“Ang Salita” Ba ay Diyos?
“Ang Salita” Ba ay Diyos?
ANG mga naniniwala na ang Diyos ay isang Trinidad, at na Diyos si Jesus, ay nakaturo sa Juan 1:1 at Juan 20:28 bilang patotoo.
Sa maraming salin ganito ang Juan 1:1: “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Ang pagkakaiba ng dalawang pagkagamit dito ng salitang “Diyos” ay kinikilala ng mga tagapagsalin. Ganito ang salin ng The New English Bible, “Kung ano ang Diyos, ganoon ang Salita.” Ganito naman ang sabi ng Today’s English Version, “Siya’y kapareho ng Diyos.” Ang An American Translation, “Ang Salita ay dibino.”
Bakit hindi sabihin lamang ng mga saling ito na ang Salita “ay Diyos”? Sapagka’t sa Griego, na orihinal na wika nito, ang pangalawang gamit ng salitang “Diyos” ay hindi kapareho ng una. Ang pantukoy na “ho” (ang) ay nauuna sa unang salitang Diyos nguni’t hindi makikitang nauuna sa pangalawa. Ang pagkasabi ng The Anchor Bible: “Upang mapanatili sa Ingles ang sarisaring kahulugan ng theos [diyos] may pantukoy man o wala, ang pagkasalin ng iba (Moffatt) ay ‘Ang Salita ay dibino.’”
Lalo nating maiintindihan ito kung ating susuriin. Pansinin natin uli ang kaniyang isinulat: “Sa pasimula ay ang Salita.” Mangyari pa, hindi ang tinutukoy dito’y na may pasimula ang Diyos, ang Diyos ay walang pasimula. (Awit 90:1, 2) Iyon ay ang pasimula ng mga bagay na tinatalakay dito ni Juan, kasali ang paglalang sa lahat ng iba pang mga bagay ng “Salita.” At sinabi pa ni Juan: “Ang Salita ay kasama ng Diyos.” Ang kasama ng sinuman ay iba sa kasama niya.
Ang punto ay kung ano ang ibig sabihin ni Juan nang kaniyang isulat ang talatang ito. Iyan ba’y isang problema? Problema nga kung ibig mong sabihin na si Jesus ay “DIYOS,” sapagka’t maliwanag buhat sa mga isinulat ni Juan na hindi ang pagkaunawa niya ay “Diyos” si Jesus sa diwa na ang Ama’y Diyos. Halimbawa, sa kabanata ring iyan, si Juan ay sumulat: “Walang sinuman na nakakita sa Diyos; ang bugtong na Anak, na pinakamalapit sa puso ng Ama, ang nagpakilala sa kaniya.” (Juan 1:18, The Jerusalem Bible) May nakakita ba sa Diyos? Wala. May nakakita ba kay Jesus? Mayroon!
Ang Athanasian Creed, na nagpapaliwanag sa Trinidad, ay nagsasabi na “walang lalong dakila o walang mababa sa isa’t-isa.” Paulit-ulit na may isinulat si Juan na sariling pananalita ni Jesus na nagpapakita ng kaniyang pagpapasakop sa Ama. Siya’y “sinugo” ng Ama, inatasan ng Ama ng mga gawain at sabihin, at sinabi niyang hindi siya naparito upang gawin ang kaniyang sariling kalooban “kundi ang kalooban ng nagsugo sa [kaniya].”—Juan 6:38; 3:17; 5:36; 8:28; 12:49, 50.
Isinulat ni Juan ang sinabi ni Jesus na ang Ama “ang tanging tunay na Diyos,” at na “ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 17:3; 14:28) Iniulat niya ang anim na pagkakataon na kung saan tinawag ni Jesus ang Ama na “aking Diyos.” Ang limang pagkakataon na kung saan tinukoy ni Jesus ang “aking Diyos” ay matagal na pagkatapos na si Jesus ay buhaying-muli at makaakyat sa langit. (Juan 20:17; Apocalipsis 3:2, 12) May mga lima pang pagkakataon na isinulat ni Juan ang pagkakaiba hindi lang ng Ama at ng Kordero kundi ng Diyos at ng Korderong si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 1:1; 7:10; 21:22; 22:1-3) Sinabi ni Juan na siya’y sumulat, hindi upang ipakita na si Jesus ay Diyos, o kaya’y “Diyos Anak,” kundi “upang kayo’y sumampalataya na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos.”—Juan 20:31.
Ipinakikita ng mga pangungusap na ito na batid ni Juan ang kaugnayan ni Jesus at ng isa na tinatawag ni Jesus na “Diyos.” Hindi ito sinasalungat ng Juan 1:1. Ang tamang pagkasalin nito ay: “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos.” Ganito rin ang pagkabuo ng pangungusap na makikita ninyo sa Gawa 28:6 na kung saan ang mga taga-Malta ay nag-akalang si Pablo’y “isang diyos.”
Ano ang masasabi tungkol sa pagkamangha ni Tomas nang makita niya ang binuhay-muling si Jesus: “Panginoon ko at Diyos ko!” (Juan 20:24-29) Si Tomas ay gulat na gulat nang matalos niya na si Jesu-Kristo ay talagang binuhay mag-uli. Hindi sinasabing inaakala ni Tomas na si Jesus ay kapantay ng Ama. Si Juan, na sumulat ng mga salita ni Tomas, ay sumipi sa mga sinabi ni Jesus na may mga tao na tinatawag din na “mga diyos.” Tunay, ang Panginoong Jesu-Kristo ay lalong dakila kaysa kanila. (Juan 10:34, 35) At sa kabanata na kababasahan natin ng mga salita ni Tomas, isinulat ni Juan ang sinabi ni Jesus na ang Ama ang Diyos ni Jesus.—Juan 20:17.
Ipinakita ni Pablo na tama ang unawa ng mga Kristiyano noong unang siglo sa kaugnayan ni Jesus sa makalangit na Ama nang isulat na “sa aktuwal ay mayroon sa atin na isang Diyos na Ama . . . at mayroong isang Panginoon, si Jesu-Kristo.”—1 Corinto 8:6.