Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ating “Pagkakaisa ng Kaharian” na Kombensiyon—Bakit ‘ang Pinakamagaling Hangga Ngayon!’

Ating “Pagkakaisa ng Kaharian” na Kombensiyon—Bakit ‘ang Pinakamagaling Hangga Ngayon!’

Ating “Pagkakaisa ng Kaharian” na Kombensiyon—Bakit ‘ang Pinakamagaling Hangga Ngayon!’

ANG pang-Kahariang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova—anong laki ng ipinagkakaiba nito sa baha-bahaging matandang sanlibutang ito! Bagaman ang mga lingkod ni Jehova ay mahigit na 2,650,000 sa mahigit na 200 lupain, sila’y nagkakaisa sa banal na paglilingkod sa Diyos sa ilalim ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Totoo, ang mga Saksi ay nagsasalita ng maraming wika. Subali’t sila’y may iisang “dalisay na wika” kung kaya’t sila’y nagkakaisang “balikatan” na naglilingkod sa Diyos na Jehova.—Zefanias 3:9.

Isang mariing patotoo sa pagkakaisa ng mga lingkod ni Jehova ang apat-na-araw na “Pagkakaisa ng Kaharian” na Pandistritong mga Kombensiyon. Ang tema ng pagkakaisa ng Kaharian ay itinampok dito sa apat na paraan: (1) May mga pahayag na tungkol sa temang pagkakaisa ng Kaharian; (2) may mga bahagi sa programa, gaya baga ng pahayag sa bautismo at ng mga drama sa Bibliya, na nagdiin sa pagkakaisa; (3) ang mga pag-uulat ng mga misyonero ay nagtampok sa temang ito; at (4) karamihan ng kombensiyon ay ikinatnig sa mga pangunahing lunsod sa pamamagitan ng katnig-katnig na mga linya ng telepono para sa mga ilang pahayag ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, noong Hulyo 7-10, 1983, sa pamamagitan nito 48 mga kombensiyon ang pinagkatnig-katnig sa Estados Unidos, Canada, Bermuda at Hawaii—isang pambihirang pagtatanghal ng pagkakaisa ng Kaharian!

Kailanma’y ngayon lamang tumanggap ang Watch Tower Society ng ganiyang pagkarami-raming liham tungkol sa isang kombensiyon. Kapuwa ang mga bata at ang matatanda ay nasiyahan sa nakagagalak-puso at nakapagpapatibay-pananampalatayang programa at ganito ang komento nila: “Ang payo ay simple at malinaw, ang talagang kinakailangan.” ‘Isang piging ng matatabang bagay.’ “Salamat po sa inyong pagpapatibay-loob sa amin na magpakalapit-lapit ng kaugnayan sa ating makalangit na Ama at magkaisa-isa sa dalisay na pagsamba.” Malimit higit kailanman na maririnig na bumubulalas ang mga kombensiyonista: ‘Ang pinakamagaling hangga ngayon!”

Mga Magkakamanggagawa Ukol sa Kaharian ng Diyos

Magmula sa unang araw, taglay ang binanggit nang tema, talagang may katuwiran ang pagpapahayag ng pagpapahalaga sa kombensiyon. Sa pambungad na pahayag, lahat ng naroroon ay hinimok na makinig nang puspusan, unawain ang kanilang naririnig at ikapit ang payo. Ang pahayag ng chairman, “Tayo’y mga Panauhin ni Jehova, ang Diyos ng Pagkakaisa,” ay nagtampok ng payo na puspusang pahalagahan ang lahat ng espirituwal na pagkain sa kombensiyon. Upang maging mga panauhin ng Diyos kailangang tupdin natin ang ating ipinangako at huwag magsasalita o gagawa ng anuman na makasisira sa ating mga kapananampalataya. (Awit 15) Sa bahaging “Patotoo ng Ilang Matagal Nang mga Panauhin” anong laking kagalakan ang marinig ang karanasan ng ilan na naging ‘mga panauhin’ ni Jehova nang may 60 taon o higit pa! Tiyak na masasabi nilang pinagpapala at inaalalayan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod.

Susunod, ang mga lingkod ni Jehova ay hinimok na “Patuloy na Mangaral ng Kaharian.” Kabilang sa mahigpit na mga dahilan ay: Ang pangangaral ng Kaharian ay bahagi ng “tanda” na ibinigay ni Jesus, hinahatulan ang mga tao batay sa kanilang pagtugon sa mensahe, at maliban sa tayo’y patuloy na mangaral ay manlalabo sa atin ang suliranin tungkol sa Kaharian. (Mateo 24:3, 14) Ang sunud-sunod na mga demonstrasyon ay nagpakita kung paano mabisang masasagot natin ang mga tanong na napapaharap sa atin sa ministeryo. At isang nakagagalak na sorpresa nang ilabas ang Kingdom News No. 32, na pinamagatang “Isang Nagkakaisang, Maligayang Pamilya. Ano ang Susi?” Ang sabik na mga kombensiyonista ay kumuha ng kanilang gagamitin, at ginamit ito ng marami sa kanilang paglilingkod sa larangan nang mismong hapon na iyon.

Mahalaga ang patalastas noong ipahayag ang paksang “Ang Musika na Pumupuri kay Jehova.” Ang Samahan ay naghahanda ng isang bagong aklat-awitan, na ilalabas sa malapit na hinaharap! Lalong kapana-panabik ito sapagka’t 17 taon na ang lumipas mula ng tanggapin ng mga Saksi ni Jehova ang huling ginagamit nila. May mga nota para sa gitara sa 225 mga awit sa bagong aklat, at ilalathala ito sa malaki at sa maliit na edisyon. Tatlong grupo ng himig ang pinatugtog bilang mga sampol, at lahat ng musikang narinig bago magsimula ang sesyon sa umaga at sa hapon araw-araw ay narito sa bagong aklat-awitan.

Lubos na Pagkakaisa sa Iisang Takbo ng Kaisipan

Iyan ang tema ng kombensiyon noong ikalawang araw at itinuon ang pansin sa ating pangkongregasyong mga responsabilidad at mga obligasyon sa pamilya. Ang pahayag na “Nagkakaisang Tumutulad sa Tapat na mga Tagapangasiwa” ay nagdiin na kailangang tularan ang matibay na pananampalataya, walang-imbot na pag-ibig at matinding sigasig ng maiinam na matatanda. (2 Tesalonica 3:7-9) Sa isa namang pahayag ay napatimo sa mga ministeryal na lingkod na sila’y kailangang makatugon sa tiyak na mga kahilingan. Ang mga kongregasyon ay kumikilos nang mahusay pagka ang mga lalaking ito ay naglilingkod nang may kababaang-loob sa mainam na paraan, at lahat ng kapurihan ay napapatungo sa Diyos na Jehova.

Sa pahayag na “Ang Bahagi Natin sa Pagsuporta sa Kongregasyon” ay pinatunayan na depende sa atin ang espiritung umiiral sa kongregasyon. Paano natin masusuportahan ito? Aba, halimbawa’y sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga ipinasiya ng hukumang komite ng matanda, pagtustos sa Kingdom Hall at lubusang pakikibahagi sa gawaing pagpapatoo! Bilang pantulong sa atin sa ministeryo, anong inam na magagamit natin ang bagong kalalabas na munting aklat! Oo, ang Good News for All Nations, isang pulyeto na may patotoo sa 59 na Wika, ay malaking tulong sa ating pangangaral ng Kaharian.

At nariyan ang drama na “Pagpapanatili ng Pagkakaisa ng Pamilya.” Inantig nito ang damdamin ng lahat, at marami ang napaiyak. Mabisang ipinakita ng dramang ito ang pangangailangan ng matalik na pakikipagtalastasan ng mga magulang sa kanilang mga anak! Hindi ba napakintal sa atin na kailangang maunawaan ng mga magulang kung ano ang kaisipan at damdamin ng kanilang mga anak tungkol sa mga bagay-bagay?

Anong inam na payo ang taglay ng pahayag na “Magpatibayan sa Isa’t-isa Habang Lumalapit ang Araw”! Huwag tayong padadala sa Diyablo, na nagsisikap pahinain ang ating loob upang tayo’y huminto. Lahat tayo’y magsikap na magpatibay-loob sa isa’t-isa. Makapagdudulot tayo ng kagalakan at kaaliwan sa pamamagitan ng mga komentong maingat na pinag-isipan at nakapagpapalakas-loob, tuwiran o sa pamamagitan ng mga liham o ng tawag sa telepono.

Ngayon, ang pamilya ay sinasalakay ng Diyablo at ng kaniyang sanlibutan. Malaking tulong ang tatlong pahayag tungkol sa pamilya. Ang una’y tumalakay na ang mga mag-aanak ay dapat mag-aral na sama-sama, umupong sama-sama sa Kingdom Hall at makibahaging sama-sama sa paglilingkod sa larangan. Sa ikalawang pahayag, naunawaan ng mga magulang na kailangan ang kapaligiran sa tahanan na may pananampalataya at pag-iibigan. Oo, at maaga sa buhay ng kanilang mga anak ay kailangang magtakda ang mga magulang ng maiinam na tunguhin na tulad halimbawa ng Bethel at pagmimisyonero. Sa ikatlong pahayag, “Mga Kabataan Itaguyod ang mga Prinsipyong Kristiyano sa Paaralan,” ang ating mga kabataan ay hinimok na ipaalam sa iba na sila’y mga Saksi ni Jehova at nagtataguyod ng mga prinsipyo ng Bibliya. Niliwanag na ang makasanlibutang mga kapistahang relihiyoso ay hindi para sa mga kabataang Kristiyano, pati yaong pang-ubos-panahong mga aktibidades na hindi bahagi ng kurikulum.

Ang pahayag na “Kung Paano Tayo Pinapanatili ni Jehova sa Pagkakaisa” ay nagdiin sa bahagi na ginagampanan ng patuloy na lumalaganap na espirituwal na liwanag sa pagkakaisa ng bayan ni Jehova. Sa karamihan ng bansa dalawang matatandang kapatid ang kinapanayam. Sila’y bumanggit ng mga paraan ng kung paano iningatan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa gitna ng pag-uusig at sila’y pinapanatiling malinis sa espirituwal at nagkakaisa-isa sa lahat ng panahon. Masasabi pa rin na sa Estados Unidos at sa Canada ang bahaging ito ng programa ay may itinampok na bago, ang Kingdom Hall Fund ng Society. Sa katapusan ng pahayag na ito ay may resolusyon na iniharap at masiglang pinagtibay. Dito sa “Deklarasyon ng Pagkakaisa,” ipinahayag ng mga Saksi ni Jehova na sila’y mananatiling nagkakaisa, namumuhay nang nararapat at patuloy na mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

Sa pinaka-temang pahayag, “Ang Pagkakaisa ng Kaharian ay Isang Katunayan Ngayon,” tinalakay ang pagkakaiba ng baha-bahaging sanlibutan ni Satanas at ng nagkakaisa-isang mga lingkod ni Jehova. Sa katapusan ng pahayag, inilabas sa madla ang magandang broshur na School and Jehovah’s Witnesses. Lubusang tinatalakay dito ang mga tanong na maaaring bumangon sa paaralan dahilan sa tayo’y mga Saksi, kaya ito’y isang malaking tulong at pagpapala.

Ang katapusang pahayag sa araw na iyon ay hindi nagtipid ng mga salita sa pagpapaliwanag tungkol sa patibong na kinahulugan ng mga ilang lingkod ng Diyos. Ang pahayag na ito, na pinamagatang “Mag-ingat Laban sa Kasakiman sa Isang Materyalistikong Sanlibutan,” ay tumalakay sa mga panganib na dulot ng kasakiman at ipinakita na mayroong mga natiwalag dahil sa pandaraya na nakapinsala sa iba sa kanilang kabuhayan.

Pagtupad ng Pagkakaisa sa Espiritu

Ito ang tema noong ikatlong araw. Ang isang paraan ng pagtupad ng pagkakaisa sa espiritu ay ang pagkilos na kasuwato ng pahayag na “Manalangin Ukol sa Isa’t-Isa.” Halimbawa, maaari nating ipanalangin na ang mga nangunguna sa gawain ay mabigyan sana ng karunungan at patibayin sana ng espiritu ng Diyos ang ating pinag-uusig na mga kapatid. Hindi baga tayo lalong nagkakalapit-lapit sa pagkakaisa sa gayong pananalangin ukol sa isa’t-isa at sa pagkatanto na tayo’y ipinapanalangin ng ating mga kapananampalataya?

May iniharap na mahahalagang tanong ang pahayag na “Ang Iyo Bang Kinabukasan ay Itinatayo Mo na Kaalinsabay ng Organisasyon ng Diyos?” Sinabing pagkalinaw-linaw na ang sanlibutang ito ay walang kinabukasan. Oo, ang pinakamagaling upang makapagtayo para sa kinabukasan ay lumahok ka sa buong-panahong ministeryo, sapagka’t tayo’y nasasangkapan nito nang buong husay para sa paglilingkod sa bagong sistema ng mga bagay. Natural, kasangkot din dito ang “Pagtatakda at Pag-abot sa Karapat-Dapat na mga Tunguhin.” Ipinakita ng pahayag na ito na tayo’y makapagtatakda ng pangmadaliang mga tunguhin sa pag-aaral, pakikibahagi sa mga pulong, paglilingkod sa larangan, at iba pa. At siempre, ang pangmatagalang tunguhin na dapat nating pagsikapang maabot ay ang buhay na walang hanggan. Ang nakagagalak na pahayag sa bautismo na tumapos ng sesyon sa umaga ay may pantanging kahulugan sa mga nakarating na sa tunguhin na pag-aalay ng sarili sa Diyos na Jehova.

“Konsintidor Ka ba sa Lihim na Pagkakasala?” Anong bisa ng pahayag na ito na akayin tayong mag-isip! Ipinakita na nakikita man tayo o hindi ng mga tao, tayo ay nakikita ng Diyos at ginaganti niya ang ating katapatan. Tinalakay lalung-lalo na ang lihim na kasalanang masturbasyon, alkoholismo at pagpayag sa pagpapasalin ng dugo sapagka’t pinangakuan ka na ililihim ang kasalanang ito. Subali’t ang resulta ng lahat na iyan ay isang masamang budhi at ang hindi pagsang-ayon sa iyo ni Jehova.

“Ano ang Kaibahan Natin sa Sanlibutan?” ay isang matalim na pahayag na pumukaw sa marami upang magpahayag ng kanilang pagsang-ayon. Ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang mapaiba sa sanlibutan, sapagka’t ito’y kontrolado ni Satanas at ng mga demonyo! Sa anu-anong ilang paraan tayo dapat na mapaiba? Aba, di sa ating pagkakilala sa makasanlibutang edukasyon at sa pagkita ng maraming salapi, sa pinipili nating libangan at sa ating pananamit at pag-aayos! Mahalaga nga ang babala ng alagad na si Santiago na kahit lamang sa ating pagnanais na maging mga kaibigan ng sanlibutan ay nagiging mga kaaway tayo ng Diyos.—Santiago 4:4.

Ang isa pang tampok ay “Ang Paaralang Gilead—Ang mga Nagawa Na Nito (1943-1983).” Ang pahayag na ito, sa ika-40 anibersaryo ng Gilead, ay nagsiwalat na karamihan ng mahigit na 6,000 estudyante ng paaralan ay naidistino sa mahigit na isang daang bansa. Ang mga misyonerong iyon ang mga unang Saksi na nangaral ng mensahe ng Kaharian sa ilan sa mga bansang ito. Kawili-wiling pakinggan ang mga karanasan ng mga misyonero, patotoo na ang paglilingkod na ito’y isang proteksiyon, pumupukaw ng pag-ibig sa mga tao at talagang kasiya-siya.

Ang isang pahayag sa katnig-katnig na mga linya ng telepono ay “Ang Mabuting Pastol at ang Kaniyang Dalawang Kulungan.” Nilinaw nito ang punto na ang Juan 10:1-6 ay tumutukoy sa kulungan na tinutukoy sa tipang Kautusan, samantalang ang Juan 10:7-16 ay tungkol sa kulungan na tinutukoy sa bagong tipan. Lalo na sapol noong 1935 ang “mga ibang tupa” ay may kagalakang naglilingkod kasama ng mga nasa kulungan na tinutukoy sa bagong tipan bilang isang kawan sa ilalim ng “mabuting pastol,” si Jesu-Kristo.

Ang isa pang kakatnig na pahayag ay “Nagkakaisa sa Pagsamba sa Tanging Tunay na Diyos.” Sa bahaging ito ng programa, labis-labis ang kagalakan ng mga kombensiyonista nang ilabas ang isang aklat (sa Ingles) na may ganiyang titulo. Ito’y inihanda lalo na para gamitin sa kongregasyon at bilang pangalawang aklat-aralan para sa mga kababautismo lamang o malapit nang bautismuhan, at tinatalakay ang mga salik sa pagkakaisa, na tulad baga ng Salita ng Diyos, “ang tapat at maingat na alipin,” at ang nagkakaisang pagsamba kay Jehova.—Mateo 24:45-47.

Nagkakaisang Pagluwalhati sa Diyos

Anong pagkaangkup-angkop ng pang-apat na araw na temang ito sa layon ng “Pagkakaisa ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon! Pupukawin kang mag-isip ng pahayag na “Ang Hamon ng Pagkamaygulang—Natutugunan Mo Ba?” Malinaw na ipinakitang kung tayo’y maygulang ay magiging masigasig tayo ng pagtuturo sa iba at ng pagkakapit sa ating buhay ng mga katotohanan ng Bibliya. Lubhang pinahalagahan din ang pahayag na “Mga Pagpapala ng Pagkakaisa ng Kaharian na Inihula.” Ang pagtalakay na ito tungkol sa Isaias kabanata 32 ay sinundan ng paglalabas sa madla ng Kingdom Melodies No. 4, isang cassette ng mga ilang kahanga-hangang musika sa bagong aklat-awitan.

Ang temang pagkakaisa ay nagpatuloy samantalang nawiwili ang mga kombensiyonista ng panonood ng drama sa Bibliya na “May Pagkakaisang Tinatapos ang Gawain ng Diyos sa Kabila ng Pananalansang.” Sa kabila ng mahigpit na pananalansang, si Nehemias at ang kaniyang mga kapuwa Judio ay naglakas-loob ng muling pagtatayo sa mga pader ng Jerusalem. Sa ganito rin, ang mga mananalansang ay hindi nagtagumpay sa pagpapahinto sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Ang pahayag pangmadla na “Sino ang mga Nagkakaisa sa Nag-aaway-away na Sanlibutang Ito?” ay hindi nag-iwan ng bahagya mang alinlangan na ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nagkakaisa ngayon. Tinalakay nito ang nauukol na mga talata sa Kasulatan, ang mga sinipi at ang mahusay na argumentasyon, kaya naman ang nakakakumbinsing presentasyong ito ang marahil isa pang dahilan kung bakit marami ang nakadama na ito na ang pinakamagaling na kombensiyon hangga ngayon.

Ang kasunod ay napakahusay na payo, na ang mga lingkod ni Jehova ay “Magtaglay ng Marubdob na Pag-ibig sa Isa’t-Isa” na talagang kailangan kung nais nating lahat na makarating sa Bagong Kaayusan. Isa pa, kailangang manatili ang pagkakaisa sa Kaharian gaya ng idiniriin sa pangkatapusang pahayag, “Nagkakaisang Patuloy na Humiyaw sa Kagalakan.”

Ang Bunga ng Pagkakaisa ng Kaharian

Tiyak na natatalos mo na kung bakit napakarami ang naniniwalang ang “Pagkakaisa ng Kaharian” na kombensiyon ang pinakamagaling hangga ngayon. Subali’t gaano bang kabisa ang programa?

Isang kabataan ang may planong mag-aral sa unibersidad, nguni’t nagbago siya ng isip pagkatapos marinig ang pahayag tungkol sa pagtatayo ng iyong kinabukasan kaalinsabay ng organisasyon ni Jehova. Ang kabataang ito ay nagbabalak ngayon na gawing karera niya ang buong-panahong pangangaral bilang isang payunir.

Dalawang elder na Kristiyano ang may sabi na ang programa sa kombensiyong ito ang gumanyak sa kanila na magpasiyang ipagbili ang kani-kanilang tahanan at mga negosyo para magamit sila sa lalong maraming pribilehiyo sa paglilingkod. At isang may-edad nang tagapangasiwa ang nakasumpong ng lalong malaking kagalakan sa buhay sapagka’t ngayon ay lalong listo siya na samantalahin ang mga pagkakataon upang magpatibay-loob sa iba.

Ang kombensiyong ito ay lalong nagpapalawak sa ating pagkaunawa at pagpapahalaga sa pagkakaisa ng Kaharian. Ito’y nakita sa mga aktibidades ng mga lingkod ni Jehova sa apat na araw ng masayang asamblea. Ngayon, lahat sana tayo ay magbigay ng kapani-paniwalang ebidensiya na tayo’y nangagkakaisa sa baha-bahagi at mamamatay nang sanlibutang ito. Taglay ang pagkakaisa, harinawang lahat ng tapat na mga saksi ni Jehova ay magpatuloy ng pagluwalhati sa walang katulad na Diyos ng pagkakaisa sa Kaharian.

[Chart sa pahina 28]

SILA’Y NAGTIPON SA PAGKAKAISA SA KAHARIAN

Kabuuang Bilang ng

Dumalo Nabautismuhan

Norte

Amerika 1,247,617 12,092

Europa 709,765 10,620

Dulong

Silangan 246,358 4,664

Bagaman hindi pa kompleto, ipinakikita nito na pagkarami-rami ang nakinabang sa “Pagkakaisa ng Kaharian“ na mga kombensiyon

[Larawan sa pahina 24]

Si F. W. Franz, presidente ng Watch Tower Society, nagpapahayag sa mga tagapakinig sa kombensiyon

[Larawan sa pahina 25]

Ang bagong aklat-aralan na “United in Worship of the Only True God” ay inilalabas sa madla ni M. G. Henschel ng Lupong Tagapamahala

[Larawan sa pahina 26]

Sa dramang “Pagpapanatili ng Pagkakaisa ng Pamilya” ay itinampok na kailangan ang matalik na pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak

[Larawan sa pahina 27]

Hindi mapahihinto ng mga mananalansang ang aktibidades ng mga lingkod ni Jehova, gaya ng ipinakita sa dramang “May Pagkakaisang Tinatapos ang Gawain ng Diyos sa Kabila ng Pananalansang”

[Larawan sa pahina 28]

Ang iba sa 52 misyonero buhat sa 19 na mga bansa na dumalo sa “Pagkakaisa ng Kaharian” na kombensiyon sa London, Inglatera