Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Taong Bulag ang Nagtuturo ng Daan

Isang Taong Bulag ang Nagtuturo ng Daan

Isang Taong Bulag ang Nagtuturo ng Daan

MAY labing-isang taon na ngayon nang ako’y mabulag, nang ako’y mahigit na 20 anyos. Ang labis na pag-inom at iba pang pang-aabuso sa aking katawan ang nagpariwara sa akin. Kaya’t ako’y tuluyang nabulag. Ngayong malaki pa ang dapat kong aguwantahin sa buhay, malimit na pinag-iisipan ko kung paano ko kaya magagamit ang buhay na ito.

Dahil sa pagkabahala ng aking maybahay tungkol sa mga pangyayari sa daigdig at sa kinabukasan ng aming anak na babae, siya’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman nang una’y nag-aalinlangan ako, nang magtagal ay sumali na ako sa diskusyon. Hindi naman nagtagal at nakilala namin na ang aming pinag-aaralan ay katotohanan, kaya’t noong 1978 ay napabautismo kami.

Hindi nagluwat at nadaig ako ng aking hangarin na ibahagi sa iba ang aking bagong katutuklas na pananampalataya. Sa tulong at pagpapalakas-loob sa akin ng aking maybahay, sa loob ng pitong buwan ay natuto ako ng Braille. Galak na galak ako nang ako ay makapagbahay-bahay na kasama ng iba pang mga Saksi, sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Subali’t, naisip ko kung ano kaya ang magagawa ko upang ako’y lalong sumigla?

Ang isang Bibliyang Braille ay totoong malaki at mabigat; at may kahirapan na gamitin ko iyon sa aking pangangaral sa madla. Ang mungkahi na paglalagay ng tanda sa Bibliya at pagsaulo sa teksto ay mabuti, nguni’t limitado lamang ang magagawa mo. At may naisip ako noon! Kung ako’y makakakuha ng maninipis na pilyego ng blangkong plastik ay maimamakinilya ko sa mga ito sa Braille ang pinaka-buod ng ano mang tekstong ibig kong gamitin. Kung ang mga plastik na ito’y maiyiipit ko sa aking Bibliya maituturo ko ang mga teksto sa Kasulatan sa tulong ng plastik kasabay ng pagbabasa ko ng mga teksto sa pamamagitan ng paghipo ko roon ng aking mga daliri. Aking sinubok iyon, at nagtagumpay naman. Sinagot nga ang aking mga panalangin na sana’y mapalawak ko ang aking ministeryong Kristiyano.—Colosas 4:3.

Lumaki ang kakayahan ko na humawak ng Bibliya, at pati rin ng aking pagtitiwala. Hindi nagtagal at ako’y nakapag-iisa na ng pagbabahay-bahay sa mga ilang lugar. Noong nakaraang taon, aking nakamit ang kaluguran ng paglilingkuran bilang isang payunir (isang buong-panahong mangangaral ng Kaharian) at pagdaraos ng maraming pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.

Ngayong nagsauli na ang aking paningin sa espirituwal na mga bagay, anong laki ng aking kagalakan na matulungan yaong mga taong bulag pa sa mabuting balita! (2 Corinto 4:4-6) Anong ligaya ko, bagaman may kapansanan, na magkaroon ng hustong bahagi sa pagpupuri kay Jehova!—Isinulat.