Mangilag sa Kapalaluan!
Mangilag sa Kapalaluan!
SINO ba ang ayaw na siya’y makaiwas sa mga pagkakamali? Ito’y nakahihiya, magastos at nakalulungkot! Ibig ba nating maiwasan ang nakalulumbay na mga pagkakamali? Kung gayo’y mag-ingat tayo laban sa isang kaugalian na kadalasa’y humahantong sa mga pagkakamali. Mangilag tayo sa kapalaluan!
Ano ba ang kapalaluan? Ito’y “pag-ako sa isang natatanging karapatan, pribilehiyo, o pahintulot nang Walang autoridad”; “paglampas sa itinakdang mga hangganan”; “pagkahandang maging pangahas sa pagkilos o pag-iisip.” Oo, dahil sa kapalaluan ay kumikilos ang isang tao ayon sa kaniyang sariling mga idea at kaniyang nilalabanan ang payo o pagtutuwid.
Nguni’t sino ba ang mga palalo? Sila ba lamang na nagpapakitang sila’y mga balakyot? Sinong talaga ang kailangang mangilag sa kapalaluan?
Mga Palalong Mang-uusig
Ang numero unong mga palalo ay yaong mga mang-uusig sa mga lingkod ng Diyos. Kanilang iginigiit na sila, imbis na si Jehova, ang dapat na sundin. Mayroon pa bang kapalaluan na hihigit diyan?
Ang sinaunang pandaigdig na kapangyarihan ng Babilonya ay nagkasala ng kapalaluan. Kaya, sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, ang kapahamakan ng Babilonya ay inihayag ng Diyos. “Aking aktuwal na patitigilin ang kahambugan ng palalo, at aking ibababa ang pagmamataas ng kakilakilabot,” sabi ng Diyos. At mababasa natin: “‘Narito! Ako’y laban sa iyo, Oh Kapalaluan,’ sabi ng Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ‘sapagka’t darating ang araw mo, yaong panahon na ikaw ay aking bibigyan ng pansin.’”—Isaias 13:11; Jeremias 50:31.
Sa modernong panahon, marami ring mga taong palalo ang nang-usig sa mga Saksi ni Jehova. Subali’t hindi nanaig ang mga hambog na mang-uusig na ito. Nasaan ang gayong palalong mga mang-uusig na gaya ng Nazing si Adolf Hitler at ang napabantog sa gayong pag-uusig na si Duplessis ng Canada?
Mga Babala Buhat sa Nakalipas
Datapuwa’t, ang mga iba bukod sa mga mang-uusig ng mga lingkod ng Diyos ay nahulog sa silo ng kapalaluan. Ito’y halatang-halata sa kaso ni Saul, ang unang haring tao sa 12 tribo ng sinaunang Israel. Nang siya’y mapili, isa siyang taong mahinhin. Sa katunayan, nang siya noon ay ihaharap sa kanila bilang kanilang hari, siya ay nagtago. (1 Samuel 10:17-24) Subali’t, sumapit ang panahon na dahil sa karangalang ito na kinamit niya sa una pa lamang ay lubhang pinahalagahan ni Saul ang kaniyang sarili. Ang resulta? Siya’y nagkasala ng sunud-sunod na pagpapalalo.
Ang una ay noong siya’y nakikipagdigma sa mga Filisteo. Si Samuel na propeta ay nakipagkasundo na makikipagtagpo kay Saul sa isang takdang oras upang maghandog ng hain kay Jehova. Subali’t nang parang wala nang pag-asang dumating si Samuel, si Saul ay may kapalaluang naghandog ng hain nang ganang sarili niya. Ano ang naging bunga ito? Siya’y 1 Samuel 13:5-14.
sinabihan na dahil sa kaniyang ginawang kapalaluan ay aalisin sa kaniya ang paghahari!—Mga ilang panahon ang nakalipas at iniutos ni Jehova kay Saul na ipaghiganti ang pagsalakay na ginawa ng duwag na mga Amalecita sa mga Israelita nang sila’y naglalakbay sa ilang. Kailangang puksain ni Saul ang Amalec, nguni’t sa kaniyang kasakiman ay hindi niya pinuksa ang pinakamagaling na kawan at hayupan ng mga Amalecita. Hindi rin niya pinatay ang hari ng mga Amalecita na si Agag. Dahilan sa kaniyang ginawang iyon ay sinabi ni Samuel kay Saul: “Yamang iyong itinakuwil [nang may kapalaluan] ang salita ni Jehova, kaya naman itinatakuwil ka niya sa pagiging hari.” (1 Samuel 15:1-23) Anong laking halaga na ibayad dahil sa kapalaluan!
Ang isa pang babalang halimbawa ay yaong sa palalong si Haring Uzzias, o Azarias. Bagaman hindi siya karapat-dapat maghandog ng kamangyan sa templo ni Jehova ay gayon ang ginawa niya. At ano ang resulta? Si Uzzias ay dinapuan ng nakaririmarim na ketong! Oo, “ang hari ay pinadapuan ni Jehova ng salot, at siya’y nagpatuloy na maging isang ketongin hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.” (2 Hari 15:5; 2 Cronica 26:16-23) Anong inam na babala ito upang tayo’y mangilag sa kapalaluan!
Sumunod sa mga Alituntunin ng Kasulatan
Ang mga mang-uusig sa mga lingkod ni Jehova, at maging ang ilan mang mga tao na nag-alay ng sarili sa Diyos, ay napadala sa kapalaluan noong nakaraan. Subali’t komusta naman tayo sa ngayon? Nariyan pa rin ang panganib na tayo’y mahila ng kapalaluan. Dahilan sa minanang mga hilig sa kasalanan, sa mga tukso buhat sa balakyot na sanlibutang ito at sa “mga pakana” ni Satanas na Diyablo, pakaingat tayo laban sa kapalaluan.—2 Corinto 2:11; Awit 51:5; 1 Juan 2:15-17.
Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, tayo’y pinaaalalahanan ng Diyos na Jehova laban sa kapalaluan. Ating mababasa: “Dumating baga ang kapalaluan? Darating din ang kahihiyan; nguni’t ang karunungan ay nasa mahihinhin.” (Kawikaan 11:2) Natalos ni Haring David na talagang napakasama ang kapalaluan, kaya siya’y manalangin: “Sa mga gawang kapalaluan ay ilayo mo ang iyong lingkod; huwag hayaang manaig sa akin. Kung gayon ako . . . ay mananatiling malinis buhat sa malaking pagsalansang.”—Awit 19:13.
Kahambugan ang Ugat ng Kapalaluan
Subali’t, kung ibig nating maiwasan ang kapalaluan ay kailangang iwasan natin ang kahambugan. Si Saul ay mahinhin noong una nang siya’y piliin na hari ng Israel. Subali’t hindi siya nanatiling gayon. Oo, siya’y kumilos nang may kapalaluan sa iba’t-ibang pagkakataon. Datapuwa’t, minsan ay kahambugan ang umakay sa kaniya ng paggawa ng kapalaluan at kabalakyutan.
Narinig ni Saul na ang mga babaing Israelita ay nag-aawitan: “Pinuksa ni Saul ang kaniyang libu-libo, at ni David ang kaniyang sampu-sampung libu-libo.” Nasaktan si Saul sa kaniyang kahambugan kung kaya kaniyang pinaghinalaan at kinainggitan si David. Sinimulan niyang tugisin si David, sa hangad na mapatay siya. Sa kaniyang galit ay nilipol ni Saul ang 85 saserdote at ang mga lalaki, babae at mga bata ng Nob—dahil lamang sa isa sa kanila ay naging kaibigan ni David.—1 Samuel 18:6-9; 21:1-10; 22:16-19.
Sa pagpapatuloy sa kaniyang kahambugan at kapalaluan, si Saul ay nagpatiwakal noong bandang huli. (1 Samuel 31:4) Anong lungkot ang naging wakas ng isang taong dati’y mahinhin!
Sana’y iwasan natin ang kapalaluan ni Saul at Uzzias. Bagkus, sundin natin ang payo ng Kasulatan at makinabang tayo sa mga babalang halimbawa na nasa Salita ng Diyos. (Roma 15:4) At, paunlarin natin ang kahinhinan, na tatalakayin sa mga sumusunod na artikulo. Ang banal na katangiang ito ay tutulong sa atin upang iwasan ang hambog at makasalanang kapalaluan.