig,’ sapagka’t siya ang pinakamahigpit na kaaway ng ating espirituwalidad. Upang malabanan siya, ipinayo ni apostol Pablo sa mga taga-Efeso na magbihis ng “buong kagayakang baluti buhat sa Diyos.” (Efeso 6:13) Kasali sa baluting iyan ang apat na mahalagang mga bagay na kailangan ng Kristiyano: katotohanan, katuwiran, pananampalataya at ang pag-asa sa kaligtasan. (Efeso 6:14-17; 1 Tesalonica 5:8) Mangyari pa, nakilala natin ang mga bagay na ito nang umugnay na tayo sa kongregasyon. Nguni’t ang kalasag na metal ay maaaring kalawangin kung hindi aalagaan. Gayundin naman, kung hindi natin aalagaan ang binanggit na mga bagay na iyan, ang ating espirituwal na kalasag ay manghihina at hindi tayo mabibigyan ng sapat na proteksiyon. Gawin natin ang lahat, upang huwag mangyari ito sa atin.
Pag-aaral at Pagbubulay-bulay
6. Papaano nilutas ng isang misyonero ang problema na pagpapanatiling malakas sa kaniyang espirituwalidad samantalang nakakulong?
6 Noong 1958 ang misyonerong si Stanley Jones ay nagsimula nang pitong taong pagkakulong nang nagsosolo sa isang piitan sa Tsina. Papaano niya pinapanatiling matibay ang kaniyang pag-ibig kay Jehova samantalang nakahiwalay sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano at wala kahit isang Bibliya? Sinabi niyang isinulat niya ang lahat ng teksto na natatandaan niya at idinagdag pa niya rito ang ano mang mga sinipi sa Bibliya na natatagpuan niya sa mga tudling para sa “relihiyon” sa mga pahayagan na kung minsan ay ipinadadala sa kaniya. Sa gayo’y nakabuo siya ng pinaka-bangan ng mga teksto sa Bibliya na ginamit niya sa pansarilinang pag-aaral at pagbubulay-bulay. Sapagka’t napalilibutan siya ng mga taong salansang sa kaniyang mga paniwala, batid niya na kung hindi niya pamamalagiing puno ng mga kaisipan ng Diyos ang kaniyang puso at isip, dagling pupurol ang kaniyang pananampalataya.
7. Sa anong mga kagipitan tayo nakaharap, at papaano natin maiingatan sa mga iyan ang ating sarili?
7 Totoo, karamihan sa atin ay wala naman sa loob ng bilangguan. Gayunman, sa malaking bahagi ng panahon ay nakahantad tayo sa kaisipan ng sanlibutang ito. Ang libangan na iniaalok ng sanlibutan, bagaman hindi naman laging tuwirang salungat sa mga simulaing Kristiyano, ay tunay na hindi nagpapaunlad ng mga bagay na gaya na nga ng katotohanan, katuwiran, pananampalataya at ng pag-asa sa kaligtasan. Kaya, kung hindi tayo gugugol ng panahon upang patibayin ang ating mga puso at isip, malamang na tayo’y manghihina sa espirituwal at ang ating pag-ibig ay manlalamig.
8. Anong pagpapala ang natatamo ng taong nag-aaral ng salita ng Diyos at binubulay-bulay iyon?
8 Kung talagang gugugol tayo ng panahon sa pagpapatibay ng ating sarili sa pamamagitan ng pansarilinang pag-aaral at pagbubulay-bulay, tayo’y makakatulad ng taong ang “kasayahan ay nasa kautusan ni Jehova” at kaniyang binabasa ang kautusang iyon at binubulay-bulay araw at gabi. Ganito ang sabi ng salmista tungkol sa gayong tao: “Siya’y magiging parang punungkahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan at ang kaniyang dahon ay hindi malalanta, at lahat niyang gawin ay magtatagumpay.”—Awit 1:2, 3.
9. Papaano natin mapauunlad ang pagnanasang mag-aral ng Bibliya at bulay-bulayin iyon? (Awit 77:11, 12)
9 Ang totoo, marami sa atin ang hindi likas na mahilig mag-aral. Gayunman, kung ibig natin, ating masasanay ang ating sarili na masiyahan sa pag-aaral. Isip-isipin ang isang tao na ang palipasan ng oras ay jogging. Sa primero ay baka magsakitan ang kaniyang mga kalamnan. Datapuwa’t, unti-unti na ang kaniyang katawan ay makikibagay, at hindi magtatagal, kung siya’y magtitiyaga, ang nagjojogging ay masisiyahan sa kaniyang paghehersisyo. Ipinayo ni Pablo kay Timoteo: “Magsanay ka na ang pakay ay maka-Diyos na debosyon.” (1 Timoteo 4:7) Ang pag-aaral ng Bibliya ay bahagi ng maka-Diyos na debosyon. (Kawikaan 2:1-6) Sa umpisa ay baka kailangan ang disiplina upang magawa mo iyan. Datapuwa’t, hindi magtatagal, tayo’y magkakaroon ng tunay na interes sa pagkatuto ng mga bagong punto o sa pagkakaroon ng lalong malawak na pagkaunawa sa mga bagay na alam na natin. Ang ating pag-aaral ay magbibigay kung gayon sa atin ng tunay na kaluguran.—Awit 119:103, 104.
10. Bakit ang araling materyal ay tinatalakay nang hindi lamang minsan sa mga lathalain sa pag-aaral?
10 Baka iniisip ng iba na yamang alam na nila ang mga saligang aral ng Bibliya sila’y hindi na kailangang gumugol ng panahon sa sarilinang pag-aaral. Baka sila’y magriklamo pa nga pagka ang katulad na materyal ay tinalakay nang higit kaysa minsan sa mga lathalain sa pag-aaral ng Bibliya. Gayunman ang Bibliya ay bumabanggit ng pangangailangan ng mga tagapagpaalaala. (Awit 119:95, 99; 2 Pedro 3:1; Judas 5) Kung hindi natin laging paaalalahanan ang ating sarili ng katotohanan, ng matuwid na mga pamantayan ng Diyos, ng ating pananampalataya at ng ating pag-asa sa kaligtasan, ang ating puso ay maiimpluwensiyahan ng ibang mga bagay.
11. Ano ang ilan sa mga bagay na tinalakay ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso?
11 Pag-usapan natin ang liham ni Pablo sa mga taga-Efeso. Kaniyang ipinaalaala sa kanila ang kanilang dating kalagayan bago sila naging mga Kristiyano, at binanggit niya ang tungkol sa organisasyon na kinauugnayan nila ngayon. (Efeso 2:12; 4:4-6, 17, 18) Kaniyang binanggit ang kahanga-hangang layunin ni Jehova para sa sangkatauhan at ang bahagi ng tao may kaugnayan sa layuning iyon. (Efeso 1:812; 2:4-6) At kaniyang ipinagunita sa kanila ang mga simulaing Kristiyano na tutulong sa kanila upang maging matagumpay sa pamilya at sa kongregasyon.—Efeso 4:1, 2; 5:21-6:4.
12. Bakit binanggit ni Pablo sa mga taga-Efeso ang mga bagay na alam na nila?
12 Ang ilang mga bagay na isinulat ni Pablo ay baka bago sa mga Kristiyano sa Efeso, nguni’t ang karamihan niyaon ay tiyak na sumasaklaw sa kanilang mga narinig na. Gayunman, nais ni Pablo na ipaalaala sa kanila ang mga bagay na ito at marahil ay bigyan sila ng mga bagong pang-unawa tungkol sa mga iyon. Sa ganoo’y tinulungan niya ang mga taga-Efeso na buhayin ang kasiglahan ng kanilang espirituwal na baluti at upang magkaroon sila “pati lahat ng mga banal na pagkaunawa kung ano ang luwang at haba at taas at lalim.”—Efeso 1:15-17; 3:14-19.
13, 14. (a) Papaano tayo tutulungan ng pag-aaral at ng pagbubulay-bulay? (b) Ano pang mga bagay ang kasali sa “kagayakang baluti buhat sa Diyos”?
13 Ang ating sariling pag-aaral ay magbibigay din naman sa atin ng panibagong sigla at palalawakin ang ating unawa sa maraming pinaka-saligang mga punto, at tutulong din sa atin na maunawaan ang lalong malalalim na bagay ng Salita ng Diyos. (1 Corinto 2:10) Sa ganitong paraan, ang ating “kagayakang baluti buhat sa Diyos” ang hahadlang kay Satanas upang huwag mawala ang ating maningas na pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak.
14 Kabilang sa iba pang mga bagay, si apostol Pablo ay bumanggit ng dalawa pang bahagi ng ating espirituwal na kalasag na hindi pa natin natatalakay. Sinabi niyang ang mga Kristiyano’y dapat na ang “mga paa ay nakasuot ng panyapak ng mabuting balita ng kapayapaan” at dapat nilang tanggapin “ang tabak ng espiritu, samakatuwid baga, ang salita ng Diyos.” (Efeso 6:11-17) Papaano tayo natutulungan ng mga bahaging ito upang mapanatili ang ‘pag-ibig na taglay natin noong una’?
Mamalaging Aktibo sa Pangangaral ng Kaharian
15. Anong bagong paraan ang natuklasan ng isang nabilanggong misyonero upang magkaroon ng “maraming gawain sa Panginoon”? (1 Corinto 15:58)
15 Noong 1958, nang magsimula ang pagkabilanggong apat at kalahating taon sa Tsina ng misyonerong si Harold King, siya ay napaharap sa problema na gaya niyaong kay Stanley Jones: kung paano mapananatili ang kaniyang ‘unang pag-ibig’ ang kaniyang matimyas na debosyon kay Jehova. Sabi niya: “Upang mapanatili ang aking pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, nagsaayos ako ng isang programa ng aktibidad sa ‘pangangaral.’” Siya’y bumuo ng mga ilang sermon sa Bibliya buhat sa mga tekstong natatandaan niya at nangaral siya sa guniguning mga tao. Nang malaunan, siya’y nagdaos ng isang guniguning pag-aaral sa Bibliya. Ang resulta? Nang siya’y makalaya na, siya’y handa na at sabik na mangaral uli sa tunay na mga tao!
16. Ano ba ang isang mahalagang dahilan kung bakit tayo dapat na laging abala sa paglilingkod kay Jehova?
16 Ang kaniyang ginamit ay isang bagong paraan ng pagkakapit ng isang mahalagang katotohanan: Upang manatiling malusog sa espirituwalidad tayo’y kailangang manatiling abala sa paglilingkod sa Diyos. Sinabi ni apostol Pedro: “Suhayan ninyo ang inyong mga pag-iisip para sa paggawa.” (1 Pedro 1:13) At ipinayo ni apostol Pablo: “Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging maraming gawain sa Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi Walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.”—1 Corinto 15:58.
17. Ano ang mapapansin tungkol sa tapat na mga Kristiyano sa kongregasyon sa Filadelfia?
17 Mapapansin na bagaman tinulutan ng mga Kristiyano sa Efeso na manlamig ang ‘pag-ibig na taglay nila noong una,’ yaon namang mga nasa isang kongregasyon sa kapaligiran ding iyon ay nanatiling abala sa gawain, at ang kanilang pag-ibig ay matatag pa rin. Sinabi ni Jesus sa tapat na kongregasyon sa Filadelfia: “Nalalaman ko ang iyong mga gawa—narito! inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di mailalapat ninuman.”—Apocalipsis 13:8.
18. Anong aktibidad ang tutulong sa atin upang mapanatili ang ating ‘unang pag-ibig’?
18 Ano bang mga gawa ang tutulong sa isang saksi ni Jehova sa modernong panahon upang mapanatili ang ‘pag-ibig na taglay niya noong una’? Ito ay yaong mga gawa na kaayon ng utos ni Jesus na: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mateo 28:19) Natanto ni Harold King ang kahalagahan nito. At gayundin si apostol Pablo. Kaya naman pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso na gawing ang kanilang “mga paa ay nakasuot ng panyapak ng mabuting balita ng kapayapaan” at isangkap nila sa kanila ang “tabak ng espiritu, samakatuwid baga, ang salita ng Diyos.”
19. Papaanong ang pangangaral, na katunayan ng ating sigasig, ay nagpapaningas din ng ating sigasig?
19 May malapit na kaugnayan sa isa’t-isa ang sigasig at ang gawang pangangaral at paggawa ng mga alagad. Totoo, dahil sa sigasig ay ibig nating gawin ang gawaing ito. Subali’t ang gawaing pangangaral ang, sa kabilang panig, magpapaningas sa ating sigasig. Pagkatapos na mangaral sa isang babaing Samaritano, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang pagkain ko ay gawin yaong kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 4:34) Ang pagtuturo ng katotohanan ang kaniyang pinaka-pagkain, siya’y pinatibay nito. Gayundin naman, pagka tayo’y nagsalita sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos, pinatitimo nito sa ating isip at puso ang mahalagang mga katotohanan at higit pang sinasanay tayo sa pagtatanggol sa katotohanan. (1 Pedro 3:15) Isa pa, habang sinusuportahan tayo ng espiritu ng Diyos sa gawaing ito, tayo’y nagiging “maningas sa espiritu” at nakikita natin na gumagana ito sa iba.—Roma 12:11.
20. Papaanong ang pangangaral at ang sarilinang pag-aaral ay nagkakaisa upang tayo’y panatilihing malakas?
20 Ang pangangaral ba sa iba ay maihahalili sa sariling pag-aaral? Hindi. Kailangang maging timbang sa dalawang aktibidades na ito. Kung tayo’y kumakain nang marami nguni’t hindi naman naghehersisyo, sa bandang huli ay napipinsala ang ating katawan. Sa kabilang dako, kung tayo’y masyadong maghersisyo nguni’t hindi naman tayo kumakain ng sapat na pagkain, balang araw ay magiging ‘gastado’ ang ating katawan. Gayundin naman, kung masipag tayo sa sarilinang pag-aaral nguni’t hindi naman tayo nangangaral sa iba, malamang na tayo’y maging di-timbang. Ang “paggawa” ay iniugnay ni apostol Pedro sa ‘pagiging lubusang mapagpigil.’ (1 Pedro 1:13) Kung mangangaral tayo sa iba nguni’t hindi tayo gumagawa ng sarilinang pag-aaral—lalo na kung hindi gaanong tumutugon ang mga taong ating pinangangaralan—baka tayo ay maging ‘gastado.’ Datapuwa’t, kung tayo’y may sarilinang pag-aaral at pagkatapos ay saka tayo lalabas at ibabalita sa iba ang ating napag-aralan, tayo’y mananatiling malusog sa espirituwal.
Samantalahin ang Panahon
21, 22. (a) Anong malaking balakid ang ibinangon ni Satanas upang iwanan natin ang ating ‘unang pag-ibig’? (b) Papaano nagpayo si Pablo upang mapagtagumpayan ng mga taga-Efeso ang balakid na ito, at bakit tayo dapat sumunod sa kaniyang payo?
21 Bilang isa sa pinakamalaking problema na napaharap kay Stanley Jones nang siya’y nakakulong, sinabi niya: “Napakarami kong panahon.” Ang kaniyang problema ay mismong kabaligtaran ng dinaranas ng marami sa mga Saksi ni Jehova. Karamihan sa atin ay kapos sa panahon. Bakit nga ganito? Sinabi ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang mga tao ay pinananatili ng sanlibutan ni Satanas na totoong magawaing palagi na anupa’t wala silang gaanong pagkakataon na mag-isip, at lalo na mag-aral. Tayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, nguni’t tunay na nadarama natin ang mga epekto ng paraan nito ng pamumuhay. Ginagamit nito ang kaniyang impluwensiya, at ibig ng “balakyot” na tayo’y panatilihing totoong magawain upang mawalan na tayo ng panahon sa paglilingkod sa Diyos.
22 Kinilala ni Pablo ang problemang ito at nagbigay siya sa mga taga-Efeso ng mahalagang payong ito: “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na sinasamantala ang karapat-dapat na panahon para sa inyong sarili, sapagka’t ang mga araw ay masasama. Kaya nga iwanan na ninyo ang pagka walang katuwiran, kundi patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.” (Efeso 5:15-17) Kung hindi natin sasamantalahin ang panahon upang gawin “ang kalooban ni Jehova,” ang kagipitan sa pamumuhay sa ‘masasamang araw’ na ito ay malamang na magpalamig sa ating pag-ibig.
23. Anong uri ng sarilinang pag-aaral at pangangaral ang tutulong sa atin upang mapanatili ang ating ‘unang pag-ibig’?
23 Totoo, ang ibang mga Kristiyano ay mayroong mabibigat na obligasyon o may sakit at sa gayo’y limitado ang kanilang nagagawang paglilingkuran sa Diyos. (Lucas 21:1-4) Subali’t kaayon ng ipinayo ni Pablo sa mga aliping Kristiyano, anuman ang magagawa natin ay dapat nating gawin nang “buong-kaluluwa.” (Efeso 6:5, 6) Ang sarilihang pag-aaral ay hindi magiging kasiya-siya kung aagawin lamang natin ang mga ilang minuto sa ating panonood ng telebisyon upang gugulin sa pag-aaral. Gayundin, sa ating ministeryo sa larangan ay mahirap nating mapanatili ang ating ‘unang pag-ibig’ at ang ating sigasig kung buwan-buwan ay gugugol tayo roon ng isa o dalawang oras lamang na inaagaw sa ating paglilibang.—Ihambing ang 1 Timoteo 4:8.
Manalangin na Tulungan Ka
24. Ano pang mahalagang tulong sa ating espirituwalidad ang binanggit ni Pablo sa mga taga-Efeso?
24 Bilang pagwawakas sa kaniyang pagtalakay sa “buong kagayakang baluti buhat sa Diyos,” ipinayo ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya na tanggapin ang “tabak ng espiritu, samakatuwid baga, ang salita ng Diyos, samantalang sa pamamagitan ng bawa’t anyo ng panalangin at pagsusumamo ay nagsisipanalangin kayo sa tuwina sa espiritu.” (Efeso 6:17, 18) Kung tayo’y laging nakikipagtalastasan kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin, hindi natin maiwawala ang ‘unang pag-ibig,’ kahit na tayo kailangang magtiis ng maraming panggigipit o, tulad ni Juan, maglingkod nang maraming taon sa sistemang ito ng mga bagay. Sinabi ni Pablo sa isa pa niyang liham: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagpapalakas sa akin.”—Filipos 4:13.
25. Bilang kabuuan, ano ba ang mga paglalaan ni Jehova upang tulungan tayo na huwag mawala ‘ang pag-ibig na taglay natin noong una’?
25 Karamihan sa atin ay napapagod din manakanaka. Subali’t ang mensahe ni Jesus sa mga nasa kongregasyon sa Efeso ay nagpapakita na maaari nating maiwasan at kailangan nating iwasan ang pagkawala ng ‘pag-ibig na taglay natin noong una.’ Kung paano tinulungan ni Jehova ang mga taga-Efeso sa pamamagitan ni Pablo, ni Timoteo at ng iba pa, kaniya ring tinutulungan tayo sa ngayon sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Kung, sa kabilang panig, sasanayin natin ang ating sarili na masiyahan sa pag-aaral at sa pagbubulay-bulay at ating ‘susuhayan ang ating pag-iisip’ para sa mainam na paggawa ng pagbabalita sa iba ng ating natutuhan, samantalang nananalangin kay Jehova na tulungan tayo na magtiyaga ng pagsasagawa ng kaniyang kalooban, kung magkagayo’y gumagawa tayo ng isang napakainam na gawain. Sa pagsunod sa ipinayo ni apostol Pablo sa mga taga-Galacia, “huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, sapagka’t sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo’y hindi kailanman manghihimagod.”—Galacia 6:9.
Ano ang Kasagutan Mo?
□ Kung tayo’y hindi mag-iiskedyul ng panahon sa pag-aaral at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos, ano ba ang maaaring mangyari sa ating pag-ibig kay Jehova?
□ Bakit mahalagang pag-aralan natin hindi lamang ang mga bagong katotohanan kundi pati rin ang mga katotohanan at mga simulain na narinig na natin noong una?
□ Bakit ang pangangaral sa iba ay mahalaga upang makapanatili tayo sa ating ‘unang pag-ibig’?
□ Papaanong nagkakaisa ang pag-aaral at ang pangangaral upang mapanatili tayong malusog sa espirituwal?
□ Bakit hindi natin dapat pabayaan ang pananalangin samantalang sinisikap natin na mapanatili ang ‘pag-ibig na taglay natin noong una’?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Ang pag-aaral ay maaaring maging kasiya-siya, at pinapananatiling bago ang ating pag-ibig sa Diyos
[Larawan sa pahina 19]
Ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa katotohanan ay nagpapatibay ng ating pag-ibig kay Jehova