Paghahayag ng Mabuting Balita ng Lalong Mabuting Bagay
Paghahayag ng Mabuting Balita ng Lalong Mabuting Bagay
“Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion!”—Isaias 52:1.
1. (a) Sa paano nabigo ang mga pahayagan ng daigdig? (b) Ano ba ang inihahayag ng pinakamatalinong Pinagmumulan ng balita?
ANG ganitong tunog ng trumpeta sa pananawagan ay narinig maaga sa ika-20 siglong ito. At bakit? Sapagka’t panahon na upang maghayag ng mabuting balita ng lalong mabubuting bagay para sa sangkatauhan. Nababasa ba natin ang mabuting balitang ito sa mga pahayagan ng daigdig? Hindi, sapagka’t mas ibig ng media na magbalita ng kahindik-hindik na mga bagay ng sanlibutan o ipamalita ang patuloy na paglubha ng mga bisyo at imoralidad. Wala silang maituro na lunas. Marami ang natatakot sa kapahamakan buhat sa isang pagkalaki-laking sunog, na likha ng pagpapasabog ng mga pamuksang nuclear na sariling kagagawan ng tao. Subali’t Isa na mas matalino kaysa may kamatayang tao ang nagbibigay-alam sa atin na ang wakas ng sanlibutan ay manggagaling sa ibang-ibang Pagmumulan. Iyon ang pagpaparusa ng Diyos sa balakyot na mga tao at mga bansa. (Awit 110:5, 6) Ang Pagmumulang ito ng balita ay naghahayag din ng kasunod na milenyo ng pagsasauli sa kasakdalan ng lupa at ng mga tao rito. Iyan ay mabuting balita.—Apocalipsis 20:6; Awit 72:16, 18, 19; Roma 8:21.
2. Ano ang apurahang panawagan ngayon, at paano ito kailangang sagutin?
2 ‘Gumising ka, gumising ka!’ ang panawagan ni Isaias. Bakit nga may ganitong pagkaapurahan? Dahil sa ang patuloy na katuparan ng mga hula sa Bibliya mula ng taóng 1914 ay nagpapatotoo na ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus, “na lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem,” ay nagpupuno na ngayon sa langit. Ang mga kinatawan sa lupa ng Sion, ang makalangit na organisasyon ng Diyos, ay kailangang gumising at gumawang puspusan. Ihayag nila ang mabuting balita taglay ang kalakasan na ibinibigay ng Diyos sa mga nagsisitalima.—Hebreo 12:22; Gawa 5:32.
3. Kanino ba nananawagan si Isaias, at ano ang paanyaya?
3 Sabi pa ni Isaias: “Magsuot ka ng iyong magagandang damit, Oh Jerusalem, na banal na lunsod! Sapagka’t mula ngayo’y hindi na papasok pa sa iyo ang di-tuli at ang marumi. Magpagpag ka ng alabok, bumangon ka, umupo ka, Oh Jerusalem. Magkalag ka ng mga tali ng iyong leeg, Oh bihag na anak na babae ng Sion.”—Isaias 52:1, 2.
4. Paanong ang hula ay may katuparan sa ika-20 siglo?
4 Ang hulang ito ay may pambihirang katuparan sa ika-20 siglong ito! Noong Dakilang Digmaan ng 1914-18, ang pinahirang mga Kristiyano ay naging mga espirituwal na bihag, at ang ilan, pati mga opisyales ng Watch Tower Society, ay napakulong sa literal na mga piitan. Subali’t noong 1919 ay lumaya sila. Bilang kumakatawan sa makalangit na Sion, ang mga Kristiyanong ito ay nagsuot ng “damit” na maganda sa paningin ng Diyos—ang nagpapakilala sa kanila bilang mga lingkod ng Soberanong Panginoon. Sila’y humiwalay sa karumihan sa moral at espirituwal.—Ihambing ang 2 Corinto 6:17, na dito si apostol Pablo ay sumisipi sa Isaias 52:11.
5. Paano tinugon ng bayan ng Diyos ang panawagan ni Isaias at tinularan nila si Jesus?
5 Kaya’t ang bayan ng Diyos ay lubusang kumalag sa mga turo at gawain ng huwad na relihiyon. Tinularan nila si Jesus nang narito sa lupa, bilang “hindi bahagi ng sanlibutang ito,” pati bulok na politika at lumulubhang karahasan. (Juan 18:36; Apocalipsis 18:2, 4) Sa pagbabangon nila tungo sa aprobadong katayuan sa harap ng Diyos, sila’y tumulad sa kanilang Panginoon sa lalo pang positibong paraan.—1 Pedro 2:21.
Ang Iyong Diyos ay Naging Hari!”
6. Kaninong “mga paa” ang nagdadala ngayon ng mabuting balita, at sa anong layunin dumating siya ngayon?
6 Pakinggan mong mainam ang sinasabi pa ng propeta: “Anong pagkaganda-ganda sa mga bundok ang mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita ng lalong mabuting bagay, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging hari!’” (Isaias 52:7) Ang kanilang Mensahero ng kapayapaan ay ang Haring si Jesu-Kristo. Pinahiran siya ng espiritu ng Diyos upang maghayag ng mabuting balita sa mga dukhang naaapi. Nang natapos noong 1914 “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” siya’y “dumating nang may kaluwalhatian, kasama ang lahat ng mga anghel,” upang maghari at hatulan ang mga bansa at bayan sa lupa.—Lucas 4:18; 21:24; Mateo 25:31, 32.
7. Anong balita ang dala ng Mensahero?
7 Gunigunihin mo ang makasagisag na Mensaherong ito, na naglalakbay sa bundok, sa kasabikang maihayag ang mabuting balita ng lalong mabuting bagay sa mga naghahanap sa Diyos. Anong ganda ng kaniyang “mga paa”! Pagkabilis-bilis sa kaniyang pakay na kapayapaan. Ibinabalita niya ang kaligtasan sa dating-bihag na “anak na babae ng Sion,” ang pinalayang nalabi ng 144,000 ng mga espirituwal na Israelita, at pagkatapos ay sa walang-bilang na ‘malaking pulutong buhat sa lahat ng bansa.’—Apocalipsis 7:4, 9, 10.
8. Ano ngayon ang nakapupukaw na pasabi, at bakit?
8 Ang paghahayag ng kapayapaan at mabuting balita ay nakatuon sa pasabi: “Ang iyong Diyos ay naging hari!” Sino ba ang Diyos na ito, at paano siya naging Hari? Siya ang Diyos na ‵ang pangalan ay hinahamak at bihirang banggitin sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ang Soberanong Panginoong JEHOVA. Siya sa nauunang mga talata ng Isaias 52 ay nagsabi: “Ang aking pangalan ay niwawalang-galang na palagi buong araw. Kaya makikilala ng aking bayan ang aking pangalan.” Ang kaniyang pangalan ay ipagbabangong-puri dahilan sa oras na para sa paghuhukom sa mga bansa. Ang mga ito man ay kailangang matakot sa “Hari ng mga bansa.”—Jeremias 10:7; Apocalipsis 14:7.
9. (a) Ano ngayon ang magkaugnay na tungkulin ng “ating Panginoon” at ng “kaniyang Kristo”? (b) Dahil sa ano makapagpapasalamat ang lahat ng mga tagapuri sa Diyos?
9 Ang dakilang Haring ito ang Panginoon na tungkol sa kaniya’y malalakas na tinig sa langit ang nagsasabi, dahil sa mga pangyayari mula at pagkatapos ng 1914: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at siya’y maghahari magpakailan-kailanman.” Ang mga ibang sumasamba sa Diyos ay nagsusog pa ng papuri: “Pinasasalamatan ka namin, Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Isa na ngayon at nang nakaraan, sapagka’t naghawak ka na ng iyong dakilang kapangyarihan at nagsimula kang maghari. Nguni’t nagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong poot.” Si Kristo Jesus ay nagpupuno ngayon bilang Konsorteng-Hari kasama ng kaniyang Ama, ang Panginoong Jehova.—Apocalipsis 11:15, 17, 18; 12:10; Juan 5:30.
10. Sa pagsipi sa Joel 2:32 at Isaias 52:7, ano ba ang pinatunayan ni Pablo?
10 Ang Mensaherong-Haring ito ay hindi nag-iisa sa paghahayag ng kapayapaan. Ipinaliliwanag ito ni apostol Pablo, at sinisipi ang Joel 2:32: “Lahat ng nagsisitawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” At may sunud-sunod na tanong si Pablo at saka tinukoy niya ang Isaias 52:7: “Paano nga sila magsisitawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? At paano nila mapapakinggan kung walang mangangaral? At paano sila mangangaral kung sila’y hindi mga sinugo? Gaya ng nasusulat: ‘Anong pagkaganda-ganda ang mga paa ng mga naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’”—Roma 10:13-15.
11. Paano ipinakikita ng marami sa ngayon na sila’y may ‘pagkagagandang mga paa’?
11 Kaya, may mga iba pa na ‘pagkagaganda ng mga paa.’ Sila’y nakinig sa mabuting balita na ipinangaral ng Mensahero ng Diyos. At naging mga tagapaghayag din sila ng mabuting balita—isang hukbo ng mga mangangaral ng Kaharian. Mga dalawa at kalahating milyon sila sa lahat ng bansa! Anong laki ng pribilehiyo mo kung isa ka sa kanila, na nangangaral ng “mabuting balita ng lalong mabuting bagay”! At kayamanan ang iyong literal na mga paa sa iyong pagbabahay-bahay sa paghahayag ng kaligtasan! Sa ganito’y may bahagi ka sa katuparan ng Awit 19:4, na sinisipi ni Pablo sa Roma 10:18: “Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa kadulu-duluhan ng tinatahanang lupa.”—Tingnan din ang Awit 99:1-3; 148:12, 13.
Ang Kumikilos na Organisasyon ng Diyos!
12. (a) Ito ang pinakamahalagang panahon para sa ano? (b) Anong mahalagang mga katotohanan ang ipinahayag noong 1925?
12 Oo, “ang iyong Diyos ay naging hari!” Kaya ngayon lalo na ang panahon upang dakilain at purihin ang pangalan ng Diyos na buhay, si Jehova, ang Soberanong Panginoon. Noong 1920’s ang nalabi ng pinahirang mga lingkod ng Diyos ay lubusang napasalamat alang-alang sa liwanag ng Kaharian ng Diyos na patuloy na “pinasisikat para sa mga matuwid.” Sumapit ang mahalagang yugto nang ilathala ang The Watchtower ng Marso 1, 1925. Sa pangunahing artikulo, na “Birth of the Nation,” ipinaliwanag ang mga hula na nagpapatunay na ang ipinangakong Kaharian ng Diyos ay itinatag na sa langit noong 1914, na ang Diyablo at ang kaniyang mga anghel ay ibinulusok sa lupa ng Mesiyanikong Hari, at na kailangan ang pang-ultimong digmaan sa pagitan ng organisasyon ng Diyos at ng kay Satanas.—Awit 97:11; Apocalipsis 12:1-12.
13. (a) Ano ang naging pagsulong ng bayan ng Diyos hanggang 1938? (b) Ano ang napapanahong pangyayari noong 1938?
13 Habang nagpapatuloy ang espirituwal na digmaan, ang mga naglilingkod na kasama ng organisasyon ni Jehova ay napreskuhan sa patuloy na pagkaunawa sa Bibliya, at dumami hanggang, noong 1938, 50,769 ang nag-ulat ng paglilingkod sa Kaharian sa panahon ng pandaigdig na pagpapatotoo. Kailangan ang lalong mainam na organisasyon, at ibinigay naman iyon ni Jehova! Ang dalawang labas ng The Watchtower para sa Hunyo 1 at 15, 1938, ay may araling tema: “Organization.” Ito’y sinundan noong Hulyo at Agosto ng mga serye sa “His War.” Isang teokratikong kaayusan ang itinatag sa gitna ng mga Saksi, at pinalakas sila nito para sa ibayong espirituwal na pakikidigma. Ipinakikita ng hula ni Isaias, sa kabanata 60 talatang 17 at 22, na dahil sa humusay na kalagayan ng mga lingkod ng Diyos ay bibilis ang gawain ng Kaharian ni Jehova.
14. (a) Ano sa modernong panahon ang katumbas ng proyekto ni Salomon sa pagtatayo? (b) Kaya, anong tanong ang ibinabangon?
14 Ang mga artikulong ito sa Watchtower ay tumalakay ng magkatulad ng paghahari ni Salomon noong ika-11 siglo B.C.E. at ng nakaluklok na si Jesus, pasimula noong 1914 C.E. Sinimulan ni Salomon noong ikaapat na taon ng kaniyang paghahari ang kaniyang proyekto sa pagtatayo. May 7 taon na ginawa ang templo, at isa pang 13 taon bago natapos ang bahay ng hari. Katumbas nito, ang Panginoong Jesu-Kristo ay lumilitaw na may gawaing pagtatayo sa pagsasauli sa tunay na pagsamba at sa pagbuo ng espirituwal na “bahay ng Diyos” noong 1918-38. (1 Pedro 4:17) Ang huling Watchtower tungkol sa “Organization” ay nagtapos ng ganito:
“Ipinakikita ng Kasulatan na, pagkatapos ng dalawampung taóng proyekto sa pagtatayo ni Salomon ayon sa pagkatukoy sa itaas, siya’y kumilos na ng pagtatayo na pambuong bansa. (1 Ha. 9:10, 17-23; 2 Cron. 8:1-10) At dumating ang reyna ng Sheba ‘buhat sa kadulu-duluhan ng lupa upang makinig sa karunungan ni Salomon.’ (Mat. 12: 42; 1 Ha. 10:1-10; 2 Cron. 9:1-9, 12) Bumabangon ang tanong: Ano ba sa pinakamalapit na hinaharap ang kinabukasan ng mga lingkod ni Jehova sa lupa? Maghihintay tayo nang buong pagtitiwala, at titingnan natin.”
Ano ba ang nakikita ninyo ngayon, makalipas ang mga 46 na taon?
Kamangha-manghang Paglawak!
15. (a) Anong “reyna ng Sheba” ang lumitaw ngayon? (b) Anong pang-organisasyong mga kaayusan ang naglilingkod sa uring ito, at sa paano?
15 “Buhat sa kadulu-duluhan ng lupa” ang uring “reyna ng Sheba,” ang “mga ibang tupa” ng Panginoon, ay laksa-laksang nagsisilapit at nakikinig sa Hari, si Jesu-Kristo. Siya nga ay “lalong dakila kaysa kay Salomon.” Sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin”—ang grupo ng pinahirang mga Kristiyano na inurganisa at sinugo rito sa lupa ng Panginoon—siya’y may bangkete ng saganang espirituwal na pagkain. (Mateo 12:42; 24:45-47) At sa kasukdulan man ng Digmaang Pandaigdig II, lalong malawak na ipinahayag ng “alipin” na ito ang mabuting balita. Noong 1943 ay nagsimula na ang Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York, E.U.A. Kuwalipikadong mga ministro ang sinanay na maging mga misyonero, at tuwing anim na buwan mga isang daang graduwado ang sinusugo sa kadulu-duluhan ng lupa.
16. (a) Ano ang ipinakikita ng kalakip na tsart tungkol sa pagpapalawak sapol noong 1943? (b) Ano ang mga pagsulong noong nakalipas na sampung taon?
16 Pinagpala ba ni Jehova ang gawain ng kaniyang mga saksi? Ang tsart sa pahina 9, na nagpapakita ng isinulong ng bilang ng mga mamamahayag tuwing sampung taón sapol noong 1943, ang kasagutan. Interesado tayo lalo na sa sampung taóng nakalipas. Naganap dito ang pagsubok at pagbistay sa karapat-dapat, at ang ilang mga apostata ay nagsilabas sa organisasyon. Nguni’t naganap din ang pambuong daigdig na pagtatayo at reorganisasyon, at pagpapalakas sa mga kapatid para sa hinaharap na gawain. Sapagka’t kailangan ang higit pang pagtitipon sa mga “tupa” bago “gumuho ang mga lunsod.”—Isaias 6:11; ihambing ang Lucas 22:31, 32; Mateo 25:31-33.
17. Bakit ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay mayroon ngayong dahilan na magalak?
17 Noong 1983 kamangha-mangha ang bilis ng pagsulong ng gawaing pang-Kaharian. Sa buong lupa, sunud-sunod na mga bansa ang nag-ulat ng mga bagong peak o pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag sa larangan. Ang kahon sa pahina 10 ang nagpapatunay sa kagalakan ng mga kapatid sa ganitong pagsulong. Napakalaki ang pagsulong noong mga buwan ng tagsibol at tag-araw, kaya sa buong daigdig ay mayroon na ngayong peak na 2,652,323 mamamahayag—174,715 ang kahigitan kaysa peak noong 1982—sa 205 iba’t-ibang bansa. Ating pinupuri si Jah sa kaniyang pagpapalang ito!—Malakias 3:10; Deuteronomio 28:12, 13.
18. Ang ulat sa bautismo ay dapat magpasigla sa atin na gawin ang ano?
18 Anong laking kagalakan din na dumarami ang napababautismo bilang sagisag ng pag-aalay kay Jehova! Sa “Pagkakaisa ng Kaharian” na mga Pandistritong Kombensiyon sa 1983, maraming mga baguhan ang napasanib sa organisasyon ng Diyos. May 161,896 katao ang nabautismuhan noong 1983, 17-porcientong pagsulong kaysa naunang taon. Sana’y bigyan din tayo ni Jehova ng sagana sa ‘pangingisda at pangangaso’ sa buong 1984! (Jeremias 16:16) At pagkakita natin sa mga karapat-dapat, pakainin natin sila sa pamamagitan ng bihasang paggamit sa Salita ng Diyos, sa tulong ng dalawang pagkaiinam na mga aklat, ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at United in Worship of the Only True God.—Mateo 10:7, 11.
19. Ano ang ipinakikita ng 1983 Memoryal report?
19 Lubhang nakagagalak ang report sa Memoryal, ginanap sa gabi ng Marso 29, 1983, sa mga 46,235 kongregasyon sa buong lupa. Tanging 9,292 katao ang may makalangit na pag-asa na pinatunayan sa pakikibahagi nila sa mga emblema, samakatuwid “mga ibang tupa” ang lubhang karamihan nitong 6,767,707 na dumalo—514,920 ang kahigitan kaysa iniulat noong 1982. Anong daming taong maaamo ang interesado sa mga layunin ni Jehova sa Kaharian!
20. Anong atensiyon ang dapat nating ibigay ngayon sa mga baguhang nakikisama sa atin, pati sa mga inaktibo, at bakit?
20 Kinasihan ng espiritu ng Diyos si Haring David nang sabihin niya: “Ang maaamo ang siya mismong magmamay-ari ng lupa, at tunay na kanilang masusumpungan ang katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11; tingnan din ang Mateo 5:5.) Magpakasipag sana ang mga Saksi ni Jehova saanman sa pagtulong sa mga maaamo na nakikisama sa kanila, gaya baga ng mga nagsisidalo sa Memoryal, at ng mga dating kasama na naging inaktibo. Ang kanilang buhay ay mahalaga kay Jehova. (Mateo 18:14) Upang makaligtas sa malaking kapighatian, sila ngayon ay kailangang ‘maglaba ng kanilang kasuotan, at paputiin iyon sa dugo ng Kordero,’ at panatilihin iyon na maputi. Harinawang ang mga nasa “malaking pulutong” ay patuloy na dumami samantalang parami nang paraming maaamo ang nagigising at nagpapakilalang sila’y nag-alay na mga lingkod ni Jehova at nakikibahaging may kagalakan sa ‘paghahayag ng mabuting balita ng lalong mabuting bagay.’-Apocalipsis 7:9, 14.
Ano ang sagot mo?
□ Ano ba ang mahalagang katuparan sa modernong panahon ng Isaias 52:1, 2?
□ Papaanong ang Isaias 52:5-7 ay natutupad sa mga mamamahayag ng Kaharian?
□ Papaano inihanda ni Jehova ang kaniyang bayan para sa hinaharap na pagpapalawak?
□ Ano ang patotoo ng pagpapala ni Jehova sa lumipas na sampu-sampong taon, at lalo na noong 1983?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 10]
Ito ang patotoo ng pagsulong ayon sa 1983 report buhat sa mga sangay ng Watch Tower:
▪ Canada: Maraming peak, pati 77,003 mamamahayag, 13-porcientong pagsulong sa dating aberids.
▪ Chile: Agosto, ang bagong all-time peak ng mamamahayag ay 21,344, 25-porcientong pagsulong; 70,522 ang dumalo sa Memoryal.
▪ El Salvador: Mula Enero hanggang Agosto sunud-sunod ang mga bagong peak na mamamahayag, 12,008 ang nag-ulat, 25-porcientong pagsulong, at 44,967 ang dumalo sa Memoryal.
▪ Ireland: May bagong peak na 2,215 mamamahayag noong Agosto; ang 127 nabautismuhan ay 17-porcientong pagsulong.
▪ Israel: Ang all-time peak ng 297 mamamahayag noong Abril ay 14-porcientong pagsulong.
▪ Pilipinas: Pagkatapos ng mga pandistritong kombensiyon ng 1982, ang 60,000 ay naging mahigit na 70,000 mamamahayag.
▪ Sri Lanka: May limang sunud-sunod na peak ng mamamahayag, at all-time peak na 764 noong Mayo—14-porcientong pagsulong.
▪ Isang bansa sa Aprika na binawalan: Ang 125,430 dumalo sa Memoryal ay mga dalawa at kalahating beses ang dami sa katamtamang bilang ng mga mamamahayag.
[Graph sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Paglago ng Kaharian sa Sampung-Taóng Pagitan
Katamtamang Bilang ng Mamamahayag na Nag-uulat
1943 109,794
1953 468,106 Paglago: 358,312
1963 956,648 Paglago: 488,542
1973 956,648 Paglago: 488,542
1983 2,501,722 Paglago: 845,049