Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Maria Ba ay Ipinaglihi na Walang Kasalanan?

Si Maria Ba ay Ipinaglihi na Walang Kasalanan?

Si Maria Ba ay Ipinaglihi na Walang Kasalanan?

ANG panahon—Disyembre 8, 1854. Ang lugar—basilica ni San Pedro sa Roma. Sa isang tinig na puspos ng damdamin, binasa ni Papa Pio IX ang tekstong Latin ng sumusunod na decreto: “Aming idinideklara, ipinapahayag, at itinatakda na ang doktrinang nagtuturo na iningatang walang bahid ng orihinal na pagkakasala ang bukud-tanging Pinagpalang Birheng Maria nang siya’y ipaglihi, sa pamamagitan ng natatanging grasya at pribilehiyo na ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo Jesus, Tagapagligtas ng sanlibutan, ay isang doktrina na isiniwalat ng Diyos at kung gayon ay kailangang matatag na paniwalaan sa tuwina ng lahat ng sumasampalataya.”

Kaya magmula na noon ang turong ito ay kailangang paniwalaan ng lahat ng Katoliko, at ang Kapistahan ng Imaculada Concepcion ay ginaganap taun-taon sa sandaigdigang Katoliko kung Disyembre 8.

Ang doktrinang ito ay hindi dapat ipagkamali sa tinatawag na Virgin Birth o Panganganak ng Birhen. Ang umano’y imaculada concepcion ay tungkol sa paglilihi at panganganak kay Maria, samantalang ang Virgin Birth ay may kinalaman sa kahima-himalang pagkapanganak kay Jesus. Si Maria ay isang birhen nang kaniyang ipaglihi at ipanganak si Jesus, at ito’y maliwanag na sinasabi ng Banal na Kasulatan. (Mateo 1:18-23; Lucas 1:34, 35) Subali’t ipinakikita ba ng Kasulatan na si Maria ay ipinanganak na sakdal at hindi nagmana ng kasalanan?

Hindi Nakikilala sa Kasaysayan ng Sinaunang Iglesya

Sa ilalim ng pamagat na “Immaculate Conception,” inaamin ng The Catholic Encyclopedia: “Buhat sa Kasulatan ay walang tuwiran o tiyakan at mariing patotoo ang turong iyan.” Kaya’t papaano baga nangyari na naidagdag ng Iglesya Katolika Romana sa kaniyang turo ang kuru-kurong ito? Bakit ang isang iglesyang nag-aangking umiral na nang halos 2,000 taon ay naghintay pa hangga noong 1854 bago ginawa ang Imaculada Concepcion na bahagi ng paniwala ng lahat ng Katoliko?

Sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Tungkol sa kawalang bahid-kasalanan ni Maria ang mga naunang Fathers ay totoong nagpapakaingat. . . . Ang mga Greek Fathers ay hindi pormalan o malinawan na tumatalakay sa paksa ng Imaculada Concepcion.” Ang totoo pa nga’y marami sa mga pinakaunang Greek church fathers, tulad baga ni Origen (185-254 C.E.), Basil the Great (330-379 C.E.) at Chrysostom (345-407 C.E.), ang nagpahayag ng mga kuru-kuro na laban sa paniniwala na si Maria ay ipinaglihi na walang kasalanan, alalaong baga, walang bahid ng orihinal na kasalanan. At si Augustine (354-430 C.E.), na siya raw pinakadakila sa naunang Latin “Fathers,“ ay nagpahayag ng nahahawig na mga kuru-kuro.

Sa kaniyang aklat na Christian Worship: Its Origin and Evolution, ganito ang isinulat ng Katolikong historyador Pranses na si Louis Duchesne: “Ang Iglesya ng Roma ay waring hindi nagseselebra ng kapistahan ng Birhen bago noong ikapitong siglo.” Totoo, noong ikalimang siglo C.E., ang Griego-wikang iglesya ay nagsimula ng pagseselebra ng isang Kapistahan ng Paglilihi kay Juan Bautista, at, nang malaunan, ng isang Kapistahan ng Paglilihi kay Maria. Subali’t inaamin ng The Catholic Encyclopedia: “Sa pagseselebra ng kapistahan ng Paglilihi kay Maria ang [“Kristiyanong”] mga Griego noong sinauna . . . ay hindi nag-aakala na katawa-tawang magselebra ng isang paglilihi na hindi kalinis-linisan, gaya ng nakita natin sa Kapistahan ng Paglilihi kay San Juan . . . Sa Orthodox Greeks ng mga araw natin, gayunman, walang gaanong kahulugan ang kapistahan; kanilang patuloy na tinatawag ito na ‘Conception of St. Anne’ [Anna, ayon sa tradisyon ay siyang ina ni Maria], at sa di-sinasadya’y ipinakikita nito, marahil, ang aktibo [seksuwal] na pagkapaglihi na tiyak na hindi kalinis-linisan.”

Kung gayon, mapapansin natin na ang mga kapistahan kay Maria ay nagsimula sa Silanganan, o Griego, na Iglesya at na hindi ito sinelebra ng Romano, o Latin, na Iglesya bago nang-ikapitong siglo C.E. At bagaman nagsisilebra noon ng isang kapistahan ng paglilihi kay Maria, ang Greek (Griegong) Orthodox Church ay hindi naniniwalang siya ay ipinaglihi na kalinis-linisan o walang kasalanan.

“Ang Mainitang Pagtatalo”

Inamin ng The Catholic Encyclopedia na ang pagkabuo ng doktrina ng Imaculada Concepcion ay matagal, at masalimuot. Ganito ang sabi: “Sa pasimula ang siniselebra lamang ng Iglesya ay ang Kapistahan ng Pagkapaglihi kay Maria, samantalang ginaganap niya ang kapistahan ng pagkapaglihi kay San Juan, at hindi tinatalakay ang kawalang kasalanan. Sa paglakad ng maraming siglo ang kapistahang ito ang naging Kapistahan ng Imaculada Concepcion, samantalang sa pamamagitan ng dogmatikong argumentasyon ay nahayag ang tiyak at wasto na mga idea, at naging matatag ang mga kuru-kuro ng mga paaralan ng teolohiya tungkol sa kalayaan ni Maria buhat sa ano mang bahid ng orihinal na kasalanan.”

Oo, ang doktrina ng Imaculada Concepcion o kawalang kasalanan ni Maria nang ipaglihi ay nabuo pagkaraan lamang ng maraming siglo ng “dogmatikong argumentasyon.” Kinailangan ang daan-daang taon upang ang “mga kuru-kuro ng mga paaralan ng teolohiya” ay ‘maging matatag’ at sa wakas ay pagtibayin. Sa kanilang mga artikulo tungkol sa “Imaculada Concepcion,” ang aprobadong mga reperensiyang aklat Katoliko ay mayroong mahabaang pagtalakay sa mga subtitulong “Ang Pagtatalo” o “Ang Mainitang Pagtatalo.” Kanilang tinutukoy ang “kiming pagsisimula” ng “bagong kapistahan” sa Inglatera noong ika-11 siglo C.E. Pagkatapos na masakop nila ang Inglatera noong 1066, ito’y ipinagbawal ng mga Normans, sapagka’t itinuring nila ito na “isang bunga ng kakitiran ng isip at kawalang-muwang.” Sa Pransiya, ang “Santong” Katoliko na si Bernard ng Clairvaux (1091-1153) ay hayagang nanindigan laban dito. Noong ika-13 siglo, si “San” Thomas Aquinas, sinasabing siyang “pangunahing pilosopo at teologo” ng Iglesya Katoliko, ay sumalungat sa doktrina ng Imaculada Concepcion o kalinis-linisang pagkapaglihi kay Maria, sa dahilan daw na si Maria ay tinubos ni Jesus gaya ng sinuman sa makasalanang sangkatauhan.

Subali’t, isa namang teologo at pilosopong Katoliko (si John Duns Scotus 1265-1308) ang nahayag na katig sa turong ito. Si Scotus ay isang Pranciscano, samantalang si Aquinas ay isang Dominicano. Samakatuwid sa buong nalakarang panahon ang doktrina ng Imaculada Concepcion ay laging pinagtatalunan ng dalawang orden na ito ng Iglesya Katolika Romana.

Bilang kabuuan ng pagtatalong ito, sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Ang pagtatangkang ipasok ito [ang kapistahan ng Imaculada Concepcion] ay magbangon sa mga namiminuno ng mga hidwaan at teoretikong diskusyon, tungkol sa kung nararapat baga ito at sa kahulugan nito, na ipinagpatuloy sa loob ng daan-daang taon at hindi nalutas bago 1854.” Nang taon na iyon taimtim na ipinahayag ni Papa Pio IX na ang Imaculada Concepcion ni Maria “ay isang doktrina na isiniwalat ng Diyos at kung gayon ay kailangang matatag na paniwalaan sa tuwina ng lahat ng sumasampalataya.”

Gayunman, sang-ayon sa mapanghahawakang Dictionnaire de Théologie Catholique, mahigit na 50 obispong Katoliko, kasali ang arsobispo ng Paris, ang hindi sang-ayon na ang turong iyan ay gawing sapilitan at paniwalaan ng lahat ng Katoliko. Si Johann Dollinger, ang pangunahing teologong Katoliko sa Alemanya noong ika-19 na siglo, ay tahasang nagsabi: “Tinatanggihan namin ang bagong doktrinang Romano ng Imaculada Concepcion ng bukod na Pinagpalang Birheng Maria sapagka’t laban iyan sa tradisyon noong naunang labintatlong siglo, na nagsasabing si Kristo lamang ang ipinaglihi na walang kasalanan.” Nang bandang huli ay itiniwalag si Dollinger.

Supling ng Doktrina ng Trinidad

Bakit ibig ng hierarkiya Katolika na sapilitang ipasunod ang kontrobersiyal na doktrinang ito sa lahat ng Katoliko? Ang turo ng Imaculada Concepcion ay isang karaniwang halimbawa ng alanganing katayuan na kinahuhulugan ng isang relihiyon pagka ito’y lumihis na sa tuwirang mga katotohanan na nasa Bibliya. Ang isang walang katotohanang doktrina ay humahantong sa isa pa uling katulad niyaon.

Sa pagsasaliksik ay nahayag na galing sa turo ng Trinidad ang pagsamba kay Maria. Sa papaano nagkagayon? Ang lahat na ito’y nagsimula noong ikaapat na siglo C.E. Noong 325 C.E., si Emperador Constantino, na hindi pa malay mabautismuhan noon bilang “Kristiyano,” ay nag-urganisa ng Konsilyo ng Nicea upang lutasin ang pagtatalo ng mga teologo sa Trinidad. Udyok ng mga dahilang politikal imbis na relihiyoso, si Constantino ay pumanig sa mga trinitaryo. Ang Nicene Creed ay nagpahayag na Diyos si Jesus. Kaya’t ang mga teologo ay nagsimulang nag-isip tungkol sa posisyon ni Maria. Kung si Jesus ay Diyos, si Maria naman ay siyang ina ng Diyos. Ang iba’y nagitla sa ideang ito, at sa loob ng isang siglo ay nagkaroon ng mga diskusyon ang mga teologo. Sa wakas, noong 431 C.E., ipinahayag ng Konsilyo ng Efeso na si Maria ay “Theotokos,” sa literal ay, “Nagluwal-sa-Diyos,” o “Ina ng Diyos.”

Kapuna-puna, ang titulong ito ay ibinigay kay Maria sa Efeso, Asia Minor, isang dako na siyang sentro ng paganong pagsamba sa Inang-Diyosa. Dahilan sa ginawa ni Constantino na ang apostatang Kristiyanismo’y maging isang relihiyong pansansinukob, o katoliko, na tinatanggap ng makapaganong karamihan ng mga tao, ang pagsamba kay Maria ang humalili sa pagsamba sa iba’t-ibang makapaganong mga inang-diyosa. At habang lumalaganap ang pagsamba kay Maria, na ikinatnig na sa turo ng Trinidad, waring makatuwiran sa maraming tao na sila’y maniwala na si Maria ay walang katiting man na kasalanan.

Ang Iba Pang mga Dahilan Para sa Doktrina

Ang doktrina ng Imaculada Concepcion ay resulta rin ng bahaging ibinibigay ng mga teologong Katoliko kay Maria sa katubusan. Tinatawag ng mga Katoliko si Maria ng “Mediatrix,” “Co-Redemptrix,” “Coredemptress” at “Birheng-pari.” Bakit?

Sa pagkaaga-agang panahon, ang tawag kay Maria ng mga teologong Katoliko ay ang “Ikalawang Eva.” Kanilang sinisipi ang 1 Corinto 15:22, 45, at kanilang pinaghahambing hindi lamang “ang unang taong si Adan” at “ang huling Adan [si Kristo]” kundi pati si Eva at si Maria. Ang Encyclopaedia Britannica (1976) ay nagsasabi na ipinahihiwatig ng paghahambing na ito na “si Maria, bunga ng kaniyang pagkamasunurin, ay may aktibong bahagi sa pagtubos sa sangkatauhan.”—Amin ang italiko.

Oo, kinikilala ng Iglesya Katolika ang pangunahing bahagi ni Kristo sa pagtubos. Sa katunayan, itinuturo nito na sa pamamagitan ng “natatanging grasya at pribilehiyo na ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” si Maria ang unang nakinabang sa “biyaya” ng hain ni Kristo, at na ikinapit ito sa kaniya “nang siya’y ipaglihi” upang siya’y “ingatang walang bahid ng orihinal na pagkakasala.”

Kung gayon, papaano ipinaliliwanag ng mga teologong Katoliko ang ipinagpapalagay nilang “aktibong bahagi [ni Maria] sa pagtubos sa sangkatauhan”? Kanilang sinasabi na siya ay “Coredemptress” sapagka’t, bilang pagsipi sa The Catholic Encyclopedia, “kailangan sa pagtubos ang pagsang-ayon ni Maria.” Kanilang ikinakapit ang salitang “Mediatrix” sa kaniya dahilan sa sinasabi nilang siya’y namamagitan alang-alang sa nagkasalang sangkatauhan. Kanilang sinasabi rin na, sa kaniyang tungkuling iyan, si Maria ay “matuwid ding matatawag na Virgo sacerdos o Birheng-pari” sapagka’t siya’y nakipagtulungan kay Kristo sa kaniyang paghahain at ngayon ay nakikibahagi siya [kay Kristo] sa pagkakaloob ng “lahat ng grasya.”

Isa pa, pagkatapos ng may kamaliang pagkasalin sa Latin ng Genesis 3:15, ikinapit ito ng mga teologong Katoliko kay Maria at sinabing siya ang “babae” na, gaya ng pag-aangkin ng mga Katoliko, dudurog sa ulo ng “ahas,” si Satanas. (Genesis 3:14, 15) (Tingnan ang talababa sa Genesis 3:15 sa Douay at Jerusalem na mga salin ng Bibliya.) Sinasabi na upang madaig si Satanas, si Maria ay kailangang wala kahit bahid ng kasalanan. Subali’t ano ba ang sinasabi ng Bibliya?

Ang Patotoo ng Bibliya

Tatlong taon lamang pagkatapos na ipasunod ni Papa Pio IX ang turong ito sa mga Katoliko, si Monsignor Malou, na obispo ng Brugge, Belgium, ay sumulat at kaniyang inamin: “Dapat na sabihin nang malinaw na, sa lahat ng argumentong inihaharap ng mga tagapagtanggol [ng Imaculada Concepcion], yaong mga kinuha sa Banal na Kasulatan ang pinakasimple at wasto.”

Subali’t ang mga teologong Katoliko ay nag-aangkin na ang Bibliya at ang tradisyon ay kapuwa pagsisiwalat ng Diyos sa sangkatauhan. At sinasabi pa rin ng pinakamagagaling na autoridad Katoliko na ang tradisyon ay hindi dapat sumalungat sa Kasulatan at kailangan, malinaw o lubusan, na mapatunayang “Apostoliko.” Papaano nakasusunod sa mga kahilingang ito ang turo ng Imaculada Concepcion?

Gaya ng nakita na natin, ang doktrina ay hindi sinusuportahan ng pinakamatatandang tradisyon ng Iglesya Katolika Romana. Isa pa, ito’y salungat sa Kasulatan. Ang pag-aangkin na si Maria’y iningatan upang huwag mabahiran ng orihinal na pagkakasala nang siya’y ipaglihi ay nagtatatuwa sa pagmamana ng lahat ng tao ng kasalanan. Malinaw na sinabi ni apostol Pablo: “Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at sa pamamagitan ng kasalanan ay pumasok ang kamatayan, at sa gayo’y lumaganap ang kamatayan sa buong sangkatauhan sapagka’t lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12, JB) Ang Kasulatan ay nagsasabi rin na sa pamamagitan lamang ng kamatayan ni Kristo dumating ang katubusan para sa “buong sangkatauhan.” (Hebreo 2:9, JB) Kung totoo ang turo ng Imaculada Concepcion, di sana’y natubos na si Maria bago namatay si Kristo, oo, mga taon pa bago siya naparito sa lupa.

Samakatuwid, pagkatapos na sukatin ng sariling panukat na ginagamit ng Iglesya Katolika, masasabing ang turong ito ay hindi “Apostoliko” ni maka-Kasulatan, at sa gayo’y hindi isang “tradisyon” na maaaring tanggapin. Hindi baga dapat mag-udyok ito sa taimtim na mga Katoliko upang suriin sa liwanag ng Bibliya ang iba pang “mga kahilingan ng pananampalataya” na dapat nilang sundin?

[Blurb sa pahina 25]

“Ang mga ‘Greek Fathers’ ay hindi pormalan o malinawan na tumalakay sa paksa ng Imaculada Concepcion.”—The Catholic Encyclopedia.