Kayo’y Sumagana sa Pag-asa!
Kayo’y Sumagana sa Pag-asa!
“Harinawang ang Diyos na nagbibigay ng pag-asa ay puspusin kayo ng buong kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang kayo’y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu.”—ROMA 15:13.
1, 2. (a) Anong dahilan ang ibinigay ni Pablo para sa ‘pagsagana sa pag-asa’ ? (b) Paano ba inihula ni Isaias ang pag-asang ito?
SUMAGANA sa pag-asa? Sa isang daigdig na kasingdilim nito, na ang krimen at imoralidad ay naglipana sa mga kalye, na mahigit na isang bilyong katao ang dumaranas ng gutom o halos-kagutuman, at kung saan ang mga armas nuclear ay nakabitin na mistulang isang tabak ni Damocles sa ibabaw ng buong sangkatauhan, anong dahilan mayroon na “sumagana sa pag-asa” ang sinuman? Bago niya sinambit ang nasabing panalangin, sinabi ni apostol Pablo ang dahilan, at sinipi ang sinabi ni propeta Isaias: “Siya’y lilitaw upang maghari sa mga bansa; sa kaniya maglalagak ang mga bansa ng kanilang pag-asa.”—Roma 15:12.
2 Dito’y sumisipi si Pablo sa Isaias 11:1-10. Ito’y hula tungkol sa mga tao sa mga bansa na may pag-asa kay Jesus, na inilarawan ni Haring David, na anak ni Jesse. Sa paglalahad ng tungkol sa Isang ito, ang manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo ay sumipi rin kay Isaias, sa mga salitang ito: “Narito! Ang lingkod ko na aking pinili, at minamahal ko, na kinalulugdan ng aking kaluluwa! Ilalagay ko sa kaniya ang aking espiritu, at ang katarungan ay ipaliliwanag niya sa mga bansa. . . . Oo, sa kaniyang pangalan ay aasa ang mga bansa.”—Mateo 12:18-21; Isaias 42:1, 4.
3, 4. (a) Anong “pangalan” ang taglay na ngayon ni Jesus, at bakit? (b) Papaano ba natin dapat unawain ang Apocalipsis 19:10, 11?
3 Bakit ang mga bansa ay aasa sa pangalan ni Jesus? Ito’y dahil sa lahat ng kinakatawan ng kaniyang pangalan. Nang siya’y naririto sa lupa bilang isang tao, si Jesus ay napatanyag ang “pangalan” bilang isang walang kapintasang tagapag-ingat ng katapatan. Ang pag-uusig, upasala, mga pagpapahirap—wala ng alinman dito na nagpabago ng kaniyang tunguhin na gawin ang kalooban ng Diyos hanggang sa oras ng kaniyang kamatayan. “Kaya naman,” ang paliwanag ni apostol Pablo, “siya’y dinakila ng Diyos tungo sa isang nakatataas na kalagayan at may kagandahang-loob na binigyan ng pangalan na mataas kaysa lahat ng pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ang bawa’t tuhod ay iluhod ng mga nasa langit at ng mga nasa lupa at ng mga nasa ilalim ng lupa, at upang ipahayag ng lahat ng dila na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos ng Ama.”—Filipos 2:9-11.
4 Ang pangalan ni Jesus ay kumakatawan ngayon sa mataas na katungkulan na pinaglagyan sa kaniya ni Jehova upang maging Mataas na Saserdote at Hari “sa kanan ng trono ng Kamahalan sa langit.” Siya ang Isa na tinatawag na “Tapat at Totoo,” at sa kaniyang pagparito nakatuon ang buong salita ng hula, “sapagka’t ang pagpapatotoo kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula.”—Hebreo 8:1; Apocalipsis 19:10, 11.
5. Bakit ngayon, lalung-lalo na, tayo dapat “sumagana sa pag-asa”?
5 Bakit tayo sa ngayon ay dapat “sumagana sa pag-asa”? Sapagka’t ipinakikita ng salita ng hula na ang Jesus na ito ay halos kikilos na upang hanguin tayo sa lahat ng kapinsalaan na idinulot sa sangkatauhan ng nagkasalang si Adan. “Sapagka’t kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.” (Roma 5:19) Bilang Mataas na Saserdote ng Diyos sa langit, gagamitin ni Jesus ang bisa ng kaniyang sakdal na hain bilang tao sa pagsasauli sa lahat ng tatalimang mga tao, kasali na ang bilyun-bilyon na bubuhaying-muli, upang sila’y maging mga taong sakdal, na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa kaligayahan sa isang lupang Paraiso. Si Jesus ay “maghahari hanggang mailagay ng Diyos ang lahat niyang mga kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang ang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.” At kung magkagayon, lahat ng tao ay masisiyahan sa kasakdalan ng buhay sa mapayapang Paraisong iyon.—1 Corinto 15:25, 26; Awit 72:3, 7; Isaias 33:24.
Pagkakamit ng Pangmatagalang Pangmalas
6. (a) Sa papaano lamang tayo makapagkakamit ng isang pangmatagalang pangmalas sa mga layunin ng Diyos? (b) Papaano tayo maaaring makinabang dito?
6 Sa pamamagitan lamang ng Bibliya maaari nating mapag-alaman ang tunay na layunin ng buhay. Tanging ang Diyos lamang, sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang makapagpapaliwanag kung saan tayo nanggaling, kung bakit tayo naririto, at kung ano ang inilalaan sa atin ng hinaharap. (Isaias 46:9, 10; 2 Timoteo 3:16) Ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng isang pangmatagalang pangmalas sa katuparan ng mga layunin ng Soberanong Panginoong Jehova. Inihahayag nito sa atin kung paano tayo makapagkakaroon ng isang kasiya-siyang bahagi sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban, at iyan ay sa panahong walang hanggan sa hinaharap!—Awit 37:31, 34.
7. Papaano natupad ang inihula ni Jesus na “tanda”?
7 Ang inihulang “tanda” na tinukoy ni Jesus nang matatapos na ang kaniyang ministeryo rito sa lupa ay sumapit na ngayon sa kahanga-hangang katuparan. Si Jesus ay nakaluklok na ngayon sa kaniyang maluwalhating trono sa langit, at hinahatulan ang mga bansa sa lupa at pinagbubukud-bukod ang mga tao “gaya ng isang pastol na nagbubukud-bukod sa mga tupa at mga kambing.” Ito’y ginagawa ayon sa kanilang pagtugon sa mensahe ng Kaharian na ipinangangaral ng “mga kapatid” ni Kristo, ang pinahirang mga saksi ni Jehova na naglilingkod pa sa Diyos dito sa lupa. (Mateo 24:3-14; 25:31-40, 46) Nguni’t dahilan ba dito’y kapantay na si Jesus ng Diyos na Jehova, o nakatataas pa nga sa kaniya?
8. (a) Bakit ginawa ni Jehova na si Jesus ang kaniyang kasamang Hari? (b) Papaano ipakikita ni Jesus na siya’y napasasakop sa Ama?
8 Hindi, sapagka’t “ang ulo ng Kristo ay ang Diyos,” na sa tuwina’y siyang “Haring walang-hanggan” at Soberano sa lahat ng kaniyang mga nilalang. (1 Corinto 11:3; 1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 4:11) Nang magkaroon lamang ng paghihimagsik sa Paraiso ng Eden saka ipinahayag ni Jehova na siya’y magbabangon ng isang makakasama niyang Hari—ang “binhi” na ipinangako—“upang lumipol sa mga gawa ng Diyablo.” (Genesis3:15; 1 Juan 3:8) Datapuwa’t, pagkatapos na kaniyang maipagbangong-puri ang pangalan at soberania ni Jehova at maisauli na ang sangkatauhan sa kasakdalan sa ibabalik na Paraiso sa lupa, “ibibigay [ni Kristo] ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama,” at ang Anak ay pasasakop din sa Diyos.—1 Corinto 15:24-28.
9. (a) Papaano inilalarawan ni Isaias ang kamahalan ni Jehova? (b) Ano ang ipinakikita ng Kasulatan bilang ang gagamitin sa pagliligtas?
9 Tungkol sa “Maykamahalang Isa, si Jehova,” kinikilala ni propeta Isaias: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-Batas, si Jehova ang ating Hari; siya ang magliligtas sa atin.” Ang kaligtasan ay nanggagaling kay Jehova, sa pamamagitan ni Kristo Jesus, at isang katotohanan ito na dapat tanggapin ng lahat ng taong naghahangad ng buhay. (Isaias 33:21, 22; 12:2; Gawa 2:21; 4:12; Roma 10:13; Apocalipsis 7:10) Pagkatapos banggitin na si Jehova ang Maykamahalang Isa sa lahat, ipinakikita naman ni Isaias kung paano niya inililigtas ang mga umiibig sa kaniya, at sa anong layunin.
Ang “Araw ng Paghihiganti” ni Jehova
10. Ano ang hatol na ipinapahayag sa Isaias 34:1-4, at bakit?
10 Nakagigitla ang kasaysayan ng masamang pamamahala ng makasanlibutang mga bansa, at kanilang tinanggihan ang matuwid na Kaharian ng Diyos sa ilalim ng kaniyang Kristo. Kaya’t sa kanila’y inihahatid ni propeta Isaias ang ganitong pasabi: “Kayo’y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; at dinggin ninyo, ninyong mga bayan. Dinggin ng lupa at ng buong narito, ng mabungang lupain at ng lahat ng bunga nito. Sapagka’t si Jehova ay may galit laban sa lahat ng bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo. Kaniyang lubusang lilipulin sila; kaniyang ibibigay sila sa patayan. At ang kanilang mga patay ay mapapatapon; at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw; at ang mga bundok ay tutunawin ng kaniyang dugo. At ang lahat na natatanaw sa langit ay malilipol. At ang langit [ang walang saysay na mga pamahalaan ng tao] ay matitiklop, na gaya ng isang balumbong aklat; at ang buo nilang hukbo ay mawawala na parang dahong nalalanta sa puno ng ubas at gaya ng lantang dahon ng puno ng igos.”—Isaias 34:1-4. a
11. (a) Sa Isaias 34:5-7, ano ang sinasabi ni Jehova tungkol sa Edom? (b) Ano ba ang Edom, at ano ang modernong katumbas nito?
11 Matitinding pananalita iyan! At kalagim-lagim din ang kahatulan na kasunod na sinalita ni Jehova laban sa mga taga-Edom: “Sapagka’t sa mga langit ay tunay na matitigmak ng dugo ang aking tabak. Narito! Yaon ay bababa sa Edom, at sa mga tao na itinalaga ko sa makatarungang pagkapuksa.” (Isaias 34:5-7) Ang Edom, na ang mga mamamayan ay inapo ng kapatid ni Jacob na si Esau (pinanganlan na Edom), ay isang malaon nang kaaway ng bansang Israel, na mga inapo ni Jacob. At mayroon itong modernong katumbas ngayon. Ano iyon? Bueno, sino ba ang pasimuno sa pagdusta at pag-uusig sa espirituwal na Israel sa ika-20 siglong ito? Hindi ba ang apostatang Sangkakristiyanuhan, sa pamamagitan ng kaniyang nangangalandakang uring klero? Ang klero ng magkapuwa panig ay buong-pusong sumuporta sa dalawang digmaang pandaigdig sa siglo nating ito at lalo nilang pinalubha ang kanilang kasalanang pagkasalarin sa pamamagitan ng pagsusulsol sa makasanlibutang mga pamahalaan na ipagbawal at patayin pa man din ang mga Saksi ni Jehova, na sa lupa’y siyang mga kumakatawan sa makalangit na Jerusalem, o Sion.
12. (a) Papaano naghihiganti si Jehova sa “Edom”? (b) Sa papaano humiwalay na sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang mga Saksi ni Jehova?
12 Kaya’t ipinapahayag ng propeta ng Diyos: “Si Jehova ay may araw ng paghihiganti, ng taon ng kagantihan sa mga nagbangon ng usapin laban sa Sion.” (Isaias 34:8) Papaano naaapektuhan nito ang modernong “Edom”? Sa pamamagitan ng paggigiba, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga talata sa Isaias 34:9-17. Oo, sa espirituwal na paraan sapol noong taóng 1919 pagkatapos ng digmaan. Ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nangamatay na, nangagiba na, sa pangmalas ng Soberanong Panginoong Jehova. Ang mga ito ang namamaibabaw na bahagi ng “Babilonyang Dakila,” ang tagapagbubo-ng-dugong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na dumanas ng matinding pagkabagsak sa espirituwal na paraan pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, sapagka’t hinatulan ni Jehova. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsihiwalay na sa patay nang modernong-panahong “Edom.” Sila’y walang bahagi sa isinasagawa nitong mga kilusang interfaith (o pagsasama-sama ng iba’t-ibang relihiyon), sa mga panghihimasok sa politika o sa mga pagpapagalingan ng mga sekta-sekta. Sa hindi na magtatagal ay lubusang pagluluray-lurayin ang apostatang sistemang ito, pagka sumapit na ang “araw ng paghihiganti” ni Jehova sa buong lupa.—Apocalipsis 14:8; 18:2, 4, 24; 19:11-21.
Proteksiyon sa “Paraiso”
13. Papaano inilalahad ni Isaias ang pagbabalik buhat sa modernong “Babilonya”?
13 Sa himig ng isang magandang tula, ang Isaias kabanata 35 ang sumusunod na naglalahad ng pagbabalik ng isang nalabi ng espirituwal na Israel buhat sa pagkabihag sa “Babilonyang Dakila,” na niwawakasan ng ganitong pananalita: “Ang mga tinubos ni Jehova ay mangagbabalik at magsisiparoon sa Sion nang nag-aawitan; at ang walang hanggang kagalakan ay mapapasa-kanilang mga ulo. Sila’y mangagsasaya at mangagagalak, at ang pagdadalamhati at pagbubuntung-hininga ay mapaparam.” Tunay, ito ay isang espirituwal na paraiso, na nagpapagunita sa atin ng mga salita ng Isaias 51:3: “Tiyak na aaliwin ni Jehova ang Sion. Tiyak na aaliwin niya ang lahat ng kaniyang sirang dako, at gagawin niyang parang Eden ang kaniyang ilang at ang kaniyang kalaparang disyerto ay parang halamanan [paradeison (paraiso), Septuagint Version] ni Jehova.”
14. (a) Ano bang paraiso ang tinukoy ni Pablo? (b) Papaano ba inilalarawan ang paraisong ito sa Isaias 35:1-7, at sino ang maaaring makibahagi rito?
14 Ang pinahirang mga lingkod ni Jehova ngayon ay pumasok na nga sa isang espirituwal na paraiso! Anong liwanag na inilalarawan ito sa Isaias 35:1-7! Nakakatulad ito ng inilalahad ni apostol Pablo sa 2 Corinto 12:3, 4, na marahil ay tumutukoy sa kaniyang sariling karanasan: “Oo, nakikilala ko ang gayong tao—maging sa katawan o sa labas ng katawan, hindi ko alam, ang Diyos ang nakakaalam—na siya’y inagaw at dinala sa paraiso at nakarinig ng mga salitang di-masayod na hindi nararapat salitain ng tao.” Subali’t karapat-dapat, ngayon, na magsalita tungkol sa espirituwal na paraisong umiiral sa ngayon sa gitna ng pinahirang nalabi ng Diyos, at dito’y nakikibahagi rin ang isang ‘malaking pulutong buhat sa lahat ng bansa’! Sa gitna nila’y umiiral ang isang nakalulugod at maunlad na organisasyon, ang pangglobong samahan ng mga Saksi ni Jehova, na pinagkakaisa-isa ng buklod ng pag-ibig at ng nagkakaisang layunin at pagkilos. Isa ngang espirituwal na paraiso!
15. (a) Ano ba ang ipinakikita ng Awit 91 tungkol sa espirituwal na paraiso? (b) Anong tanong ang ibinabangon tungkol sa “malaking pulutong,” at bakit?
15 Habang patuloy na nililinang nila ang espirituwal na paraiso, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mapipinsala ng mga armas na ipinupukol sa kanila ni Satanas. (Awit 91:1-11) Tungkol sa pinahirang nalabi ng espirituwal na Israel, ang mga hula ni Isaias tungkol sa dakilang pagsasauli ay nagkakaroon na ngayon ng kamangha-manghang katuparan. Subali’t ang bilang ng mga pinahirang ito na narito pa sa lupa ay nabawasan na at wala pang 10,000—wala pang 0.4 porciento ng lahat ng mga Saksi. Ang lubhang karamihan ng 45,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ngayon ay wala kahit isang pinahiran sa gitna nila. Kaya’t ano ang masasabi tungkol sa angaw-angaw na kabilang sa “malaking pulutong”? Totoo, sila’y nakikibahagi sa pinahirang nalabi sa mga kagalakan sa espirituwal na paraiso. Subali’t hindi baga natin nakikita ang kanilang kahanga-hangang pag-asa sa isang lupang Paraiso na ipinahihiwatig sa mga hula ring iyan?
Ang Lupa ay Gagawing Maluwalhati
16. (a) Saan at papaano kailangang ipagbangong-puri ang layunin ng Diyos? (b) Papaano, sa gayong paraan lamang, maaaring tamuhin ng tao ang buhay sa isang Paraiso? (c) Papaano ito ginawang posible uli?
16 Tandaan, dito sa lupa, sa Eden, nawala ang Paraiso. Samakatuwid, dito rin kailangang ipagbangong-puri ang layunin ni Jehova tungkol sa lupa at sa tao. Ang lupa ay kailangang gawing isang pangglobong Paraiso para sa sangkatauhan, kasuwato ng orihinal na layunin ni Jehova. (Genesis 1:27, 28) Ang umiiral doon sa Paraiso ng Eden ay hindi lamang kapayapaan sa pagitan ng tao at ng mga hayop, at ang tulad-parkeng kagandahan ng halamanan. Ang taong ginawa na kawangis ng Diyos ay may wagas na asal, at kailangang manatiling gayon, upang magpatuloy na bahagi ng dakilang organisasyon ng Diyos. Kailangang sumunod siya sa kaniyang Maylikha kung ibig niyang manatiling sakdal, walang sakit, walang kamatayan at hindi nakahilig sa gawang masama. Dito hindi nakapasa si Adan. Kaya’t upang maipanumbalik ang lupang Paraiso, ang makasalanang tao ay kailangang hanguin buhat sa di-kasakdalan, at ito’y posible dahilan sa inihandog ni Jesus na haing pantubos.—Roma 5:12, 18.
17. (a) Papaano nakapasok sa espirituwal na paraiso ang “malaking pulutong”? (b) Sang-ayon sa Kasulatan, papaano sila inihahanda para sa buhay na walang hanggan—saan?
17 Sa ngayon, ang lupa ay malayo na maging isang paraiso. Gayunman ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ay pumasok na sa isang espirituwal na paraiso. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Sa papaano? Iyon ay sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova, pagsunod sa kaniyang mga kahilingan at pakikisama sa pinahirang nalabi na nasa espirituwal na paraiso na magbuhat noong 1919. (Ihambing ang Ezekiel 38:8-16.) Dahilan sa sila’y inihahanda at sinasangkapan para sa buhay sa makalupang Paraiso na iiral pagkatapos ng kapighatian sa Armagedon. Kung tungkol sa lupang ito, ang Paraisong isasauli rito ay mananatili magpakailanman, sa ikaluluwalhati ng Diyos. Tungkol dito’y humula si Haring David, na ang sabi: “Nguni’t ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Oo, sinabi ni Jesus, “Maligaya ang maaamo, sapagka’t mamanahin nila ang lupa.”—Awit 37:11; Mateo 5:5.
18. Papaano makikita sa makalupang Paraiso “ang kaluwalhatian ni Jehova”?
18 Sa makalupang Paraisong iyon, lahat ng tao (kasali na ang mga bubuhaying-muli sa lupa) na masunuring susunod sa mga kahilingan upang makinabang sila sa haing pantubos na inihandog ni Jesus ay magtatamasa ng mga pagpapala na gaya ng binanggit ni Isaias at ng iba pang mga propeta tungkol sa espirituwal na Israel. Nakagagalak nga, ang pangako ni Jesus sa nakikiramay na magnanakaw na napabayubay sa punungkahoy sa Calvario ay magkakaroon ng kamangha-manghang katuparan. (Lucas 23 :43) “Ang kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos,” ay makikita nang literal sa pamumulaklak ng gubat at ng ilang, at ng pagpapagaling sa mga taong bulag, bingi, pilay at pipi. At habang ang mapayapang Paraisong iyon ay lumalawak sa buong lupa, aba, “kahit na ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka,” gaya marahil noon sa Eden at sa daong nang kaarawan ni Noe. Walang sinuman na “mananakit o lilikha ng ano mang pinsala” sa Paraiso.—Genesis 1:29, 30; Isaias 11:6-9; 35:1-7; 65:25.
19. (a) Papaano natutupad ang Isaias 25:6-8 sa espirituwal na paraan? (b) Papaano matutupad din ito sa mga mabubuhay sa lupa?
19 Kung tungkol sa panahon, ang espirituwal na paraiso ay mauuna sa literal na paraiso, gaya ng ipinakikita ng Isaias 25:6-8. Ang hulang ito ay natutupad sa espirituwal na paraan sa espirituwal na paraiso, na kung saan ang mga lingkod ni Jehova ay ibinangon upang magtamasa ng pagpapala ng isang masaganang “piging.” (Ihambing ang Ezekiel 37:1-6.) Dahilan sa sila’y sumasampalataya, sila ay puspos ng kagalakan at kapayapaan, at sumasagana sa pag-asa sa mga pagpapala ng Kaharian. (Roma 15:13) Si Isaias ay humula: “Tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.” Ito’y nagkaroon na ng kahanga-hangang katuparan sa pinahirang nalabi, na isinauli sa dating kalagayan matapos palayain buhat sa “Babilonyang Dakila,” bago sumapit ang Armagedon. At sa Apocalipsis 7:17 ang mga salitang ito rin ay ikinakapit sa pinagpalang kalagayan ng “malaking pulutong” sa ngayon. Isa pa, ang mga salita ni Isaias ay sinisipi may kaugnayan sa “bagong lupa,” sa Apocalipsis 21:3, 4, na doo’y mababasa natin: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata.” Sa “bagong lupa” ang kahanga-hangang pangakong ito ay matutupad sa isasauling Paraiso sa nilinis na lupa.
20. Bakit lahat ng mga lingkod ng Diyos ngayon ay may lahat ng dahilan upang “sumagana sa pag-asa”?
20 Tunay, ang pinahirang nalabi, kasama ang “malaking pulutong,” ay may lahat ng dahilan na “sumagana sa pag-asa” samantalang ang maningning na mga katuparan ng salitang hula ng Diyos ay nagaganap sa harap ng kanilang mga mata. Hindi mabibigo ang pag-asa, sapagkat lahat ng mga dakilang pangako ni Jehova ay matutupad sa wakas. Kung gayon, tayo’y “magkaroon ng matibay na pampalakas-loob na manghawakan sa pag-asang iniharap sa atin.”—Roma 15:13; Hebreo 6:18.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Man’s Salvation Out of World Distress at Hand! (lathala ng Watchtower Society), pahina 205-241, para sa higit pang detalyadong impormasyon sa hulang ito.
Natatandaan mo ba?
□ Dahilan sa ano kung tungkol sa pangalan ni Jesus maaari tayong “sumagana sa pag-asa”?
□ Bagaman itinaas si Jesus ng kalagayan, papaano maihahambing iyon sa kalagayan ni Jehova?
□ Ano ang ipinakikita ng Isaias kabanata 34 tungkol sa “araw ng paghihiganti” ni Jehova?
□ Ano ang natututuhan natin buhat sa Isaias kabanata 35 at 25:6-8 tungkol sa “paraiso”?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
“Si Jehova ay may araw ng paghihiganti”
[Larawan sa pahina 28]
Ang espirituwal na paraiso ay kanlungan buhat sa “mga salot” na nagpapahirap ngayon sa sangkatauhan