Salitaing Walang Takot ang Salita ng Diyos sa Panahong Nuclear
Salitaing Walang Takot ang Salita ng Diyos sa Panahong Nuclear
“Salitaing walang takot ang salita ng Diyos.”—Filipos 1:14.
1. Noong nakalipas na 49 na taon, pinapangyayari ng Maylikha ng atomo at ng nucleo nito na salitaing walang takot ang ano?
NARITO na tayo sa panahong nuclear. Nagbabanta ngayon sa buong daigdig ang digmaang nuclear! Alam na alam iyan ng Makapangyarihan-sa-lahat na Maylikha ng atomo at ng nucleo nito. Ano ba ang kaniyang Salita para sa kaarawan natin na kailangang maipangaral sa buong daigdig? Sa panahon natin ay pinapangyayari niya na isang makasagisag na ‘lalaking nakadamit-lino na may tintero ng kalihim sa tagiliran,’ ang magsagawa ng paglalagay ng tanda.
2. Anong gawaing paglalagay ng tanda ang sumulong, at sa anong layunin?
2 Ang “lalaking” ito ay nagmamarka ng mga noo ng mga taong naghihinagpis at nagbubuntung-hininga nang dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa, lalo na sa relihiyosong dako ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking sumasamba sa Diyos. (Ezekiel, kabanata 9) Sa pagkagunita sa iginawi ng klero ng Sangkakristiyanuhan noong Digmaang Pandaigdig I at II, ang mga taong ito ay naghihinagpis dahilan sa mga bagay na may katuwiran silang isipin na gagawin ng mga lider na iyon ng relihiyon sakaling matuloy ang isang pandaigdig na digmaang nuclear. Palibhasa’y lalong maiinam na bagay ang inaasahan nilang manggagaling sa umano’y mga lider na Kristiyano, sila’y lubhang nababahala sa pakikiayon ng klero sa totoong imoral, marahas at baha-bahagi sa relihiyon na sanlibutang ito. Sa isang sistema ng mga bagay na nakatakdang puksain sa madaling panahon, ang matuwid-pusong mga taong ito ay nilalagyan ng tanda upang makaligtas tungo sa isang bago at matuwid na sistema ng mga bagay.
3. Ang pagkahapis dahilan sa ano ang lalong mahalaga kaysa pagkahapis dahilan sa panganib ng lansakang pagkalipol, at ano ang kailangan para maisagawa ang pagtatandang ito?
3 Wala tayong natatanaw na pagbuti pa ng mga bagay sa sanlibutan. Para sa pagkarami-raming matuwid-pusong mga tao sa loob at sa labas ng Sangkakristiyanuhan, ano ba ang papawi ng kanilang pagkasindak na malipol nang lansakan sa lalong madaling panahon? Bueno, baka nahahapis sila dahil sa mga kalagayan. Nguni’t, pinakamahalaga, sila ba’y nahahapis dahilan sa ang pangalan ng Diyos ng Banal na Bibliya ay kasangkot at dinudusta nang dahil sa ginagawa ng mga taong nag-aangking kaniyang mga lingkod? Nguni’t, sino ba ang makasagisag na ‘lalaking nakadamit-lino’ na naglalagay ng tanda sa parami nang paraming mga taong ito na naghihinagpis, at papaano niya ginagawa iyon? Ang gawaing ito na pagtatanda ay hindi pinahahalagahan ng klero ng Sangkakristiyanuhan kundi puspusang sinasalungat pa nga nila. Kaya naman para maisagawa ang pagtatandang ito ay kailangan ang lubhang katapangan ng loob.
4. Sino ang larawan o katulad noong una ng lalaking gumagawa ng pagtatanda, kaya’t anong mga kuwalipikasyon ang kailangan para sa mga gumagawa ng pagtatanda sa kasalukuyan?
4 Sa kabila nito’y sumulong iyon nang may higit na kasiglahan sapol noong 1935. Ginagawa ito ng isang uri ng mga Kristiyano na nag-alay ng sarili sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at ang larawan o katulad noong una ay si propeta Ezekiel, isang saserdote ng sinaunang Israel. Siya ang binigyan ng pangitain ng ‘lalaking nakapanamit-lino na may tintero ng manunulat sa kaniyang tagiliran.’ Sila’y nag-alay sa Diyos ni Ezekiel at, katulad din niya, sila’y mga saksi ni Jehova. Ang modernong-panahong Ezekiel ng 1984 ay isang uring makasaserdote, na bumubuo ng espirituwal na Israel, at siyang mga kinauukulan ng mga salita ni apostol Pedro sa 1 Pedro 2:9: “Nguni’t kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang ihayag ninyo sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.”
5. Ilan ang mga katulong na saserdote niyaong isa na sinumpaan ni Jehova nang ilagay sa pagkasaserdote?
5 Kung gayon, ating nakikilala ang uring Ezekiel ngayon bilang binubuo niyaong mga naglilingkod na espirituwal na mga saserdoteng katulong ng Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo, na sinumpaan ng Diyos na Jehova nang ilagay sa pagkasaserdote “ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec,” na hari ng sinaunang Salem at “saserdote ng Kataas-taasang Diyos.” (Awit 110:4; Genesis 14:18; Hebreo 5:10; 6:20; 7:10, 11, 15-17) Mula noong unang siglo, nang isulat ni apostol Pedro ang kaniyang liham, pinili na ng Diyos na Jehova ang makakabilang sa “makaharing pagkasaserdote,” na ang kabuuan ay 144,000 sa ilalim ng Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo.—Apocalipsis 7:1-8; 14:1-4.
6. Ilan sa mga kabilang sa “makaharing pagkasaserdote” ang narito pa sa lupa bilang mga tao, at sila’y naglilingkod bilang ang makasagisag na ano?
6 Sa ngayon ay isang munting nalabi na lamang ng mga kabilang sa “makaharing pagkasaserdote” ang narito pa sa lupa bilang mga tao, sang-ayon sa pandaigdig na ulat ng pagkaselebra sa Hapunan ng Panginoon noong Marso 29, 1983. Ang mga ito ang sama-samang naglilingkod bilang ang makasagisag na lalaking nakadamit-lino, na nagsasagawa ng pagtatanda sa mga noo ng mga karapat-dapat.
7. Para sa pangkat ngayon na isinagisag ng lalaking nakadamit-lino na may tintero ng manunulat sa tagiliran, sila ay kailangang magtiwala na ano ang gagawin para sa kanila ni Jehova?
7 Kinailangan noon ni propeta Ezekiel na lubhang magpakatibay-loob upang siya’y huwag matakot sa mga Israelitang mananalansang noong kaniyang kaarawan. Subali’t ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nangako na ang mukha ni Ezekiel ay kaniyang patitigasin na kasingtigas ng mga mukha ng kaniyang mga mananalansang, oo, na mas matigas pa nga. Kaya’t hindi siya dapat matakot sa mga mananalansang sa kaniya na mga tao lamang. (Ezekiel 2:4; 3:8; Isaias 51:12) Gayundin, ang nalabi ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano na bumubuo ng pangkat na isinagisag ng lalaking nakadamit-lino at may tintero ng manunulat sa tagiliran ay kailangang magtiwala sa Diyos ni Ezekiel na siyang magpapatigas ng kanilang mga mukha upang makaharap sila nang walang pag-urong sa matitigas-mukhang mga mananalansang sa loob at sa labas ng Sangkakristiyanuhan.
8. Anong mga tagubilin na angkop para sa ngayon ang ibinigay ni Jesus?
8 May labinsiyam na siglo na ngayon ang nakalipas nang suguin ng Punong Mensahero ni Jehova, si Jesu-Kristo, ang kaniyang mga alagad upang salitaing walang takot sa kanilang sariling bansa ang Salita ng Diyos. Bago sila pinayaon ay sinabihan sila: “Huwag kayong matakot sa nagsisipatay ng katawan datapuwa’t hindi makapatay ng kaluluwa; kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa ng kapuwa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” (Mateo 10:28) Bukod dito, sa huling aklat ng Bibliya ay sinasabi niya sa pinahirang nalabi sa ngayon: “Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit mo nang tiisin. Narito! Ipaghahagis ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubusan kayong subukin, at upang magdanas kayo ng kapighatian nang sampung araw. Patunayan mong tapat ka hanggang kamatayan, at bibigyan kita ng korona ng buhay.” (Apocalipsis 2:10) Anong laking pampatibay-loob ang mga salitang iyan!
9. (a) Ang pagkabilanggo ng napakaraming mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagpapakita na sila’y sumusunod sa anong mga tagubilin na ibinigay sa naunang parapo? (b) Anong kabaligtarang epekto ang ipinakikita ng pagkabilanggo ni Pablo?
9 Pagka pinag-iisipan natin na sa ngayon ay mayroong mga saksi ni Jehova sa mahigit na 40 lupain na kung saan ibinabawal ang kanilang gawain o sila’y hinihigpitan ng batas—walang alinlangan lalong maraming Kristiyano ngayon kaysa dami na mga nabilanggo noong una at ikalawang siglo—ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay hindi natatakot sa mga bagay na dapat nilang pagtiisan, kasali na ang pagkabilanggo. Ang pagkabilanggo ng mga Kristiyano ay maaaring makaapekto sa mga kapuwa Kristiyano nang kabaligtaran ng binalak ng kaaway. Ang nakapiit na si apostol Pablo ay sumulat buhat sa kaniyang pagkabilanggo: “Karamihan ng mga kapatid sa Panginoon, palibhasa’y nagtitiwala dahilan sa aking pagkabilanggo, ay lalong nagkaroon ng lakas ng loob na salitaing walang takot ang salita ng Diyos.”—Filipos 1:14.
10. (a) Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay inatasan na magsalita ng isang mensaheng nagmumula sa ano? (b) Ano ang kailangang maging paninindigan nila na gaya niyaong sa mga apostol may 19 na siglo na ang nakalipas?
10 Sa ngayon, tulad din noong kaarawan ni Pablo, hindi isang gawang-taong mensahe ang sinasalitang walang takot ng mga saksi ni Jehova. Ito ang napapanahong mensahe na nagmumula sa Banal na Bibliya, ang kinasihang Salita ng Kataas-taasang Diyos, si Jehova. Sa Salitang iyan ay sinasabi niya sa kaniyang nag-alay at bautismadong mga lingkod na sila’y kailangang maging mga saksi niya, na nagpapatotoo sa kaniyang pagka-Diyos at sa kaniyang pagka-Hari. (Isaias 43:10, 12) Yamang kaniyang sinasabi sa kanila na salitain nila ang kaniyang di-nagkakamaling Salita, sino bang nilalang, mataas man o mababa, ang may karapatan o autoridad na utusan o puwersahin sila na huminto ng pagsasalita nito? Ang paninindigan ng mga apostol na Kristiyano may 1,900 taon na ngayon ang nakalipas ang kailangan, nang sabihin nila sa mga opisyales: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.”—Gawa 5:29.
11. Ginawa bang diyos ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-imbento ng bombang nuclear, at ano ang masasabi tungkol sa autoridad na inaangkin nila upang hadlangan ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian?
11 Hindi nagawang diyos ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-imbento ng bombang nuclear, at sila’y kailangang managot sa Kataas-taasang Diyos sa kung papaano nila ginagamit ito. (Pansinin ito sa Awit 82:6, 7.) Sa paggawa ng bombang nuclear upang magsilbing panghadlang, sinisikap ng mga pamahalaan na pamalagiin ang kanilang pananakop sa lupa, imbis na itaguyod ang mga intereses ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo. Kanilang kinamumuhian at hinahadlangan ang pagbabalita ng Kahariang iyan na isinasagawa ng tunay at masunuring mga tagasunod ni Jesu-Kristo ngayon. Hindi dahil sa ngayo’y panahong nuclear ay lumipas na o hindi gumagana ang inihula ni Kristo na: “Ang mga [bagay na] ito ang pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa. Kung para sa inyo, mag-ingat kayo; sapagka’t kayo’y ibibigay ng mga tao sa mga lokal na hukuman, at kayo’y hahampasin sa mga sinagoga at magsisitindig sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila. Gayundin, sa lahat ng bansa ay kailangan munang maipangaral ang mabuting balita. Subali’t pagka kayo’y dinakip na nila at iniharap sa paglilitis, huwag kayong mababahala tungkol sa sasabihin sa inyo; kundi sa oras na iyon, sabihin ninyo ang anumang ipagkaloob sa inyo [na salitain], sapagka’t hindi kayo ang magsasalita, kundi ang banal na espiritu.”—Marcos 13:8-11.
12. Sa kabila ng marahas na pananalansang, ano ang kailangan munang maipangaral, at isa ito sa pinakamahalagang patotoo na tayo’y nabubuhay sa ano?
12 Ang mga hapdi ng pagdurusa ay nagsimula noong 1914. Ang inihulang pag-uusig sa tapat at masunuring mga tagasunod ni Jesu-Kristo ang kasunod at nagpapatuloy hanggang sa araw na ito. Lahat na katibayang ito ay nagpapatunay na tayo’y nabubuhay sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Oo, malapit na sa pinakasukdulan ang panahong nuclear na ito. (Mateo 24:3; Marcos 13:3, 4) Subali’t bago sumapit ang lubos na kawakasan, “ang mabuting balita” ay kailangang “maipangaral muna.” Samakatuwid ang pambuong daigdig na ‘pagsasalitang walang takot’ sa Salita ng Diyos, alang-alang sa Kaharian ang isa sa pinakamahalagang patotoo na tayo’y nabubuhay sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 24:14.
Ang Pagkain sa Salita ng Diyos at Pagsasalita Nito sa Buong Daigdig
13. Anong karanasan na katulad ng inilalahad sa Apocalipsis kabanata 10 ang dinanas ng pinahirang nalabi pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, at pagkatapos na sila’y makalasap ng kaginhawahan, anong utos ang ibinigay?
13 Si Juan na pinakahuling namatay sa mga alagad na pinili ni Jesus bilang isang apostol, ay natapos sa kaniyang makalupang takbuhin nang malapit nang matatapos ang unang siglo. Sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito sapol noong 1914 ay mayroong nalabi ng nag-alay at bautismadong mga Kristiyano na pinahiran ng espiritu ni Jehova. Ang nalabing ito ay inilarawan ni Juan, ang sumulat ng huling aklat ng canon ng Bibliya, ang Apocalipsis. Nang unang taon pagkatapos ng digmaan, noong 1919 ay nakaranas ang nalabing ito ng gaya ng inilalahad ni Juan tungkol sa kaniyang sarili sa Apocalipsis kabanata 10. Ang karanasang ito ay itinakdang maganap malapit na sa panahon na “ang hiwaga ng Diyos,” o ang kaniyang “banal na lihim,” ay matatapos na. (Apocalipsis 10:7, Authorized Version, NW) Pagkatapos na sila’y makalasap ng espirituwal na kaginhawahan, wika nga, sa pamamagitan ng pagkain sa manamis-namis na “munting balumbon” na ibinigay sa kaniya, yaong mga bumubuo ng modernong pangkat na ito na inilarawan ni Juan ay pinagsabihan, sa katunayan: “Manghula ka uli tungkol sa mga bayan at mga bansa at mga wika at sa maraming mga hari.”—Apocalipsis 10:10, 11.
14. Sa pamamagitan nino natupad ang utos na ibinigay kay apostol Juan sa Patmos?
14 Kung ang iniatas na malawakang paglilingkurang ito ay natupad baga nang matanda nang si apostol Juan sa isla ng Patmos, iyan ay hindi sinasabi sa atin ng kinasihang kasulatan. Nguni’t komusta naman yaong mga pinahiran sa ngayon na katulad ni Juan? Ang uring ito ang tumutupad ng ginampanan niyang tungkulin bilang propeta at may pananagutan sa lubusang kaganapan ng gawaing iniatas sa kaniya. Ang pangungusap na, “Manghula ka uli,” ay nagpapakita na nagkaroon ng hadlang ang kaniyang malayang pagsasagawa ng gawaing pagpapatotoo dahilan sa pagkatapon sa kaniya sa Patmos. Maliwanag na ang iniutos sa kaniya roon ay talagang ukol sa kaniyang mga katulad ngayon sa modernong panahon. Kaya naman, tayo ay obligadong magtanong: Sa ilang mga bansa at mga wika sinasalitang walang takot ng mga Saksi ni Jehova ang Salita ng Diyos sa kanilang pagsisikap na maipangaral “ang mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo”?—Mateo 24:14.
15. Sa ngayon ay gaano nang kalawak ang pangangaral?
15 Sa 1983 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay nag-uulat ang 205 bansa, at sa humigit-kumulang 190 mga wika inilalathala ang mga babasahin sa Bibliya. Kasali na sa mga bansang ito ang mga taong itim, puti, dilaw, pula at kayumanggi, pati iba’t-ibang tribo, angkan at mga sekta lakip na rin ang mga dialekto. Sapol noong Digmaang Pandaigdig I ang bilang ng “mga hari” sa mga trono ay nabawasan nang malaki, subali’t may maraming iba pang uri ng politikal na mga tagapamahala na nasa tungkulin ngayon. Anuman ang opisyal na tawag sa kanila o ang itinataguyod nilang pamamalakad politika, ang mensahe ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagsasangkot at kumakapit sa kanila. Ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa napakaraming bansa ay nagpapatunay sa bagay na ito.
16. Kaya’t anong pagbabalita ang nagpapatuloy at hindi mahadlangan, sa kabila ng relihiyosong mga dasal ng mga lider ng daigdig para sa ano?
16 Kaya’t bagaman itinatag ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, na Nagkakaisang mga Bansa, bilang organisasyon sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng isang nagkakaisang daigdig, ang may katapangang-loob na pagbabalita ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo bilang ang tanging pag-asa para sa sangkatauhan ay nagpapatuloy at hindi mahadlangan. Ang ganiyang “mabuting balita ng kaharian” ay waring hindi ‘mabuti’ sa mga lider ng daigdig, sapagka’t ibang-iba sa inaakala nilang mabuti, oo, ang pinakamabuti para sa nagdurusang sangkatauhan. Inaakala nilang sila mismo ang makapagpapalakad sa mga bagay-bagay dito sa lupa at walang dapat manghimasok sa kanila. Kung inaakala nilang kailangan nila ang tulong buhat sa isang nakatataas sa tao, sa “diyos ng sanlibutang ito” talagang napaiilanlang ang kanilang relihiyosong mga dasal at hindi sa kaninupaman. Ang makalangit na Bukal ng “mabuting balitang ito ng kaharian” ay hindi kapanig ng “sanlibutang ito,” na si Satanas na Diyablo ang diyos.—2 Corinto 4:4, AV.
17. (a) Bakit hindi nalipol ng mga mananalansang ang nasusulat na Salita ng Diyos? (b) Sino ang gumaganap ng pagsasalita ng Salitang iyan sapol noong 1919?
17 Tahasang sinasabi ng makahulang Bibliya na ang salita ng Diyos ay hanggang sa panahong walang hanggan at na ito’y mananatili magpakailanman. (1 Pedro 1:23-25) Hanggang sa araw na ito ay hindi nagkakabisala ang mga pangungusap na iyan. Ang Bibliya, na kinasihang nasusulat na Salita ng Diyos, ay hindi napapawi, sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng tao na lipulin ito sa pamamagitan ng makarelihiyong mga pagbabawal at mga panununog upang lipulin ito. Kaya naman, upang maipangaral ang nasusulat na Salita ng Diyos ay kailangan na mayroong magsasalita nito upang marinig ito. Ang walang takot na pagsasalita ng Salitang iyan ng Diyos ay ginaganap nang buong kasigasigan ng mga Saksi ni Jehova sapol ng taóng 1919, pagkatapos ng digmaan, at parami nang paraming bibig ang nagsasalita nito, sa kabila ng pagtatangka ng napopoot na mga mananalansang na pigilin ang walang takot na mga tagapagsalita.
18. Hanggang kailan patuloy na patitigasin ni Jehova ang mga noo ng gayong mga tao?
18 May dahilan pa bang mag-alinlangan na ang Makalangit na Tagapagbigay ng Salitang iyan ay magpapatuloy ng pagpapatigas sa singtigas-diamanteng mga noo ng kaniyang modernong-panahong uring Ezekiel at ng kanilang may tibay-loob na mga kasamahan upang harapin ang matitigas—ulong mga mananalansang hanggang sa sila’y malipol at mapahinto na ang kanilang pananalansang? Walang-wala! Kaniyang pinapangyaring magtagumpay sa kanilang lakad hangga ngayon ang kaniyang mga saksi. Kaniyang patuloy na pagiginhawahin ang kanilang lakad hanggang sa ang ‘panghuhula uli tungkol sa mga bayan at mga bansa at mga wika at mga hari’ ay lubusang matapos. Ating maaasahan na gagawin niya ito, ukol sa kaniyang sariling kapurihan at sa ikapagbabangong-puri ng kaniyang pansansinukob na soberania.
Natatandaan Mo Ba?
□ Ano ba ang inilarawan [o katulad] sa panahon natin ng ‘lalaking nakadamit-lino at may tintero ng manunulat sa tagiliran,’ at anong gawain ang kaniyang ginagawa ngayon?
□ Bakit para sa mga Saksi ni Jehova ay kailangan ang kawalang takot?
□ Nang kainin ni apostol Juan ang isang “munting balumbon,” ano noon ang dapat niyang gawin, at ano naman ang katumbas nito sa modernong panahon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Sa panahong nuclear na ito isang makasagisag na lalaking nakadamit-lino ang nagsasagawa ng walang takot na gawain. Kasangkot ka ba sa gawaing iyan?
[Larawan sa pahina 15]
Kung paano si Juan ay tumanggap ng isang simbolikong balumbon at ng utos na “manghula ka uli,” ang mga Kristiyano man ngayon ay walang takot na nagbabalita ng mensahe ng Diyos