Buhay sa Paraiso—Magiging Kainip-inip Kaya?
Buhay sa Paraiso—Magiging Kainip-inip Kaya?
ANG dalawang kaaway ng kaligayahan ng tao ay sakit at pagkainip.” Sang-ayon ka ba sa opinyong iyan ng isang pilosopo noong ika-19 na siglo? Karamihan ng tao ay paminsan-minsan naiinip o nababagot, nguni’t bakit?
Ang pagkainip o pagkabagot ay iniuugnay sa “kahinaan, sa pagkamaulit, o pagkanakahahapo,” “ang pagkadama ng pagod at di-kasiyahan.” Kalimitan ay resulta ito ng gawain o aktibidad na hindi nakapagpapasigla o nakasisiya. Nguni’t totoo rin na ang pagkabagot ay dipende sa may katawan. Ang kabagut-bagot sa isang tao ay baka kabigha-bighani naman sa iba.
Magiging Kabagut-bagot Kaya ang Buhay na Walang Hanggan?
Bilang naiiba sa kasalukuyang kalagayan ng tao, lahat ng mga magtatamo ng buhay sa ipinangakong Paraiso ay magiging kasuwato ng kanilang kapaligiran at ng Maylikha nito. Bakit? Sapagka’t sila’y tatanggap ng sapat na edukasyon upang ihanda sila sa kawili-wili at mabungang buhay sa isang kapaligirang mala-Paraiso. Papaano natin nalalaman iyan? Sapagka’t ang propetang si Isaias ay kinasihan na sumulat: “Ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” Oo, ang kaalaman tungkol kay Jehova, ang kataas-taasang Tagapag-andukha ng sangkatauhan, ang magiging pinaka-susi sa tunay na kaligayahan sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan sa isang lupang Paraiso.—Isaias 11:9.
Ang buong lupa pagka sakdal na ay kababanaagan ng kahanga-hangang mga katangian ng Dakilang Maylikha. Ang masunuring sangkatauhan ay magkakaroon ng matimyas na pag-ibig sa Diyos at samakatuwid ay ng paghahangad na makilala at maunawaan ang kaniyang mga daan at karunungan gaya ng ibinabadya ng lupa. Kahit na ngayon, ang di-sakdal na mga tao ay nanggigilalas habang pinag-aaralan nila ang kababalaghan at pagkamasalimuot ng kalikasan. Gayunman kahit na ang pinakadakilang eksperto sa ano mang larangan ay hindi nasisiyahan—laging ibig niyang makaalam ng higit at higit pa. At maaari kang makaalam nga ng higit at higit pa! Ang talino at pagnanasa ng tao na patuloy na matuto ay pagkalaki-laki na anupa’t ang buhay na walang hanggan ay magiging kawili-wili sa tuwina!—1 Juan 4:7, 8.
Ang ilustrasyon nito, kahit na sa ilalim ng kasalukuyang di-sakdal na mga kalagayan, ay yaong saloobin ng 90-anyos na si Andrés Segovia, ang bantog-sa-daigdig na gitarista ng mga klasika. Para sa kaniya’y kabagut-bagot ba ang buhay? Siya’y naglalakbay pa rin sa daigdig at nagtatanghal ng mga konsiyerto. Bagaman ang iba’y nahahalata niya na hapo na sa daigdig, “siya naman ay masiglang-masigla, buhos na buhos ang loob sa kaniyang trabaho kaya malayo na mabagot.” Siya na rin ang nagsabi: “Ako’y nagbabasa at nag-aaral ng kasaysayan, pilosopya, sining sa lahat ng taglay na disiplina at musika.” Oo, marami pang dapat matutuhan. Subali’t isip-isipin kung gaano pang higit ang maaaring matutuhan sa isang sakdal na Paraiso sa lupa! At pagka naisauli na ang buhay na walang hanggan, ang sangkatauhan ay magkakaroon na ng panahon upang gawin iyan.
Ang halimbawa ni Andrés Segovia ay may isa pang pinatitingkad—ang potensiyal ng tao na magkaroon ng kaalaman.
Gaya ng isinulat ng sikologong si Peter Russell sa The Brain Book: “Sa loob ng ating sariling mga ulo ay nariyan ang isa sa pinakamasalimuot na mga sistema sa kilalang uniberso. . . . Walang tao na nakagamit ng katiting na katiting man lamang ng buong potensiyal niyan.” Sa isang limitadong haba ng buhay na marahil 70 o 80 taon, halos walang nagagamit sa potensiyal ng utak. Gaya ng sabi ni Russell: “Malimit na sinasabing ang ginagamit natin ay 10 porciento lamang ng buong potensiyal ng ating kaisipan. Lumalabas ngayon na ito’y isang labis-labis na tantiya. Marahil ay hindi natin nagagamit ang kahit na 1 porciento—malamang na 0.1 porciento o wala pa.” Gunigunihin ang magagawa ng utak ng tao sa Paraiso kung ang tao’y hindi na magkakasakit at tatanda!Isang Proyektong Sanlibong Taon
Ang buhay para sa marami ngayon ay kainip-inip dahil sa de-rutinang iyundin at iyundin halos na trabahong ginagawa nila na hindi gaanong nagbibigay ng trabaho sa kanilang isip. Subali’t pagka tinutukoy ng Bibliya ang walang hanggang buhay sa ilalim ng pamamahala ni Kristo ng kaharian ng Diyos, ito’y tumutukoy sa isang istilo ng pamumuhay na hindi pa nararanasan kailanman ng tao sa ngayon. Unang-una, ang pamahalaang ito ng Kaharian ay may sanlibong-taóng-habang paglalaan, hindi isang limang-taóng iskedyul na gaya ng mayroon ang ilang modernong mga estado, at ang gayon ay pasimula lamang! Ang layuning iyan ay inihahayag sa iba’t-ibang bahagi ng Bibliya at nagpapahiwatig na magkakaroon ng kawili-wiling iba’t-ibang aktibidades, na pawang magpapasulong ng kakayahang lumikha.—Apocalipsis 20:1-7.
Pagkarami-rami ng gawain doon at pati ng matututuhan doon, at may kasamang matinding pangganyak, kaya naman ang salitang “pagkabagot” ay makakalimutan na. Halimbawa, ipinangako ni Jehova na kaniyang “ipapahamak yaong mga nagpapahamak ng lupa.” (Apocalipsis 11:18) Ang ibig sabihin ay na lilinisin ang ipinahamak na lupa. Isip-isipin lamang ang pagkalaki-laking gawain na pagpapanumbalik ng lupa sa dating likas na kagandahan at kalinisan nito—aalisin ang mga barungbarong at ang siksikang mga lugar na bahayan, lilinisan ang polusyon sa mga ilog at mga dagat sa lupa. Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang magpapakilos sa masunuring mga lalaki at mga babae na gawin ang dakilang gawaing ito.
Isang Proyekto na Pagtatayo, Pagtatanim at Pagtuturo
Makatuwirang asahan na sa Paraiso ay hindi makikita ang pangit na mga bahayan na umiiral ngayon. Sino ba ang ibig mamuhay sa siksikan at sa nabubulok na mga tirahan, sa mga barungbarong o dili kaya’y sa mga lansangan? Ang ibig ng karamihan ay mayroon silang sariling tahanan at lupa na mapagtatamnan! Iyan ang pangako ng Diyos sa mga nagpapatunay na sila’y tapat sa kaniya ngayon. Ang magiging resulta ay isang lupang Paraiso na tinatahanan ng maliligayang mga tao, na nasisiyahan sa isang makabuluhang buhay, at nagagalak na mangaglingkod sa iba.—Gawa 20:35.
Ang Diyos ay may katiyakang nangangako ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” na mangangahulugan ng lubusang pagbabago ng mga kalagayan ng pamumuhay para sa angaw-angaw na mga tao. Inihula ni Isaias: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng mga bunga niyaon. . . . Sapagka’t kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan; at ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay.”—Isaias 65:17-23; 2 Pedro 3:13.
Ang mga pangakong ito ay nagkaroon ng munting katuparan sa pagsasauli sa mga Judio sa kanilang lupain noong 537 B.C.E. Ito’y nagkakaroon ng lalong malaking katuparan sa espirituwal na paraan sa ika-20 siglong ito, at mahihiwatigan dito kung papaano ang magiging buhay sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ng Kaharian ni Kristo sa lupa. Ngayon pagka sinuri natin ang mga salita ni Isaias ay agad nakikita natin na nagpapahiwatig ito ng makabuluhang-gawain, mga trabahong paglikha. Ang proyektong pagtatayo at pagtatanim na ito ay tatagal nang mahabang panahon sapagka’t kakailanganin ang mga bahay hindi lamang para sa mga makaliligtas sa Armagedon kundi pati rin sa bilyun-bilyon na mangagbabalik nang una-una pagka sila’y binuhay na uli. Anong pagkarami-raming mga pagkakataon para sa mga mahilig sa arkitektura at sa sarisaring disenyo!—Apocalipsis 16:14-16; 21:3, 4.
Isip-isipin lamang ang mangyayari pagka isinagawa na ang pagbuhay-muli. Ang iyong mga ninuno ay bubuhayin sa mga patay. Ang iyong talaangkanan ay masasaksihan mo mismo! Matutunton mo ang iyong mga kanunu-nunuan, hindi sa mga rekord na papeles lamang, kundi sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iyong mga binuhay na ninuno. Tunay na hindi magiging kainip-inip iyan!—Juan 5:28, 29.
Isa pa, sa panahon ng Sanlibong Taóng Pamamahala ng Kaharian ni Kristo ay isasagawa ang pambuong daigdig na proyekto sa pagtuturo upang ang mga bubuhaying mag-uli ay makaalam ng katuparan ng mga layunin ng Diyos tungkol sa lupa at kung ano ang kailangan nilang gawin upang maging. karapat-dapat sa buhay magpakailanman. Tiyak na si Jehova ay magsisiwalat ng mga bagong instruksiyon tungkol sa mga bagong kalagayan ng sangkatauhan. At kung magkagayon ay hahatulan ang mga tao ayon sa mga batas at mga instruksiyon na nasa “mga balumbon” na bubuksan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.—Apocalipsis 20:12.
Paggamit sa Potensiyal ng Utak
Kung gayon, magiging kainip-inip kaya ang buhay sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari at pagkatapos? Alalahanin ang
kamangha-manghang, potensiyal ng utak at ihambing ang nalalaman mo ngayon sa malalaman sa panahong iyon.Halimbawa, ilang mga hayop, mga halaman at mga insekto ang alam mo ang pangalan o may masasabi ka tungkol sa kanila? Dalawampu? Limampu? Isang daan? Para sa mga ibang tagasiyudad, na malayo sa kalikasan, iyan ay magsisilbing isang hamon. Gayunma’y isang biologo ang sumulat: “Singdami ng 5 angaw na iba’t-ibang uri ng organismo ang nasa biosphere [yaong mga nabubuhay na kinapal at ang kanilang kapaligiran].” Ilan sa limang angaw na uring iyan ng mga naninirahan dito sa lupa ang kilala mo sa pangalan? Halimbawa, ilang iba’t-ibang uri ng insekto ang nakita mo sa tanang buhay mo? Mayroong mahigit na 700,000 klasipikadong mga uri! At komusta naman ang pagkarami-raming mga ibon na may sarisaring plumahe, disenyo at mga awitin? Ilan ba ang nakikilala mo? Gayunman ay mayroong 8,600 na mga uri ng mga ibon na nabubuhay. Pasasaan ang tao kung walang mga punungkahoy? Sa mga ito tayo umaasa ng pagkain, lilim, tabla at panggatong. Gaano bang kahabang panahon ang kakailanganin upang makilala mo ang lahat ng 20,000 iba’t-ibang klase ng punungkahoy?
Gayunman ay ilan lamang ito sa libu-libong kabigha-bighaning mga bagay na kagila-gilalas sa tao. (Ihambing ang Job, kabanata 38 at 39.) Pagkarami-rami at pagkalawak-lawak ng mga ito nguni’t hindi nagiging problema para sa kapasidad ng ating utak. Oo, ang ating utak ay dinisenyo na taglay ang walang-hanggang potensiyal. Kung gayon, yamang ang tao’y binigyan ng isang kaisipang aktibo at mapag-usisa, hindi sisingit sa kaniyang buhay ang pagkabagot. Datapuwa’t, ang kailangan natin ay sapat na haba ng buhay upang matumbasan ang potensiyal ng utak. At iyang-iyan ang pangako ng Diyos sa masunuring sangkatauhan—walang hanggang buhay sa isang lupang Paraiso.—Juan 17:3; Apocalipsis 22:1, 2.
Hindi Kabagut-bagot ang Walang-Hanggan
Subali’t napapaharap sa atin ang isa pang magandang pagpapala sa Paraiso—tayo’y magkakaroon ng kaalaman tungkol sa buong lupa, paunti-unti. Wala na ang mga hangganan ng mga bansa, ang mga kuskusbalungos sa paglalakbay. Wala na ang makikitid na kaisipan na likha ng pagkakaiba-iba ng bansa, ng lahi at ng angkan. Kikilalanin ng lahat na sila’y bahagi ng iisang sambahayan ng tao na may pagkakaisa. Anong laking kagalakan ang maglakbay at unti-unting makilala ang angaw-angaw na mga “brothers” at mga “sisters” natin na nananahan sa kapayapaan sa buong lupa. Iyan ay magdudulot ng walang hanggang kagalakan—hindi ng pagkabagot!
Ang mga pangako at mga layunin ni Jehova ay lubusang matutupad tungkol sa lupang ito: “Ang maaamo ay kakain at mabubusog; silang nagsisihanap sa kaniya ay magpupuri kay Jehova. Harinawang ang iyong puso ay mabuhay magpakailanman. Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala at magsisipanumbalik kay Jehova. At lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.” Kung ibig mong maging isa ka sa maaamong ito na mabubuhay magpakailanman, makipag-alam ka sa mga saksi ni Jehova o sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Ang mga tanong mo ay sasagutin, walang bayad, at ikaw man ay maaaring magkaroon ng pag-asang buhay na walang hanggan sa isang lupang Paraiso!—Awit 22:26, 27; Tito 1:2.
[Larawan sa pahina 6]
Ilang uri ng ibon, hayop, isda at mga halaman ang alam mo? Sa Paraiso ay magkakaroon ka ng sapat na panahon upang makilala ang lahat na ito