Sa Bingit ng Armagedon
Sa Bingit ng Armagedon
MAYROON na ngayong apat at kalahating milenyo na dalawang dakilang organisasyon ang tumatahak sa landas ng pagbabanggaan. Sa wakas ang pagbabanggaan ay magbubulusok sa sanlibutan sa pinakamapangwasak na digmaan sa kasaysayan. Sa Bibliya ay tinatawag iyon na “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Nguni’t, marahil ay lalong kilala iyon sa isang pangalan na salagimsim ng napipintong kapahamakan-Armagedon. a—Apocalipsis 16:14, 16.
Hindi laging sa pangalang iyan nakilala ang digmaang ito. Subali’t kasangkot sa digmaan ang dalawang binhi na binabanggit sa Genesis 3:15, na nagsasabi: “Pag-aalitin ko [ng Diyos] ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.”
Baytang-baytang na isiniwalat ng Diyos na Jehova na ang talagang kapangyarihan na nagpapakilos sa ahas, na tila siyang kinakausap sa binanggit na pananalita, ay isang di-nakikitang espiritung nilalang na nang magkagayo’y “tinawag na Diyablo at Satanas.” (Apocalipsis 12:9) Ang kaniyang “binhi”-kapuwa sa langit at sa lupa—ay isang makapangyarihang organisasyon na sumusuheto sa buong sanlibutan. (Juan 8:44; Efeso 6:12; Hebreo 2:14) Ang tunay na “babae” na tinutukoy ng Diyos na Jehova ay ang kaniyang tapat na tulad-asawang makalangit na organisasyon. (Galacia 4:26) Siya man ay may “binhi,” o supling, at ito ang kinapopootan ng organisasyon ni Satanas na Diyablo.
Kung Bakit Kailangan ang Digmaan
Nilinlang ni Satanas ang ating mga unang magulang at pinapaniwala na mapamamahalaan nila ang kanilang sarili, kaya nagambala ang mapayapang Paraiso na kinatitirhan ng tao. (Genesis 3:1-6) Ibig niyang palabasin na ang Diyos ay isang mapag-imbot at di-karapat-dapat na pinuno at hindi na kailangan ang kaniyang mga batas at malulupit na panunugpo. Hindi maaaring payagan magpakailanman ng Soberano ng sansinukob ang paninirang ito sa kaniyang pangalan at kapurihan. Kung magkagayon ay magtitingin na siya’y walang kapangyarihan, at balang araw ay lalaganap sa buong sansinukob ang gayong paninira.
Kung gayon, alang-alang sa kaniyang sariling kapakanan ay kailangang kumilos ang Diyos, at huwag tulutang ang kaniyang pangalan ay lapastanganin magpakailanman o manatiling hindi naipagbabangong-puri ang kaniyang pansansinukob na soberania. (Ihambing ang Isaias 48:11, 12.) Ang pagkatalo ng organisasyon ni Satanas sa Armagedon ay mag-aalis ng pula sa walang kahalintulad na pangalan ni Jehova. (Awit 83:18) At yamang ang pakikipaglaban kay Satanas ay hahantong din sa pagkasawi ng pagkarami-raming tao, sa digmaang ito ng Diyos ay malilipol ang makalupang organisasyon ni Satanas, o sistema ng mga bagay. Ito ang “malaking kapighatian” na inihula ni Jesus sa Mateo 24:21, 22 at dito’y makaliligtas ang mga ilang “laman.” Ang panukala ng tao na magsarili ay nagbunga na ng ‘kapahamakan’ sa lupa na likha ng mga digmaan, polusyon, at iba pa. Subali’t sa Armagedon ay “ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Sa pagkaalis ng mga tagapagpahamak, ihahanda ng Diyos ang daan para sa Paraiso.
Subali’t, kailan at papaano ba mangyayari ang digmaan ng Diyos? Marami ang naniniwala na ito’y dito magsisimula sa Gitnang Silangan, lalo na dahilan sa nangyari roon noong Mayo 14, 1948. Nang araw na iyon ay ipinahayag ng Israel na siya’y isang bansa—at wari ngang nagtagumpay ang isang bansa na ang mga mamamayan ay daan-daang taon din na nagsipangalat, dumanas ng pag-uusig at pagtatangkang sila’y lipulin. At bagaman sa simula’y parang mabuway, ang munting bansang ito ay nakatayo rin sa kaniyang ganang sarili sa loob nang mahigit na tatlumpung taon sa maligalig na Gitnang Silangan. Para sa marami ang ganitong pagsilang ng modernong Israel ay talaga ng Diyos at isang tiyak na tanda na malapit na ang Armagedon.
Totoo, hindi lahat ng teologo ay ganito ang paniniwala. “Sa palagay ko’y pag-aaksaya ng panahon,” anang isang klerigong Presbiteryano, “na ang mga simbolo at mga pangyayari sa ngayon ay ikapit sa mga hula [sa Bibliya] at sa espesipikong mga kung sinu-sino.” Gayunman, maraming aklat, mga pelikula at mga predikador sa TV na nagtataguyod ng popular na paniwala na ang Gitnang Silangan ang pangyayarihan sa hinaharap ng Armagedon.
Nguni’t talaga kayang sa Gitnang Silangan magaganap ang Armagedon? Sa aktuwal, papaano paglalabanan itong “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”? Ano ang titis na magpapasiklab nito? Papaano makaliligtas ang isang tao sa Armagedon? At ano ang kasunod ng dakilang digmaang iyan?
[Talababa]
a Ang salitang Hebreo na “Har-Magedon” ay aktuwal na tumutukoy sa isang simbolikong kalagayan ng daigdig na kung saan ang mga hukbo ay natitipon para sa pakikipagdigma. Subaii’t sa karaniwang paggamit, ito ay tumutukoy sa digmaan mismo.