Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

■ Bakit sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na sa hinaharap ay magkakaroon ng Paraiso sa lupa, gayong sa 2 Corinto 12:1-4 ay iniuugnay ang “paraiso” sa “ikatlong langit”?

Ipinakikita ng konteksto na ang “paraiso” na binanggit sa 2 Corinto 12:1-4 ay hindi isang pisikal na paraiso sa lupa. Subali’t, maraming teksto sa Bibliya na nagpapatotoong isasauli ng Diyos sa lupa nating ito ang literal na Paraiso.

Ang totoo ay na ang unang Paraisong nasaksihan ng mga tao ay literal. Sina Adan at Eva ay namuhay sa isang magandang parke, o halamanan, na siyang saligang kahulugan ng mga salitang Hebreo, Griego at Persiyano na isinaling paraiso. Sila’y nagkaroon ng pag-asang magtamo sana ng buhay na walang hanggan sa kaligayahan at kalusugan sa Paraisong iyon. Subali’t naiwala nila ang makalupang Paraisong iyon nang sila’y maghimagsik at magkasala, kaya’t sila’y pinaalis ng Diyos sa hardin ng Eden.

Saan tayo lalagay ngayon at sa hinaharap? Walang katibayan na ang ating planetang ito ay ginagawa nang isang paraiso. Bagkus, ang umiiral ay polusyon at pagkawasak. (Apocalipsis 11:18) Gayunman, hindi maubos-maisip na ang layunin ng Diyos na maging isang pangglobong Paraiso ang lupa ay mabibigo; ang kaniyang pinasimulan ay kaniyang tatapusin. Kaya naman kaniyang sinugo rito ang kaniyang Anak upang magbigay ng pantubos, sa gayo’y naglalatag ng saligan upang ang ating mga kasalanan ay patawarin at matakpan ang di-kasakdalan na minana natin kay Adan. (1 Timoteo 2:5, 6; Roma 5:18) Pagka nangyari na iyan, tatamasahin na ng mga tao ang inialok kay Adan at kay Eva, ang buhay na walang hanggan. Saan?

Ang orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao ay buhay na walang hanggan sa isang Paraiso sa lupa, at ang layunin ng Diyos ay hindi mabibigo o mahahadlangan. (Isaias 55:11) Kaya’t hindi baga natin maaasahan ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan na iyon dito mismo sa planetang Mundo, na ang lupa sa panahong iyon ay isasauli sa malaparaisong kalagayan? Maraming patotoo ang Bibliya na magkakagayon nga, na ang kalooban ng Diyos ay ‘gagawin sa lupa, gaya rin sa langit.’ (Mateo 6:10; Apocalipsis 21:4, 5) Para sa lalong malawakang pagpapaliwanag ng patotoo nito sa Bibliya, tingnan “Ang Bibliya ba’y May Pangakong Makalupang Paraiso?” sa Ang Bantayan ng Abril 15, 1984.

At, komusta naman ang sinabi ni apostol Pablo sa 2 Corinto 12:1-4? Mariing sinabi niya na siya’y nakaranas ng “mahiwagang mga pangitain at mga pagsisiwalat ng Panginoon.” At maliwanag na siya yaong tumanggap ng isang natatanging pangitain o di-masayod na kapahayagan tungkol sa isang bagay na nakatakdang mangyari sa hinaharap pa. Binanggit niya na siya’y “inagaw at dinala sa paraiso.” Nguni’t yamang bumanggit din siya ng isang “ikatlong langit,” waring ang tinutukoy niya ay isang bagay na espirituwal, bilang naiiba sa isang literal na halamanang paraiso. Maraming batayan sa paggawa niya ng ganiyan.

Maraming hula sa Kasulatang Hebreo na tungkol sa pagbabalik sa kanilang sariling bayan ng mga Judio na naging bihag sa Babilonya. Bukod sa pagpapahiwatig na ang lupain at ang kalagayan ng literal na kapaligiran ay huhusay, ang mga hulang ito ay nagpapahiwatig na magkakaroon ng pagbabago sa mga tao, ang nakauwing mga Judio. Halimbawa, isinulat ni Isaias na si Jehova ang ‘magpapasigla ng kanilang mga buto, at sila’y magiging tulad ng isang halamanang nadilig na mainam’ at “tatawaging malalaking punungkahoy ng katuwiran, ang pananim ni Jehova, upang siya’y luwalhatiin.” (Isaias 58:11; 61:3; ihambing ang Awit 1:3.) Si Isaias ay gumamit ng nahahawig na paglalarawan tungkol sa isang naunang panahon, isinulat ni Isaias na nang tapat kay Jehova ang mga Israelita sila’y katulad ng kaniyang ubasan o pananim; nang sila’y di-tapat, sila ay mga baging na namumunga ng ligaw na mga ubas at nakatakdang sunugin, at dawag at mga tinik ang hahaliling tutubo.—Isaias 5:1-7.

Samakatuwid, may dahilan tayo sa Bibliya na unawain ang pangitaing tinutukoy ni Pablo sa 2 Corinto 12:4 ay tungkol sa isang panghinaharap na pagsasauli ng espirituwal na kasaganaan sa mga sumasamba sa Diyos. Siya’y nanghula pa na maraming hihiwalay sa tunay na pagka-Kristiyano bago sumapit ang “pagkanaririto” ng Panginoon. (Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3-8) Gayunman, iyan ay pansamantala lamang. Ang tunay na kongregasyong Kristiyano, ang “bukid ng Diyos na nililinang,” ay uunlad na naman at magiging mabunga. (1 Corinto 3:9) Ang pagkaunawa natin ay na ito ang paraiso na nakita ni Pablo sa pangitain. Nguni’t, hindi dahil sa pagkabanggit niya ng ganyang espirituwal na paraiso ay nawalan ng kabuluhan ang maraming pangako ng Bibliya ng isang darating na makalupang Paraiso, isang Paraisong isinauli ayon sa orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa.