Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Misyonero ng Gilead—Ibang-Iba!

Mga Misyonero ng Gilead—Ibang-Iba!

Mga Misyonero ng Gilead—Ibang-Iba!

NAIIBA ang mga Saksi ni Jehova! Ito’y paulit-ulit na idiniin sa graduwasyon ng ika-75 klase ng Watchtower Bible School of Gilead, na ginanap noong Linggo, Setyembre 11. Mayroong 2,023 na matamang nakinig samantalang bawa’t tagapagpahayag ay nagpapayo sa magtatapos na mga misyonero na magpatuloy sa kanilang pambihirang posisyon bilang tapat na mga kinatawan ng Diyos na Jehova.

Sa kaniyang pambungad na pahayag, niliwanag ni chairman Karl F. Klein na ang mga Saksi ni Jehova ay talagang naiiba. “Kakaunti kaunting mga organisasyon ng relihiyon sa Estados Unidos ang nagsusugo ng mga misyonero ayon sa paraan na sinabi ni Jesus na dapat nating sundin,” aniya. (Mateo 28:19, 20) At ang iilang iyon na nagdidistino ng mga misyonero, aniya, ay nagtatagubilin sa kanilang mga misyonero na magbuhos ng pansin sa sekular, ekonomiko at sosyal na mga isyu, o sila’y nagiging mga politikal na aktibista o medikal na mga misyonero. “Ang kakaunti-kaunti na nangangaral,” ani Klein, ay “walang masabi tungkol sa kahalagahan ng pangalan ni Jehova o sa mabuting balita ng Kaharian.” “Subali’t walang alinlangan na lahat ng mga Saksi ni Jehova ay tinuturuan na mangaral ng Kaharian ng Diyos,” isinusog pa niya, “at ito lalung-lalo na ay itinuturo sa paaralang misyonero ng Gilead.”

Binanggit ni L. A. Swingle, isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang kagandahan ng klase—lalo na sa espirituwal na diwa. “Sa aming mga mata at sa mga mata ni Jehova,” sabi ni Brother Swingle sa mga estudyante, “kayo’y isang magandang grupo ng mga Saksi, samantalang natapos na ninyo rito ang inyong kurso at idinidistino kayo sa malayong lupalop ng mundo.”

Ang mga estudyante ay binigyan din ng pahimakas na payo ng kanilang mga instruktor. Yamang ang kaniyang sarili’y inihambing ni Isaias sa isang makintab na pana sa Isaias 49:2, ipinagunita ni U. V. Glass sa mga estudyante na sila’y sinanay at inihanda nang husto, at sila’y isang mahusay na armas na magagamit ng Mandirigmang-Hari, si Jesu-Kristo. Ang payo ng instruktor na si J. Redford: “Mamuhay kayo ayon sa inyong magandang pangalan—nagtapos sa Gilead—sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang bunton ng patotoo sa mga bansang pinagdidistinuhan sa inyo.”

Sa mga estudyante’y itinimo ng miyembro ng Lupong Tagapamahala na si C. W. Barber ang pangangailangan na dibdibin ang kanilang mga atas. Binanggit ng tagapagpahayag na si R. Wheelock ang naging tagumpay ng naunang mga misyonero sa pagtulad sa halimbawa ni Jesu-Kristo.

Ang mga graduwado ay inihambing sa mga sinaunang Gibeonita na disididong maglingkod kay Jehova, ni L. K. Greenlees, isang miyembro rin ng Lupong Tagapamahala, at ang payo niya: ‘Pagtibayin ninyo sa inyong kalooban na tularan ang mga Gibeonita na iyon. Mahalin ninyo ang inyong asainment, at magpakasipag kayo roon.’

Ang tampok ng programa sa umaga ay ang pahayag ni F. W. Franz, presidente ng Watch Tower Society at ng Gilead School. Siya’y nagpahayag sa paksang “Panahon Na Upang Sumikat,” at itinawag-pansin niya na ang mga estudyante’y sumisikat na bilang mga ministrong payunir sa larangan ng pagpapatotoo. “Sa pamamagitan ng kanilang pagsasanay sa Gilead,” aniya, “sila’y higit na nasasangkapan, mas pa kaysa dati, upang humayo at pasikatin ang kanilang liwanag at ipakitang isang napakabisang ahensiya ang ginagamit ng Diyos, ang Watchtower Bible School of Gilead.” At samantalang ang mga estudyante’y inaabutan ng kani-kaniyang diploma ay humuhugong ang masiglang palakpakan.

Sa programa sa hapon ay may bahagi ang mga estudyante. Pagkatapos na sagutin ang mga tanong sa pag-aaral sa The Watchtower, sila’y nagtanghal ng programa musikal na may temang “Magsiawit Kayo ng mga Papuri kay Jehova sa Buong Lupa.” Binalangkas dito ang kasaysayan ng musikang ginamit ng mga Saksi ni Jehova noong nakalipas na sandaang taon, at ipinakita kung paano talagang ibang-iba ito kaysa ginagamit ng sanlibutan—maging sa himig man at sa liriko.

Nagtapos ang programa sa isang dramang salig sa Bibliya at ang nagtanghal ay yaong mga estudyante. Lipos ng kagalakan na gamitin ni Jehova sa ganitong natatanging paraan, at pagkatapos ng panalangin ng pasasalamat at pagsusumamo na pagpalain sila ni Jehova, ang 38 estudyante ay nagsiyaon na—sabik na makarating sa 17 bansa na pinagdistinuhan sa kanila.