Ano Na ang Nangyari sa Pagtatapat?
Ano Na ang Nangyari sa Pagtatapat?
MAY isang bahay-kalakal sa Estados Unidos na nagsara. Mahigit na 60 taon na ito’y nagbebenta ng mga punlang binhi. Ang mga ahente’y mga batang lalaki at mga batang babae na basta susulat para padalhan sila ng mga binhi, pagkatapos ay ipagbibili nila sa kanilang mga kalapit-bahay at ang isang bahagi ng halagang pinagbilhan ay ipadadala nila sa bahay-kalakal. Bakit nagsara ang bahay-kalakal na iyon? Sapagka’t ang mga batang-ahente ay magdaraya. Napakarami sa kanila ang hindi na nagsauli ng mga binhi o dili kaya’y ibinulsa na lamang nila ang kuwartang napagbilhan ng mga binhi.
Ano ang masasabi mo tungkol sa bagay na isang bahay-kalakal na umaasa sa pagkamatapat ng mga bata ay makapangangalakal nang may 60 taon subali’t ngayon ay napilitang magsara? Waring ang mga bata ay hindi na mapagtapat ngayon na gaya noong dati, di ba? Subali’t, hindi lamang ang mga bata ang magdaraya. Natatandaan pa ng mga taong may edad—edad na ang panahon noon na kanilang naiiwanang di nakakandado ang harapang pinto ng kanilang bahay, o naiiwanan nila sa bangketa ang kanilang bisikleta at hindi ninanakaw iyon. Sa karamihan ng lugar ay hindi na ganiyan ngayon.
Sa isang surbey na isinagawa ng magasing Psychology Today, karamihan ng libu-libong nagsitugon ay umamin na sila’y nagkasala nang bahagya o nang grabe na pandaraya. May nubentay-tres porciento ang umamin na sila’y manakanakang nagmamaneho nang mas matulin kaysa ipinahihintulot ng batas. Animnapu’t-walong porciento ang nang-umit ng mga gamit sa opisina o ng iba pang materyales. Animnapu’t-pitong porciento ang nandaya sa mga eksamen o mga asainment sa paaralan kung posible nilang gawin iyon. Apatnapu’t-limang porciento ang nandaya sa kani-kanilang asawa. At marami ang nandaya sa kanilang buwis na may kinalaman sa kanilang kinikita, sa pagpapasok ng kalakal na dapat ibuwis sa aduwana, sa paggamit ng telepono ng kompanya sa mga long-distance calls o sa pagpapasok ng kuwenta ng kanilang nagastos.
Bakit May Pandaraya?
Bumanggit iyon ng maraming dahilan ng pandaraya. Narito ang ilan.
Halimbawang ipinakikita ng mga magulang: Nang ang binanggit na bahay-kalakal
ay sumulat sa mga magulang ng mga bata na hindi nag-entrega ng kuwartang pinagbilhan, kadalasa’y tumatanggap sila ng liham na ganito ang diwa: ‘Isa kayong malaking kompanya, hindi na ninyo kailangan ang kuwartang iyon at pinagsasamantalahan lamang ninyo ang aking anak.’ Madaling makita kung bakit ang mga batang iyon ay natutong mandaya.Dahilan sa madali iyon: Sa pagtugon sa binanggit na surbey isang mag-aaral ang sumulat: “Hindi nawawala ang panghihikayat na daigin ang iba upang makakuha ka ng matataas na marka, at kahit handa ako sa isang eksamen, baka magdaya rin ako. . . . Ang mga estudyante ay lantarang nagdaraya at kahit nahahalata ay maraming guro ang nagwawalang-bahala roon. Sa madaling-sabi: ako’y nagdaraya sapagka’t nakakalusot naman.”
Karalitaan: Oo, ang karalitaan—o ang pangamba sa karalitaan—ang umaakay tungo sa maraming pagnanakaw at pandaraya, bagaman karamihan ng tao ay waring higit na mapagtapat noong mga taon ng Krisis bago magdigmaan bagaman noo’y laganap ang karalitaan. At maraming taong magdaraya ang hindi naman mga maralita. Halimbawa ay yaong isang kaso sa Hapon. Isang grupo ng mga lalaki ang natuklasan na nagdaraya sa isang kompanya ng perokaril. Sila’y nakatuklas ng paraan upang makamenos ng pasahe pagbibiyahe nilang pauwi pagkatapos ng maghapong paglalaro ng golf. Sila ba’y nagdaya dahilan sa karalitaan? Hindi. Isa sa mga nagdaya ay presidente ng isang kompanya!
Kasakiman: Isang kolumnista ng pahayagan ang sumulat: “Ang hubad na pagkagahamang ito sa salapi ang sanhi ng karamihan ng mga problema sa moral ng bansa.“
Masamang halimbawa: Ang kolumnista ring ito ay sumulat: “Malasin ninyo, kung ibig ninyo, ang ating mga lider. Ang ating mga Kongresista, sa pamamagitan ng mga pondong pansuhol sa mga pinunong-bayan at sarisaring ‘pabuya,’ ay humihinto sa kanilang tinatawag na ‘paglilingkod-bayan’ nang may pangit na kayamanan, pagkalalaking pension. At komusta naman ang ating mga kapitan ng industriya? Umiiral pa hangga ngayon ang robber baron. Halos walang corporate prince na hindi nagkasalapi sa pamamagitan ng pang-eengganyo sa Amerika.”
Isang kapaligiran ng pandaraya: Isang report sa Newsweek magasin ang nagsasabi: “Marami sa mga Amerikanong nagririklamo tungkol sa mga kriminal na white-collar [mga empleadong nagnanakaw sa kanilang amo] ang mga magnanakaw din. Ang mga dukhang Amerikano ay nagdaraya sa welfare system at ang mga kabilang naman sa middle class at upper income ay parehong nagdaraya sa kuwenta ng kanilang gastos at ang turing dito’y ‘swindle sheets’ at pinaliliit nila ang report ng kanilang mga kita na dapat ibuwis sa Internal Revenue Service. ‘Sa lipunang ito, lahat ay may bahagi.’”
Anuman ang mga sanhi, ikaw, ano ang palagay mo tungkol sa pandaraya? Matutuwa ka ba na ikaw ay pagsinungalingan o dayain? Natutuwa ka ba na magbayad ng mas mataas na premium sa seguro dahil sa dapat matakpan ang ninanakaw rito, o ng mas matataas na presyo para matakpan ang halaga ng mga ninakaw na kalakal? Papayag ka ba na dayain ka ng iyong asawa? Marahil ay hindi. Subali’t ito ang nangyayari ngayon, at lahat tayo ay apektado paanu’t-paanuman. Sa ganiyang daigdig, sino ang mapagtitiwalaan mo? Ganito ba ang kailangang mangyari?