Nangako si Jesus ng Muling-paglalang
Buhay ang Salita ng Diyos
Nangako si Jesus ng Muling-paglalang
“NARITO! Iniwan namin ang lahat ng bagay at sumunod kami sa iyo,” ang sinasabi ni apostol Pedro kay Jesus. “Ano nga baga ang kakamtin namin?” Narito ang kahanga-hangang sagot ni Kristo: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa muling-paglalang, pagka ang Anak ng tao ay naupo na sa kaniyang maluwalhating trono, kayong nagsisunod sa akin ay magsisiupo rin sa labindalawang trono.”—Mateo 19:27, 28.
Dito’y ipinapangako ni Jesus na si Pedro at ang iba pang mga apostol ay maghaharing kasama niya, mangauupo sa mga trono. Nguni’t kailan? “Sa muling-paglalang,” ang sabi ni Jesus. Ano ba itong MULING-PAGLALANG? At kailan matutupad ito?
Ang ulat sa Bibliya ni Lucas tungkol din sa pangyayaring ito ay tumutulong upang maunawaan natin kung ano ang “muling-paglalang.” Mababasa natin: “Sinabi ni Pedro: ‘Narito! Iniwan namin ang aming mga ari-arian at nagsisunod kami sa iyo.’ Sinabi sa kanila [ni Jesus]: ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o asawang babae o mga kapatid . . . na hindi . . . sa darating na sistema ng mga bagay [tatanggap] ng buhay na walang hanggan.’”—Lucas 18:28-30.
Samakatuwid ang “muling-paglalang” ay ipinakikilala rito bilang ang “darating na sistema ng mga bagay.” Pagluklok ni Kristo sa langit sa kaniyang maluwalhating trono kasama ang mga makakasama niya sa paghahari, kasunod nito ang muling-paglalang ng isang matuwid na sistema ng mga bagay. (2 Timoteo 2:11, 12; Apocalipsis 5:10; 14:1, 3) Pag-usapan natin ang tungkol sa buhay na ibinigay ng Diyos sa ating mga unang magulang sa Eden at maguguniguni natin kung ano ang muling-paglalang.
Ang unang mag-asawa, si Adan at si Eva, ay sakdal ang pagkalalang ng Diyos nang ilagay sila sa hardin ng Eden. Iyon ay isang paraiso ng kaligayahan. Ang talagang layunin ni Jehova ay mabuhay nang walang hanggan sa lupa ang mga tao, nang may kapayapaan at katiwasayan, gaya ng nakikita natin dito. Nguni’t sa unang paraisong iyon ay nagsimula ang paghihimagsik, at, sa takdang panahon, ang kinalabasa’y ang balakyot na sistema ng mga bagay na umiiral ngayon.
Mabibigo ba ang layunin ng Diyos na magkaroon ng makalupang Paraiso? Hindi! Si Kristo ang mismong nangako na ang matuwid na sistema na gaya ng umiral nang lalangin ang tao ay muling-lalalangin. Isasauli ang mga kalagayan sa Eden, at sa wakas ay lalaganap ito sa buong lupa. Ipagbabangong-puri ng Maylikha ang kaniyang unang layunin na magkaroon ng matuwid na sistema ng mga bagay. Tunay na maikagagalak natin ang pag-asang ito na nakasalig sa Bibliya!—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.