Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
‘Walang Sekso’ na Bibliya
“Sapagka’t ganiyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay ng Diyos ang tanging Anak ng Diyos, upang sinumang sumampalataya sa Anak ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kakatuwa marahil ang saling iyan. Nguni’t iyan ang pagkasalin sa Juan 3:16 sa The Inclusive Language Lectionary, isang 192-pahinang salin ng mga sitas sa Bibliya na inilabas ng National Council of Churches.
Ayon sa introduksiyon, “ang Diyos ay binabanggit na walang sekso.” Ang mambabasa ay “hindi nalilito sa panghalip na ginagamit” dahil sa ang ginagamit ay “ang Diyos na aking Ama at Ina” para sa “Ama,” “Anak” para sa “Son,” “Soberano” para sa “Panginoon,” at iba pa. Ganito ang panalangin ni Jesus: “Diyos na aking Ina at Ama, sumapit na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang luwalhatiin ka naman ng iyong nak.”—Juan 17:1.
Ang Princeton Theological Seminary propesor Bruce Metzger ay nagsabi: “Ang paliwanag na walang kasarian ang Diyos ay gawain ng educador ng relihiyon, hindi ng tagapagsalin ng Bibliya.” Ang ginawa ng bagong lectionary ay “tulad ng isinulat na panibago ang Bibliya,” aniya. Maliwanag, para tangkilikin ang women’s liberation movement (at pati ang ordinasyon ng mga babae), minabuti ng National Council of Churches na baguhin ang Salita ng Diyos.
Ang mga Fariseo at eskriba noong panahon ni Jesus ay mayroong kanilang sariling kuru-kuro at tinatangkilik, na nagpapawalang-kabuluhan sa Salita ng Diyos. Sa kanila’y sinabi ni Jesus, “Inyong niwalang-halaga ang salita ng Diyos dahilan sa inyong sali’t-saling-sabi.” Ganiyan din ang ginagawa ng modernong mga “Fariseo.” Subali’t ang kanilang pagsamba ay hindi kinalulugdan ng Diyos gaya rin ng sa sinaunang mga Fariseo na sinabihan ni Jesus: “Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba [sa Diyos], sapagka’t ang mga turo ng tao ang itinuturo nila.“—Mateo 15:6, 9.
“Nasa Kagusutan”
Labindalawang taon matapos ilathala ang report na “The Limits of Growth,” ano ang sabi ng bantog na Club of Rome tungkol sa hinaharap?
“Sapol noon, lahat ng bagay sa sanlibutan ay lumubha maliban sa isa: ang pagkaunawa ng tao,” ang sabi ng pangulo nito, si Aurelio Peccei. “Naiintindihan ngayon ng mga tao na tayo ay nasa kagusutan.” Maraming bagay ang magpapaunawa sa mga tao na tayo ay nasa kagusutan. Ani Mr. Peccei: “Napakalubha ang kalagayan—ang paligid, kapayapaan at digmaan, kawalang hanapbuhay, ang lipunan at sa mga minamahalaga.” Inaakala niyang “taglay natin ang lahat upang ituwid ito,” nguni’t nababahala siya na totoong nagtitiwala ang mga tao sa sinasabi ng Club. “Inaakala nilang kami’y lalong matalino, lalong maimpluwensiya, lalong nakakaalam ng higit na mga bagay na ang totoo’y hindi naman.”
May Isa na mapagtitiwalaan natin. Sino? “Ang isa na nagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula, at mula noong unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; ang Isang nagsasabi, ‘Ang aking sariling payo ay tatayo, at gagawin ko ang aking buong kaluguran.’” Ang Isang ito, si Jehovang-Diyos, ay naghanda ng magandang kinabukasan para sa tao. “Narito!” aniya, “ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Isaias 46:10; Apocalipsis 21:5.