Nagkakaisang Patuloy na Humiyaw sa Kagalakan
Nagkakaisang Patuloy na Humiyaw sa Kagalakan
“Kayo’y magsaya, humiyaw nang may kagalakan sa pagkakaisa.“—ISAIAS 52:9.
1. Bakit ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay humihiyaw “sa pagkakaisa”?
SA PAGKAKAISA! Sa diksiyonaryo ang kahulugan ng pananalitang ito (“in unison” sa Ingles) ay “lubos na nagkakasundo: upang ganap na magkasuwato.” Ang mga Saksi ni Jehova ay naglilingkod sa pagkakaisa yamang taglay nila ang isip ni Kristo, at nangagkakaisa sa pagdakila sa pangalan ni Jehova. Dahilan sa pagpapala sa kanila ni Jehova, kahit ang simbolikong lupain na tinitirhan nila ay masaya, lahat ng panig ay humihiyaw sa kagalakan. Ito ay naayon sa dalangin ni apostol Pablo: “Ngayon ang Diyos na nagkakaloob ng pagtitiis at kaaliwan ay magbigay nawa sa inyo ng ganoon ding kaisipan na gaya ng kay Kristo Jesus, upang sa isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—Roma 15:5, 6; Juan 17:4, 6, 20, 21.
2. (a) Ayon sa 1 Corinto 1:10 at Efeso 4:4-6, bakit ang mga bantay ay nakakakita “nang mukhaan“? (b) Sino pa ang kasali sa masayang paghiyaw, at papano?
2 ‘Luwalhatiin ang Diyos!’ Iyan ang ginagawa ngayon ng “mga bantay” ni Jehova. Kanilang tinutupad ang hula: “Nagkakaisa silang patuloy na humihiyaw sa kagalakan; sapagka’t kanilang makikita nang mukhaan pagka muling tinipon ni Jehova ang Sion.” (Isaias 52:8) Kanilang nakikita “nang mukhaan,” sapagka’t sila’y may “lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10; tingnan din ang Efeso 4:4-6.) At ngayon, sa pagsali ng “malaking pulutong” sa ‘masayang paghiyaw,’ patuloy na nag-iibayo ang pangglobong hiyawan.—Apocalipsis 7:9, 10, 15.
3. Papaanong sa organisasyon ni Jehova sa lupa ay mababanaag ang kagalakan ng mga hukbo sa langit?
3 Ang makalangit na organisasyon ng Diyos, pati “laksa-laksang” mga anghel ay nagtataas ng “tinig” sa pagpuri kay Jehova ang dakilang Maylikha, at sa “Kordero,” si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 5:11, 12; 4:11) Pati bayan ng Diyos sa lupa ngayon ay organisado para sa masayang paglilingkod. Kahit ang simbolikong lupain na tirahan nila ay ‘masaya.’ Anang propeta: “Kayo’y magsaya, humiyaw nang may kagalakan sa pagkakaisa, kayong mga sirang dako ng Jerusalem, sapagka’t inaliw ni Jehova ang kaniyang bayan; kaniyang tinubos ang Jerusalem.” (Isaias 52:9) Ang “kaniyang bayan,” ang mga kinatawan sa lupa ng “Jerusalem sa itaas,” na organisasyon niya sa langit, ay ibinangon ni Jehova buhat sa pagkasira nila noong Digmaang Pandaigdig I, at ang kanilang nagkakaisang ‘paghiyaw sa kagalakan’ ay nagbunga ng pangglobong paglawak na nagpapatuloy hangga ngayon!—Galacia 4:26, 27; Isaias 52:8.
4. Sa papaanong “inilantad ni Jehova ang kaniyang banal na bisig,” at nagbibigay sa atin ng anong pagtitiwala sa hinaharap?
4 Nagsasabi pa ang hula: “Inilantad ni Jehova ang kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat na mga bansa; at makikita ng lahat ng kadulu-duluhan ng lupa ang pagliligtas ng ating Diyos.” Sa unang bahagi ng “mga huling araw” na iyon ay kumilos si Jehova ukol sa kaniyang bayan, at kaylapit-lapit na, sa Har-Magedon, muli niyang ‘ilalantad ang kaniyang banal na bisig,’ at ililigtas ang kaniyang bayan. At, ‘makikilala ng maraming bansa na siya’y si Jehova.’—Isaias 52:10; 12:2; Ezekiel 38:23.
5, 6. (a) Bakit kailangang apurahang matapos ang gawain ng Diyos? (b) Papaano kumilos ang organisasyon upang makapagbigay ng lalong malawak na pagpapatotoo?
5 Ang araw ni Jehova ng paglipol ay kaylapit-lapit na! “Ito’y nagmamadaling mainam.” (Zefanias 1:14) Samantala, “ang mabuting balita ng lalong mabuting bagay” ay kailangang ihayag sa buong lupa. (Isaias 52:7) Ang organisasyon ni Jehova ay gumagamit ng ilang legal na korporasyon, gaya baga ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, at ang mga ito ang namamanihala ng gawain ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mga 94 na mga sangay sa buong lupa. Noong lumipas na limang taon, pinalawak ang palimbagan at iba pang pasilidad sa mga sangay na ito, upang lalo pang mapasulong ng Society ang kaniyang ‘paghahayag ng kapayapaan at kaligtasan.’
6 Noong nakaraang taon, malaki ang naidagdag sa pabrika ng Samahan sa Watchtower Farms, New York State, na kung saan nilalakihan din ang Bethel Home. Isang malaking offset na limbagan ng magasin ang nakalilimbag ng mga 400,000 magasin isang araw. Marami sa dating M.A.N. na mga letterpress ng Samahan ang nilansag na at ikinumberte sa mga offset press. Ginagamit ito ngayon sa mga sangay ng Watch Tower sa buong daigdig, at sa Brooklyn at Watchtower Farms. Sa buong mundo ay nagaganap ang pagpapalawak. Halimbawa, sa sangay sa Alemanya ay umaandar na ngayon ang kaniyang ikalawang high-speed offset rotary press, at sa sangay sa Hapon ay halos magsisimula nang gamitin ang kaniyang ikatlong offset rotary press, na nakalilimbag ng 60,000 magasin por ora.
Pasikatin ang mga Magasin!
7. Ano ang nagawang pagsulong sa pagkuha ng suskrisyon noong 1983?
7 Bakit may ganitong pagpapalawak sa palimbagan? Dahilan sa lahat kayo mga kapatid ay masigasig sa larangan. Noong nakaraang taon ay nakakuha kayo ng kabuuang mga suskrisyon na 1,756,153 para sa mga magasing Watchtower at Awake!, may 28-porcientong pagsulong sa naunang taon.
8. Papaano nagbunga ang pagkilala sa kahalagahan ng ating mga magasin?
8 Tungkol sa apat-na-pahinang susog sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Abril 1983, may kaugnayan sa pamamahagi ng magasin, isinulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa Estados Unidos na ito’y “nagkaroon ng malaking epekto sa aming lahat.” Karaniwan daw na ang isang grupong nangakakotse ay nagsisiuwi buhat sa paglilingkod pagkatapos makakuha ng apat o limang suskrisyon. Isang payunir ang nakakuha ng siyam na suskrisyon sa loob ng isang linggo. Ayon sa sangay sa Hapon ay 70,115 mga bagong suskrisyon ang nakuha para sa Mayo at Hunyo—kung ihahambing sa 49,016 noong naunang dalawang-buwang kampanya—bagaman ang taunang suskrisyon ay nagkakahalaga ng 1,800 yen ($7.50, U.S.)! Ang espirituwal na pakinabang sa ating mga magasin ay hindi masusukatan ng salapi. (Kawikaan 8:10, 11) Sana’y patuloy na magmasigasig tayo sa pag-aalok ng suskrisyon sa 1984!
9. Papaano lalo pang mapararami ang ipinamamahaging mga magasin?
9 Komusta ang pamamahagi natin ng magasin noong 1983? Mabuti, nguni’t hindi sumulong. Ano ang dapat nating gawin? Ang matinding pagpapahalaga sa nilalaman ng ating mga magasin ang dapat mag-udyok sa atin na magdala nito at laging ialok ito, lalo na sa lingguhang Magazine Day. “Lingguhang” Magazine Day, sapagka’t pagkarami-raming mga kapatid sa buong mundo ang palagiang nakikibahagi sa pamamahagi. Mga sangay sa Kenya at sa Hong Kong ang humiling na ang ikalawa at ikaapat na Sabado para sa pamamahagi ng magasin ay kaltasin na sa kalendaryo ng Samahan, sapagka’t mahahati ang pamamahagi ng magasin sa kani-kanilang teritoryo. Makibahagi sana rito ang lahat kung ikalawa at ikaapat na Sabado, nguni’t bakit hindi gawing tunguhin ngayon ang mamahagi ng magasin tuwing Sabado—sa bahay-bahay, sa mga lansangan at pamilihan at sa mga ruta ng magasin!—Eclesiastes 11:1.
10. Papaano nakinabang sa isang magasin lamang ang isang mambabasa ng Awake!?
10 Malimit na isang magasin lamang ang pumupukaw ng interes, at sa huli’y isa pang “tupa” ang napapadagdag sa “kulungan” ng “mabuting pastol.” (Juan 10:14, 16) Narito ang isang karanasan:
Isang araw isang mamamahayag ng Kaharian sa Réunion ang tinawag ng isang lasenggo. “Ginoo, hindi na ako umiinom,” ang masayang sabi niya. Sa Réunion marami ang nagpapaospital para magpaalis ng lason sa katawan, kaya ang tanong sa kaniya ng Saksi, “Saan bang ospital ka pumasok?” Tumugon ang lalaki, “Hindi ako nagpaospital; binasa ko ang Awake! [Hulyo 8, 1982, sa alkoholismo] at huminto ako ng pag-inom.” May dalawang buwan na, nang isinusulat ito, na ang Saksi’y nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa pamilyang ito sa aklat na You Can Live Forever in Paradise on Earth, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society. Iisang magasin ang gumawa niyan!
Isa pang topiko ang napapaharap:
Dumarami ang Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya!
11. Ano ang naging epekto ng Live Forever na aklat sa larangan sa buong daigdig?
11 Noong Hunyo 1982, inilabas ng Watch Tower Society ang araling aklat na You Can Live Forever in Paradise on Earth. Nang kalagitnaan ng Setyembre 1983, 14,663,229 kopya ng aklat na ito ang nalimbag sa mga palimbagan ng Samahan sa buong lupa. Makukuha na ngayon ito sa 55 wika. At ano ang epekto nito sa larangan sa buong daigdig? Pagkalaki-laki! Ang sangay ng Watch Tower sa Puerto Rico ay sumulat tungkol sa larangang Kastila roon:
‘Kami’y tumanggap ng 30,000 Live Forever noong Agosto, nguni’t naubos agad, at noong Oktubre ay tumanggap kami ng 30,000 pa. Pebrero ng 1983 ay “0” na kami, nguni’t nang Marso at Hunyo ay tumanggap kami ng 40,000 pa. At walang natitira kundi mga 10,000, nguni’t inaasahan naming malapit na kaming tumanggap ng 35,000 pa.’
12. (a) Papaano nagpakita ng pagpapahalaga sa aklat na ito? (b) Buklatin sa tsart sa pahina 18-21, may mga bansa ba na mas marami ang mga pag-aaral sa Bibliya kaysa bilang ng mga mamamahayag?
12 Sa Lapland isang matandang lalaki, na hindi Saksi, ang sumulat sa sangay ng Watch Tower sa Pinlandya:
“Nakabasa na ako ng maraming aklat, pero ang inyong aklat na You Can Live Forever in Paradise on Earth ang pinakamagaling. Pakipadalhan po ako ng 11 kopya para maibigay ko sa aking mga kaibigan.”
Tiyak na ang aklat na ito ang tumulong upang maparami ang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya noong 1983. Sa buong lupa, 1,797,112 mga pag-aaral ang idinaraos buwan-buwan sa mga interesado—13.3 ang isinulong sa 1,586,293 pag-aaral noong 1982.
13. Papaano makatutulong ang Live Forever na aklat sa hindi aktibong mga Saksi?
13 Ibig mo bang maalaman kung paano haharapin ang mga problema sa buhay? Makipagkita ka sa sinuman sa mga Saksi para aralan ka sa Bibliya sa aklat na ito (Mabuhay Magpakailanman, sa Tagalog). Dati bang interesado ka sa hula ng Bibliya na ipinaliliwanag ng mga Saksi, pero hindi ka aktibong Saksi ngayon? Makipag-aral ka sa mga Saksi sa aklat na ito.
14. Papaano mabisang magagamit ng lahat ng aktibong Saksi ang aklat na Mabuhay Magpakailanman?
14 Isa ka bang Saksi na wala pang idinaraos na pag-aaral ng Bibliya? Bakit hindi mo pukawin ang interes ng sinuman sa aklat na ito—sa pagbabahay-bahay o impormal na pagpapatotoo—at imungkahi na basahin ninyong magkasama ang aklat na iyan? Dito’y babasahin lamang ang mga parapo at pag-uusapan katulong ang mga tanong at mga larawan doon. Sinabi ni Jesus na, pagka tayo’y naging alagad niya ay may ‘kapahingahan ang ating kaluluwa,’ at may higit na kagalakan pagka natutulungan natin ang iba na maging mga alagad din. (Mateo 11:29, 30; 28:19) Ang mga pag-aaral na iyan ang magbubukas ng daan upang, sa bandang huli, magamit natin sa pag-aaral ang aklat na United in Worship of the Only True God.
15. Ano ang mabisang epekto ng broshur na Enjoy Life on Earth Forever?
15 Noong nakaraang taon, ang 32-pahinang broshur na Enjoy Life on Earth Forever! ay isa pang mabisang instrumento ng mga Saksi ni Jehova sa pagtuturo. Ang bansa ng Zaire sa Aprika, na may bagong peak na 28,126 mamamahayag at 14-porcientong pagsulong ito sa aberids para sa 1982, ay nag-uulat:
Ang broshur na Enjoy Life on Earth Forever! sa aming mga dialekto ay may mabisang epekto sa pangangaral. Ito raw ang angkop sa mga dakong hindi marunong bumasa o bahagyang makabasa ang mga tao, sabi ng marami. Mabilis maubos ng mga kongregasyon ang kanilang mga broshur. Isang simbahang Protestante sa Isiro ang pumidido nito para gamitin sa Sunday School. Isang paring Katoliko sa Medje ang nagbiyahe nang milya-milya sa kaniyang Land-Rover para pumidido nito para sa isang lokal na paaralan. Malimit na makikitang ang mga nagbibiyahe ay may hawak nito.
16. (a) Ilan na ba ang naipamahaging broshur? (b) Naaayon sa Eclesiastes 11:6, paano magagamit ng mga bata ang broshur?
16 Ang mga pabrika ng Watch Tower na naghahanda ng broshur na ito ay nakalimbag na ng mahigit na 17,000,000 sa 111 wika, at napakarami ng nangangailangan nito sa buong lupa. Maraming bata ang natulungan nito sa paghahasik ng katotohanan sa kanilang mga kamag-aral, at mga pag-aaral sa Bibliya ang resulta.—Eclesiastes 11:6.
17. Anong karanasan ang nagpapatunay na mabisa ang broshur at ang mga larawan nito sa pagtuturo?
17 Isang bansa na kung saan bawal ang ating gawain ang nag-uulat:
Isang sister na Saksi na gumamit ng Enjoy Life (Tamasahin ang Buhay sa Tagalog) sa pagtuturo sa tatlong bata ang katatapos lang ng pagtalakay sa mga idolo. Agad nawala ang mga bata pagkatapos ng pag-aaral. Sá-susulpot sila na dala-dala ang maraming gawang-kahoy, mga krus at iba pa. Inilagay ito sa mesa sa harap ng Saksi. Itinanong niya kung para ano iyon. Ang batang babae ay sumagot, “Kailangan palang itapon ang mga idolo at imahen, ang sabi ng Bibliya.”
Ganito ang ulat ng Ivory Coast:
Isang asawa ng tagapangasiwa ng sirkito ang gumagamit ng broshur sa pagtalakay ng mga paksa ng poligamya, malayang pag-ibig, espiritismo at panalangin, sa tulong ng ilan sa mga larawan dito. Oo, gaya ng sabi niya, “Ang isang larawan ay katumbas ng isang libong mga salita.”
“Kayo’y Magsiyaon, Kayo’y Magsiyaon”
18. Sa ano, lalung-lalo na, dapat magsiyaon ng paghiwalay ang mga lingkod ni Jehova?
18 Hindi lamang sa Aprika kundi sa buong lupa, lahat ng ibig sumamba sa tunay na Diyos, si Jehova, ay kailangang magsiyaon ng paghiwalay sa huwad na relihiyon at sa imoral na mga lakad na siya ang ugat. Anang propeta ng Diyos: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.”—Isaias 52:11.
19. Ano ang dapat nating ikilos pagka inaakit tayo ng mga apostata na humiwalay sa banal na paglilingkod?
19 Sapol noong 1919, ang mga lingkod ni Jehova ay nalinis na buhat sa mga kabulaanan ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Gayunman, manakanaka ay baka may bumalik sa idolatriya at matiwalag sa kongregasyon. Baka akitin pa niya yaong mga nagdadala ng “mga sisidlan ni Jehova”—ang mga paglalaan para sa banal na paglilingkod sa bahay-bahay, sa aktibidad sa magasin, sa pag-aaral sa Bibliya at iba pa. Subali’t ang tapat na mga Saksi ay hindi “magsisihipo” sa mga apostata.—2 Corinto 6:17; 2 Juan 9-11.
20. Ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa imoralidad, at paano natin maiiwasan ito?
20 Mayroong mga ibang karumihan na bumibiktima ng lalong marami kaysa apostasya—ang imoralidad. Maging mapagbantay tayo sa pang-aakit sa atin sa imoralidad! Ibinabala ni apostol Pablo na “ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki, . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos,” at isinusog pa niya rito ang “karumihan, kalibugan.” (1 Corinto 6:9, 10; Galacia 5:19-21) Sa espirituwal na paraiso ni Jehova, walang dako para sa mga imoral, pati sa Kaharian o sa lupang Paraiso, na kaylapit-lapit na. Lahat ng lingkod ni Jehova ay manatili sana sa espirituwal na paraiso sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinayo ni Pablo na “lumayo sa pakikiapid,” “lumayo sa idolatriya.”—1 Corinto 6:18; 10:14.
21. (a) Naayon sa Isaias 52:12, anong pagtitiwala ang dapat na mayroon tayo ngayon? (b) Paano natin maipakikita na tayo’y mayroong ‘magagandang paa’?
21 Nang ang pinahirang bayan ni Jehova ay palayain buhat sa pagkaalipin sa maka-Babilonyang relihiyon, natupad sa kanila ang sinalita ng propeta ng Diyos: “Kayo’y hindi magsisilabas na nangangamba, at kayo’y hindi magsisitakas. Sapagka’t si Jehova ang magpapauna sa inyo, at ang Diyos ng Israel ang inyong bantay-likod.” (Isaias 52:12) Ngayon, ang pagliligtas na ito ay ikinagagalak din ng “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ng Panginoon. Ang 2,501,722 mga mamamahayag ng Kaharian ay lubusang nagtitiwala na patuloy na magpapauna sa kanila si Jehova, at magiging bantay-likod nila, hanggang sa tagisang-lakas na labanan ng Har-Magedon at sa makatawid sila. (Apocalipsis 16:13-16) Kung gayon, kayong mga saksi ng tunay na Diyos, kayo’y “magsaya, humiyaw nang may kagalakan sa pagkakaisa”! Ang inyong ‘magagandang paa’ ay magmadali sana ng paghahayag ng mabuting balita ng lalong mabubuting bagay, sapagka’t “ang iyong Diyos ay naging Hari!”-Isaias 52:7-9.
Ano ba ang kasagutan mo sa sumusunod?
□ Paano sinangkapan ni Jehova ang kaniyang bayan upang ‘humiyaw sa pagkakaisa’?
□ Sa anong positibong mga paraan mapahahalagahan natin ang ating mga magasin?
□ Paano natin magagamit na lahat nang mabisa ang mga bagong lathalain sa pag-aaral?
□ Paano natin tutugunin ang payo at pampatibay-loob na ibinibigay ng Isaias 52:11, 12?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 26]
Hunyo, may bagong peak ang Korea na 6,656 suskrisyon, 110 porciento ang pagsulong sa naunang Hunyo. Ang Greenland ay may 510 bagong suskrisyon sa 1983, 71 porciento ang kahigitan sa 1982
[Kahon sa pahina 27]
May “Gumising!” tuwing tatlong buwan sa karagdagang wika—Arabe, Bicol, Croatiano, Fihiyano, Hebreo, Hiri Motu, Icelandico, Kikamba, Kikuyu, Ruso, Shona, Sinhalese, Turkiyano at Urdu, at sa iba pang wika sa Oryente. Bagaman walang suskrisyon, makakakuha ng indibiduwal na kopya sa mga kongregasyon. Masiglang tinatanggap ang mga pantanging edisyong ito
[Kahon sa pahina 28]
Isang pamilya sa Pransiya ang lumipat sa Mooréa sa French Polynesia para tulungan ang kongregasyon doon. Ngayon ay nag-uulat sila ng 4 na payunir, 5 mamamahayag at 51 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa karatig na isla ng Raiatéa, bawa’t pamilya ay nakipag-aral na raw sa mga Saksi ni Jehova. Oo, “malaki ang aanihin.”—Mateo 9:37.