Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tatanggapin Mo Ba ang Buhay sa Isang Paraiso?

Tatanggapin Mo Ba ang Buhay sa Isang Paraiso?

Tatanggapin Mo Ba ang Buhay sa Isang Paraiso?

PARAISO! Ano ba ang naguguniguni mo sa salitang iyan? Totohanan o panaginip? Posible kayang mangyari sa lupa o, gaya ng paniwala ng maraming nag-aangking Kristiyano, Judio at Muslim, simbolo lamang baga ito ng isang pinagpalang kalagayan pagkamatay ng isang tao?

Ang totoo’y binanggit ni Jesu-Kristo ang Paraiso. Sa nakatabi niyang manlalabag-batas ay sinabi niya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo sa araw na ito, Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Mahalaga na malaman natin ang katotohanan tungkol sa Paraiso.

Ang Paraiso, na malimit na iniuugnay sa halamanan ng Eden sa Bibliya, ay itinuturing ng marami bilang alamat imbis na isang talagang lugar sa lupa na umiral noong una. Ano ba ang paniwala mo? Mayroon bang bahagi ng lupa sa Asia Minor na inihanda noon para unang tahanan ng tao, ayon sa ipinakikita ng Bibliya sa aklat ng Genesis?

Kapuna-puna, ang pag-uulat ng Bibliya tungkol sa paraisong halamanan ng Eden ay hindi nagsisimula nang malabo, “Noong unang panahon sa isang malayong lupain . . .” Bagkus, ang aklat sa Bibliya na naglalahad ng tungkol sa Eden ay tumutukoy ng tiyakang mga yugto ng panahon at nagtatatag ng saligan para sa kronolohiya at talaangkanan na maaaring tuntunin sa buong Bibliya. (Lucas 3:23-38; tingnan din ang ensayklopedia ng Bibliya na Aid to Bible Understanding, pahina 333-348.) May binabanggit din ang Bibliya na isang espesipikong lugar “sa Eden, sa dakong silanganan,” at isang ilog na “lumalabas sa Eden” na nagkaapat na sanga. Dalawa rito ang nakikilala ngayon bilang ang mga ilog Eufrates at Tigris. Ipinakikita nito na marahil ang Eden ay nasa lugar na bulubundukin sa gawing hilaga ng kapatagan ng Mesopotamia, sa bandang timog ng Lake Van sa silangang Turkiya.—Genesis 2:7-17.

Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na ang unang tao, si Adan, ay inilagay sa isang halamanan o parke at nakapalibot sa kaniya ang lahat ng kinakailangan upang mabuhay ang tao. Sagana ang mga pananim at “bawa’t punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin.” Para magkaroon ng gayong sarisaring mga punungkahoy, maliwanag na hindi iyon isang munting halamanan o parke.

Nasasabik ang Tao sa Isang Paraiso

Sa makabagong panahon ang tao ay nagtayo ng mga halamanan at mga parke sa loob o sa karatig ng maraming malalaking lunsod. Bakit? Sapagka’t ang taga-lunsod ay nagnanasang manariwa ang kaniyang diwa sa pamamagitan ng muling pakikipagtalamitam sa kalikasan. At ano kung minsan ang epekto sa atin pagka tayo’y naglalakad sa isang magandang parke o halamanan, lalo na kung panahon na namumulaklak ang mga halaman? Naibubulalas natin, “Anong gandang paraiso!” Anong laki ng pagnanasa nating mamuhay tayo sa gayong kapaligirang malaparaiso! Oo, isang likas na pagnanasa iyan na gaya ng taglay ng unang tao sa paraisong parke ng Eden.

Iyan ang mismong pag-asa na iniharap ni Jesus sa mamamatay nang manlalabag-batas na katabi niya nang kaniyang sabihin sa kaniya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo sa araw na ito, Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Dito ay hindi pinangangakuan ni Jesus ng buhay sa langit ang manlalabag-batas o ang kaniyang ipinagpapalagay na kaluluwang walang kamatayan. Ang iniaalok niya rito ay walang hanggang buhay sa lupa sa isang Paraiso sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. Ano ba ang epekto sa iyo ng pangakong iyan?—Mateo 6: 9, 10; Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.

Tatanggapin Mo ba ang Isang 500-Taong Bonus?

Kapansin-pansin, ang magasing Psychology Today ay nagharap kamakailan sa mga mambabasa ng isang medyo nahahawig na tanong: “Kung mayroong mag-aalok sa inyo ng isang pill upang kayo’y mabuhay nang 500 taon, gusto ba ninyo iyon?” Mangyari pa, walang sinabi tungkol sa pagbibigay niyaon ng sakdal na kalusugan o ng isang kalagayan na mala-Paraiso. Nguni’t ano ang naging epekto niyaon? Mahigit na 50 porciento ang nagsabi na tatanggapin nila ang pill. Marami ang nagsabi na ang ibig nila’y “makamit ang higit pa, makagawa ng higit pa, o maligayahan ng higit pa sa buhay.” Isang lalaki ang nagsabi nang simpleng-simple, “Maibigin ako sa buhay.” Ang sabi naman ng mga ibang babae ay “kasiya-siya ang buhay, pagkarami-rami ng dapat gawin at walang gaanong panahon upang magawa iyon.” Ano ba ang palagay mo tungkol sa buhay? Maibigin ka ba sa buhay? Nguni’t komusta kung ang maaari mong makamit ay, hindi isang 500-taóng bonus, kundi buhay na walang-hanggan sa mga kalagayang mala-Paraiso at sa sakdal na kalusugan? Iyang-iyan ang pag-asang iniaalok sa iyo ng Bibliya.—Juan 17:3; Awit 37:11, 29; Isaias 33:24.

Sa kabilang dako, sa surbey din na iyan, marami ang tahasang tumanggi sa bonus. Bakit? “Ang iba’y naniniwala na ang buhay ay kainip-inip.” Kung minsan ay ganiyan ding pagtutol ang napapaharap sa mga Saksi ni Jehova pagka kanilang ipinaliliwanag na ang layunin ng Diyos ay bigyan ang masunuring mga tao ng buhay na walang-hanggan sa mala-Paraisong mga kalagayan sa lupa. Ang mga tumatanggi ay nagsasabi, “Ano ang gagawin natin kung mabubuhay tayo nang walang hanggan sa isang paraiso? Pare-pareho ang magiging buhay, walang mga hamon. Magiging kainip-inip!”

Ganoon nga kaya? Magiging kainip-inip kaya ang buhay na walang hanggan sa isang lupang Paraiso? Ang sumusunod na artikulo ang sasagot sa mga tanong na ito.