Mga Bantay, Ilakas ang Inyong Tinig!
Mga Bantay, Ilakas ang Inyong Tinig!
“Pakinggan mo! Ang iyong sariling mga bantay ay naglakas ng kanilang tinig.“—ISAIAS 52:8.
1, 2. (a) Tungkol sa Isaias 52:8, anong mga tanong ang bumabangon? (b) Ano ang inamin ng isang klerigo?
SINO ba ang mga bantay na ito? Sila ba ang mga bantay sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan? Ano ba ang sinasabi ng klero ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa Kaharian ng Diyos? Dito’y tutulungan tayo ng sumusunod na halimbawa.
2 Ganito ang reklamo ng isang iginagalang na “Reverend Doctor” ng University of Aberdeen, Scotland:
“Noong nakalipas na labing-anim na taon [1963-78] sa dalawang pagkakataon lamang nakarinig ako ng mga sermon tungkol sa temang kaharian ng Diyos. . . . Ang pananahimik na ito ay kataka-taka sapagka’t karamihan ng mga iskolar ng Bagong Tipan ay sumasang-ayon na ang pinaka-sentrong tema ng mga ebanghelyo at ng turo ni Jesus ay ang kaharian ng Diyos. . . . Bakit hindi nangangaral ang mga tao ng kaharian ng Diyos? Simple lang sa palagay ko ang sagot, ‘Sapagka’t tayo ay hindi tinuruan kung paano gagawin iyon!’”
3. Papaano natutupad ngayon ang mga salita ng Isaias 56:10, 11?
3 Ang mga klerigong hindi nangangaral ng Kaharian ng Diyos ay walang alam sa tunay na kahulugan ng mabuting balita. Hindi sila tumugon sa panawagan ni Isaias na gumising. Hindi sila makapaghayag ng mabuting balita ng lalong mabuting bagay, sapagka’t wala silang alam na lalong mabuti kundi ang mga turo at pormalismo ng makasanlibutang relihiyon. Sila’y ‘mga bantay na bulag,’ at angkop ang pagkasabi tungkol sa kanila sa Isaias 56:10, 11, Authorized Version.
4. (a) Papaanong ang mga bantay sa Isaias 52:8 ay ibang-iba sa mga klerigo sa ngayon? (b) Bakit tayo dapat magpasalamat sa ating Dakilang Tagapagturo?
4 “Tayo ay hindi tinuruan kung paano gagawin iyon.” Iyan ang dahilan ng “Reverend Doctor” sa hindi pangangaral ng Kaharian ng Diyos. Subali’t, mayroong mga bantay na nangangaral ngayon ng Kaharian ng Diyos, at sila’y nakakakumbinse, sapagka’t sila’y tinuruan at tinuturuan pa. Sila ang mga tinutukoy ng propeta ng Diyos nang kaniyang isulat: “Si Jehova ay isang Diyos ng kahatulan. Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya. . . . Ang iyong Dakilang Tagapagturo ay hindi na magkukubli pa, at ang iyong mga mata’y makakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo. At ang iyong sariling mga pakinig ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayo bayan,’ pagka kayo’y pumipihit sa kanan o pagka kayo’y pumipihit sa kaliwa.”—Isaias 30:18, 20, 21.
5. (a) Anong mga kaayusang pang-organisasyon ang ginawa ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod? (b) Tungkol sa Kaharian, papaanong ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay katulad ni Jesus at ng kaniyang mga apostol?
5 Ang mga Saksi ni Jehova ay tinuturuan tungkol sa Kaharian ng Diyos, hindi sa mga seminaryo ng teolohiya ng mga sekta ng Sangkakristiyanuhan, kundi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at sa iba pang lingguhang mga pulong sa kanilang mga Kingdom Hall. Sila’y sinasanay upang mabisang makapangaral ng Kaharian sa bahay-bahay at makapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong natuturuan at ibig na matuto tungkol sa Kaharian. Ang turong ito ay nanggagaling kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, na kaniyang pinagsasabihan: “Lahat mong mga anak ay mga taong tuturuan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” Alam na alam ng mga Saksi ni Jehova kung ano ang Kaharian, at magdadala ito ng wala pang katulad na mga pagpapala sa sangkatauhan dito sa lupa. Tulad ni Jesus at ng kaniyang mga apostol kanilang idinadalangin na dumating na sana ang Kaharian ng Diyos at kanilang masigasig na ipinangangaral ang pag-asa sa Kaharian.—Isaias 54:13; Mateo 4:17; 6:10; 10:7; 12:21; 24:14.
Mga Bantay, Ilakas ang Inyong Tinig!
6. (a) Sino ang bumubuo ng uring bantay ngayon, at anong paglilingkod ang ginaganap nila? (b) Anong babala ang ibinibigay ngayon ng bantay, na ginagamit ang anong instrumento?
6 Sa mga ilang talata, ang mga propeta ng Diyos ay bumanggit ng mga bantay. Noong sinaunang panahon ang mga ito ay palaging nakabantay, handang mag-abiso tungkol sa ano mang pananalakay ng mga kaaway. Sa Isaias 21:8 ay sinasabi ng isa nito: “Oh Jehova, ako’y tumatayong lagi sa moog na bantayan kung araw, at sa aking bantayan ako’y tumatanod na magdamagan.” Sa ngayon isang uring bantay, ang pinahirang “tapat at matalinong alipin” na kumakatawan sa Panginoong Jesu-Kristo sa lupa, ang gumagawa niyan. Nagmamasid ang bantay na ito sa takbo ng mga pangyayari sa lupa bilang katuparan ng hula sa Bibliya, iniaabiso ang dumarating na “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari sapol nang pasimula ng sanlibutan” at naghahayag ng “mabuting balita ng lalong mabuting bagay.” Dito ay ginagamit na instrumento ng bantay ang The Watchtower, na may pandaigdig na sirkulasyon na 10,200,000 kopya sa bawa’t labas.—Mateo 24:14, 21, 45-47; Isaias 52:7.
7. Sino ang naglilingkod bilang pagsuporta sa “mga bantay,” at bakit kailangan ang tulong nila?
7 Ang “alipin” ay maraming tapat na tagasuporta. Sa unang artikulo, sa pag-uulat ng dumalo sa Memoryal para sa 1983, binanggit na mga 9,000 lamang ngayon ang natitira pa sa lupa ng pinahirang “alipin.” Kailangan nila ang tulong upang mabisang matapos ang pangangaral. At sila’y tinutulungan naman ng angaw-angaw na sumusuporta sa kanila, na naglalakas din ng kanilang tinig kasama ng “mga bantay” na tinukoy sa Isaias 52:8. Nakikialinsabay ang kanilang tinig sa tinig ng “mga bantay” sa pangangaral ng mabuting balita.
8. (a) Ano ang ipinakikita ng tsart sa pahina 16 at 17 tungkol sa paglawak ng Kaharian? (b) Ano ba ang kalagayan kung saan hinihigpitan ang gawaing pang-Kaharian?
8 Buklatin natin ang pahina 16 at 17 at makikita na sa buong globo ay pinagpapala ni Jehova ang mga bantay pati ang mga kasama nila. Sila’y “maglalakas ng kanilang tinig” na anupa’t nasasaksihan ang mabilis na pagdami ng mga mamamahayag saanman. Ito’y maaasahang magkakagayon ngayon na si Kristo Jesus ay nasa Kaharian na ng kaniyang Ama, sapagka’t di ba sinasabi ng Isaias 9:6, 7: “Ang paglago ng kaniyang pamahalaan at ng kapayapaan ay hindi magwawakas”? (AV) Ipinakikita ng tsart na may mga panig ng mundo, pati roon sa may malalaking populasyon, na kung saan lubhang hinihigpitan ang pangangaral ng Kaharian. Sa tulong ng espiritu ni Jehova ay ginagawa ng mga Saksi sa mga dakong ito ang lahat ng magagawa nila. (Zacarias 4:6) Ang mga pamahalaan na sumasalansang, at ang mga pamayanan na sumusuporta sa mga ito, ay magdadala ng mabigat na pagkakasala laban sa dugo pagsapit ng malaking kapighatian.—Ihambing ang Ezekiel 3:17-19.
Mga Payunir na Tagapangaral ng Mabuting Balita
9. (a) Dito pa rin sa tsart, ano ang komento mo tungkol sa pagdami ng mga payunir? (b) Anong nakagagalak na ulat ang ipinadala ng mga sangay ng Watch Tower?
9 Sa tsart ay makikita rin ang isinulong ng mga payunir sa buong lupa noong 1983. Talagang kamangha-mangha ito! Ipinakikita ng mga ulat sa ibaba na marami ang nakikibahagi sa auxiliary, regular at (kung saan kailangan) espesyal na pagpapayunir, at nagagalak ang mga sangay ng Watch Tower sa buong daigdig:
Barbados: May 292 noong 1981 ang auxiliary payunir noong Abril, 529 noong 1982 at 740 noong 1983.
Belgium: May 30 porciento noong 1983 ang idinami ng aplikasyon ng regular payunir.
Chile: Ang katamtamang dami ng auxiliary payunir ay 987—40-porcientong pagsulong.
Ivory Coast: Ang bilang ng regular payunir ay 15 porciento ang kahigitan sa nakaraang taon.
Portugal: Talagang kamangha-mangha ang peak sa Abril na 3,064 auxiliary payunir, 140-porcientong pagsulong sa dating peak.
Sweden: May peak na 796 regular payunir higit kailanpaman.
Thailand: Sa Abril, 23 porciento ng aming 821 mamamahayag ang nagpayunir.
Venezuela: Mahigit na 200 ang nagsimula bilang regular payunir noong 1983.
10. Ano ang nagpapakita na hindi pinatatahimik ng pag-uusig ang mga bantay?
10 May mga bansang lubhang naghihigpit sa gawaing pang-Kaharian, nguni’t sumulong din doon ang bilang ng mga mamamahayag at mga payunir. May isang bansa sa Aprika na napakahigpit na mang-uusig noong lumipas na 15 taon nguni’t nagkaroon ng 616 regular at 207 auxiliary payunir bilang pinakamarami sa paglilingkurang taon ng 1983. At sa kontinenteng ito pa rin, sa bansa na kung saan 75 kapatid ang nakabilanggo, ang bilang ng mga mamamahayag ay sumulong nang 35 porciento kaysa aberids ng nauna ritong taon, at sa Abril ang auxiliary payunir ay 151 porciento ang kahigitan kaysa dating peak. Ang “mga bantay” at ang kanilang mga kasama ay talagang nagpipilit na ilakas ang kanilang tinig!
11. Paano nakikinabang ang kongregasyon, at pati ang larangan sa buong daigdig sa gawain ng mga payunir?
11 Ang masigasig na pagpapayunir ay tagapagpasigla sa gawaing pang-Kaharian. Lalong lubusang nagagawa ang teritoryo at lalong dumarami ang oras sa paghahayag ng mabuting balita. Noong 1983 ang panahong ginugol sa buong daigdig sa pangangaral ng Kaharian ay 436,720,991 oras, may 13.5-pagsulong! Higit pang mga pag-aaral ang pinasimulan—karamihan nito’y ng mga auxiliary payunir—at lalong maraming interesado ang naakay sa organisasyon ng Diyos.
12. Ano ang sariling pakinabang sa pagpapayunir?
12 May sariling pakinabang sa pagpapayunir. Sa isang buwan na pag-aauxiliary payunir, ang mamamahayag ay nagiging lalong epektibo at matatas sa pagsasalita ng mensahe ng Kaharian! Malaking kagalakan din ang makisama ka sa iba sa pagpapayunir at makita ang pagdami ng naipapasa-kamay na mga magasin, ng mga pagdalaw-muli at mga pag-aaral. Marami ang masiyahan sa pag-aauxiliary payunir kaya isinaayos nila ang kanilang panahon upang makapagregular payunir. Ang iba ay regular na nag-aauxiliary payunir.
13. Anong pampatibay-loob ang makukuha natin sa dalawang karanasan buhat sa Pakistan?
13 Ang Muslim territory ng Pakistan ay medyo mahirap daw gawin. Subali’t ganito ang report buhat sa bansang iyan:
Isang kapatid na regular na nag-aauxiliary payunir noong nakaraang 30 buwan ang nagsabi: “Waring ngayon ang imdadi (salitang Urdu para sa auxiliary) payuniring ay nagkaugat na sa akin, at mahihirapan ako kung ibig ko nang huminto. Ito’y naging bahagi ng aking buhay at kinagawian sa araw-araw, ang gumugol ng mga dalawang oras sa pagpapatotoo sa iba.”
“Mga dalawang oras” araw-araw sa paglilingkod sa Kaharian—iyan lamang ang hinihiling sa auxiliary payunir. Ikaw ba’y puede riyan? Baka ikaw ay maging lalong malusog at lalong maligaya, gaya ng karanasang ito buhat sa Pakistan:
Isa pang kapatid na lalaki ang rumitiro sa kaniyang trabaho sa edad na 58 anyos at sapol noon ay nag-aauxiliary payunir. Ang sabi niya: “Ako’y Saksi na noong lumipas na 28 taon, nguni’t noon lamang huling walong buwan ng aking regular na pag-aauxiliary payunir nasiyahan ako at napahalagahan ko ang pagiging isang Saksi. Sa tanong ng aking mga dating kasama kung bakit ako’y sihatmand (mas malusog, Urdu) at khush (mas maligaya, Urdu) pagkatapos ng pagritiro ko, sinasabi ko sa kanila na ang paglilingkod sa tunay na Diyos, si Jehova, nang lalong puspusan ang nagbibigay sa akin ng kagalakan at kasiyahan kaya ako’y sihatmand at khush.”
Ibig mo bang ikaw man ay maging sihatmand at khush? Kung gayo’y samantalahin mong lubusan ang iyong mga pagkakataon sa pag-aauxiliary payunir!
Pagsisikap Upang Makamit ang mga Pagpapala sa Pagpapayunir
14. Buklatin natin sa tsart sa pahina 18-21, ano ang masasabi tungkol sa pagsulong ng mamamahayag at ng mga payunir, at ito’y sa ilang mga teritoryo?
14 Buklatin natin sa 1983 Taunang Ulat ng Paglilingkod ng mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig na nasa pahina 18-21. Hindi lamang basta mga numero ang nasa apat na mga pahinang ito. Ito’y patotoo ng pagsisikap ng mga mamamahayag ng Kaharian sa 205 mga bansa o teritoryo upang ipangaral ang mabuting Balita. Pasadahan mo ng daliri ang kolumnang pinamagatang “Aberids Payunir Mamamahayag” at alamin ang mainam na naiabuloy ng napakaraming bansa sa paglilingkurang ito. At ang mga payunir ay sinuportahan ng mga mamamahayag ng kongregasyon, na nahawahan ng ganoong espiritu ng kasigasigan, kahit na ang abuloy ng iba ay gaya ng ‘isang beles ng babaing bao.’—Marcos 12:41-44.
15. Paano pinagpapala ang mga pamilya kung ang buhay nila’y nakasentro sa pagpapayunir?
15 Pinagpala nga ang mga pamilyang ang buhay ay nakasentro sa pagpapayunir. May mga pamilyang naging tunguhin na ang maging isang pamilya ng mga payunir at nakamit nila iyon, at naghahanapbuhay din sila upang “makaraos sa buhay.’ Sa mga ibang pamilya ay tulung-tulong sila ng pagsuporta sa isang miyembro ng pamilya upang ito’y makapagregular payunir, at ang gayong diwa ng pagpapayunir ay pinakikinabangan ng lahat.
16. Paano maipapakita ng mga magulang na sila’y interesado sa espirituwal na pagsulong ng kanilang mga anak? (b) Sa kabataan ni Jesus, anong mainam na halimbawa ang kaniyang ipinakita?
16 Lahat ng dumalo sa “Pagkakaisa ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon ay nakapakinig sa isang mainam na pahayag sa pagtatakda ng mga tunguhin. Upang mapanuto ang kanilang mga anak, masasanay sila ng mga magulang upang magkaroon ng nararapat na mga tunguhin sa buhay. (Kawikaan 22:6) Isa na rito ang pagpapayunir. Si Jesus ay sinanay na sa kaniyang kabataan. Sa edad na 12 anyos ay naturuan siyang mainam sa Kasulatan kaya’t nakipagkatuwiranan siya sa mga guro sa templo. (Lucas 2:46, 47) Siya’y hindi nagsumikap na makatapos ng isang karera, upang maging abugado o doktor. Ang natutuhan niya’y magkarpintero, samantalang nagsasanay siya para sa espirituwal na gawain. (Marcos 6:3; Juan 7:46) Samantalang nag-aaral, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay makapagsisikap din na marating ang nararapat na mga tunguhin. Dito’y mapatitibay-loob sila ng kanilang mga magulang.
17. Ibang-iba sa makasanlibutang mga kabataan, sa ano makapagtitiwala ang mapagsakripisyong mga kabataang payunir?
17 Marami raw sa mga nagtapos sa kolehio ngayon ang walang hanapbuhay. Subali’t kadalasan ang mainam-ang-pagkasanay na mga kabataang Kristiyano na pagkatapos ng high school ay diretso na sa pagpapayunir ang nakakakita agad ng angkop na trabaho sa isang bahagi ng panahon nila. Pinagpapala at pinaglalaanan ni Jehova ang sa kaniya umaasa ng ikabubuhay samantalang patuluyang ‘hinahanap muna nila ang kaharian.’—Mateo 6:19-21, 31-33; Kawikaan 3:5, 6; Malakias 3:10.
18. Paanong ang pagtalakay sa pagpapayunir ay pinakinabangan ng isang kongregasyon sa Pilipinas?
18 Baka sabihin ng iba sa kongregasyon, ‘Bakit ba panay pagpapayunir ang maririnig mo? Hindi ito kaya ng marami sa atin.’ Nguni’t ang masasayang payunir ay makapagpapatibay sa kongregasyon at makatutulong sa paglawak ng gawain sa kanilang lugar! Sa Bantayan ng Mayo 15, 1983 ay may araling artikulo na pinamagatang “Ang Diwa ng Ministeryong Kristiyano.” Ang tanong sa parapo 7 ay ganito: “Ano ang dapat itanong sa kaniyang sarili ng bawa’t ministrong Kristiyano?” Tumawag-pansin ito sa tanong na nasa parapo mismo: “Talaga bang maipangangatuwiran ko kay Jehova kung bakit ako hindi isang payunir?” Tungkol sa parapong ito, sa isang Pag-aaral ng Bantayan sa Pilipinas, tatlo sa mga nagsidalo ang nagsabi na pagkatapos nilang mabulay-bulay ang tanong na ito sila’y nagpasiyang magpayunir. Sila’y masiglang pinalakpakan ng kongregasyon.
19. Paanong ang mga hindi makapagpayunir ay makapag-aabuloy din nang malaki sa kongregasyon?
19 Mayroong mga Saksi na, sa harap ni Jehova, wala sa katayuang magpayunir. Karamihan na nasa ating mga kongregasyon ay gayon nga marahil. Nguni’t, sila’y makapag-aabuloy nang malaki sa ikasusulong sa kongregasyon ng espiritu ng pagpapayunir. Ang hinirang na matatanda at mga ulo ng pamilya ay makapagpapatibay-loob sa mga kabataan upang gawing tunguhin nila ang pagpapayunir. Buong pusong masusuportahan ng kongregasyon yaong mga payunir na. Sa angkop na mga okasyon, tulad kung panahon ng Memoryal, kung dumadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito o kung bakasyon sa paaralan, marami ang makapag-aauxiliary payunir. Sumampalataya ka na palalakasin ka rito ni Jehova. “Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo.” (Mateo 9:29) Kung dahil sa pagkamasakitin, sa mga pananagutan o iba pang mga bagay ay hindi ka makapagpayunir, maging positibo ka. Ano mang panahong maaari mong gamitin ay gugulin mo sa paghahayag ng “mabuting balita ng lalong mabuting bagay” at suportahan mo at palakasin-loob ang mga nagpapayunir.
20. (a) Sa anong kalagayan ng sanlibutan dapat na tayo’y laging gising? (b) Ano, kung gayon, ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa gawaing pagliligtas?
20 Tayo’y nabubuhay ngayon sa isang marahas at imoral na sanlibutan. Halos parurusahan na ito ni Jehova, gaya noong sinaunang mga panahon. (Genesis 6:11; 18:20; Lucas 17:26-30) Tunay na ito ang “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5, 13) Makibahagi tayo sa dakilang gawain na paghahayag ng kaligtasan sa mga taong lalabas pa sa matandang sistema upang pumanig sa Kaharian ni Jehova. Tayo’y napasasalamat sa saganang pagpapala ni Jehova noong nakaraang taon. Sa 1984, sana’y makisama uli tayo sa mga bantay ng Kaharian sa paglalakas ng ating mga tinig sa ikapupuri ni Jehova.—Isaias 62:6.
Mga tanong sa repaso:
□ Anong mabuting balita ang hindi ipinangangaral ng mga klerigo, at bakit?
□ Ano ang aktibidad ng mga bantay ng Sion batay sa tsart sa pahina 16 at 17?
□ Sa pagpapayunir, ano ang napapakinabang ng indibiduwal at ng kongregasyon?
□ Papaano lahat ng mamamahayag sa kongregasyon ay makapag-aabuloy sa pagkakaroon ng mainam na espiritu ng pagpapayunir?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 22]
Para sa marami, ang pagreregular payunir ay pag-asenso. Sabi ng isang regular payunir sa Nigeria:
“Ang ilan sa mga pagpapala ay: (1) Ako’y nakababasa na dahil sa laging pangangaral. (2) Bagaman hindi ako nakapag-aral nakapagdaraos ako ng pag-aaral ng Bibliya sa tahanan. (3) Bilang elder, nakapangangasiwa ako sa Watchtower Study at sa Theocratic Ministry School. (4) Sa pag-aaral ko sa Kingdom Ministry Schools ay nauunawaan ko ang lahat ng tinatalakay sa Ingles. (5) Kung intelehente ang kausap ko, siya’y nababagayan ko sa pamamagitan ng aking pagtugon. Ang pagpapayunir ay isang regalo nga sa akin ni Jehova.”
[Chart sa pahina 16, 17]
Paglawak ng Kaharian 1983 Taon ng Paglilingkod
“Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa.”—Roma 10:18; Gawa 1:8.
Ipinakikita ng tsart na ito ang pagsulong sa buwanang aberids sa buong daigdig
Norte Amerika
Mamamahayag: 690,979; pagsulong: 6%
Payunir: 58,381; pagsulong: 16%
Europa
Mamamahayag: 601,918; pagsulong: 5%
Payunir: 38,978; pagsulong: 17%
Latin Amerika
(Kasali ang mga Isla ng Caribbean)
Mamamahayag: 472,816; pagsulong: 11%
Payunir: 35,450; pagsulong: 23%
Asia
Mamamahayag: 122,726; pagsulong: 12%
Payunir: 34,586; pagsulong: 24%
Mga Isla sa Pasipiko
Mamamahayag: 117,816; pagsulong: 8%
Payunir: 11,386; pagsulong: 24%
Aprika
Mamamahayag: 266,375; pagsulong: 6%
Payunir: 21,690; pagsulong: 17%
Mga Bansang Naghihigpit
Mamamahayag: 229,092; pagsulong: 4%
Payunir: 5,627; pagsulong: 20%
[Chart sa pahina 18-21]
1983 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)