Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Bang Baguhin ang Inyong Hinaharap?

Maaari Bang Baguhin ang Inyong Hinaharap?

Maaari Bang Baguhin ang Inyong Hinaharap?

HALIMBAWA nagplano ka ng picnic nguni’t natuklasan mong isang malakas na bagyo pala ang nakatakdang darating. Hindi ka ba magbabago ng plano? Hindi mo makukuntrol ang lagay ng panahon, nguni’t maiiwasan mong mapinsala ka. Kung iibahin ang plano mag-eenjoy din ang pamilya.

Ganiyan din tungkol sa kinabukasan mo at sa hula sa Bibliya. Sa pamamagitan nito ay malalaman mo ang hinaharap. Bagaman hindi natin mababago ang inihula tungkol sa lupa, maaari nating baguhin ang ating mga plano, at mapagaganda natin ang ating kinabukasan.

Ang hinaharap natin ay nakasalalay sa hula ng Bibliya. Kung pag-aaralan natin ang hula ng Bibliya at kikilos ayon doon, maaaring mabago ang ating hinaharap para sa ikabubuti. Halimbawa, ipinangako ng Diyos na Jehova ang mapayapang lupa na wala nang kabalakyutan. At ibig niyang ang buhay sa lupa ang maging ating kinabukasan. Sinasabi ng Bibliya: “Tandaan mo ang sakdal na tao . . . sapagka’t mapayapa ang hinaharap ng taong iyon. Subali’t . . . ang hinaharap ng mga balakyot ay mapuputol.” (Awit 37:10, 11, 37, 38) Maaasahan ba natin ang mga pangako ng Diyos? Alamin natin kung ano nga ang hula.

Ano ba ang Hula?

Ang hula ay isang “kinasihang mensahe; pangungusap na kinasihan ng Diyos.” Sang-ayon sa Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine, ang hula ng Bibliya ay: “Ang pagpapahayag ng nasa isip at ang payo ng Diyos,” ang “pagpapahayag niyaong hindi maaaring mapag-alaman sa pamamagitan ng likas na paraan.” Kasali rin ang “pagsasabi antimano niyaong darating”—ang kasaysayan na isinulat na patiuna. Ang huling kahulugan—ang paghula sa hinaharap—ang ibig nating malaman. Magsuri tayo.

Ang mga tao’y laging interesado sa hinaharap. Subali’t marami ang hindi naniniwala sa tanging wastong bukal ng hula—ang Bibliya. Angaw-angaw ang sumasangguni sa mga astrologo, clairvoyant, seer at iba pa, at sila’y sumampalataya sa mga ito. Bakit marami ang naniniwala sa mga iyan nguni’t hindi sa Bibliya?

Maaasahan ang Hula ng Bibliya

Hindi kontrolado ng tao ang mangyayari sa hinaharap at siya’y apektado nito. Naiiba ang Diyos. Ang kaniyang mga hula ay sigurado at may dalawang dahilan. Una, bilang Maylikha, kilala ni Jehova ang mga tao at alam niya kung saan hahantong ang kaisipan at kilos ng tao. (Deuteronomio 31:21; Isaias 46:9, 10) Ikalawa, mahuhubog ng Diyos ang mga pangyayari bago mangyari. Sa magkapuwa paraang iyan ang kaniyang layunin ay laging natutupad at ang kaniyang salita ay laging totoo.

Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinasabi ni Jehova na kaniyang maihuhula at mapamamahalaan ang hinaharap kaiba sa mga huwad na propeta na hindi makagagawa nito. Aniya: “Ako ang Siyang nagpapakilos sa mga huwad na manghuhula na parang baliw; . . . Siyang gumagawa ng salita ng kaniyang lingkod upang matupad, at Siyang lubusang nagpapangyaring matupad ang payo ng kaniyang sariling mga mensahero.”—Isaias 44:25, 26.

Dahilan sa ang Diyos ang “gumagawa ng salita ng kaniyang lingkod upang matupad,” wastong inihula ng Kasulatan ang pagbangon ng mga kapangyarihang pandaigdig, lakip na ang mga pangyayari na humantong sa pagkatatag ng mga ito. Halimbawa, yaong nasa kabanata 2 ng aklat ng Daniel sa Bibliya. Dito si Haring Nabucodonosor ng Babilonya ay naligalig ng panaginip na nakalimutan niya. Alumpihit siya. Walang isa man sa kaniyang mga propeta ang makapagsaysay sa kaniya ng panaginip, at lalo na ang makapagpaliwanag ng kahulugan niyaon. Sila’y nagugulumihanan. Ang propeta ni Jehova na si Daniel ang nakapagsaysay at nakapagpaliwanag, sa ikinapagtaka ng hari. Sabi ni Daniel:

“Ang iyong Kamahalan, walang pantas, mahiko, manghuhula, o astrologo na makapagsasabi sa iyo niyan. Subali’t may isang Diyos sa langit, na nagsisiwalat ng mga hiwaga. Kaniyang ipinaalam sa Iyong Kamahalan kung ano ang mangyayari sa hinaharap.”—Daniel 2:27, 28, Today’s English Version.

Pagkatapos ay inihula ni Daniel ang pagbangon at pagbagsak sa hinaharap ng makapangyarihang mga bansa. Ang tulad-taong imahen na nakita ng hari sa panaginip niya ay sumasagisag sa sunud-sunod na mga kaharian ng sanlibutan, kasali ang Babilonya (ang ulong ginto), Medo-Persiya (ang dibdib at mga bisig na pilak), Gresya (ang tiyan at mga hita na tanso), Roma (ang mga paang bakal), sinusundan ng Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig kasama ang radikal na popular na mga kilusan sa loob ng kaniyang nasasakupan at nalalaganapan ng impluwensiya (ang mga paa na pinaghalong bakal at putik). Sa Wakas, ang pamamahala ng tao ay hinalinhan ng makalangit na pamamahala at ang buong imahen ay pinagdurug-durog ng makalangit na Kaharian ng Diyos (bato).—Daniel 2:36-45; tingnan din ang Daniel 8:19-25.

Bilang halimbawa ng eksaktong katuparan ng hula ng Bibliya, ipalagay natin na may nanghula ngayon ng mga mangyayari makalipas ang 200 taon, sa taóng 2184. Ang hula:

▪ Malaking digmaan: Ang magkatunggaling bansa ay magiging magkaribal, at mababago ang kasaysayan.

▪ Gagamit ng estratihiya: Tutuyuin ang isang bahagi ng ilog.

▪ Ang pangalan ng mananakop: Ibinigay na ang kaniyang pangalan mga 200 taon bago nanakop at mga 130 taon bago siya isinilang.

▪ Kinahinatnan: Ang lokasyon at nangyari sa talunan.

Natupad ang lahat na ito, kaya hindi baga pag-iisipan ng mga tao ang iba pang mga bagay na sasabihin ng taong ito tungkol sa hinaharap?

Ang mga binanggit na iyan ay lubusang natupad sa pagbabagsak sa Babilonya ng mga Medo at Persiyano. Ang humula nito ay si propeta Isaias, may 200 taon ang aga:

▪ Malaking digmaan: Medo-Persiya at Babilonya.—Isaias 13:17, 19.

▪ Gagamit ng estratihiya: Tinuyo ang ilog; pinasok ang lunsod sa nakabukas na mga pintuang-bayan.—Isaias 44:27–45:2.

▪ Pangalan ng mananakop: Ciro ng Persiya.—Isaias 45:1.

▪ Kinahinatnan: Naging lubos na kagibaan ang Babilonya.—Isaias 13:17-22.

Natupad ang lahat na inihulang ito, kaya hindi baga mapaniniwalaan din ang iba pang mga hula sa Bibliya?

May mga iba pang hula sa Bibliya na lubusang natupad. a Tinupad ni Jesus ang maraming hula bilang Mesiyas. Tungkol kay Jesu-Kristo ganito ang sabi ng Archaeology and Bible History ni Propesor J. P. Free: “Pagkalayu-layong matupad sa iisang tao ang lahat ng hulang ito kaya hindi maaaring mga hula-hula lamang ito ng mga tao.” Oo, si Jehova ang humula tungkol sa Mesiyas na si Jesus. Nguni’t, paano tayo matutulungan ngayon ng hula ng Bibliya?

Ang Hula at ang Kasalukuyan

Tinutulungan din tayo ng hula ng Bibliya na harapin ang kasalukuyan. Paano? Matutulungan tayo ng nakaraang mga hula na maunawaan ang kasalukuyan. At kung nauunawaan natin kung bakit ganito ang mga kalagayan sa daigdig ito’y mapagtatagumpayan natin.

Ang nasasaksihan natin ngayon ay inihula na ng Bibliya may labinsiyam na siglo ang nakalipas. Sapol noong 1914 ay nagaganap ang inihulang digmaang pandaigdig, mga lindol, taggutom, salot, laganap na katampalasanan at takot. (Lucas 21:10, 11) Umiiral ang kawalan ng “katutubong pagmamahal” at ang “mga maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos” kaya laganap ang imoralidad, sakit sa babae, aborsiyon at diborsiyo.—2 Timoteo 3:1-5.

Hindi lamang inihula ng Bibliya ang mga bagay na ito sa ngayon kundi ibinibigay din ng Bibliya ang lunas—ang Kaharian ni Jehova.

Maaakay tayo ng hula ng Bibliya sa magandang kinabukasan. Ipinayo ni apostol Pedro: “Kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito’y inyong binibigyang pansin na gaya ng isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim.” (2 Pedro 1:19) Pag-iisipan mo ba ang hula ng Bibliya? Tutulungan ka ng mga Saksi ni Jehova. Kung ‘papansinin’ mo ang hula ng Bibliya, makikinabang ka magpakailanman.

[Talababa]

a Bilang karagdagan basahin ang Tunay Nga Bang Salita ng Diyos ang Bibliya? lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 3]

“Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kaduluduluhan ng lupa.”—Awit 46:9

[Larawan sa pahina 4]

“Ang mga balakyot ay lilipulin.” “Mamumukadkad ang matuwid.”—Kawikaan 2:22; Awit 72:7

[Larawan sa pahina 5]

“Papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8