Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Na Ako Mag-aaral Pa ng Pakikidigma

Hindi Na Ako Mag-aaral Pa ng Pakikidigma

Hindi Na Ako Mag-aaral Pa ng Pakikidigma

ANG South Dakota sa Gitnang-kanlurang Estados Unidos ay isang estadong sakahan. Mga bakahan ang nanginginain sa luntiang kapatagan nito. Kung tagsibol ang mga bukid ay may saganang ani ng trigo, sebada, oats, mais at rye. Dito, sa bayan ng Aberdeen, isinilang ako noong Hulyo 10, 1921—at sa tanang buhay ko’y nasaksihan ko ang kasukdulan ng digmaan at ng kapayapaan, ng kapootan at ng pag-ibig.

Ang mga magulang ko ay masisipag na Aleman na naniniwala sa relihiyon at sa edukasyon. Kaya ako’y binautismuhan at pinalaki sa relihiyong Luterano. Nang tagsibol ng 1939 ay natapos na ako ng pag-aaral. Ang mga magulang ko ay nagdiborsiyo at namatay na ang aking ama. Ano kayang landas ngayon ang pipiliin ko sa buhay?

Ganiyan na lamang ang pagpapahalaga ko sa Bibliya at sa Diyos kaya’t nag-aplay ako na mag-aral sa isang seminaryong Luterano upang maging ministro. Samantala ay sumiklab na ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa at, palibhasa’y wala pa akong natatanggap na patalastas buhat sa seminaryo, noong Hulyo ng 1940 ay pumasok ako sa U.S. Navy. Kaya nagsimula noon ang karera ko na kakabit ng digmaan imbis ng kapayapaan.

Pagkatapos ng unang pagsasanay, ang ipinasiya ko’y magsilbi sa Navy Air Force. Ang unang distino ko sa ibayong dagat ay sa isang air base sa Olongapo, hindi kalayuan sa Maynila, sa Pilipinas. Ang Estados Unidos ay hindi pa noon kasangkot sa giyera, kaya’t ang aming misyon ay kalimitan ang pagmamanman ng plotang Hapones sa Pasipiko.

Sumalakay ang mga Hapones

Noong Disyembre 7, 1941, ako’y gumaganap ng tungkulin, na wala kundi nagbabantay akong mag-isa ng radio—karaniwan nang isang panahon ng pagpapahingalay. Biglang-biglang nagbalita ang radio: “Ang Pearl Harbor ay sinasalakay ng mga Hapones”! Lumundag ako buhat sa aking silya at tinakbo ko ang alarma. Batid ko na hindi magtatagal at sasalakayin din ng mga Hapones ang Pilipinas.

At totoo naman, sapagka’t nang mag-uumaga ay binabagsakan na kami ng bomba. Marami sa aming eroplano ang nawasak sa lupa. Yaong mga nakaaguwanta pa para pumaitaas ay nambomba at nagtorpedo ng mga boke de-giyerang Hapones. Mga bagong tripulante ang humalili sa mga dati na singbilis ng pagpasok ng mga eroplano. Ako’y naparilyebo sa mapanganib na mga misyong ito na animo’y walang katapusan.

Kami’y lumaban noon na patungo sa pagkatalo. Sinisid kami ng mga eroplanong Hapones na animo’y walang kaanu-anuman na gaya niyaong pagsisid ng lawin upang dagitin ang isang sisiw. At mga ilang araw lamang ay nawasak ang lahat ng aming eroplano, at sa 500 katao na nasa base namin ay mga 50 na lamang ang natira. Kailangan na makatakas kami buhat sa mga islang iyon. Kaya’t sa pamamagitan ng isang maliit na barkong Pranses ay sinikap naming makalusot sa balakid na inilagay ng mga Hapones at makatakas tungo sa Dutch East Indies mga 2,000 milya ang layo.

Kami’y lumunsad sa Surabaja, na tinatawag ngayon na Indonesia. Subali’t hindi nagtagal at kami’y pinagsalikupan ng mga Hapones, kaya kami’y muling tumakas sa Port Darwin sa Australia, na noo’y akala namin ay hindi na kami maaabot pansamantala ng pagsalakay. Subali’t, walang anu-ano’y bigla na lamang sumulpot ang mga eroplano at bomba rine at bomba roon ang ginawa. Mga 20 barko ang napalubog nila. Ang aming barko, na Willie B. Preston, isang destroyer na ikinumberte sa airplane tender, ay binomba at tinira ng machine gun hanggang sa masunog. Gayunman ay napatay din namin ang apoy at, kinagabihan, sumibat kami buhat sa kanlurang baybayin ng Australia tungo sa Fremantle.

Nang gabing iyon ang mga bangkay, na marami sa kanila ay mga kaibigan kong matalik, ay binalot sa lona at nilagyan ng pabigat, at, pagkatapos ng maikling pahayag na nakaaliw nang bahagya, ang mga bangkay na iyon ay inihulog na namin sa dagat. Tinuruan na ako ng digmaang iyon na kapootan ang kaaway. Lalo akong napoot nang masaksihan ko ang ganitong tanawin.

Isang Bagong Larangan ng Labanan

Makalipas ang 30-araw na bakasyon kami ay idinistino sa Aleutian Islands, nasa gawing timog-kanluran ng Alaska. Kami’y palaging naghahanap at nagwawasak ng mga barkong Hapones oras na makita namin ang mga ito.

Noong Agosto 8, 1942, sa labanan ng Attu ay tinira kami at ang radar namin ay hindi gumana. Samantalang kami’y pabalik sa base ay napasubo kami sa makapal na ulap at nawalan kami ng preno. Wala akong natandaan noon kundi ang sigaw ng kapitan na, “Babagsak tayo!”

Nang ako’y magkamalay-tao nakita kong nasusunog pa ang aming eroplano. Bumangga pala kami sa tagiliran ng isang bundok at ako’y napahagis nang malayo sa kinabagsakang iyon. Natanggal ang gawing buntot dahil sa lakas ng pagbagsak, at kung mayroon mang nakaligtas ay doon siya matatagpuan. Lahat ng parte ng katawan ko ay kumikirot, nguni’t sa papaanuman ay nakagapang ako patungo sa buntot at doo’y natagpuan kong buháy pa ang pinakamatalik kong kaibigan. Malubhang-malubha ang kaniyang kalagayan. Nagawa kong mahila siya upang mailayo sa nasusunog na eroplano bago nawalan uli ako ng malay-tao.

Ang ugong ng mga eroplanong naghahanap at sumisisid para kilalanin ang bumagsak na eroplano ang nakapagpabalik ng aking malay-tao nang sumunod na araw. Pagdaraan niyaon sa itaas namin, nagawa kong magwagayway ng isang jacket at pagkatapos ay nawalan na uli ako ng malay.

Nang magkamalay-tao ako ay naroon na ako sa isang ospital ng Navy at katabi ko ang nasabi kong kaibigan. Siya’y nabuhay nang mga ilang araw lamang. Kaya’t ako lamang pala ang nakaligtas sa siyam na tripulante. Nakasaksi na ako ng maraming namatay, subali’t ngayon ang pinakamatatalik kong kaibigan ay pawang patay na. Lagi kong itinatanong sa aking sarili, ‘Pero bakit ako? Bakit pa ako hindi namatay?’ Sa puntong ito ay huminto na ako ng pagbabasa ng Bibliya at latang-lata ako sa espirituwal.

Isang “Alpa” ang Bumago ng Aking Buhay

Mula sa Dutch Harbor sa Aleutians ay isinakay ako sa barko ng ospital ng Navy at dinala sa Bremerton Navy Hospital sa estado ng Washington. Ang mga panga ko, na napinsala nang malaki, ay hindi pa napapasauli sa dati, kaya’t kailangan na ito ang iuli. Mga anim na buwan ang kinailangan bago ako gumaling sa aking mga kapinsalaan.

Nang ako’y gumaling na ay dumalaw ako sa aking ate sa California. Isang araw ay nakita kong itinatapon ng kaniyang kapitbahay ang mga aklat na parang bago. Ang isa’y may pamagat na Prophecy. Tinanong ko kung iyon ay tungkol sa Bibliya. Ang sagot niya, “Oo, at mayroon pang iba. Ibibigay kong lahat sa iyo.” Ganiyan ko nakuha pati ang The Harp of God at ang mga iba pang aklat na lathala ng Watchtower Society.

Para bang muling nagningas ang interes ko sa espirituwal na mga bagay. Ibig kong lalong maunawaan ang Bibliya. Ang aklat na Prophecy ay binasa ko mula una hanggang katapusan pero hindi ko maunawaan. Kaya’t itinapon ko ang mga aklat maliban sa The Harp of God, na isiniksik ko sa aking pambiyaheng bag.

Kung mga ilang buwan din na kasama ako ng isang mataas na upisyal ng Navy sa paglipad sa kaniyang pag-iinspeksiyon ng mga base ng Navy sa baybaying kanluran ng E.U. Ito’y nagbigay sa akin ng maraming libreng panahon para sa umano’y mga kalayawan ng buhay na ito, nguni’t sa wakas ay nadama kong wala ring kabuluhan at lalo lamang lumigalig sa akin. Nagboluntaryo akong bumalik sa aktuwal na labanan. Ang aking bagong iskuwadron ng mabibilis na bombardero ay ipinadala sa Saipan at sa Tinian sa Pasipiko. Ang aking gawain ay magpaandar ng radar bombing sa tagapagpaunang eroplano ng iskuwadron. Ang bawa’t tripulante ay lumilipad tuwing dalawang araw bilang bahagi ng combat mission, kaya sila’y maraming libreng panahon sa base.

Isang araw nang hinahalungkat ko ang aking pambiyaheng bag sa paghahanap ng mga cards, ang nahugot ko ay yaong aklat na The Harp of God. Sinimulan kong basahin iyon. Nagtaka ako nang maintindihan ko na ang “impiyerno” pala ay yaong libingan, na ang tao ay isang kaluluwa at hindi imortal at na hindi sinusuportahan ng Kasulatan ang turo ng Trinidad. Hindi ko maubus-maisip ang ganitong mga pangunahing turo.

Agad kinuha ko ang aking Bibliya at hinanap ko ang lahat ng teksto na pinatitingnan. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Pagkaliwa-liwanag at simpleng-simple lamang pala. Tuwang-tuwa ako sa aking natututuhan. Subali’t pagkatapos kong mapag-isipan iyon ay minabuti kong pumunta sa mga kapelyan ng Protestante at Katoliko at hilingin sa kanila na patunayan sa akin sa Bibliya na ang impiyerno’y hindi ang libingan.

Ang Payo ng Kapelyan

Mangyari pa, hindi nila magagawa iyon. Isa ang nagpayo sa akin na natatandaan ko hangga ngayon. Aniya: “Miller, mayroon kang pagkagaling-galing na rekord sa Navy at lubhang iginagalang. Ang kinabukasan mo ay sigurado sa Navy. Isa ka sa pinakabatang hepe ng mga petty officers na nahirang kailanman. Huwag kang magkakamali na umanib sa mga Saksi ni Jehova, na hindi sumasaludo sa bandera o nagtatanggol ng kanilang bayan.” Ang aking mga katanungan sa Bibliya ay hindi sinagot ng mga kapelyan na ito, at wala silang ginawa kundi atakihin ang kilalang mga Saksi na noo’y patay na.

Dahilan sa kanilang mga sabi-sabi ay nagkaroon ako ng maling paniwala tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Datapuwa’t, walang isa man sa kanila na makapagbuklat ng Bibliya upang pabulaanan ang mga bagong paniwala na natuklasan ko. Naisip ko, ‘Siguro’y ito na ang katotohanan. Kailangang gawin ko ang aking buong kaya upang matulungan ang iba ng maunawaan ito.’ Kinabukasan ay ibinalita ko na sa iba ang aking natutuhan. Lahat sila’y naniniwala na isang malaking kabaligtaran iyon ng aking dating paniwala.

Nakarating sa komandante ang balita na ako’y nangangaral, at ako ay tinawag niya sa kaniyang upisina at ang sabi sa akin, “Miller, marami na tayong pinagdaanan na magkasama at mga ilang araw na lamang at sasagupa tayo sa isa sa pinakamahigpit na labanan, ang Iwo Jima! Bueno, kung ano itong pangangaral na ito ay wala akong pakialam. Pero ihinto mo sana muna hanggang sa matapos ang misyong ito.” Sa wari ko’y makatuwiran naman ang pakiusap na ito, kaya huminto muna ako.

Ang Labanan Para Masakop ang Iwo Jima

Sa lahat ng misyon ay nagbibigay muna ng tagubilin. Para masakop ang Iwo Jima ay inalam muna kung ilan ang humigit-kumulang mangamamatay. Nanlamig ako nang marinig ko ang bilang. Ang mga masasawi ay hindi mga numero lamang na nakasulat sa papel kundi mga buhay ng tao.

Pinagsikapan ng mga Hapones na huwag maagaw sa kanila ang mahalagang islang ito. Sila’y humukay ng mapagkakanlungang mga trintsera sa mga batuhan ng corales sa buong baybay-dagat, anupa’t halos imposible na masalanta sila roon. May isa lamang paraan upang masawi sila—lumipad nang mababa at sabugan ang mga matatarik na dalisdis ng napalm bombs. Pagbagsak nito, ang likidong nagliliyab ay susuot sa mga bitak at mga siwang ng batuhan, at maglalagablab ang buong dakong iyon.

Pagkaraan ng mga ilang araw ay nabihag namin ang Iwo Jima at kami’y nakalusad sa lunsaran ng eroplano. Nang ako’y makababa na sa bombardero ay mga patay ang nasaksihan ko sa buong palibot. Nagbalik ako sa tabing-dagat para tingnan ang resulta ng pagsalakay. Kalagim-lagim ang nasaksihan ko. Kasalantaan sa magkabi-kabila. Nanlupaypay ako.

Ang naging biktima ng Iwo Jima, ayon sa ulat, ay 8,000 nasawing Amerikano at 26,000 ang napinsala. Sa Hapones ay 22,000 ang nasawi. Lahat na ito ay kapalit ng isang 8-kuwadradong-milya (20-km-kuwadrado) na isla!

Noong Agosto 1945 ay nagbagsak sa Hapon ng mga bomba atomika. Hindi naglipat linggo at ang mga Hapones ay sumuko, at natapos ang giyera.

Unang Pakikitungo Ko sa mga Saksi

Nang ako’y makabalik na sa Estados Unidos, nagpunta ako sa Portland, Oregon, upang dumalaw sa aking pamilya. Sila’y lubhang salungat sa aking bagong mga paniwala. Datapuwa’t, kilala nila si Howard Meier, isa sa mga Saksi ni Jehova. Agad akong nakipagkita sa kaniya at hinamon ko siyang makipagliwanagan sa akin tungkol sa sinabi sa akin ng mga kapelyan may kinalaman sa mga Saksi. Hindi nagtagal at kaniyang napabulaanan ang mga paninirang iyon. Kaya’t dumalo na ako sa mga pulong sa Kingdom Hall at nakibahagi sa pangangaral.

Sa pag-aaral ko ng mga simulain sa Bibliya tungkol sa digmaan at sa kapayapaan natalos ko na hindi na pala ako maaaring makibahagi sa mga gawaing militar ni magpatuloy sa karerang militar at maging isang tunay na Kristiyano pa rin. (Isaias 2:4; Mateo 22:37-40) Kailangang magpasiya na ako sa kung ano ang dapat kong gawin, sapagka’t hindi magtatagal at kailangang magreport ako sa tungkulin.

Noon ay binigyan ako ni Howard Meier ng kaunting payo at ito’y pasasalamatan ko sa tuwina. Sinabi niya: “Sa espirituwal ay isa ka pang sanggol. Imbis na magpasiya ka sa mismong sandaling ito kung ano ang dapat mong gawin, bakit hindi ka bumalik sa iyong base, dumalo sa mga pulong sa karatig na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, at habang lumalago ang iyong kaalaman at kaunawaan, manalangin ka kay Jehova na akayin ka at patnubayan.”

Ako’y nagreport sa air base sa Whidbey Island, Washington. Nagsimula ako agad na makiugnay sa Anacortes Congregation ng mga Saksi ni Jehova. Hindi nagluwat at ako’y nangangaral na sa bahay-bahay at iniaanunsiyo ko sa mga lansangan ang mga pahayag pangmadla. Hindi nagtagal at ako’y nagdaraos sa air base ng walo hanggang sampung pag-aaral sa Bibliya.

At may mga tawag-pansin na tinanggap ang Navy base na nagririklamo tungkol sa isang hepe ng mga petty officer na paroo’t-parito sa kalye sa pag-aanunsiyo ng mga pahayag sa Bibliya. Ako’y tinawag ng kapelyan at tahasang pinagsabihan na ‘HUMINTO sa kalokohang ito!’ Siempre pa, tumanggi ako.

Inaresto at Iniharap sa Hukumang Militar

Samantalang nangangaral ako sa lansangan ay inaresto ako ng Navy Police. Ang paratang? Isang pagdusta raw iyon sa uniporme ng Navy. Ang bunga’y iniharap ako sa hukumang militar na maaaring humantong sa aking pagkabilanggo sa piitang militar at o sapilitang pagkatiwalag. Tinanggihan ko ang paggamit ng isang abogado ng Navy, sapagka’t inaakala kong ako ang pinakamagaling na magpaliwanag ng aking posisyon at ng mga bago kong paniwala na nakasalig sa Bibliya.

Dinala ako sa harap ng mga hukom ng hukbong militar ng Navy, at binasa ang mga sumbong laban sa akin. Pagkatapos na mahaba-haba ring pag-uusap at pagtatanong tungkol sa aking mga paniwala, tinanong ako kung mayroon pa akong sasabihin.

“Opo,” ang sabi ko. Tumuro ako sa banderang Amerikano at ang tanong ko, “Ang bandera po bang iyan ay isang panunuya lamang?”

“Ano . . . ano ba ang ibig mong sabihin niyan, Miller?” ang bulyaw ng isa sa mga komandante kasabay ng biglang pagtindig sa kaniyang silya.

“Mga ginoo, nasa harap ninyo ang buong rekord ko sa Navy. Batid ninyo na ako’y nagboluntaryo at lumaban ako alang-alang sa mga bagay na kinakatawan ng banderang iyan, higit pa sa dapat kong gawin. Ako’y naniniwala na kumakatawan iyan sa kalayaan ng pagsamba, ng pagsasalita at ng relihiyon. Nasaksihan ko mismo ang pagkasawi ng aking mga kaibigan sapagka’t sila man ay lumaban alang-alang sa mga kalayaang ito. Nasaksihan ko ang libu-libong nangamatay sa Pilipinas, sa Australia, sa New Guinea, Saipan, Tinian, Aleutians at Iwo Jima. Ako’y napadistino sa mahigit na isang daang aktuwal na labanan at sa maraming mapanganib na mga pagpatrolya. Mas marami akong medalya at sitasyon kaysa halos sinuman dito sa base. Ipagkakait ba ninyo sa akin ang mismong mga bagay na aking ipinaglaban at kinakatawan ng bandera—ang kalayaan ng pagsamba at ang kalayaan ng pagsasalita?”

Lubos na katahimikan ang naghari sa buong bulwagan ng hukuman habang ako’y nauupo. Ang mga hukom ay nagsialis na nguni’t nagbalik din agad na taglay ang pangungusap na hindi sila makapagdesisyon sa aking kaso kaya’t ipadadala nila ito sa Washington, D.C. Nang maglaon ay dumating din ang desisyon buhat sa Washington, D.C. Kailangang kumumple ako ng serbisyong tatlo pang buwan at bibigyan ng gawain na sinasang-ayunan ng aking budhi. Noong Hulyo 14, 1946, ako’y binigyan ng honorable discharge o ng kalayaan na makaalis sa serbisyo. Ngayon ay ano ang susunod na hakbang sa aking buhay?

Kapayapaan Pagkatapos ng Digmaan

Sa pamamagitan ng programa sa beteranos, nagkaroon ako ng pagkakataon na mag-aral sa kolehio o unibersidad para sa ano mang karerang gusto ko. Tinanggihan ko iyon. Ngayon na may kaalaman na ako sa katotohanan at sa pag-asang ibinibigay ng Bibliya na walang hanggang kapayapaan sa lupa, ibig kong tulungan ang iba na magtamo ng buhay. Ibig kong ang kahibangan ng digmaan at ng pagpapatayan ay halinhan ng isang gawaing nagbibigay-buhay.—Awit 46:8, 9; Isaias 9:6, 7.

Ako’y nabautismuhan noong Agosto 1946 sa kombensiyong “Nagagalak na mga Bansa,” sa Cleveland, Ohio. Ako’y bumalik sa Anacortes at nagsimula ng buong-panahong ministeryo. Noong 1947 ay nag-aplay ako ng paglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Watchtower Society sa Brooklyn, New York. Ako’y tinanggap at nagreport ako sa Bethel noong Marso 29, 1948. Nagtrabaho ako sa iba’t-ibang departamento bago ako nailipat sa Service Department. Dito ako nagkapribilehiyo na magsilbing sekretaryo ni Brother T. J. (Bud) Sullivan, na nang malaunan ay naging kagawad ng Lupong Tagapamahala.

Siya’y isang bukal ng matalinong payo at karanasan at isang uliran sa pakikitungo sa iba nang may kabaitan. Natatandaan ko pa na nang si Bud ay humahawak ng isang mahirap na kaso, kaniyang sinabi: “Sakaling tayo’y magkakamali, dito sana sa panig ng kaawaan sapagka’t si Jehova ay isang Diyos ng kaawaan.” ‘Anong pagka-inam-inam na punto,’ ang sumaisip ko!—Awit 116:5.

Noong 1953 sa di-inaasahan ay hinirang ako ni N. H. Knorr, na pangulo noon ng Watchtower Society, upang maging bagong tagapangasiwa ng Service Department. Ito’y pangangasiwa sa lahat ng gawaing ministeryal sa Estados Unidos. Sa tulong ni Jehova ay nagampanan ko ang responsabilidad na iyon nang may 22 taon. Sapol noong 1975 ay isang komite na ang humahawak nito.

Noong Marso ng 1952 ay isang kapatid na dalaga, maganda at bata, ang dumating sa Bethel. Siya’y nasa buong-panahong paglilingkod sapol noong 1947. Ang pangalan niya ay Brook Thornton. Kami’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa at napakasal kami noong Mayo 1957. Naging maligaya ang buhay ko sa piling ni Brook at kami’y sukdulang galak na galak na magkasamang naglilingkod sa Bethel.

Mga Pagbabago ang Dala ng Kapayapaan

Noong 1969 ay nagkaroon ako ng karanasan na may matinding epekto sa akin. Kaming mag-asawa ay nagkapribilehiyo na dumalo sa “Kapayapaan sa Lupa” na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Tokyo, Hapon. Inaamin kong magkahalong damdamin ang taglay ko tungkol sa pagdalaw sa Hapon. Pagkahirap-hirap na makalimutan ang alaala ng digmaan. Bagaman tinanggap ko na ang mga turo ng Bibliya, iniisip ko kung ano kaya ang magiging epekto niyaon kung nasa Hapon na ako.

Ang mga ilang araw na paglagi namin sa bansang iyon ay nagsiwalat sa akin nang malaki! Ang kasalu-salamuha ko ay mga taong mababait, mapagpakumbaba, mapayapa at ngayo’y nasusuklam na sa digmaan kagaya ko rin. Sila man ay nangagbago na rin sapol noong 1945. Hangang-hanga ako.

Dinapuan Ako ng Sakit

Noong 1979 ay na-stroke ako na anupa’t halos mabulag ako at mayroon na akong diperensiya sa puso. At noong 1981 ay naging paralitiko ako. Ang mga kapansanang ito, bagaman masakit kung iisipin, ay nagturo sa akin nang higit pa ng pangangailangan na intindihin natin ang mga problema at kalagayan ng mga ibang tao.

Hindi ko na magawa ang dating ginagawa ko. Binawasan ang oras ng aking pagtatrabaho nguni’t naglilingkod pa rin ako bilang kagawad ng Service Department Committee. Nasaksihan ko ang bilang ng aktibong mga mamamahayag sa Estados Unidos na dumami buhat sa mga 66,000 noong 1946 hanggang sa umabot sa mahigit na 640,000 noong 1983. Lahat sila, katulad ko rin, ay gumagawa alang-alang sa kapayapaan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Sa laki ng aking kagalakan, isa sa mga nabautismuhan noong 1975 ay ang aking ina. Bagaman siya’y 86 anyos, siya ay nangangaral pa rin.

Ngayon ay nasasabik ako sa araw na malapit na, na pangyayarihin ng Diyos na Jehova na dumating na ang kaniyang matuwid na Bagong Kaayusan na kung saan wala nang digmaan, sakit at kamatayan. Sinasabi ng Bibliya: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako [ang tiyak na salita ng Diyos], at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Taimtim na hangarin kong magkaroon ako ng bahagi sa “bagong lupa” na ito at kalimutan na magpakailanman ang mga kakilabutan ng digmaan na aking naranasan.

[Mapa sa pahina 10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

CANADA

ALASKA

ALEUTIAN ISLANDS

Attu

BERING SEA

SIBERIA

[Larawan sa pahina 9]

Si Harley Miller bilang chief petty officer, U.S. Navy, 1945

[Picture on page 14]

Sa Hapon ay hinangaan ko ang mga taong mababait, mapagpakumbaba, at mapapayapa