Diyos Anak o “ang Anak ng Diyos”?
Diyos Anak o “ang Anak ng Diyos”?
“Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”—MATEO 16:16.
1. (a) Ano ba ang paniwala ng maraming miyembro ng mga relihiyon tungkol kay Jesus? (b) Ano ang kapuna-punang sinabi ni Jesus tungkol dito?
DIYOS ba si Jesus? Oo ang isasagot ng maraming miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Subali’t alam mo ba na mayroong isa na tinawag ni Jesus na “Diyos”? Buklatin ang iyong Bibliya sa Juan 20:17 at basahin ang sariling pananalita ni Jesus malapit na sa dulo ng talatang iyan: “Aakyat ako sa aking Ama at sa inyong Ama at sa aking Diyos at sa inyong Diyos.” Kung nagtataka ka riyan, baka mamangha ka sa ilan sa mga iba pang bagay na sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus at sa Diyos.
2. Ano pang ibang kapuna-punang mga pangungusap ang inihahayag ng Bibliya tungkol sa kaugnayan ni Jesus at ng Diyos?
2 Pag-isipan, sandali, ang tungkol sa anghel na nagbalita kay Maria na kaniyang isisilang si Jesus. Hindi niya sinabing ang kaniyang anak ay siyang Diyos, kundi siya’y “Anak ng Diyos.” (Lucas 1:35) At imbis na sabihin, gaya ng sinasabi ng iba, na “ang Diyos Mismo” ang naparito sa lupa upang magbigay ng pantubos, sinasabi ng Kasulatan na “sinugo ng Diyos ang kaniyang Anak” upang gawin ito.—Galacia 4:4, 5; 1 Juan 4:9, 10.
3, 4. Papaanong ang sinabi ni Pedro at ni Juan Bautista ay salungat sa turo ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa Trinidad?
3 Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad kung sino baga siya ayon sa kanilang paniwala. Tumugon ba si Simon Pedro: “Ikaw ang Diyos”? Hindi, kundi sinabi ni Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” Itinuwid ba ni Jesus si Pedro? Hindi, kundi sinabi ni Jesus: “Maligaya ka, Simon anak ni Jonas, sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.”—Mateo 16:15-17.
4 Ang mga manunulat sa relihiyon, sa paniniwalang isang Trinidad ang Diyos, ay may tinutukoy na “Diyos Anak.” Subali’t, si Jesus ay hindi tinawag ni Juan Bautista na “Diyos Anak” kundi tinawag siya na “ang Anak ng Diyos.” Hindi sinabi ng mga alagad ni Jesus na, “Ikaw ang Diyos Anak,” kundi “Ikaw na talaga ang Anak ng Diyos.” May malaking pagkakaiba ang dalawang pangungusap na ito.—Juan 1:34; Mateo 14:33.
Mas Dakila ba ang Ama?
5. Ano ang masasabi tungkol sa posisyon ni Jesus sa langit?
5 Inilalahad ng Bibliya ang tungkol kay Jesus bago siya naging tao. Siya’y umiiral na bago kay Abraham, yamang kasama siya ng kaniyang makalangit na Ama “bago naging gayon ang sanlibutan,” siya “ang panganay sa lahat ng nilalang” at sa pamamagitan niya “lahat ng iba pang mga bagay ay nilalang.” (Juan 17:5; 8:58; Colosas 1:15-17) Si Jesus ay “nagpakababa siya at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos. Kaya naman siya’y dinakila ng Diyos tungo sa isang nakatataas na kalagayan at may kagandahang-loob na binigyan ng pangalan na mataas kaysa lahat ng ibang pangalan.” Sinasabi rin ng Bibliya na “ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Kristo . . . ang bumuhay mag-uli sa kaniya sa mga patay at pinaupo siya sa kaniyang kanan sa sangkalangitan, sa kaibabaw-ibabawan ng lahat ng pamahalaan at autoridad at kapangyarihan at pagkasakop at sa bawa’t pangalan na naturingan, hindi lamang sa sistemang ito ng mga bagay, kundi rin naman sa darating pa.”—Filipos 2:8, 9; Efeso 1:17, 20, 21.
6-8. Ano ang ilan sa mga bagay na sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang posisyon may kaugnayan sa kaniyang Ama?
6 Datapuwa’t ulit at ulit na ipinakita ni Jesus na hindi siya kapantay kundi nasa-ilalim ng kaniyang Ama. Sinabi niyang siya’y sinugo ng kaniyang Ama, tinuruan ng kaniyang Ama, pinag-utusan ng kaniyang Ama ng sasabihin. (Juan 3:17; 5:36; 6:38; 12:49, 50) Sinabi ni Jesus na kaniyang “natapos ang gawain” na ipinagagawa sa kaniya ng kaniyang Ama, at “nakilala [ng kaniyang mga tagasunod] na ikaw [ang Ama] ang nagsugo sa akin.”—Juan 17:4, 6, 18, 25.
7 Kahit ang mga kaaway ni Jesus ay hindi nagparatang na siya’y nag-aangking siya ay Diyos. Sa halip, kanilang sinabi na kaniyang ginagawa raw ang kaniyang sarili na “kapantay ng Diyos” sapagka’t tinatawag niyang Ama ang Diyos. Ibig nilang patayin si Jesus sapagka’t, gaya ng pagkasalin ng isang kilalang-kilalang Romano Katolikong salin: “Kaniyang tinukoy ang Diyos bilang kaniyang sariling Ama, at sa gayo’y ipinantay niya sa Diyos ang kaniyang sarili.” Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo nang buong kataimtiman, walang magagawa ang Anak sa ganang sarili niya; ang magagawa niya ay iyon lamang nakikita niyang ginagawa ng Ama at anuman ang ginagawa ng Ama ay ginagawa rin ng Anak.”—Juan 5:18, 19, The Jerusalem Bible.
8 Bagaman siya’y nasa lubhang mataas na posisyon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 14:28) Sinasabi ng iba na iyan daw ay totoo dahil sa naririto pa noon si Jesus sa lupa at na ngayon ay hindi na totoo iyan sapagka’t siya’y umakyat na sa langit. Subali’t hindi ganiyan ang sinasabi ng Bibliya.
Pagkaakyat ni Jesus
9. Papaano ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba kahit na ng binuhay-muling si Jesus at ng Diyos?
9 Pagkaakyat ni Jesus sa langit, ang kaniyang mga tagasunod ay patuloy na nagturo na ang Ama’y lalong dakila kaysa Anak. Mahigit na 20 taon ang nakalipas, si Pablo ay sumulat tungkol sa “Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 15:6) Suriin mong maingat ang mga salitang iyan. Ang tinutukoy ni Pablo ay ang Diyos ni Jesus. Hindi nagbabago si Pablo sa kaniyang pagpapakita ng pagkakaibang ito ng Ama at ni Jesus at gayundin ng Diyos at ni Jesus. Tinukoy niya sa kaniyang sulat ang Diyos at si Kristo. Ang pangkaraniwang pagbati ni Pablo na mababasa sa kaniyang mga liham ay: “Harinawang magkaroon kayo ng di-sana nararapat na awa at kapayapaan buhat sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 1:7; 1 Corinto 1:3; 2 Corinto 1:2; Galacia 1:3; Efeso 1:2; Filipos 1:2) Sa kaniyang sulat, hindi binanggit ni Pablo na si Kristo ay Diyos, kundi sinabi niyang ito “ang larawan ng Diyos,” kaya lubusang karapat-dapat kumatawan sa kaniya. (2 Corinto 4:4) Subali’t, dahilan sa ang tagapagsalin ng The Living Bible ay may paniwala na ang Diyos ay isang Trinidad, kaniyang binago ang talatang ito at ganito ang pagkasalin, “si Kristo, na Diyos.” Nguni’t yamang hindi iyan ang talagang sinasabi niyan, idinagdag ang ganitong talababa: “Sa literal, ‘siya ang larawan ng Diyos!’”
10. Papaano ipinakikita ng Apocalipsis ang pagkakaiba ni Jesus at ng Diyos?
10 Sa aklat ng Apocalipsis sa Bibliya ay ipinakikita rin ang pagkakaiba hindi lamang ni Jesus at ng Ama kundi ni Jesus at ng Diyos. Ang pambungad ay, “Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay sa kaniya ng Diyos.” (Apocalipsis 1:1) Mahigit na 60 taon pagkaakyat ni Jesus sa langit, sa Apocalipsis ay sinisipi ang dinakila sa langit na si Jesus na nagsasabi: “Ang magtagumpay—siya’y gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos . . . isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Diyos at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na nananaog buhat sa langit mula sa aking Diyos, at ang aking sariling bagong pangalan.”—Apocalipsis 3:12.
11. Papaanong ang pagkakaiba ni Jesus at ng Diyos ay ipinakikita sa huling kabanata ng Bibliya?
11 Ang pagkakaibang ito ng Diyos at ng Korderong si Jesu-Kristo ay ipinakikita hanggang sa huling kabanata ng Bibliya, na kung saan ang dakilang trono sa langit ng maningning na Bagong Jerusalem ay hindi inilalarawan na trono ng isang guniguning Trinidad, kundi “ang trono ng Diyos at ng Kordero.” (Apocalipsis 22:1, 3) Ang mga pangungusap na ito ay hindi mahirap na unawain, maliban sa ikaw ay tinuruan na bigyang-kahulugan ang mga ito ng hindi talagang iyon ang ibig sabihin.
“Sa Kanan ng Kapangyarihan”
12. (a) Papaano ipinaliwanag ni Jesus ang kaniyang magiging posisyon pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli? (b) Papaano ipinakikita ng Awit 110:1 na si Jesus ay hindi si Jehova?
12 Ang mga kaaway ni Jesus, na naghahanap ng dahilan upang siya’y maipapatay, ay hindi nagtanong sa kaniya na kung siya baga’y nag-aangkin na Diyos, kundi ang tanong nila’y kung siya baga “ang Kristo na Anak ng Diyos.” Siya’y sumagot: “Ikaw na rin ang nagsabi. Gayunma’y sinasabi ko sa inyo na mga tao, Buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.” (Mateo 26:63, 64) Una pa rito’y sumipi si Jesus at ikinapit sa kaniyang sarili ang mga salita ni David: “Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa kanan ko hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa.’” Hindi sinabi ni Jesus na siya’y si Jehova, o bahagi ng isang Trinidad na di-naaayon sa Kasulatan, kundi na siya’y sasa-kanan ni Jehova, samantalang naghihintay ng katuparan ng panahon at mga layunin ni Jehova.—Awit 110:1; Mateo 22:42-44.
13. Ano ang nakita ni Esteban ilang sandali lamang bago siya namatay dahilan sa kaniyang pananampalataya?
13 Si Esteban, na kauna-unahang namatay dahil sa kaniyang pananampalataya kay Kristo, ay binigyan ng pangitain tungkol sa binuhay-muling si Jesus sa langit. Kaniya bang nakita si Jesus bilang Diyos, o bahagi ng isang Trinidad? Hindi. Gaya ng inihula ni Jesus at ni David, kaniyang nakita si Jesus “sa kanan ng Diyos.” Sinasabi ng The Living Bible na nakita ni Esteban “si Jesus na Mesiyas na nakatayo sa siping ng Diyos sa kaniyang kanan!”—Gawa 7:55, 56.
14. Ano ang ipinakikita ng pangitain ni Daniel tungkol sa “isang gaya ng anak ng tao”?
14 Isang lalong malawak na maluwalhating pangitain tungkol dito ang nakita ni Daniel tungkol sa Matanda sa mga Araw. Sumulat si Daniel: “Ako’y patuloy na tumingin sa mga pangitain sa gabi, at, narito! lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao; at siya’y naparoon sa Matanda sa mga Araw, at inilapit nila siya sa harap ng Isang iyon. At binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno ay walang-hanggang pagpupuno na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” (Daniel 7:13, 14) Si Jesus ay hindi siyang Matanda sa mga Araw, si Jehovang Diyos, kundi siya ang Anak ng tao. At pansinin na ang isang ito ay dinala at inilapit sa kaniyang makalangit na Ama, upang tumanggap ng “kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya.”—Ihambing ang Mateo 25:31.
15. Ang lubhang karamihang ito ay nakakakilala ng ano, ayon sa ipinakikita ng Apocalipsis?
15 Malinaw na ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis sa Bibliya na ang lubhang karamihan na nanggagaling sa lahat ng bansa at wika at napaiilalim sa paghahari ni Kristo ay mga taong nakakakilala ng pagkakaiba ng Diyos at ng Korderong si Jesu-Kristo, sapagka’t ang kanilang inaawit na papuri ay: “Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” Isa pa, ang 144,000 na nakatayong kasama ng Korderong si Jesu-Kristo sa makalangit na Bundok Sion ay mayroon ng “kaniyang pangalan at ng pangalan ng kaniyang Ama na nangakasulat sa kanilang mga noo.”—Apocalipsis 7:9, 10; 14:1.
Kaninong “Anak”?
16. Ano ang pagkaunawa ng mga Judio nang sabihin ni Jesus na ang kaniyang Ama ay yaong kanilang tinatawag na kanilang Diyos?
16 May kaalaman ang mga Judio tungkol sa pangalan ng Diyos. Alam nila kung sino ang tinutukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin, yaong sinasabi ninyo na siya ang inyong Diyos.” (Juan 8:54)Sino ba ang Diyos na ito? Nabibigkas man nila iyon o hindi, kanilang nakita ang kaniyang pangalan sa kanilang mga kopya ng Kasulatan, iyon ay nasa mga balumbon sa kanilang mga sinagoga, at iyon ay nakasulat sa mga titik na Hebreo sa Griegong Septuagint na salin ng Bibliya na kanilang binabasa at ginagamit. (Tingnan ang artikulong “Ang Pangalan ng Diyos sa Kasulatang Kristiyano,” pahina 8.) Ang Jehova ay hindi isa pang pangalan para kay Jesus. Nang sabihin ni Jesus na “ang Diyos ang kaniyang sariling Ama” at siya “ang Anak ng Diyos,” ang pagkaunawa ng nakikinig na mga Judio ay na sinasabi niyang siya ang Anak niyaong isa na ang pangalan ay nakasulat sa apat na letrang Hebreo na YHWH. Hindi niya sinasabi na siya ay si Jehova, kundi na siya ay Anak ni Jehova.—Juan 5:18; 11:4.
Ang Bagong Tipan Para sa mga Kristiyano
17, 18. (a) Anong mga tampok na punto ang nakikita ninyo sa hula ni Jeremias tungkol sa bagong tipan, at gaanong kahalaga ang hulang ito? (b) Ano ba ang ginawa ng tagapamagitan ng bagong tipang ito?
17 Ang dakilang hula ni Jeremias tungkol sa bagong tipan ay nagpapakita na hindi lamang ang mga Judio kundi pati ang mga Kristiyano ay magiging isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova. Kung ginamit nang husto ng mga tagapagsalin ng iyong Bibliya ang pangalan ng Diyos kung saan lumilitaw iyon sa orihinal na Hebreo, ganito ang mababasa mo:
“‘Narito! Ang mga araw ay dumarating,’ ang sabi ni Jehova, ‘na ako ay makikipagtipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda ng isang bagong tipan . . . Sapagka’t ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sambahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon,’ sabi ni Jehova. ‘Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso. At ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan. At hindi na magtuturo bawa’t isa sa kanila sa kaniyang kapuwa at bawa’t tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, “Inyong kilalanin si Jehova!” sapagka’t makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila,” sabi ni Jehova.”—Jeremias 31: 31-34.
18 Sa apat na kabanata ng aklat ng Hebreo (kabanata 7-10) ay tinatalakay ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang bagong tipang ito, na itinatag ng Diyos sa espirituwal na Israel. Hindi ipinahihiwatig ni Pablo na si Kristo ang gumawa ng tipang ito (na binigyang-bisa ng kaniyang dugo), kundi kaniyang sinasabi na si Kristo ang “tagapamagitan” niyaon. Ang gumawa niyaon ay si Jehovang Diyos. Tungkol sa tagapamagitan niyaon, si Pablo ay sumulat: “Si Kristo ay pumasok . . . sa mismong langit, ngayon ay upang humarap sa Diyos alang-alang sa atin.”—Hebreo 8:6; 9:15, 24.
19. Sang-ayon sa hulang ito, sino ang magiging Diyos ng mga kasali sa bagong tipang Kristiyano?
19 Sino ba ang sinasabi ni Jeremias na magiging Diyos ng mga Kristiyano sa bagong tipan? Si Jehova! Si Jehova ang nagsabi: “Ako ay makikipagtipan . . . aking itatala . . . ako’y magiging kanilang Diyos.” At ang hulang ito ay nagsasabi tungkol sa mga Kristiyano sa bagong tipan: “‘Makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila,’ sabi ni Jehova.” Samakatuwid lahat niyaong talagang mga nasa bagong tipang Kristiyano—pati na lahat ng iba pang tapat na mga Kristiyanong kasama nila—ay mga taong nakakakilala at naglilingkod kay Jehova! Mahigit na 400 taon na ngayon, si John Calvin ay sumulat: “Ang mga salitang ito, ‘Iyong kilalanin si Jehova,’ ay tumuturo sa mga unang elemento ng pananampalataya.”—Commentaries on the Book of the Prophet Jeremiah and the Lamentations, ni John Calvin, isinalin ni John Owen, pahina 136.
Isang Nagbagong Kalagayan
20. Ano ba ang kailangang makita noon ng mga tagapakinig ni Jesus?
20 Noong kaarawan ni Jesus ay nakikilala ng kaniyang mga tagapakinig ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob. Ang kanilang mga ninuno ay kay Jehova sumasamba, at nasa gitna nila ang templo ni Jehova. Ang kailangan nila noon na makita ay ang kahalagahan ng pagpaparangal at pagsunod kay Jesus. Kaya’t sinabi ni Jesus na lahat ay dapat “magparangal sa Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Siyang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.”—Juan 5:23.
21, 22. (a) Papaanong ang kalagayang ito ay nabaligtad ngayon? (b) Ano ang hindi natin dapat kaligtaan?
21 Sa ngayon ay nabaligtad ang kalagayan. Ang mga miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay totoong maraming sinasabi tungkol sa Anak nguni’t kanilang nakakaligtaan ang “Ama na nagsugo sa kaniya.” Ang Diyos ang nagtaas kay Jesus “sa isang nakatataas na kalagayan at may kagandahang-loob na binigyan ng pangalan na mataas kaysa lahat ng ibang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ang bawa’t tuhod ay iluhod ng mga nasa langit at ng mga nasa lupa at ng mga nasa ilalim ng lupa, at upang ipahayag ng lahat ng dila na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.”—Filipos 2:9-11.
22 Huwag tayong tumulad sa marami na kinaligtaan ang bagay na iyan—na pagka ating ipinapahayag si Jesus ay dapat na “Sa ikaluluwalhati [iyon] ng Diyos Ama.” Marami sa mga pinuno ngayon ng relihiyon, at samakatuwid pati kanilang mga kawan, ay tuluyang nakalimot sa Ama. Gayunman, sa pananalangin sa kaniyang makalangit na Ama niya, sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos.” Subali’t hindi sapat iyan. Kailangang makilala rin natin at sundin natin ang isa na sinugo ng Diyos. Kaya, nagpatuloy pa si Jesus, “At sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Mga Tanong sa Repaso
□ Anong mga pangungusap sa Bibliya ang nagpapakita ng pagkakaiba ni Jesus at ng Diyos?
□ Ang mga salita ba ni Jesus na “ang Ama ay lalong dakila kaysa akin” ay totoo rin pagkatapos na makabalik si Jesus sa langit?
□ Ano ang sinabi ni David at Daniel na tumutulong sa atin na maunawaan ang posisyon ni Jesus sa langit?
□ Sang-ayon sa hula ni Jeremias tungkol sa bagong tipan, ano ang dapat malaman ng mga tunay na Kristiyano tungkol sa Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 19]
Ang Ideang “Diyos Anak” ay Noong Huli Na
Ang New Catholic Encyclopedia, tomo 13, pahina 426, ay nagsasabi: “Ang pagtatanong kung inihaharap baga ng B[agong] T[ipan] si Jesus bilang Diyos Anak” ay “paghahanap ng balangkas ng pagtukoy sa Kaniya na noon lamang bandang huli lumitaw.”
Samakatuwid, itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga apostol na siya “ang Anak ng Diyos,” nguni’t noong bandang huli ay mga klerigo ang nagpauso ng idea ng “Diyos Anak.”