Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahulugan ng mga Balita

Ang Kahulugan ng mga Balita

Ang Kahulugan ng mga Balita

Ang Hilig sa Digmaan

“Totoong napakaraming sarisari ang digmaan, halos lahat ng korte, laki at kulay ay mayroon nito,” ang sabi ng kalumnistang si Flora Lewis sa isinulat niya sa The New York Times. Binanggit niya ang mga bansang nagbabaka-baka: “Ang listahan ay animo’y indise ng isang atlas.” Ang dahilan? “Ang totoo’y walang sinumang nagpapalakad ngayon sa daigdig upang magkaroon ng kahit man lamang bahagyang kaayusan,” ang sabi niya. Nasugpo ba ng United Nations ang hilig sa digmaan? “Dahilan sa ang minamahalaga’y soberania, ang dapat ipagmalaki ng bansa, ang paghaharap ng mga riklamo, ang U.N. ay pagpapaulusan upang panatilihing nag-aalab ang maliliit na alitan samantalang ang awayan ng malalakas na bansa ay patuloy sa pagkabulok.” Pagkatapos ng mga komperensiya para mapigil ang mga digmaan, “marami pa ring mga tao ang ibig na lumaban upang mapanatiling buháy ang hilig sa digmaan,” ani Lewis.

Sa henerasyon sapol noong 1914, naging mahilig ito sa digmaan. Bakit? May hula ang aklat ng Apocalipsis sa Bibliya tungkol sa isang simbolikong mangangabayo, na may malaking tabak, at nagpapakaskas ng kaniyang matingkad-pulang kabayo samantalang isinasagawa ang utos na “alisin ang kapayapaan sa lupa.” (Apocalipsis 6:4) Ang hulang iyan ay natutupad sa siglong ito, sapagka’t nasaksihan ang dalawang kakilakilabot na digmaang pandaigdig at ang patuloy na pagpapatayan sa digmaan.

Ang taimtim na mga mangingibig ng kapayapaan ay naghihintay na ang “hilig sa digmaan” ay iligpit ng simbolikong hari sa puting kabayo ng Apocalipsis. Siya ay si Kristo Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Sapol noong 1914 ay nagpapakaskas na siya at “nananakop.” Kaniyang sinugpo ang mga nasa langit na nananalansang sa makalangit na pamamahala, pagkatapos ay kaniyang “lulubusin ang kaniyang pananakop” sa lahat sa lupa na nagsisisalansang. At kung magkagayon ay iiral na sa lupa ang hilig sa kapayapaan.—Isaias 9:6; Apocalipsis 6:2; 12:7-12.

“Ang mga Tao ay Nakalimot sa Diyos”

Tinurol ng ipinatapong nobelistang Soviet, na siya ring nanalo ng Nobel prize, si Alexander Solzhenitsyn, ang dahilan ng pambuong daigdig na pag-urong ng espirituwalidad sa kaniyang talumpati sa pagtanggap sa taóng ito ng Templetown Award sa Buckingham Palace. Sinabi niya: “Kung hihilingin sa akin na sabihin ko nang maiklian ang pangunahing kaugalian ng buong ika-20 siglo, dito na naman ay wala akong masasabing eksaktung-eksakto at makahulugan kaysa ang ulitin pang muli: ‘Ang mga tao ay nakalimot sa Diyos.’ Ang mga kahinaan ng tao, at ang kawalan ng banal na patnubay, ang isang malaking sanhi ng lahat ng malalaking krimen sa siglong ito. Ang unang-una ay ang Digmaang Pandaigdig I, at karamihan ng ating mga problema ay ito ang sanhi.”

Si Mr. Solzhenitsyn, na bumanggit ng ganito ring “klaseng depekto” ng lipunan ngayon at likha ng Digmaang Pandaigdig II, ay nagsabi pa: “Ang kasalukuyang daigdig ay sumapit na sa yugto na, kung inilarawan ito sa nauunang mga siglo, marahil ay nakapukaw ng sigaw na: ‘Ito ang Apocalipsis!’”

Sapol noong Digmaang Pandaigdig I ang sangkatauhan ay nasa “mga huling araw” na tinutukoy sa Bibliya—isang yugto ng panahon na ang mga tao ay inihula na may “anyo ng maka-Diyos na debosyon nguni’t tinatanggihan ang kapangyarihan niyaon.” (2 Timoteo 3:1, 5) Ano ba ang resulta? Sa sinaunang Jerusalem sa kaniyang kasaysayan noong minsan, sinabi ng Diyos: “Kinalimutan mo ako at ikaw ay patuloy na naglalagak ng iyong tiwala sa kasinungalingan.” Tulad ng sinaunang lunsod na iyan na naging salat sa espirituwalidad, ang Sangkakristianuhan, at ang balakyot na sanlibutang ito, ay nakaharap sa kapahamakan—-.Jeremias 13 :25.