Kahinhinang Kristiyano—Patotoo ng Karunungan
Kahinhinang Kristiyano—Patotoo ng Karunungan
“Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na awa na ibinigay sa akin ay sinasabi ko sa bawa’t isa riyan sa inyo na huwag mag-isip sa kaniyang sarili nang totoong matayog kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip ayon sa isang matinong kaisipan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawa’t isa.”—Roma 12.3.
1. Anong mga bagay ang nagpapakita na ang kahinhinan ay hindi pinahahalagahan ngayon?
IILAN nga lamang ngayon ang nagpapahalaga sa kahinhinan at makikitaan nito! Panahon ito ng mapait na pagkakamagkakaribal at sukdulang pagkukompetensiya. Ang mga lahi, bansa, tribo (mga angkan), korporasyon at indibiduwal sa daigdig ay pawang naghahangad na maging pinakamagagaling, nasa pinakamataas. Walang may ibig na maging mahinhin. Apektado na rin ng kaisipang ito ang pamilya, at makikita ito sa paghihimagsik ng kabataan at sa kilusan ng mga babae para sa kalayaan.
2. Bakit ang saloobin ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa kahinhinan ay hindi kailangang katulad ng sa sanlibutan?
2 Subali’t ang lakad ng sanlibutan ay hindi lakad ng mga tunay na Kristiyano. Hindi, sapagka’t kinikilala ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang obligasyon na tularan ang pinakadakilang halimbawa ng kahinhinan na nasaksihan kailanman ng sanlibutang ito—si Jesu-Kristo, na Anak ng Diyos. Ang halimbawa ng kahinhinan ni Jesus ay nang kaniyang sabihin: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng anuman kung sa ganang sarili niya.” “Bakit ninyo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Juan 5:19; Lucas 18:19) Oo, lahat ng maingat na sumusunod sa yapak ni Jesu-Kristo ay kailangang makitaan ng kahinhinan. Subali’t, sila’y makikinabang at mapatutunayan nila na ang kahinhinang Kristiyano ay kasiya-siya at talagang patotoo ng karunungan.
3. Sa anu-anong kahulugan karaniwang ginagamit ang terminong kahinhinan?
3 Ang terminong “kahinhinan” ay maaaring mangahulugan ng “limitado ang laki, dami o lawak.” O maaaring tumutukoy sa isang may kalinisan, dahilan sa iyon ay “walang kagaspangan, kahinaan, o kalaswaan.” At, maaaring ito’y tumutukoy din sa “pagkaalam ng isa ng kaniyang mga limitasyon,” o “kawalang pagmamapuri o pagpapalalo.” a Kinasihan si apostol Pablo na ipayo niya sa kaniyang mga kapananampalataya na magpakita ng kahinhinan, at sumulat siya: “Sa pamamagitan ng di-sana nararapat na awa na ibinigay sa akin ay sinasabi ko sa bawa’t isa riyan sa inyo na huwag mag-isip sa kaniyang sarili nang totoong matayog kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip ayon sa isang matinong kaisipan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawa’t isa.” (Roma 12:3) Oo, kailangang ang ating sarili’y isipin din natin. Subali’t huwag lalabisan iyon, na anupa’t sobra-sobrang pinahahalagahan natin ang ating mga likas na kakayahan o nakamit na mga bentaha.
May Pagkakaiba ang Kahinhinan at Kapakumbabaan
4. (a) Saan matatagpuan sa Kasulatan ang salitang Hebreo na isinaling “mahinhin”? (b) Ano ang masasabi natin tungkol sa kahulugan nito sa Kawikaan 11:2?
4 Sa maraming salin ng Bibliya, ang kahinhinan ay ipinagkakamali sa kapakumbabaan. Ang salitang Hebreo na isinaling “mahinhin” ay dito lamang matatagpuan sa Kawikaan 11:2 at Mikas 5:8 (sa NW). Ano ba ang ibig sabihin nito? Maaaring mangahulugan ito ng pagiging mahinhin, disente, may kalinisan o may personal na pagkadalisay. Datapuwa’t, maaaring tumukoy din ito sa pagkaalam ng mga limitasyon ng isa. Sa Mikas 6:8 ang salitang Hebreo na ito ay maaaring magkaroon ng alinman sa dalawang kahulugang iyan, sapagka’t doon ay ipinapayo lamang sa atin na ‘magpakahinhin sa paglakad kasama ng ating Diyos.’ Subali’t hindi ganiyan kung tungkol sa Kawikaan 11:2, na nagsasabi: “Dumating baga ang kapalaluan? Darating din ang kahihiyan; nguni’t ang karunungan ay nasa mahihinhin.” Dito ay makikita ang pagkakaiba ng kahinhinan sa kapalaluan. Ang kabaligtaran ng kapalaluan ay ipinakikita rito na kahinhinan sa diwa na hindi pagiging totoong pangahas, sapagka’t alam ng isa ang kaniyang mga limitasyon.
5, 6. Paano maipaghahalimbawa ang pagkakaiba ng pagpapakumbaba at ng kahinhinan kung tungkol sa Diyos na Jehova?
5 May pagkakaiba ang pagiging mapagpakumbaba at pagiging mahinhin. Halimbawa, tungkol sa Diyos na Jehova, ang salmistang si David ay nagsabi: “Ang iyong pagpapakumbaba ay magpapadakila sa akin.” (Awit 18:35) Oo, dahilan sa si Jehova ay handang magpakumbaba, o magpakababa upang bigyang-pansin si David at matiising makitungo sa kaniya kaya siya (si David) ay naging isang dakilang hari sa Israel. Kaya’t mababasa rin natin tungkol kay Jehova: “Sino ang gaya ni Jehova na ating Diyos, na tumatahan sa itaas? Siya’y nagpapakababa sa pagtingin sa langit at sa lupa.” (Awit 113:5, 6) Tiyak iyan—ang Maylikha ay lubhang pagkataas-taas kung kaya’t kailangang siya’y magpakababa upang magbigay-pansin sa mga bagay sa langit at sa lupa.
6 Subali’t matutukoy ba natin. si Jehova bilang mahinhin sa diwa na kaniyang nababatid ang kaniyang mga limitasyon? Hindi! Paano nga natin masasabing may mga limitasyon ang Diyos, gayong siya’y may walang hanggang karunungan at kapangyarihan, walang kapintasan at sakdal sa katarungan at pag-ibig? Talagang walang maihahalintulad sa kaniya.—Isaias 40:12-31.
7. (a) Bakit masasabing posible na ang isang tao ay mapagpakumbaba subali’t walang kahinhinan? (b) Paano makikita ito sa halimbawa ni apostol Pedro?
7 Sa kabilang dako, posible para sa mga tao ang maging mapagpakumbaba subali’t walang kahinhinan. Sila’y maaaring mapagpakumbaba, mababang-loob, subali’t hindi gumagamit ng malinaw na kakayahang umisip upang madama nila ang kanilang sariling mga limitasyon. Halimbawa, si apostol Pedro ay tunay ngang isang taong mapagpakumbaba. Nang makita niyang naghihimala si Jesus na nagpapakita ng kakayahang sumupil ng kahit na mga isda sa dagat, nanikluhod si Pedro sa paanan ni Jesus, na ang sabi: “Lumayo ka sa akin, sapagka’t ako’y taong makasalanan.” (Lucas 5:8) At mababasa natin na kapuwa si Jesus at si apostol Pablo ay sumaway kay Pedro. Nguni’t kailanman ay hindi natin mahahalata na si Pedro ay nagdamdam sa gayong mga pagsaway sa kaniya. (Mateo 16:21-23; Galacia 2:11-14; 2 Pedro 3:15, 16) Oo, si Pedro ay isang apostol na mapagpakumbaba at may mababang kalooban. Subali’t talaga kayang siya’y may kahinhinan sa diwa na alam niya ang kaniyang mga limitasyon? Hindi palagi. Kung siya’y may kahinhinan, disin sana’y hindi niya iginiit na kahit na lahat ng apostol ay tumalikod sa kanilang Panginoon siya’y hindi tatalikod—nguni’t hindi niya tinutohanan iyon, sapagka’t makaitlong itinatuwa niya si Jesus!—Marcos 14:29, 30, 66-72.
Mga Dalamhati na ang Sanhi’y Kawalan ng Kahinhinan
8. Bakit masasabi na lahat ng dalamhati sa sansinukob ay nagmula sa kawalan ng kahinhinan?
8 Ang kawalan ng kahinhinan ang nagdala ng dalamhati kay apostol Pedro at masasabing lahat ng dalamhati sa sanlibutan—oo, sa sansinukob—ay nagmula sa kawalan ng kahinhinan. Sa paano nga? Ang kawalan ng kahinhinan ang umakay sa isang anghel na maging Satanas na Diyablo. Hindi niya kinilala ang kaniyang mga limitasyon bilang isang nilalang. Hindi siya nakuntento sa puwesto na pinaglagyan sa kaniya ni Jehova, ibig niyang maging kapantay ng Diyos. Sa huli, ang pagmamataas na ito ay nahayag nang lahat ng kaharian ng sanlibutan ay ialok ng Diyablo kay Jesus kapalit ng iisang gawang pagsamba. Subali’t ipinaalaala ni Jesus sa Manunukso na si Jehovang Diyos lamang ang dapat na sambahin. Ang kawalan ni Satanas ng kahinhinan, na isang kapalaluan o kapangahasan, ay nagdala sa kaniya ng kahihiyan at sa wakas ay ng kapahamakan.—Mateo 4:8-10; Hebreo 2:14.
9. Sa paanong si Eva ay nagpakita ng kawalan ng kahinhinan?
9 Ang kawalan ng kahinhinan ay kasalanan din ni Eva, “ang ina ng lahat ng nabubuhay.” (Genesis 3 :20) Ang kaisipan na pagiging gaya ng Diyos, na nakakaalam ng mabuti at masama para sa kaniyang sarili, ay nakaakit sa kaniya. Bakit? Dahilan sa siya’y hindi naging mahinhin. Kung siya’y naging mahinhin, disin sana’y nasabi niya ang ganito, sa pinaka-diwa: ‘Bakit ba hahangarin ko pa ang maging katulad ng Diyos? Kuntentong-kuntento na ako sa kaayusan ng Diyos, na ako’y maging katulong ng sakdal na si Adan. Isa pa, mabuti pa’y tanungin ko si Adan tungkol dito, yamang siya ang nagsabi sa akin tungkol sa utos na huwag kakain ng prutas na ito.’ Nguni’t hindi ganoon ang nangyari. Lumihis si Eva sa kahinhinan, sa kaniyang kaugnayan sa kaniyang Maylikha at sa kaniyang asawa. At dahil sa kawalan ng kahinhinan ay naiwala ni Eva ang kaniyang buhay at naimpluwensiyahan niya ang kaniyang asawa na magpatiwakal. Kaya’t mahalaga ba ang kahinhinan? Oo, ganiyang kahalaga iyan!—Genesis 3:1-19.
10. Bakit lahat tayo ay nahihirapan na talagang magpakahinhin?
10 Lahat tayo ay waring nakamana sa ating mga unang magulang ng hilig na magpakita ng kakulangan ng kahinhinan. Sinabi ng Diyos pagkatapos ng Baha: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama na sapol sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Kaya, nang si Haring David ay makagawa ng malulubhang pagkakasala, naisamo niya sa Diyos: “Narito! Ako’y inanyuan sa kasamaan, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:5) Kaya naman masasabi ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makakaalam nito?”—Jeremias 17:9.
11. Anong mga kalagayan sa buong daigdig ang masasabing ang dahilan ay ang kawalan ng kahinhinan?
11 Maraming suliranin sa daigdig ang dahilan sa kawalan ng kahinhinan! Apektado nito ang lahat ng lahi, nasyonalidad, tribo (angkan) at pati mga miyembro ng pamilya. Ang blokeng Silangan at ang blokeng Kanluran ay ayaw kumilala sa kani-kanilang limitasyon. Parehong ibig nilang mapasa-pinakamataas. Ang mga tao ng isang lahi ay nag-aakalang superyor sila kaysa iba. Ayon sa ulat ang pagbabaka-baka ng mga ibang tribo sa Aprika ay kadalasan dahil sa ibig ng bawa’t tribo na patunayan ang kaniyang ipinagpapalagay na kahigitan niya sa iba.
12. (a) Anong pinsala ang nagagawa ng kawalan ng kahinhinan ng mga ibang asawang lalaki? (b) Ano ang resulta ng kawalan ng kahinhinan ng maraming babae?
12 Komusta naman ang kakulangan ng kahinhinan sa loob ng pamilya? Malimit, ang mag-asawa’y hindi magkasuwato dahilan sa kakulangan nila ng kahinhinan. Dahilan sa kanilang lakas at sila ang naghahanapbuhay, ang mga asawang lalaki ay kalimitan gumaganap ng bahagi ng isang macho o kumikilos na isang boss, sa malaking kadalamhatian ng pamilya. Tiyak na ito ang isang dahilan ng kilusan para sa kalayaan ng mga babae, na taglay ang pagpaparatang ng male chauvinism o kasupladuhang-lalaki. Nguni’t kumusta naman ang kababaihan, at lalo na ang mga asawang babae? Yaong mga walang kahinhinan ay malimit na umaani ng malaking kadalamhatian, at watak-watak na mga tahanan. (Galacia 6:7, 8) Ang gayong mga babae ay hindi sumusunod sa kahilingan ng Kasulatan na sila’y “pasakop sa kani-kaniyang asawa gaya ng sa Panginoon.” (Efeso 5:21-23, 33; 1 Corinto 11:3, 7-10) Sa mga babae ng sanlibutan, kapuna-puna at laganap ang kawalang-kahinhinan kung tungkol sa kalinisan ng kapurihan. Ipinagpaparangalan pa man din ang kanilang mga kagandahan sa paraan ng kaniyang pagsasalita, pananamit at pagkilos, ang mga babaing ito ay kasali sa mga masisisi sa pagkamalaganap ng pagkahandalapak, pangangalunya at wasak na tahanan.
13. Ano ang ibinunga ng kawalan ng kahinhinan ng maraming kabataan ngayon?
13 Bagaman may mahihinhing kabataan ngayon, ang iba ay may nakagigitlang kakulangan nito. Dahilan sa wala sila ng katangiang ito, maraming kabataan ang walang tiyaga ng pakikitungo sa mga nakatatanda o mapintasin sa mga kamalian ng mga nasa lahi ng mga nakatatanda. Datapuwa’t, ano bang karunungan ang makikita sa mga kabataang ito kung tungkol sa pagiging mga drug addict, mga lasenggo, sa pagmamaneho nang walang patumangga o pagkahulog sa isang imoral na pamumuhay? Kung mahinhin ang gayong mga kabataan, sila’y makikinig sa kanilang matatanda at, makikinabang sa mabuting payo na maibibigay ng gayong mga may karanasan.
Kahinhinang Kristiyano—Talagang Karunungan!
14. Bakit ang kahinhinan ay angkop na angkop sa ating kaugnayan sa Diyos na Jehova?
14 Ang kahinhinang Kristiyano ay katunayan ng karunungan. Una sa lahat, ang resulta’y mabuting kaugnayan kay Jehova. Oo, kahilingan ng Diyos na tayo’y maging mahinhin ng paglakad na kaalinsabay niya. (Mikas 6:8) Isa pa, angkop na angkop para sa atin ang kahinhinan pagka naisip natin ang napakalaking aguwat sa pagitan natin at ng ating sakdal-kapangyarihan at walang-hanggang Maylikha. Aba, sa kaniya ang mga bansa ay kagaya lamang ng ilang butil ng alabok sa timbangan at para lamang isang patak na tubig sa isang timba! (Isaias 40:15) Dahilan sa kahinhinan ay matatakot tayo na hindi makalugod sa Diyos na Jehova, at tiyak na iyan “ang pasimula ng karunungan.”—Awit 111:10.
15. Ano ang maitutulong ng kahinhinan sa isang kapatid na Kristiyanong lalaki?
15 Ang kahinhinan ay nagpapaunlad din ng mabuting kaugnayan sa ating mga kapuwa saksi ni Jehova. Tinutulungan nito ang isang kapatid na Kristiyano na huwag itulak ang kaniyang sarili upang mapasa-unahan kung tungkol sa mga pribilehiyo sa paglilingkod. Dahilan sa kahinhinan ay laging nadarama niya ang kaniyang mga limitasyon, ang kaniyang kakulangan ng kaalaman at karanasan sa mga ilang bagay kung ihahambing sa iba. Ito’y mag-uudyok sa kaniya na mabahala tungkol sa pagpapasulong sa kaniyang espirituwal na mga kuwalipikasyon imbis na tungkol sa pagkalagay sa tungkulin ng pagka-ministeryal na lingkod o pagka-matanda. Kung patuloy na gagamitin niyang lubusan ang bawa’t pagkakataon upang sumulong siya sa kaalaman at makatulong sa kaniyang mga kapananampalataya, baka maging sorpresa sa kaniya pagka siya’y inirekomenda at hinirang sa isang tungkulin ng pananagutan sa kongregasyon. Hindi lamang miminsan na nangyayari iyan.
16. Bakit ang kahinhinan ay patotoo ng karunungan para sa mga babaing Kristiyano?
16 Ang kahinhinan ay patotoo rin ng karunungan para sa mga kapatid na babae sa kongregasyon. Ito’y totoo kahit hindi lamang sa may kinalaman sa kalinisan, bagaman iyan ay mahalaga. (1 Timoteo 2:9, 10; Tito 2:3-5) Yamang alam niya ang kaniyang mga limitasyon at ang papel na dapat niyang gampanan sa kongregasyon, ang babaing Kristiyano na may karunungan ay may kahinhinang magpapakaingat sa kaniyang pagsasalita. Siya’y hindi magiging labis na masalita at hindi siya magsasalita ng pamimintas sa paraan na sinusunod ng hinirang na matatanda sa pangangasiwa sa mga bagay.—Ihambing ang Judas 8, 9, 16.
17, 18. (a) Bakit ang mga kabataan ay dapat magpakita ng kahinhinan sa pakikitungo sa kanilang mga magulang? (b) Anong halimbawa sa Kasulatan ang ibinibigay dito upang ipakita na karunungan ang makinig ka sa payo ng mga nakatatandang tao?
17 Gayundin, ang kahinhinan sa mga kabataan ay katunayan ng karunungan. Ang mga kabataan ay napapamahal sa iba pagka sila”y kumilos nang may kahinhinan. Matuwid na iutos ng Salita ng Diyos na igalang nila ang kanilang ama at ina at sundin nila sa “lahat ng bagay.” (Colosas 3:20; Efeso 6:1-3) Kailangan ang kahinhinan upang magawa iyan at hindi mag-isip na ang mga kabataan ay mas matatalino kaysa kanilang mga magulang. At hindi ba may utang na loob ka sa iyong mga magulang? Dahilan sa kanila kung kaya naging tao ka sa sanlibutan. Mula noon hangga ngayon ay pinaglalaanan ka nila ng pagkain, damit, tahanan, edukasyon, libangan at espirituwal na pagtuturo. Kung gayon, hindi baga kahit na dahil sa paggalang lamang ay dapat mong pakitunguhan sila nang may kahinhinan?
18 Ang mahinhing pagtitiwala sa inyong mga magulang at pagtanggap sa kanilang payo ay katunayan ng karunungan. Dahilan sa kanilang karanasan, tiyak na sila’y higit na marunong kaysa iyo. Ang daigdig ay puno ng kaguluhan, hindi dahil sa kakulangan ng kaalaman, kundi dahil sa kakulangan ng nararapat na karunungan. “Kanilang tinanggihan ang mismong salita ni Jehova, at anong karunungan mayroon sila?” (Jeremias 8:9) Kahit na sa isang pansariling bagay na gaya ng pagpili ng magiging kapareha sa buhay, magiging marunong ka kung may kahinhinang susundin mo ang pasiya ng iyong mga magulang, yamang ikaw ay mahal nila at tinitingnan nila kung ano ang pinakamabuti para sa iyo. Sila’y makapagbibigay sa iyo ng mas mabubuting payo kaysa maibibigay ng iyong mga kaedad. Totoo, maaaring walang kahalo iyon na pambobola, nguni’t mas mainam iyon para sa iyo. Ipinakikita ng Bibliya na naiwala ni Haring Rehoboam ng sinaunang Israel ang kalakhan ng kaniyang kaharian dahilan sa hindi niya kahinhinan. Kaniyang tinanggihan ang payo ng mga nakatatandang lalaki na tagapayo sa kaniyang ama at pinili niya na sundin ang may pambobolang payo ng kaniyang mga kababata, ang mga kabataang lalaki na mga kaedad niya. Sila’y kagaya rin niya na walang karanasan at may makikitid na pangmalas.—1 Hari 12:1-24.
19. Paanong ang kahinhinan ay malaking tulong sa atin pagka tayo’y nagpapatotoo?
19 Ang kahinhinang Kristiyano ay malaking tulong din pagka tayo’y nagpapatotoo tungkol sa pangalan at Kaharian ng Diyos na Jehova, sa pormal man o impormal na paraan. Kung tayo’y magsasalita na taglay ang malaking pagtitiwala sa sarili, baka hangaan tayo ng ilang tagapakinig nguni’t marami naman ang mayamot. Sa tuwina, ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Salita ang ating itawag-pansin, hindi ang ating sarili. Akma sa punto ang payong ito: “Pakabanalin ninyo ang Kristo na Panginoon sa inyong puso, na laging handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, nguni’t ginagawa iyon nang may kahinahunan at malaking paggalang.” (1 Pedro 3:15) Sa tulong ng kahinhinan ay magiging mas madali na magpakita ng kahinahunan at malaking paggalang.
20. (a) Hanggang dito, ano ba ang natutuhan natin tungkol sa kahinhinan at sa kakulangan ng kahinhinan? (b) Ano ngayon ang tanong?
20 Maliwanag nga, sa tinalakay na ay makikita natin na napinsala nang malaki ang sangkatauhan dahilan sa kakulangan ng kahinhinan. Nakita rin natin na ang kahinhinan ang tiyak na katunayan ng karunungan. Ang mga puntong ito ay dapat tumulong sa atin na paunlarin ang kahinhinan. Subali’t ano pa ang makatutulong sa atin upang mapaunlad ang kahinhinang Kristiyano?
[Talababa]
a Webster’s Third New International Dictionary.
Natatandaan Mo Ba?
□ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi dapat magkaroon ng saloobin ng sanlibutan kung tungkol sa kahinhinan?
□ Papaanong ang isang tao ay maaaring mapagpakumbaba nguni’t hindi mahinhin?
□ Bakit tayong lahat ay nahihirapan na magpakahinhin?
□ Bakit angkop na angkop na tayo’y maging mahinhin sa ating kaugnayan kay Jehova?
□ Paano tayo matutulungan ng kahinhinan sa ating pagpapatotoo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 11]
Mahinhing ginawa ni Jesus ang iniutos ng kaniyang Ama sa langit
[Larawan sa pahina 13]
Ang resulta ng kahinhinang Kristiyano ay mabuting kaugnayan sa Diyos at sa ating mga kapuwa saksi ni Jehova