Mga Artikulo sa mga Panooring de-Serye sa TV—Ang Tugon ng mga Mambabasa
Mga Artikulo sa mga Panooring de-Serye sa TV—Ang Tugon ng mga Mambabasa
Tahasang payo na salig sa Bibliya ang kasali sa diskusyon ng mga panooring de-serye sa TV na lumabas sa Hunyo 1, 1983, ng Ang Bantayan. Maraming mambabasa ang sumulat upang sabihin kung paano sila personal na nakinabang buhat sa payong ibinigay.
“Lahat ng sinabi ninyo at sinipi buhat sa personal na mga karanasan ng iba ay angkop na angkop!” ang sabi sa sulat ng isang babaing Saksi sa Canada. “May 13 taon na ako’y naging isang soap-opera addict. Ang akala ko’y panatag ako sa basta pagdalo sa mga pulong Kristiyano at manakanakang paglilingkod sa larangan. Nguni’t makasanlibutang saloobin sa mga de-seryeng ito ang sumilid sa isip ko, na kung pinagmamalupitan ka ng iyong asawa o nadarama mong di ka niya mahal, may katuwiran kang mangalunya—siya ang masisisi. Kaya’t nang madama kong ako’y ‘may katuwiran’ ay ganoon na nga ang ginawa ko at nagkasala ako kay Jehova at sa aking asawa. Kaya itiniwalag ako sa kongregasyong Kristiyano.” Subali’t, ang babaing ito ay natauhan din at napabalik. Ang mga artikulo ang umakay sa kaniya na huwag na uling manood ng gayong mga drama. “Ngayon ay mapayapang makapag-aaral na ako at makapagbabasa ng Bibliya at ng mga babasahing may kaugnayan dito,” aniya.
Sa mga dramang ito ang mga nanonood ay hinihikayat na makiisang-damdamin sa mga karakter doon. “Mula sa aking kamusmusan ay nanonood na ako ng mga de-seryeng ito at ang bidang si ‘Julie’ ay parang ‘kaibigan’ ko na. . . . Isang araw si ‘Julie’ ay naaksidente at napinsala nang malubha ang kaniyang kaakit-akit na mukha,” ang banggit sa sulat ng isang babaing Kristiyano sa Estados Unidos. “Araw-araw ay nanonood ako ng TV upang masubaybayan ko kung makararaos siya roon. Nang gabing iyon na ako’y nananalangin, bago ko man lamang mapag-isipan ang aking sinasabi, ako’y nanalangin, ‘At Jehova, kahabagan mo po si Julie.’ Ako’y nabigla! Ang panalanging ito kay Jehova alang-alang kay Julie ay bukal sa aking puso!” Natalos niya na siya pala’y lulong na lulong na roon, kaya siya’y huminto na ng panonood ng mga dramang ito. Binanggit
niya sa sulat: “Kung ang inyong artikulo tungkol sa mga dramang ito sa TV ay didibdibin ng lahat ng mambabasa, sila’y magwawala sa impluwensiya nito, sapagka’t ang ating sariling mga problema sa araw-araw ay sapat na upang makakuha ng atensiyon natin.”Ang mga artikulo ay pinuri ng isang babaing Kristiyano na taga-Texas at ang sabi sa sulat: “Natalos kong isa akong ‘addict’ sa mga dramang ito, kaya kailangang lubayan ko ito. Naisip ko kung maaapektuhan kaya nito ang aking kaugnayan kay Jehova. Paano ko ‘sila’ makakaibigan at makaibigan din si Jehova? Kailangang huminto akong bigla—ito ang tanging paraan, at pagkahirap-hirap palang gawin ito!”
Ano ang ginawa ng babaing Kristiyanong ito upang makaalpas? Ang sabi niya: “Ang TV ay hinugot ko sa saksakan. Pilit akong humanap ng magagawa sa aking halamanan, tumatawag ako ng makakausap, ginagawa ko ang anuman para mayroon lamang akong magawa. Makalipas ang mga anim na buwan ng ganoon nang ganoon, nahalata kong puede na akong lumagi sa bahay; kaya ang panahong iyon ay ginugol ko sa sarilinang pag-aaral ng Bibliya, paghahanda para sa mga pulong at iba pang espirituwal na mga bagay. Anong inam ng naging pakiramdam ko! May dalawang taon na ngayong hindi ko nasisilayan ang umano’y mga kaibigang iyon. Kung minsan ay naaalaala ko pa rin sila, nguni’t nilalabanan ko ang gayong damdamin. . . . Marahil marami pang iba na hindi pa nakakaalpas ang magsisialpas. Salamat kay Jehova at sa inyo mga kapatid sa pagbibilad nitong ‘walang kabuluhang bagay na ito.’”—Awit 101:3.
Ang isa pang naapektuhan ng mga artikulo ay isang Saksi sa Canada. “Napaiyak ako nang mabasa ko ang mga artikulo, sapagka’t natanto kong hindi na kay Jehova lubusang nakalagak ang aking puso. Nangako ako sa aking Diyos na hindi na ako paaalipin sa mga dramang ito at hiniling kong tulungan sana niya ako na umalis sa aming tahanan sa oras ng pagpapalabas niyaon.”
Ang babaing Kristiyanong ito, na nagdidiskunekta ng kaniyang telepono upang huwag siyang maabala ng panonood sa “kaniyang” programa, ay patuloy ng pagbibida: “Dalawang araw ang nakalipas at ako’y inanyayahan sa isang pag-aaral ng Bibliya sa mismong araw at oras ng ‘aking’ drama. Mabuti’t pinaunlakan ko. . . . Ako’y lalong napalapit ngayon kay Jehova, at may lalong malapit na kaugnayan sa kaniya. Anong buti ni Jehova na tayo’y lapatan ng disiplina sa pamamagitan ng kaniyang Salita!”
Ang sabi ni Jehova: “Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.” (Awit 32:8) Batid niya ang hilig ng ating mapandayang puso at ibig niyang ilayo tayo sa espirituwal na kapahamakan. Anong buti pagka nakinig tayo sa gayong magaling na payo!