Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Inirerekomendang Aklat

Isang Inirerekomendang Aklat

Isang Inirerekomendang Aklat

NOONG nakaraang Enero 23 (ng 1983), ang Sunday Sun, isang pahayagan sa isla ng Jamaica sa Carribeano, ay may ganitong paulong-balita: “Witnesses Forge Ahead” (Ang mga Saksi ay Biglang Umabante Nang Mabilis). Pagkatapos na ilahad ang pagdami nila kamakailan, sinabi ng pahayagan: “Ang mga Saksi ay naglabas ngayon ng isang bagong 255-pahinang aklat, may maraming kaakit-akit na mga larawan, mabisa at simple ang pagkasulat, upang tulungan sila na magparami ng kanilang miyembro. Ang titulo ng pinabalatang aklat ay YOU CAN LIVE FOREVER IN PARADISE ON EARTH, at ito’y ipinagbibili sa karampatang halaga na J$4.50 [$2.50, U.S.]. . . .

“Ginambala ng mga Saksi ang maraming taong namamahinga nang Linggo ng hapon at kanilang pinabangon ang marami nang nangakahiga at nagpapahinga, na mga pang-iistorbong hindi nakatutuwa.

“Subali’t ang mga Saksi ay karapat-dapat pakinggan. Kung hindi ninyo ibig na sila’y tumuntong sa inyong pintuan, sa ano mang paraan ay kumuha kayo ng YOU CAN LIVE FOREVER IN PARADISE ON EARTH, na dito sistematiko at malawakan na binabalangkas ang teolohiya at mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. . . .

“Sa tuwina’y nagagawa ng mga Saksi na ang relihiyon ay iyagapay sa araw-araw na pamumuhay. Ang karamihan ng mga lathalain ng mga Saksi ay hindi tungkol sa natatangi at makuskusbalungos na mga isyu sa relihiyon at mga debate na waring nakakaakit sa maraming Fundamentalista. Ang araw-araw na pakikipagpunyaging napapaharap sa mga tao—depresyon, kalumbayan, mga problema sa sekso, mga paghihikahos sa pananalapi, takot—ay tinatalakay nang mabisa sa relihiyon ng mga Saksi.

Samantalang ang Ebanghelyo’y tinutukoy ng mga Kristiyano sa mga pananalitang waring walang kaugnayan sa mga pangyayari sa tunay na daigdig at samantalang marami ang naghihiwalay ng kanilang espirituwal na buhay buhat sa kanilang sosyal at intelektuwal na buhay, ang relihiyon naman ng mga Saksi ang nangingibabaw sa lahat ng kanilang ginagawa. Sapat-sapat na pinatutunayan ito ng YOU CAN LIVE FOREVER IN PARADISE ON EARTH. . . .

“Mayroong isang tema na nangingibabaw sa buong aklat at, totoo nga, sa relihiyon ng mga Saksi: ang kahigitan sa lahat ng Kaharian ng Diyos. May matibay na patotoo ang aklat na ang Kaharian ng Diyos ang pinaka-sentro ng ministeryo ni Jesus. Maging ang mga pagpapagaling man na ginawa ni Jesus, na nangingibabaw sa Kaniyang ministeryo, ito’y iniuugnay ng mga Saksi sa Kaharian ng Diyos. Ipinakikita ng mga Saksi na hindi ang pagpapababa ng buhay ng tao sa ganang sarili ang pangunahing layunin ni Jesus. Bagkus, ang mga himala ay ‘nagpatunay na, sa kapangyarihan ng Diyos, lahat ng problema ng sangkatauhan ay maaaring malutas. Oo, ipinakikita nito sa maliit na paraan kung ano ng magaganap sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.’”

Bagaman tinututulan ng manunulat sa pahayagang ito ang ilang mga turo ng mga Saksi ni Jehova, gayunman, gaya ng binanggit na, kaniyang hinihimok ang kaniyang mga mambabasa na kumuha ng aklat na You Can Live Forever in Paradise on Earth. Marami sa inyo ang nagkaroon na rin ng pagkakataon na mabasa ang mainam na aklat na ito. Sabik ka bang ibahagi sa iba ang mahalagang nilalaman nito?

Maraming tao ang nasasabik, at pinatutunayan ito ng malawak na pamamahagi ng aklat na Live Forever (Mabuhay Magpakailanman, sa Tagalog) sa maraming angaw-angaw na sipi sa loob ng unang taon ng pagkalathala nito. Isa sa kanila na taga-North Carolina ang sumulat sa Watchtower Society noong magtatapos na ang nakaraang tagsibol. Ang pambungad ng kaniyang liham ay, “Mahal na Ginoo at Kapatid,” at pagkatapos ay sinabi ng taong iyon: “Inaasahan kong hindi mo tututulan ang ganiyang tawag ko sa iyo. Siyanga pala, sinulatan kita dahilan sa isang aklat na nilimbag mo at may pamagat na You Can Live Forever in Paradise on Earth.

“Minsan noong mga aprimero ng Marso isang Saksi ang naparoon sa bahay ko kasama ang isang munting batang lalaki na natatandaan pa ako. Kaniyang ipinakita sa akin ang aklat at kinuha ko naman. Bueno, binasa ko ang aklat at gustung-gusto ko. Ang hanapbuhay ko ay tsuper ng trak; kaya’t nang sumunod na linggo ay naparoon ako sa Long Island, New York. May nakita akong mga ilang tao na nakikilala kong may mga inampong anak at sila’y may mga problema. Kaya’t ibinigay ko sa kanila ang aklat. Hindi ako nakakuha ng isa pa uling aklat kundi nang ako’y makarating sa Hayti, Missouri.

“Pagkatapos ay naparoon naman ako sa Houston, Texas. Nang ako’y patungo sa Houston ay huminto ako sa Kingdom Hall sa Lufkin, Texas, at kumuha ako ng 10 aklat. Nang naroroon ako sa Houston ay naipamahagi ko ang lahat ng 11 aklat na dala ko. Kaya’t nang bumalik ako at dumaan sa Lufkin ay kumuha ako ng 8 pa (noong gabi ng Paskua). Nang dumating ako sa Conway, Arkansas, ang 8 ay naubos. Kaya’t kumuha ako ng 10. Nang makarating ako sa Durham, North Carolina, lahat na ito ay ubos na. Kaya’t kumuha ako ng 2 pa buhat kay Brother J​——. At nang Linggong iyon ay kumuha ako ng 15 sa Kingdom Hall sa Durham. Ito man ay naubos din, kaya’t nang dumating ako sa Wilmington, Delaware, ako’y kumuha ng 16 pa. Kumuha ako ng 3 sa Rockton, Illinois. Naubusan ako sa North Dakota at wala na akong nakuhang mga aklat kundi nang dumating ako sa Memphis, Tennessee, at kumuha ako ng 10 pa. At sa Brooklyn, New York (sa hedkuwarters ng Watchtower), ako’y kumuha pa ng 27. Ang huling-huling kinuhanan ko ay sa Springfield, Illinois, 10 ang kinuha ko roon noong Mayo 1, 1983.

“Lahat-lahat mula noong ika-27 ng Marso hanggang noong ika-27 ng Abril, 96 ng mga aklat na iyan ang aking naipamahagi. Bueno, isa na namang buwan ito at nagsimula ako nang medyo mabagal. Subali’t tuwing kukuha ako ng mga aklat at sa pagitan ng mga pana-panahon ay hinihiling ko sa mga kapatid na aralan ako sapagka’t ngayon ay hindi pa ako Saksi. Nguni’t sa pamamagitan ng pinatutugtog kong mga awiting pang-Kaharian sa aking trak, ng mga manakanakang pag-aaral (at ng pulang aklat) at ng di-sana nararapat na kagandahang-loob ni Jehova na Ama natin at ni Jesu-Kristo na Anak, lakip ang patuloy na pananalangin, marahil ako man ay makapagtatamo rin ng buhay na walang hanggan.”

Pagkatapos na hilinging ipanalangin siya at wakasan ang kaniyang liham ng pagpapahayag ng pag-ibig, winakasan ng tsuper na ito ng trak ang kaniyang liham ng: “Pahabol. Sa petsang ito, 5/17, ako’y kumuha ng 25 pa buhat sa Watchtower.”

Papaanong ang taong ito’y nakapaglalagay ng napakaraming kopya ng Live Forever na aklat? Ganito ang paliwanag ni Bob Rodish, isang manggagawa sa Brooklyn hedkuwarters na nakipag-aral sa kaniya ng Bibliya nang siya’y dumaan doon para kumuha ng mga aklat: “Basta ipinakikita raw niya sa mga tao ang aklat, saka sasabihin niya na marami siyang natutuhang kahanga-hangang mga bagay doon at ang kaniyang natutuhang iyon ang aktuwal na bumago ng kaniyang buhay. Pagkatapos ay bubuklatin niya ang ilang mga pahina upang ipakita niya sa kanila ang ilang nilalaman ng aklat—halimbawa, mga pahina 140 at 141, na tungkol sa kronolohikong ebidensiya na ang Kaharian ng Diyos ay natatag na sa kalangitan at naghahari na ngayon.”

Ang totoo, ang sigla at personal na pagpapahalaga mo sa aklat na iyan ang lihim upang maipamahagi mo iyan sa iba. Siyanga pala, sang-ayon kay Bob Rodish ay nabalitaan daw niya pagkatapos na ang kaniyang kaibigang tsuper na ito ng trak ay patuloy na namamahagi ng mga aklat sa mga tao saanman niya makatagpo sila—mahigit na 200 ang naipamahagi niya noong nakaraang Hunyo.

Pana-panahon ang mga Saksi ni Jehova ay may pantanging kampanya upang maipamahagi sa publiko ang napakainam na aklat na ito na pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Ikaw man ay hinihimok na lubusang makibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aalok ng Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa (sa Wikang Tagalog) sa ano mang angkop na pagkakataon.