Ang Pinakadakilang Pangalan sa Lahat
Ang Pinakadakilang Pangalan sa Lahat
“Ganito ang sasabihin mo sa mga Israelita, na si JEHOVA na Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ang nagsugo sa iyo sa kanila. Ito ang aking pangalan magpakailanman; ito ang aking titulo sa lahat ng sali’t-saling-lahi.”—Exodo 3:15, The New English Bible.
1. Ano ba ang halaga ng isang pangalan, kung ihahambing sa mga ibang pananalita na maaaring gamitin sa pagpapakilala sa isang tao?
BAWA’T isa sa atin ay may pangalan. Sa pangalan natin tayo nakikilala. Pagka narinig mo ang pangalan ng isang lubhang inaayawan mo ay tinutubuan ka ng negatibong mga damdamin, samantalang pagka narinig mo ang pangalan ng sinuman na totoong minamahal mo ay nakadarama ka ng kaalwanan at kaligayahan. Bukod sa iyong pangalan, mayroon pang mga ibang pananalita na nagpapakilala sa mga pitak ng iyong buhay na hindi kasinghalaga. Ang isang tao ay maaaring tawagin na Propesor, Boss, Itay o Lolo, depende sa kung ano siya. Bawa’t isa sa mga salitang ito ay maaaring pagmulan ng iba’t-ibang kaisipan tungkol sa taong iyon, na anupa’t itinatawag-pansin ang iba’t-ibang pitak ng kaniyang buhay. Subali’t ang kaniyang pangalan ay nagpapaalaala sa atin ng buong pagkatao-lahat ng pitak ng kaniyang pagkatao, lahat ng bagay na alam natin tungkol sa kaniya.
2, 3. Papaanong ang mga salitang ating ginagamit sa pagkakilala sa Diyos ay nakakaapekto sa ating kaisipan tungkol sa kaniya?
2 Ang ganiyan bang simulain ay kumakapit sa ating kaisipan tungkol sa Diyos? Ang iyo bang itinatawag sa kaniya ay mayroong ano mang epekto sa iyong pagkakilala sa Maylikha?
3 Ang mga salitang “Maylikha” at “Makapangyarihan-sa-lahat” ay tumatawag-pansin sa mga ilang pitak ng kaniyang aktibidad. Ang “Panginoon” ay tumutukoy sa kaniyang autoridad o kapamahalaan. Ang “Diyos” ay nagpapakilala sa kaniya bilang mayroong higit kaysa taglay ng tao na mga katangian at kapangyarihan. Ang mambabasa ng mga saling Pranses ni Segond at Darby, na doo’y binago ang pangalan ng Diyos at ginawang l’Éternel (the Eternal, ang Walang-Hanggan sa Tagalog) ay marahil may bahagyang pagkakaiba ang pagkakilala sa Diyos kaysa mambabasa ng mga Bibliyang Ingles na binago ng mga tagapagsalin ang pangalan ng Diyos at ginawang “ang PANGINOON.” Kaya, isang manunulat tungkol sa relihiyon ang nagsabi: “Ang pagpapakilala sa personal na pangalan ng Diyos sa pagsamba at teolohiyang Kristiyano ay maaaring magdulot ng kataka-taka at mabungang mga resulta.”
4. (a) Ano ang masasabi tungkol sa sarisaring mga salita na ating ginagamit sa pagtukoy sa Diyos? (b) Gaano bang kalaganap ginagamit sa Kasulatan ang kaniyang pangalan?
4 Ang sarisaring salita na nagpapakilala sa Diyos—Panginoon, Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylikha—ay pawang tama. Ang mga ito ay ginagamit sa Bibliya. Gayunman, mayroong isang salita na ginagamit ang Bibliya nang higit na malimit kaysa alinman sa mga ito. Iyon ang personal na PANGALAN ng Diyos, at ang pangalang iyon ay dapat magpaalaala sa atin ng lahat ng bagay na nalalaman natin tungkol sa kaniya. Ang pangalang iyan, na Jehova o Yahweh ang karaniwang bigkas ngayon, ay lumilitaw sa orihinal na teksto ng Bibliya nang makapupong higit kaysa ano pa mang salita para sa Diyos. Sa Comprehensive Concordance of the New World Translation of the Holy Scriptures ay nakatala sa 43 hanay ang salitang “God” (Diyos) o “God’s” (sa Diyos) sa bawa’t pagkagamit niyaon sa Bibliya, nguni’t nakatala sa 77 hanay ang “Jehovah” (Jehova) o “Jehovah’s” (kay Jehova) sa bawa’t pagkagamit niyaon.
5. (a) Ano ba ang sinasabi sa atin ng Exodo 3:15 tungkol sa pangalan ng Diyos? (b) Ano ang masasabi tungkol sa bigkas na “Jehova”?
5 Ang pangalan ay hindi mga tao ang pumili. Sinasabi ng Bibliya na pinili iyon ng Diyos, at sinabi niyang dapat gamitin iyon. Sinabi niya: “Ganito ang sasabihin mo sa mga Israelita, na si JEHOVA na Diyos ng kaniyang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ang nagsugo sa iyo sa kanila. Ito ang aking pangalan magpakailanman; ito ang aking titulo sa lahat ng sali’t-saling lahi.” (Exodo 3:15, NE) Bakit ang malaganap na tinatanggap na modernong saling ito ay gumagamit ng pangalang Jehova sa tekstong ito? Sapagka’t ito ang kinaugalian nang pagbigkas sa Ingles ng pangalan ng Diyos na lumilitaw nang libu-libong beses sa orihinal na Bibliyang Hebreo.
6. Ano ang isa pang kabutihan ng paggamit sa pangalan ng Diyos?
6 Pagka ang Bibliya’y gumagamit ng pangalan para sa Diyos, ito’y tumutulong sa atin na isiping siya’y hindi lamang isang puwersa kundi isang personalidad. Ito’y tumutulong sa atin na maging lalong malapit sa kaniya. Waring malayo ang Diyos sa maraming tao. Subali’t si apostol Pablo ay sumulat: “Ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawa’t isa sa atin.”—Gawa 17:27.
Ang Epekto sa Iyo ng Pangalan
7, 8. Ano ba ang epekto sa iyo pagka narinig mo ang pangalang Jehova? Bakit?
7 Ano ang epekto sa iyo pagka narinig mo ang pangalang ito na ginagamit ng Bibliya para sa Diyos? Ang bunga ba nito’y negatibong mga kaisipan o mga kaisipang nagdudulot ng kaalwanan at kaligayahan? Ikaw ba’y tinuruan na magkaroon ng mga negatibong kaisipan tungkol sa pangalan na sinabi ng Diyos na doon dapat siyang makilala, o ikaw ba’y inaakay nito sa taus-pusong pagpapahalaga, gaya ng ipinakikita ng Bibliya na dapat mangyari?
8 Sa pagkarinig natin sa pangalang Jehova ay dapat nating pag-isipan ang Maylikha ng langit at ng lupa. Sa orihinal na Hebreo, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang Diyos na Jehova [Jehovah Elohim] ang gumawa ng lupa at langit.” Sinasabi rin: “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:4, 7) Samakatuwid, utang natin sa Kaniya ang ating buhay. Nangyaring umiral tayo dahilan sa pagkalalang niya sa atin. Naaapektuhan ba ng katotohanang iyan ang iyong ikinikilos pagka narinig mo ang pangalan ng Diyos?
9. Ano pa ang dapat ipaalaala sa atin ng pangalang ito?
9 Hindi lamang siya ang Maylikha, siya rin ang May layunin. May paniwala na ang pangalang Jehova ay nangangahulugan na “Kaniyang pinapangyayari.” Kaniyang pinapangyayari ang kaniyang sarili na gawin ang anuman na kinakailangan upang, walang pagsala, matupad ang kaniyang mga layunin at mga pangako.
10. Ano ang kahulugan ng Exodo 6:3?
10 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Dati na ay nagpapakita ako kay Abraham, Isaac at Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, nguni’t kung tungkol sa aking pangalang Jehova ay hindi pa ako noon nagpapakilala sa kanila.” (Exodo 6:3) Ibig bang sabihin ay na hindi pa kailanman naririnig nina Abraham, Isaac at Jacob ang pangalang ito? Hindi, hindi iyan ang ibig sabihin, sapagka’t maaga rito’y sinabi na ni Jehova kay Moises na siya ang Diyos ng tatlong lalaking ito. (Exodo 3:15) Bukod diyan, gaya ng ipinakikita ng nauunang artikulo na “Dapat bang Gamitin ang Pangalan?” (pahina 4), patuluyang ginamit ng tapat na mga lingkod na ito ang pangalang iyan. Nguni’t sa sandaling iyon ang pangalan ay isisiwalat sa isang bagong paraan. Ang hindi pa nila alam noon ay ang karagdagang kahulugan na tataglayin ng pangalang ito minsang nasaksihan ng mga tao ang ginawang pagkilos ni Jehova upang matupad ang kaniyang mga pangako at mga layunin.
11. Papaanong ilang sandali na lamang noon at makikilala ng mga Israelita si Jehova, sa lalong makahulugang paraan kaysa pagkakilala ng kanilang mga ninuno?
11 Anong mga layunin? Sandali na lamang noon at masasaksihan ng bayan ang nakasisindak na Sampung Salot. Sandali na lamang at sila’y itatawid sa umurong na Dagat na Pula. Ang Kautusan ay ibibigay sa kanila sa ilalim ng kasindak-sindak na mga kalagayan sa Bundok Sinai. Sila’y iingatang ligtas hanggang sa makatawid sa “malawak at nakapangingilabot na ilang” hanggang sa sila’y makarating sa Lupang Pangako.—Deuteronomio 1:19; Exodo 6:7, 8; 14:21-25; 19:16-19.
Ang Kaniyang Kagandahang-Loob
12, 13. Ano ang ilan sa mga bagay na sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa mga kagandahang-loob ni Jehova?
12 Ang buong Bibliya ay nagpapaliwanag tungkol sa Maylikha. Binabanggit nito ang kaniyang katapatan, katuwiran at katarungan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Mabuti at matuwid si Jehova.” Sinasabi nito: “Oh anong pagkadaki-dakila ng kaniyang kabutihan!” “Siya ang malaking Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal, sapagka’t lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.”—Awit 25:8; Zacarias 9:17; Deuteronomio 32:4.
13 Si Jehova ay tinutukoy ng Bibliya bilang Hari (Awit 10:16; Daniel 4:34), Hukom (Awit 50:6; 98:9), Ama (Isaias 64:8; Mateo 6:6-9), Asawang-Lalaki (Isaias 54:5; Jeremias 3:14), Guro (Awit 71:17; Isaias 50:4; 54:13) at Tagasaklolo (Awit 30:2; 115:9-13; 121:2). Ang kaniyang pangalan ay dapat magpaalaala sa atin ng kaniyang mga kagandahang-loob, ng bagay na siya’y nagtatag ng matuwid na mga simulain at na may karapatan siya na ang kaniyang mga anak sa lupa ay hilingan ng pagkamasunurin at debosyon. Ang Kasulatan ay nagsasabi: “Si Jehova ay nakikilala sa pamamagitan ng kahatulan na kaniyang isinagawa.” “Iniingatan ni Jehova ang lahat ng nagsisiibig sa kaniya, nguni’t lahat ng balakyot ay kaniyang lilipulin.”—Awit 9:16; 145:20.
14. (a) Papaano ipinakita ng mga manunulat at mga mang-aawit ng Mga Awit ang kanilang pagtitiwala kay Jehova? (b) Ano ba ang ipinakikita ng Mga Kawikaan tungkol sa kaniya?
14 Ang pangalang ito ay lumilitaw nang 749 na beses sa buong aklat ng Mga Awit sa Bibliya. Ang mga salmo, o mga awit ng papuri, ay inaawit noon ng masasayang mananamba na “nagpapasalamat sa pangalan ni Jehova” sa templo sa Jerusalem. (Awit 122:1-4) Ang mga manunulat at mga mang-aawit ay nangakakaalam ng pangalan ni Jehova (Awit 9:10), nagtitiwala sa kaniyang pangalan (33:21), tumatawag sa kaniyang pangalan (80:18; 105:1), nagpapasalamat sa kaniyang banal na pangalan (106:47), humihingi ng tulong sa kaniyang pangalan (124:8) at patuloy na nagpupuri sa kaniyang pangalan (68:4; 135:3). Ang kaniyang pangalan ay hindi ikinukubli kundi pinakamamahal. (Awit 89:1; 92:1-5) Si Jehova’y hindi lamang nagsagawa ng mga kagandahang-loob na pinapupurihan sa Mga Awit kundi kaniya ring kinasihan ang karunungan na nasusulat sa Bibliya sa aklat ng Mga Kawikaan. Sinasabi niyaon: “Sapagka’t si Jehova ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.” (Kawikaan 2:6) Kung ang iyong salin ng Bibliya ay gumagamit ng “PANGINOON” sa mga talatang ito, matitiyak mo na sa orihinal na Hebreo, ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw sa bawa’t isa rito.
15. (a) Anong mahalagang mga pangyayari ang dapat ipaalaala sa atin ng pangalan ni Jehova? (b) Sang-ayon sa Daniel 2:20, 21 at 4:17, ano ang nagbibigay sa atin ng dahilan para purihin ang pangalan ni Jehova?
15 Ang pangalan ay dapat magpaalaala sa atin ng buong kalipunan ng kasaysayan, mga hula, mga batas at karunungan na binabalangkas sa Bibliya. Dapat magpaalaala ito sa atin ng kamangha-manghang mga hula tungkol sa pagkaganap ng kasaysayan ng daigdig. Pinapangyari ni Jehova na maganap ang mga pangyayari sa kasaysayan upang matupad ang kaniyang mga inihula tungkol sa Ehipto, Asiria, Babilonya, Medo-Persia, Gresya at Roma, at patuloy hanggang sa ating maligalig na ika-20 siglo at lampas pa rito.—Daniel kabanata 2, 7, 8. a
Si Jesus at ang Pangalan ng Ama
16. (a) Paano dapat maapektuhan ng pagkasugo kay Jesus sa lupa ang ating pagpapahalaga sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova? (b) Papaano, sa lalong malawak na paraan, ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama?
16 Ang matimyas na pagpapahalaga na dapat pukawin sa ating mga puso ng banal na pangalang Jehova ay dapat sumaklaw sa isang lalong mahalagang katotohanan na kaniyang makahimalang sinugo sa lupa ang kaniyang “Panganay,” “ang Salita,” na naging si Jesu-Kristo. (Hebreo 1:6; Juan 1:1-3; Roma 5:6-8) Sa panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, sinabi ni Jesus: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. . . . At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko.” (Juan 17:6, 26) Hindi ibig sabihin na hindi pa kilala ng kaniyang mga tagasunod ang pangalan ng Diyos. Gaya ng ipinakikita ng artikulong “Ang Pangalan ng Diyos sa Kasulatang Kristiyano” (pahina 8), ang pangalang ito ay nakita nila sa mga balumbon ng kanilang Bibliyang Hebreo at sa saling Griego ng Bibliya na kanilang ginagamit. Nguni’t bilang resulta ng pagtuturo ni Jesus, ang pangalan ay nagkaroon ng karagdagang kahulugan—gaya ng nagawa nito dahilan sa mga gawa ni Jehova noong kaarawan ni Moises. Kagila-gilalas ang pagpapalawak ni Jesus ng ating kaalaman at pagpapahalaga kay Jehova, sa kaniyang personalidad at mga layunin. Nakilala natin ang pangalan ni Jehova sa lalong malawak na paraan sa pamamagitan ni Jesus, na nagsabi: “Ang itinuturo ko ay hindi akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” Si Jesus ang nagbigay ng pantubos at naglaan ng daan upang tayo’y makalapit sa Ama. Kaya’t sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Juan 7:16; 14:6.
17. Anong paggamit sa langit sa pangalan ng Diyos ang inihula sa aklat ng Apocalipsis?
17 Sa aklat ng Apocalipsis sa Bibliya, na nag-uulat ng pangitain ni Juan ng mga pangyayari sa kaarawan natin, ang pangalan ni Jehova ay pinupuri pa rin. Pagka ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay napuksa na, isang lubhang karamihan sa langit ang masayang nagsisiawit: “Hallelujah! Ang Pagliligtas at kaluwalhatian at kapangyarihan ay taglay ng ating Diyos.” At “ang dalawampu’t-apat na matatanda at ang apat na mga nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, at sila’y nagsabi, ‘Amen, Hallelujah!’” (Apocalipsis 19:1, 4, Revised Standard Version) Ano ba ang ibig sabihin ng “Hallelujah” (Aleluya, sa Bibliyang Tagalog)? Nakita na natin, sa pahina 4, na ang “Jah” ay isang pinaikling patulang anyo para sa “Jehova.” Sa gayon, sinasabi ng The Random House Dictionary of the English Language na ang “Hallelujah” ay kinuha sa Hebreo at katumbas ng “Purihin (ninyo) si Jehova.” Samakatuwid ang Diyos ay sinasamba sa langit sa pamamagitan ng pag-awit ng “Purihin si Jehova!”
Kagila-gilalas na mga Gawa
18. Ang pagkaalam sa mga bagay na ginawa ni Jehova “alang-alang sa kaniyang pangalan” ay tumutulong sa atin na pahalagahan ang ano?
18 Dapat gamitin ang pangalan ng Diyos. Dapat ipaalaala nito sa atin ang kaniyang mga gawa at ang kaniyang kagandahang-loob. Sinasabi sa atin ng Bibliya na kaniyang ginawa ang mga dakilang bagay na ito “alang-alang sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipakilala ang kaniyang matibay na kapangyarihan.” (Awit 106:8) Ang kagila-gilalas na mga gawang ginawa niya “alang-alang sa kaniyang pangalan” ay hindi ginawa dahilan sa egotismo o paghahambog ng sarili kundi dahilan sa ibig tayong tulungan na pahalagahan ang bagay na siya ay Diyos, na siya’y may karapatang sabihin kung ano ang dapat nating gawin, at na maaari tayong lubusang magtiwala sa katuparan ng kaniyang mga pangako. (1 Samuel 12:22) Sa gayo’y sinabi niya: “Iyong alalahanin ang mga dating bagay noong una, na ako ang Isang Banal at wala nang ibang Diyos, ni sinumang gaya ko; ang Isa na nagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula, at mula noong unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; ang Isang nagsasabi, ‘Ang aking sariling payo ay tatayo, at gagawin ko ang aking buong kaluguran’; . . . aking sinalita; akin namang pangyayarihin. Aking pinanukala, akin namang gagawin.”—Isaias 46:9-11.
19. Anong katiyakan ang ibinigay ni Josue tungkol sa pagkamapanghahawakan ng Salita ng Diyos?
19 Mga ilang siglo pa ang aga rito ay ipinaalaala ni Josue sa mga Israelita: “Inyong talastas sa inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat ng mabubuting bagay na sinalita sa inyo ni Jehova ninyong Diyos. Lahat ay natupad para sa inyo. Wala kahit na isang bagay na hindi natupad.”—Josue 23:14.
20. Ang ba ang ilan sa mga bagay na ipinaaalaala sa iyo ng pangalang Jehova?
20 Lahat ba ng mga bagay na ito ay kasangkot sa iyong pagkakilala kay Jehova? Ang pagkarinig mo ba ng kaniyang pangalan ay nagpapaalaala sa iyo ng kaniyang mga gawa, ng kaniyang kapangyarihan-sa-lahat, ng kaniyang pagkamapagkakatiwalaan at ng pagiging totoo ng kaniyang mga pangako? Ang kaniya bang pangalan ay iniuugnay mo sa (Ang) Diyos na nagpapapangyaring gawin ng kaniyang sarili ang anuman na kinakailangan upang matupad ang kaniyang mga layunin? Pinag-iisipan mo ba ang pagsusugo ni Jehova kay Jesus dito sa lupa upang ipagbangong-puri ang pangalan ng Diyos, upang turuan tayo tungkol sa kaniyang Ama at maglaan ng pantubos para sa lahat ng tatanggap nito? At saklaw ba ng iyong nadarama tungkol kay Jehova ang iyong pagpapahalaga sa kaniyang mga pangako tungkol sa isang matuwid na kinabukasan para sa isang nilinis na lupa?—2 Pedro 3:13.
21. Papaanong ang ating saloobin ay magagawa nating gaya ng sa matuwid na si Haring David?
21 Ang kaalaman sa mga bagay na ginawa ni Jehova ay nagbubunga ng pananampalataya. Ang pananampalataya ang nagtutulak sa atin na kumilos. Ating ginagamit ang kaniyang pangalan, ibinabalita ang kaniyang mga gawa, inihahandog na kusa ang ating sarili bilang kaniyang mga lingkod, at inaasam-asam natin ang katuparan ng kaniyang dakila at walang pagkabisalang layunin na lipulin sa lupa ang kabalakyutan at magtatag ng matuwid na mga bagong kalagayan para sa masunuring sangkatauhan. Taglay ang gayong pananampalataya, at kalakip ng mga gawa, masasabi natin ang gaya ng sinabi ng matuwid na si Haring David: “Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ni Jehova; at purihin ng lahat ng laman ang kaniyang banal na pangalan hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.”—Awit 145:21.
[Talababa]
a Marami sa mga hulang ito ang tinatalakay sa aklat na “Your Will Be Done on Earth,” na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society.
Bilang Repaso
□ Ano ba ang halaga ng isang pangalan, bilang pagkakaiba sa ano mang iba pang salita na pagkakakilanlan sa isang tao?
□ Ano ang dapat ipaalaala sa atin ng pangalang Jehova?
□ Papaanong ang pagtuturo ni Jesus ay nagpalawak ng ating pagpapahalaga sa pangalang Jehova?
□ Papaano ang isinasagawang mga gawa ni Jehova “alang-alang sa kaniyang pangalan“ ay totoong kapaki-pakinabang sa atin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 13]
Ang taong hindi natin alam ang pangalan ay isang estranghero sa atin. Pagka inanyayahan tayo ng Diyos na gamitin natin ang kaniyang pangalan, ito’y pakikipagkaibigan niya sa atin
[Larawan sa pahina 12]
Sa pagliligtas ng Diyos sa mga Israelita sa Dagat na Pula, papaano niya ipinakilala sa kanila ang kaniyang pangalan?