‘Ang Munti ay Naging Isang Libo’ sa Italya
‘Ang Munti ay Naging Isang Libo’ sa Italya
“ANG munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging isang matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sariling kapanahunan.”—Isaias 60: 22.
Ang mga Saksi ni Jehova sa Italya ay tunay na ‘naging isang libo’ sapol noong Digmaang Pandaigdig II. Bilang ang ikalawang pinakamalaking organisasyon ng relihiyon sa Katolikong Italya sa ngayon, ang mga Saksi roon ay dumami nang makalibo sa loob ng yugtong iyan ng panahon—mula sa 95 noong 1946 sila ngayon ay mahigit nang 100,000.
Ang kapurihan para sa pambihirang paglagong ito ay maliwanag na nauukol kay Jehova. Subali’t may bahagi rin dito ang kasipagan ng mga Saksi sa Italya, ang kanilang patuloy na pagtitiis sa mga panahon ng kahirapan at ang kusang paggamit nila ng kanilang panahon, lakas at mga ari-arian sa paglilingkod kay Jehova. Upang maisagawa ang lahat na ito, at mailaan ang kinakailangang patnubay at suporta, ang tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Italya ay pinalawak din noong nakalipas na mga taon.
Pagpapalawak sa Sangay
Ang unang-unang tanggapang sangay sa Italya ay itinatag sa Milan noong 1946. Makalipas ang dalawang taon ay inilipat iyon sa isang maliit na bahay na binili ng Samahan sa Roma. Noong 1972 ang bilang ng mga Saksi sa Italya ay umabot sa 25,000. Kaya’t nang taon na iyon, sa isang lote na binili sa may hangganan ng Roma sa gawing norte, ang Samahan ay nagtayo ng isang gusali na naging ang bagong sangay at tahanang Bethel.
Apat na taon lamang ang nakalipas matapos na lumipat sa gusaling iyon, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Italya ay sumulong at naging 60,000. Kaya kinailangan na naman na palawakin ang mga pasilidad ng sangay. Datapuwa’t, noo’y makuntil-butil ang pagkuha ng permiso para sa konstruksiyon. Sa wakas, noong 1978 ay inumpisahan ang pagtatayo ng isang gusaling-bukid at natapos iyon noong 1980. Noong taglagas ng 1979, inumpisahan ang pagtatayo ng isang bagong gusaling tahanang Bethel at isang pabrikang palimbagan.
Ang mga Bagong Gusali
Ang gusaling tahanang Bethel ay may apat na palapag at may basement o pinakasilong. Sa ground floor ay may komportableng pahingahang salas na marmol ang sahig at ang paneling ay olive-wood. Mayroon din ito na isang silid-kainan at isang kusina na husto sa gamit. Ang silid-kainan ay may lugar para sa 200 katao. Sa mga dingding nito ay may nakagayak na magagandang ipinintang larawan. Sa unang palapag ay naroon ang Kingdom Hall na
may upuan para sa 350. May library o aklatan sa ikalawang palapag. Nasa basement ang electric shop, ang machine shop at ang isang lugar na bodegahan.Ang natitirang bahagi ng gusali ay binubuo ng 70 maaalwang mga kuwarto, na bawa’t isa’y may sariling paliguan at terrace o asotea. Kung pagsasamahin ito at ang mga kuwarto sa dati nang gusali, mayroong lugar ngayon para sa 170 katao lahat-lahat, at sa gayo’y maluwag para sa 158 miyembro ng pamilyang Bethel.
Ang pabrika ay maaliwalas at lampasan ang hangin, sapagka’t ito’y maraming bintana. Mayroon itong unang palapag at isang basement, na ang sukat ng bawa’t isa ay 12,500 piye kuwadrado (1,161 m kuwadrado). Nagtayo roon ng tatlong palimbagang M.A.N. Dalawa rito, pati isang automatic book-binding line, ang idinagdag kamakailan lamang.
Sa buwan-buwan ang palimbagang ito ay yumayari ng mahigit na 2,300,000 mga magasing Watchtower at Awake! Tunay na ito’y isang pagsulong, sapagka’t noong 1946 ang 95 mga mamamahayag ng Kaharian ay nakapamahagi ng mayroon lamang 268 sipi ng mga magasing ito sa Italya. Ang palimbagan ay nakayayari rin ng 60,000 aklat isang linggo. Ang gusaling-bukid ay naroon sa isang malilim na kalye mga ilang daang yarda ang layo sa mga bagong gusali. Lahat-lahat ang bukid ay 123.5 acre (50 ha) ang laki at doon nanggagaling ang karne, itlog, gatas, gulay at mga prutas para sa pamilyang Bethel. Sa gayo’y nakapaglalaan ng masustansiyang mga pagkain sa katamtamang gastos. Lahat ng gusali ay mayroong solar panels sa bubung upang magpaandar sa mga aparatong tagapagpainit ng tubig.
Isang Pagtutulungan
Ang pagtatayo ay palasak ngayon. Subali’t ano ba ang kaibahan ng pagtatayo sa bagong tahanang Bethel at palimbagan na ito? Lahat ng trabaho ay ginawa ng humigit-kumulang isang libong Saksi na kusang naghandog ng kanilang paglilingkod. Mga karpintero, disenyador, piyon, ladrilyador, elektrisista, pintor, tubero at iba pa ang nagsipanggaling sa buong Italya, pati na sa Sicily at Sardinia. Mga propesyonal
at mga ehekutiba ang nagsidating at nakibahagi sa mga trabahong barasuhan. Tatlong karpintero—isang ama at ang kaniyang dalawang anak na lalaki—ang naparoon at nagtrabaho nang manakanaka, kahit na kamakailan ay nalugi sila nang malaki dahilan sa naganap na sunog sa kanilang talyer. Isa namang kapatid na tumulong din ang naglakbay ng mga 62 milya (100 km) tuwing dulo ng sanlinggo sa loob ng maraming buwan upang makapiling niya ng kaunting panahon ang kaniyang pamilya.Maraming kapatid ang nag-iwan ng kanilang tahanan at hanapbuhay, o kumuha ng kanilang taunang bakasyon upang makapagtrabaho roon nang mahaba-habang panahon. Kailangang lubhang pasalamatan ang nagsakripisyong mga pamilya na kanilang iniwan upang ang isang miyembro ng pamilya ay makatulong sa bukud-tanging proyektong ito.
Dahilan sa karamihan ng mga kapatid ay nagtatrabaho roon ng ilang panahon lamang, ito’y nangangahulugan na ang mga manggagawa roon ay bago nang bago halos linggu-linggo. Kaya’t ang mga kapatid na nangangasiwa sa pagtatrabaho ay napaharap sa isang malaking hamon. Gayunman lahat ay handang makibagay at sundin ang ibinigay na mga tagubilin. Ang kanilang kusang pakikipagtulungan ay tunay na isang pagpapakita ng “bunga ng espiritu.”—Galacia 5:22, 23.
Maraming mga kapatid ang umabuloy sa paraan na ang kanilang mga pribadong negosyo ay ipinababahala nila sa Samahan. Halimbawa, isang bahay-kalakal na pag-aari ng mga kapatid ang gumawa ng 300 pinto para sa bagong dormitoryo sa Bethel. Ang mga hindi makapagtrabaho ay nag-abuloy ng salapi, materyales at kagamitan. Kahit na ang mga bata ay sabik din na tumulong. Isang maliit na bata ang nag-abuloy ng salapi, materyales at kagamitan ng limang taon—ang lahat-lahat na laman ng kaniyang alkansiya.
Dahilan sa napakainam na saloobin ng mga boluntaryo, isang tagapangasiwa ng trabaho ang nagsabi: “Nakapagpapatibay-loob at nakababagbag-damdamin pagka mamamaalam na ang mga kapatid na ito. Kanilang pinasasalamatan kami sa pribilehiyo na nakatulong sila sa ikasusulong ng tunay na pagsamba.” Kaya’t ang coordinator ng Branch Committee ay nagkumento: “Ang gusaling ito ay hindi bunga ng pagsisikap ng kaisa-isang tao o ng mga ilang tao. Ito’y napatayo dahilan sa pagtutulungan ng lahat ng lingkod ng Diyos sa Italya. Isang katunayan ito ng pagpapala ni Jehova.”
Inaugurasyon at Pag-aalay
Ang pagkatapos ng mga bagong pasilidad ng sangay ay nagdulot ng malaking kagalakan sa mga kapatid. Anong liwanag na ipinakita ito nang ganapin ang isang tanging okasyon—ang inaugurasyon at pag-aalay kay Jehova ng mga bagong gusali! Ginanap ito noong Abril 24, 1982. Subali’t papaanong ang lalong maraming mga Saksi ni Jehova ay makakabahagi sa kagalakan ng nakapagpapatibay-loob na okasyong ito? Upang sila’y makabahagi, ang pantanging palatuntunan sa Kingdom Hall sa bagong gusali ay ikinatnig ng kawad upang marinig sa mga dako ng pagtitipon sa Roma, Novara, Ascoli Piceno, Naples, Syracuse at Cagliari.
Ang takdang araw ay nagkataong mahangin, maginaw at maulan. Bagaman gayon at karamihan ng mga grupo ay doon nagtipon sa bukás na istadyum, may 27,372 nagsidalo ang masiglang nakinabang sa programa. Tungkol sa pagtitipong iyon sa Novara, ganito ang ulat ng Corriere della Sera:
“Bumubuhos ang ulan sa magiginaw na kalyeng hinahambalos ng hangin. Karamihan ng tao ay nagkukulong sa kanilang tahanan o naroroon sa bar, nguni’t sila [na mga Saksi ni Jehova] ay hindi gayon. Sila’y nagbiyahe buhat sa Trieste, Gorizia, Verona at Alessandria sa tren, mga bus at maliliit na kotse. Ang mga bata ay balut
na balot ng mga ski suits, ang matatandang babae ay patung-patong ang mga pangginaw, at ang mga mag-asawang may edad na ay nakabalot ng mga blanket at sila’y naroon sa maliit na grandstand ng stadium. . . . Wala kang makitang bahagya mang gulo, pagbubulungan o pagkainip.”Sa isang pambansang television channel ay binigyan ng bahagi sa panggabing balita ang okasyong iyon. Kasali roon ang ilang bahagi ng pagtitipon at may mga eksena ng bagong sangay.
Naroon sa pagtitipon sa sangay mismo si M. G. Henschel, ang prinsipal na ispiker at isang kagawad ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Naroon din ang mga misyonero na naglilingkod sa Italya sa loob nang mahigit nang 30 taon. Naroon din ang mga miyembro ng pamilyang Bethel, na ang iba sa kanila ay nakapaglingkod na sa sangay nang mahigit na 35 taon.
Sa pambungad ng kaniyang pahayag sa pag-aalay, sinipi ni Brother Henschel ang bahagi ng tekstong, “ang munti ay magiging isang libo.” Ang mga salitang ito ay may pantanging ipinagunita sa mga oldtimers. Subali’t pinukaw din nito sa lahat ng dumalo ang taus-pusong pagpapasalamat sa Diyos na Jehova, na siyang ‘nagpabilis niyaon sa takdang kapanahunan.—Isaias 60:22.
Higit Pang Pagpapalawak
Bagaman “ang munti” sa Italya ay “naging isang libo’ na, makikita na may malaki pang gawain doon para sa mga Saksi ni Jehova. Ngayong may bago at pinalakihan na mga pasilidad ang sangay, sila’y nasasangkapan nang husto para sa gawain pa sa hinaharap. May pagtitiwalang umaasa silang si Jehova ang magpapalago.
Oo nga naman, si Jehova ay patuloy na nagpalago. Noong nakaraang Marso (1983) lahat-lahat ay 233,042 katao—mahigit na doble ng bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Italya—ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Ang mga kapatid ay nangatutuwa na sila’y may pribilehiyo na tulungan ang mga taong interesado na sumulong sa espirituwal. Marami sa kanila ang tumugon. Noong Mayo 1983 sa pinakamarami’y 105,463 katao ang nakibahagi sa pagdadala ng mabuting balita ng Kaharian sa Italya.
Nadarama ng mga Saksi ni Jehova sa Italya na talagang pinapangyari ng Diyos na “lahat ng kaniyang di-sana nararapat na awa ay sumagana” sa kanila. Bukod sa natamo nilang pagsulong sa bilang, sila’y nagtatamasa ng saganang espirituwal na mga kayamanan. Kanilang pinasasalamatan ang kagandahang-loob ni Jehova, at kanilang ipinasiya na patuloy na maghasik nang lalong sagana sa mga taóng darating.—2 Corinto 9:8-10.