Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Bibliya—Pinakamahalagang Giya

Ang Bibliya—Pinakamahalagang Giya

Ang Bibliya—Pinakamahalagang Giya

Yamang ang Bibliya’y “kinasihan ng Diyos,” ito ang pinakamahalagang giya sa ating buhay. (2 Timoteo 3: 16, 17) Ipinakikita nito sa atin ang mga kahilingan ng Diyos at ang kaniyang mga layunin. Nguni’t pinakamahalaga rin ito sa isa pang paraan, sa sukdulan na maaasahan natin ito bilang totoo. Iniulat kamakailan ng The Atlanta Journal and Constitution ang tungkol sa nagawa ng arkeologong si Yigal Shiloh, na humuhukay ng mga kaguhuan ng “tunay na Antigong Lunsod ng Jerusalem—ang Jerusalem ni David at Salomon, ni Isaias at Jeremias.” Ang sabi ng ulat: “Ang pangkat na pinangungunahan ni Shiloh na 150 boluntaryo at 30 propesyonal ay gumagamit na ng lahat na kagamitan buhat sa piko at mga pala hanggang sa hi-tech electronics” sa paghuhukay. “At sa proyektong ito . . . ang Bibliya ang pinakamahalagang gamit.”

Sa papaano? Ang sabi ng ulat: “Halimbawa, sa aklat ng Jeremias (36:10) ay nasusulat: ‘Nang magkagayo’y binasa ni Baruch sa balumbon ang mga salita ni Jeremias sa bahay ng Panginoon, sa silid ni Gemarias na anak ni Saphan na kalihim.’”

Ano ba ang natuklasan ni Shiloh at ng kaniyang mga kasama na maliwanag na nagpapatunay ng detalyeng ito? Isang pantatak na luwad na ginagamit sa pagtatatak sa papiro, at may nakasulat doon na pangalan ni “Gemarias na anak ni Saphan na kalihim,” na ang petsa’y magbuhat pa noong panahon ni Jeremias.

Ang ulat na iyon ay patuloy pa na nagsasabi: “Kahit ang maliliit na bagay ay makapagpapaliwanag ng tungkol sa Bibliya. Halimbawa, si Shiloh ay nakatuklas ng maraming idolo sa pag-aanak na korteng matatambok-dibdib na mga pigurin ng mga babae mula noong panahon ng mga propetang Hebreo, na nangangahulugang sa kabila ng mga babalang ibinigay ng mga propeta, ang pagsamba sa mga idolo ay hindi pa rin dagling iniwan ng mga karaniwang tao.” Ito’y pinatutunayan ng ulat ng Bibliya. Halimbawa, sa Jeremias 7:17, 18 ay ating mababasa: “Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? Ang mga anak ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga asawang babae ay nagmamasa ng harina upang igawa ng handog na tinapay ang ‘reyna ng langit’; at nagbubuhos ng mga handog na inumin sa mga ibang diyos upang hilahin ako sa pagkagalit.”

Maraming autoridad ang nagsasabing ang “reyna ng langit” ay ang Babilonikong diyosa ng pag-aanak na si Ishtar. Sinasabi naman ng iba na siya ang Canaaneong diyosa ng pag-aanak na si Astorte. (Para sa higit pang impormasyon pakitingnan ang Aid to Bible Understanding, pahina 1363-4 at 810-11.)

Mangyari pa, hindi ngayon lamang nakatuklas ang mga arkeologo ng mga bagay na nagpapatunay sa Bibliya. Marami nang pagkakataon na ginamit nila ang Bibliya upang matuklasan nila ang kanilang hinahanap! Sinabi ng yumaong si Yohanan Aharoni sa kaniyang aklat na The Land of the Bible: “Ang Bibliya pa rin ang pangunahing pinagkukunan ng makasaysayang heograpiya ng Palestina noong panahon ng mga Israelita. Ang mga salaysay at mga paglalarawan ay nagpapahiwatig ng kanilang likas na kapaligiran at pati ng mga naganap na pangyayari sa kasaysayan. Dito’y tumutukoy ng mga 475 na mga pangalan ng lokal na lugar, na karamihan nito’y sa mga konteksto na nagbibigay ng mga detalye tungkol sa kalikasan, kinaroroonan at kasaysayan ng lugar.” Oo, tiyak na ang Bibliya ang pinakamahalagang giya, maging kung ang sinuman ay naghuhukay sa lupain ng Israel sa ngayon.