Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magbigay Pansin sa Hula

Magbigay Pansin sa Hula

Magbigay Pansin sa Hula

“Kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito’y inyong binibigyang pansin na gaya ng isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim.”—2 Pedro 1:19.

1. Anong kagila-gilalas na pangyayari ang isiniwalat ni Jesus, sang-ayon sa Mateo 16:21-28?

 ANG ministeryo ni Jesus sa lupa ay malapit nang matapos noon. Malapit sa Cesarea Filipos, sa gawing hilaga ng Galilea, itong “Anak ng tao” ay nagbigay-alam sa kaniyang mga alagad ng kaniyang nalalapit na kamatayan at ng kaniyang muling pagbabalik na taglay ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama. Pagkatapos ay kaniyang sinabi sa kanila: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan na nangakatayo rito na hindi titikim ng kamatayan sa ano mang paraan hanggang sa kanilang makita muna ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.” (Mateo 16:21-28) Ano kaya ang ibig sabihin nito?

2. (a) Papaanong ang mga salita ni Jesus ay natupad sa isang pangitain na nakita nina Pedro, Santiago at Juan? (b) Ito’y isang hula tungkol sa anong maluwalhating pangyayari?

2 Mga anim na araw ang nakaraan nang sina Pedro, Santiago at Juan ay isama ni Jesus sa itaas ng isang matayog na bundok, marahil ang Hermon ng kabundukang Anti-Lebanon. Dito’y may nangyaring pambihira! Si Jesus ay nagbagong-anyo sa harap ng kanilang mismong mga mata, anupa’t siya’y lubhang nakasisilaw. Sa pangitain, si Moises at si Elias ay nakita na nakikipag-usap sa kaniya. Bakit nga si Moises at si Elias? Bueno, si Jesus ay malinaw na tinutukoy sa Kasulatan bilang “ang Propetang iyan” na inilarawan ni Moises. At ang gawain na katulad niyaong kay Elias ay lubhang kaugnay ng Kaharian ng Diyos na paghaharian ni Jesus. (Gawa 3:22, 23; Deuteronomio 18:15-19; Malakias 4:5) Angkop, kung gayon, na makita sila rito na kasama ni Jesus sa pangitaing ito ng kaniyang pagparito na nasa kaluwalhatian ng kaniyang darating na maluwalhating Kaharian.—Mateo 17:1-5.

3. Anong mga salita ni Jehova ang nagdiriin ng kahalagahan ng pangitain?

3 Angkop din na ang tinig ni Jehova ay marinig buhat sa langit, na nagsasabi: “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan.” Dito ay isinusog pa ng Diyos ang mga salitang: “Siya ang inyong pakinggan.”

4. (a) Bakit tayo dapat maapektuhan ngayon ng pangyayaring iyon? (b) Anong “salita ng hula” ang tinutukoy sa 2 Pedro 1:19?

4 Ang nakasisindak na pangyayaring iyon, ano ba ang naging epekto niyaon sa mga apostol na iyon? Papaano dapat makaapekto iyon sa atin ngayon? Makalipas ang mga 30 taon, natatandaan pa ni Pedro ang pambihirang pangyayaring iyon sa taglay na kaningningan niyaon. “Kaya,” aniya, “kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula.” Anong “salita ng hula”? Aba, yaong mga hula, na tulad ng Daniel 7:13, 14, na ngayon ay napatunayan na ng nangyaring pagbabagong-anyo—mga hula tungkol sa pagparito ng Anak ng tao na taglay ang kaluwalhatian ng kapangyarihan sa Kaharian!—2 Pedro 1:16-19; tingnan din ang Isaias 9:6, 7.

5. Ano ang mahalagang mga idinagdag sa ‘salitang’ iyon?

5 Hanggang nang panahong iyon sa “salita ng hula” ay kasali na rin ang mga hulang sinalita ni Jesu-Kristo mismo. Isa na rito yaong kaniyang hula sa Kaharian tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na may pangitain din tungkol sa “Anak ng tao na pumaparitong nasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” sa panahon ng walang katulad na pamimilipit ng sanlibutan sa hirap. (Mateo 24:3-14, 30, 31) Pagtatagal, makakasali sa “salita ng hula” ang mahalagang mga hula sa Kaharian na isiniwalat ng niluwalhating si Jesu-Kristo sa matanda nang apostol na si Juan, tulad niyaong nakasulat sa Apocalipsis 1:12-16; 5:5-10; 11:15-17 at 14:14, 15.

Magbigay Pansin!

6. Bakit ang salita ng hula ay dapat magkaroon sa atin ng lalong matinding epekto sa ngayon?

6 Kung si Pedro at ang kaniyang mga kasama ay lubusang naapektuhan ng makahulang pangitaing iyon, sa atin ay dapat magkaroon iyon ng lalong matinding epekto sa ngayon! Ngayon na ang Anak ng tao ay dumating na na taglay ang kaniyang kaluwalhatian, upang lumuklok sa kaniyang maluwalhating trono sa Kaharian sa langit, tiyak na lubhang napapanahon na na ‘makinig sa kaniya’! Makabubuti nga na tayo’y magbigay pansin sa salita ng hula, “gaya ng isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim,” na tinutulutan iyon na liwanagan ang ating mga puso.—2 Corinto 4:6.

7. (a) Papaano idiniriin ni Pablo ang kahalagahan ng hula? (b) Bakit, lalung-lalo na, dapat tayong magbigay pansin dito ngayon?

7 Idiniin din ni apostol Pablo na ang makahulang salita ay dapat makarating sa ating mga puso. Sa mga Hebreong Kristiyano ay isinulat niya na ang Diyos “noong unang panahon ay nagsalita sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan sa [kanilang] mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta,” nguni’t sa katapusan ng mga araw (ng Judiong sistema ng mga bagay) siya’y nagsalita sa kanila sa pamamagitan ng isang Anak. Ang salitang iyan ng hula na sinalita ni Jesus ay may napakalaking kahalagahan. Kung pakikinggan, hahantong iyon sa kaligtasan. “Iyan ang dahilan kung bakit,” sabi ni Pablo, “kailangang magbigay tayo ng higit kaysa karaniwang pansin sa mga bagay na pinakikinggan natin.” (Hebreo 1:1-4; 2:1) Ngayon, sa “katapusan ng [buong sanlibutang] sistema ng mga bagay,” tayo’y may lalong higit na dahilan na makinig sa mga salita ni Jesus.—Mateo 24:3, 35; ihambing ang Isaias 55:6-11.

8. Papaano tayo dapat pakilusin ng salitang hula, at ano ang kapakinabangan?

8 Idiin na ang ating pagbibigay pansin sa salita ng hula ay dapat na hindi lamang sa layunin na magkamit ng kaalaman. Malayo riyan! Ang salitang iyan ay dapat magpakilos sa atin upang ikapit ang kaalamang iyon, na uudyukan tayo na gawin ang kalooban ng Diyos, at lalo na ngayon, “sa huling bahagi ng mga araw.” (Isaias 2:2, 3) Ang Diyos na Jehova ang tinutukoy nang sabihin ng salmista: “Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan.” Ang salitang iyan ay umaakay sa atin na tayo’y magpatuloy ng paglakad sa liwanag ng katotohanan at taglay ang matalik na kaugnayan sa ating Diyos. Ito ang nag-iingat sa atin upang huwag na tayong bumalik sa sanlibutan ni Satanas (Awit 119:-105; Job 29:3, 4) Upang tamuhin natin ang walang hanggang kapakinabangan buhat sa salita ng hula, paunlarin natin ang matinding pag-ibig sa Bibliya, na pinatatagos hanggang sa ating mga puso ang buong mensahe nito. Sa gayo’y magaganyak tayong lagi na gawin ang kalooban ng Diyos at manatiling nasasakop ng kaniyang pag-ibig.—Marcos 12:29-31; 1 Juan 4:16; Judas 20, 21.

Makahulang mga Larawan

9. (a) Bakit natin sinasabi na ang ulat ng Bibliya ay hindi isang kasaysayang lipas na? (b) Anong araw ng paghihiganti ang inilalarawan dito?

9 Detalyadong inilalahad ng Bibliya ang pagkamasuwayin ng sinaunang Israel. At bakit? “Upang maging babala sa atin na dinatnan ng mga katapusan ng mga sistema ng mga bagay.” Ito’y dapat-maghasik sa atin ng takot sa Diyos, baka-sakaling tayo’y tubuan ng “isang masamang puso na kulang ng pananampalataya, na maghihiwalay sa atin sa Diyos na buháy.” (1 Corinto 10:11; Hebreo 3:12; Job 28:28) Ang ulat ng Bibliya ay hindi isang kasaysayang lipas na! Ito’y nagbibigay sa atin ng makahulang mga larawan at mga pasabi na nagpapakitang muli na namang maghihiganti ang Diyos na Jehova nguni’t sa lalong malawak na paraan kaysa noong mga kaarawan ng apostatang Israel. Ang pagpaparusa ng Diyos sa masuwaying bansang iyan noong 607 B.C.E., at muli na naman noong 70 C.E., ay lumalarawan kung papaano, kaylapit-lapit na, na ang kaniyang nag-aapoy na galit ay ibubuhos sa Sangkakristiyanuhan lalung-lalo na. Makabubuting makinig tayo sa makahulang salitang iyan!—Jeremias 7:28, 32-34; Mateo 24:3-22.

10, 11. (a) Anong paghahambing ang tumutulong sa atin na maunawaan na ito nga ang “mga huling araw”? (b) Papaano, lalung-lalo na, ang mga sekta ng Sangkakristiyanuhan ang tumutupad ng hula?

10 Hindi matututulan, tayo nga ay pumasok na sa “mga huling araw” ng sistema ni Satanas ng pandaigdig na pamamahala. Kailangan lamang na ang sanlibutan ngayon ay ihambing sa mga salita ni apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:1-5, 13 upang maunawaan natin ang bagay na iyan. At lalung-lalo na sa gitna ng nagkakagulong mga sekta ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan makikita natin ang mga taong “may anyo ng banal na debosyon nguni’t tinatanggihan ang kapangyarihan niyaon.” Sila’y walang tunay na mensahe ng kaligtasan.—Ihambing ang Mateo 7:21-23.

11 Ang maraming sekta ng Sangkakristiyanuhan ay katugmang-katugma ng sinasabi ng propeta ni Jehova, nang kaniyang sabihin: “Dalawang kasamaan ang ginawa ng bayan ko: Kanilang iniwan ako [ang Diyos na Jehova], na bukal ng buháy na tubig, upang magsigawa para sa kanilang sarili ng mga balon, ng mga sirang balon, na hindi malalamnan ng tubig.” (Jeremias 2:13) Anong pagkatotoo nga na iniwan ng mga sekta ng Sangkakristiyanuhan ang Soberanong Panginoong Jehova at ang matuwid na mga simulain na nakasulat sa kaniyang Salita! At kinapopootan pa nila na banggitin ang kaniyang pangalan. Sa halip, sila’y nagsigawa ng “mga sirang balon,” at nagsibaling sa mga pilosopya at mga teorya ng mga tao at ng pamumulitikang kasama ng sanlibutan. Sa maraming bansa ay naghihingalo na ang kanilang mga simbahan dahilan sa kakulangan ng sumusuporta sapagka’t sa kanila’y walang makuha ang mga tao na mga sariwang tubig ng katotohanan. Subali’t, kabaligtaran nito, saganang nakapagpapaginhawang tubig ng katotohanan ang matatagpuan sa gitna ng mga taong tapat na naglilingkod kay Jehova.—Isaias 55:1, 2; 65:13, 14.

Ang Sinasabi ng mga Pangulo ng Daigdig

12. Bakit walang kabuluhan na magtiwala sa mga pangulong tao para sa kaligtasan?

12 Hindi lamang ang Bibliya ang nagbababala ng kapahamakan ng daigdig. Ang kasalukuyang sekretaryo-heneral ng United Nations ay nagpahayag na unang pagkakataon sa kasaysayan ng tao na tayo ngayon ay “gilid na gilid na sa pagitan ng kapahamakan at kaligtasan.” Sa isang memorandum na isinulat noon pang 1958, ang dating Pangulo ng E.U. na si Harry Truman ay nagsabi: “Ngayon ay nakaharap tayo sa lubusang pagkapuksa. . . . Ang pagkapuksang iyan ay nakaumang na sa atin maliban sa hadlangan iyan ng mga dakilang pangulo ng daigdig.” Nguni’t noong nakalipas na 25 taon, kumilos ba ang “mga dakilang pangulo” upang hadlangan ang lubusang pagkapuksa? Sa halip, sila ngayon ay gumugugol ng mahigit na isang milyong dolar isang minuto sa pinakamaka-Diyablong mga armas na pamuksa. Tungkol sa gayong “mga dakilang pangulo” sumulat ang salmista: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao sa lupa, na hindi makapagliligtas.”—Awit 146:3.

13, 14. (a) Ano bang maling pag-asa ang itinataguyod ng mga lider ng relihiyon? (b) Sang-ayon kay Isaias, ano ang tunay na pag-asa?

13 Ang malungkot na kalagayang ito ay hindi kaya ng kapangyarihan ng mga bansa na daigin. Kahit na ang United Nations, umano’y Nagkakaisang mga Bansa, ay nagsisilbi lamang isang pagtitipon para sa pangkat-pangkat na pag-aaway-away imbis na maging isang ahensiya para sa pagtatayo ng kapayapaan at katiwasayan. Si Papa Paul VI at si John Paul II ay kapuwa humarap sa UN, kasabay ng malaking karangyaan. Kanilang ipinahayag na ang kalipunang iyon ang para sa sangkatauhan ay ‘huling pag-asa sa pagkakasundo at kapayapaan.’ Nguni’t ganoon nga kaya?

14 Sa kaniyang salita ng hula ay tinutukoy ni Jehova ang tunay na pag-asa. Pinangyari niya na ihula ni Isaias ang pagsisilang sa isang anak na lalaki na magiging “Prinsipe ng Kapayapaan.” Ang isang ito ay si Kristo Jesus, na inilarawan ni Haring David noong una. Ang hula ay nagsasabi tungkol kay Jesus: “Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang hanggan. Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.” (Isaias 9:6, 7) Subali’t papaano pangyayarihin ng sikap ni Jehova ang ‘kapayapaan na hindi magkakaroon ng wakas’?

“Malapit Na ang Kaharian ng Diyos”

15. Papaano idiniin ni Jesus ang pag-asa sa Kaharian?

15 Isa na lalong dakila kaysa kay David, si Jesu-Kristo, ang humula tungkol sa mga digmaang pambuong daigdig at sa kasabay niyaon na mga kadalamhatian sa ika-20 siglong ito. Kaniyang inihula ang kakila-kilabot na mga pangyayari, ang panggigipuspos ng mga bansa, ang paghintay ng kasindak-sindak na mga bagay na darating sa lupa. Pagkatapos ay sinabi niya: “Nguni’t pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagka’t nalalapit na ang inyong kaligtasan. . . . Pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 21:10, 11, 25-31) Ang Kaharian ng Diyos! Nariyan ang lunas sa mga problema ng sangkatauhan. Sa lumalakad na mga taon ay hindi ba hinihiling natin sa panalangin na dumating nawa ang Kahariang iyon? Iyan ang itinagubilin ni Jesus na gawin natin, at ang sabi: “Manalangin nga kayo ng ganito: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’”—Mateo 6:9, 10.

16. Sa anong diwa “malapit na” ang Kaharian ng Diyos?

16 Ang salita ng hula ay nagsasabi sa atin na ngayon ay “malapit na ang kaharian ng Diyos.” Nguni’t sa anong diwa? Ang propeta ng Diyos na si Daniel ang nagpapaliwanag. Pagkatapos na maglahad tungkol sa mga kaharian, o mga pamahalaan, ng sangkatauhan sa “panahon ng kawakasan,” kaniyang sinasabi, “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 12:4; 2:44) Samakatuwid ang lupa ay hindi nasusunog sa isang digmaang nuclear na lilipol sa lahat ng buhay ng tao. Bagkus, ang balakyot na mga tao at mga bansa sa ibabaw ng ating mundong ito ay lilipulin ng Kaharian ng Diyos, bilang paghahanda ng isang mamamalaging pambuong-lupang pamahalaan na nasa balikat ng “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6.

Maghihiganti ang Diyos

17. Ang sigaw na “Kapayapaan at katiwasayan!” ay magiging hudyat para sa ano?

17 Ang mga hula ng Bibliya ay nakatuon sa mga kaarawan natin. Ipinakikita nito sa atin kung ano ang mangyayari sa malapit na hinaharap. “Sapagka’t lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Sa salita ng hula ay inilalarawan ang ‘huling pag-asa para sa kapayapaan’ ng sangkatauhan, ang UN, bilang isang matingkad-pulang mabangis na hayop. Oh, baka ito’y umimbento ng isang mabuway na kapayapaan at makisali sa pagsigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!”—kasuwato ng kaniyang saligang-batas at bilang katuparan ng hula sa 1 Tesalonica 5:3. Nguni’t kung magkagayon ay mamaniobrahin na ni Jehova ang “mga sungay” ng hukbong militar ng UN upang wasakin ang huwad na relihiyon, ang “Babilonyang Dakila,” na ang mga sekta ng Sangkakristiyanuhan ang lubhang karima-rimarim na bahagi. Pagkatapos, pagka ang “mga sungay” na iyon ay nakipagbaka na sa Kordero, si Jesu-Kristo, sa pamamagitan ng pagsalakay sa maibigin-sa-kapayapaang mga saksi ni Jehova, ang tabak ng paghihiganti ng Diyos ang hahagupit sa mga bansang iyon pati sa kanilang mga hukbo, at “sila ay hindi makaliligtas sa ano mang paraan.”—Apocalipsis 17:3-6, 12-17.

18. Sang-ayon sa salita ng hula, ano ang mangyayari sa mga bansa na sasalakay sa bayan ng Diyos? (b) Sa Wakas, papaano ililigpit ng Diyos ang kahuli-hulihang kaaway?

18 Ang mga armas nuclear ng mga bansa ay hindi magliligtas sa kanila sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” sa digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Sakaling gamitin man ang mga armas na ito sa lansakang pagpuksa, tutulong lamang ito sa pamumuksa ng mga bansa sa isa’t-isa. Noong mga kaarawan ng mabuting si Haring Jehoshaphat ng Juda, ang mga hukbo ng kaaway ay umabante upang sumalakay sa bayan ng Diyos na waring walang depensa. Subali’t sa pamamagitan ng kaniyang propeta ay sinabi sa kanila ni Jehova: “Huwag kayong mangatakot o mangilabot man dahil sa malaking karamihang ito; sapagka’t ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Diyos.” Tinambangan ni Jehova ang mga kaaway na iyon, kung kaya “sila’y nagpatayan sa isa’t-isa,” at lahat sila ay nangalipol. (2 Cronica 20:15-23; ihambing din ang Hukom 7:22; Ezekiel 38:21-23; Zacarias 14:13.) Ang pangkatapusang bahagi ay pangangasiwaan ng “Hari ng mga hari” na iniluklok ng Diyos kasama ang hukbo ng kaniyang mga anghel, na magliligpit sa kaniyang mga kaaway hanggang sa kahuli-hulihang makakatalilis. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ibubulid sa kalaliman.—Apocalipsis 19:11-16, 21; 20:1-3.

19. (a) Anong aral ang dapat nating matutuhan buhat sa Genesis 18:23-33? (b) Sino lamang ang ililigtas sa “malaking kapighatian”?

19 Datapuwa’t, hindi ba nakagigitla na puksain ni Jehova ang buong sistemang ito ng sanlibutan, at hindi na isasauli kailanpaman ang ano mang bahagi nito? Marahil ang iba’y may paniwala na gaya ng paniwala noon ni Abraham tungkol sa Sodoma at Gomorra, na kung kahit 50, o 45, o 30, o 20, o kahit man lamang 10 matuwid na tao ang matatagpuan sa sanlibutan, dapat naman na huwag itong lipulin ng “Hukom ng buong lupa.” (Genesis 18:23-33) Subali’t nililiwanag ng salita ng hula na ang sanlibutan ni Satanas ay likung-liko mula sa itaas hanggang sa ibaba at ito’y lubusang lilipulin! (Jeremias 25:31-33; Zefanias 3:8) Ang tanging laman na makakaligtas sa “malaking kapighatian” na iyon, gaya ng sinabi mismo ni Jesus, ay ang “laman” ng kaniyang piniling nag-alay na mga pinahiran at ng kanilang tulad-tupang mga kasamahan. Sila lamang ang itinuturing na matuwid ni Jehova.—Mateo 24:21, 22; 25:31-33, 46; Juan 10:16; Habacuc 3:1, 2, 12, 13.

20. Bilang mga Saksi ni Jehova, ano ang kailangang listo tayong gawin sa katapusang mga araw na ito?

20 Ang salitang hula ni Jehova ay “nagmamadali sa pagkatapos” sa pangkatapusang katuparan niyaon. (Habacuc 2:3) Kung gayon, bilang mga Saksi ni Jehova, ating lakas-loob na ipamalita “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos” at tayo’y ‘magpakatapang’ na gaya ng mga apostol ni Jesus sa pag-aliw sa mga namimighati sa pamamagitan ng mabuting balita ng kaligtasan. (Isaias 61:1, 2; Gawa 4:8-13, 18-20) Tayo’y maging listo rin ng pagtalima sa mga salita ni Jesus: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo. Sapagka’t gayon darating sa lahat ng nananahan sa buong lupa. Kaya nga, manatili kayong gising sa tuwina na dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”—Lucas 21 : 34-36.

Paano mo sasagutin?

□ Anong aral ang natututuhan natin buhat sa 2 Pedro 1:16-19 at sa kaugnay na mga teksto?

□ Ano ang mga napapakinabang natin sa pamamagitan ng ‘pagbibigay pansin sa salita ng hula’?

□ Ano ba ang inihula bilang malapit na, at bakit tayo di dapat matakot?

□ Habang palapit ang “araw ng paghihiganti” ng Diyos, ano ang dapat na ginagawa natin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 22]

“Ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Diyos”