May Mapapala Ba sa Hindi Pagdaraya?
May Mapapala Ba sa Hindi Pagdaraya?
ANG tapat-pusong mga tao ay nalulumbay sa nakikita nilang pandaraya na laganap sa buong daigdig. At ikinalulumbay pa rin ng iba ang nakikita nila sa kanilang sarili na pagkamadaya. Isang babae ang sumulat: “Ako’y . . . medyo nasiraan ng loob nang mapansin ko na umuurong ang aking sariling pagkamatapat.” Isa naman ang nagsabi: “Malimit na nitong huli ay waring ang pinakamaginhawang daan ang aking sinusunod.”
Subali’t kailangan bang tayo’y maging mga magdaraya rin dahilan sa marami ang gayon? Hindi. Mayroon pa ring mga tao na ayaw padala sa pandaraya, at mayroong mga dating magdaraya na nangagbago na. Saan tayo makakakita ng mabuting dahilan upang manatiling mapagtapat sa gitna ng walang pagtatapat na sanlibutang ito? Sa Bibliya.
Tinutulungan tayo ng Bibliya na maging mapagtapat sapagka’t ito ay kinasihan ng pinakamapagkakatiwalaang Persona sa lahat, si Jehovang Diyos. Ito’y nagpapayo: “Tumiwala ka kay Jehova ng iyong buong puso!” (Kawikaan 3:5) Ipinakikita ng karanasan na ang mga bagay-bagay ay laging gumagana ukol sa ikabubuti ng isa na nagtitiwala sa Diyos at sumusunod sa Kaniyang payo, tulad baga sa bagay na ito tungkol sa pagkamatapat.
Kung Paano Ka Magiging Mapagtapat
Basahin ang ilan sa mga bagay na sinasabi ng Diyos tungkol sa pagiging mapagtapat. Saka gunigunihin mo kung ano ang magiging hitsura ng daigdig na ito kung lahat ay susunod sa mga ito.
“Ngayon na itinakuwil na ninyo ang kasinungalingan, magsalita ang bawa’t isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.”—Efeso 4:25.
Kung walang sasalitain ang lahat ng tao kundi katotohanan, ano kaya ang magiging buhay? Aba, wala nang magdarayang mga politiko, manghuhuthot, pati madadaldal na mga mapaghatid-dumapit!
“Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa.”—Efeso 4:28.
Kasali sa pagnanakaw ang maling pag-uulat ng iyong dapat ibuwis, pagtangging magbayad ng mga dapat mong pagbayaran, pagkuha ng mga materyales sa iyong trabaho nang walang pahintulot, at pandaraya sa pagkuha ng mga benepisyo sa welfare, pati pang-uumit at pananakit. Sang-ayon sa isang kalkulasyon, ang pambansang badyet daw ng Estados Unidos ay mapapalagay sa ayos kung lahat ay hihinto ng pagnanakaw sa gobyerno.
“Ang magdarayang timbangan ay kasuklamsuklam kay Jehova.”—Kawikaan 11:1.
Ano kaya ang madarama mo kung tuwing mamimili ka ay walang sinumang mandaraya sa iyo? Gunigunihin mo lamang ang isang daigdig na doo’y walang magdarayang mga negosyante, na kung saan makabibili ka ng segunda-manong kotse o ng isang bagong bahay nang may buong pagtitiwala!
“Bawa’t kaluluwa ay pasakop sa nakatataas na mga autoridad.”—Roma 13:1.
Ang sobra-bilis na pagmamaneho, hindi
pagsunod sa mga hudyat ng trapik, maling pag-uulat ng iyong dapat ibuwis at pagkakalat ng basura ay apat lamang sa maraming paraan ng hindi pagpapasakop ng mga tao sa kani-kanilang pamahalaan. Anong laking pagkakaiba kung lahat ay gagawa ng nararapat na pagpapasakop sa “nakatataas na mga autoridad”!“Kung sinuman ay ayaw na gumawa, huwag din naman siyang pakainin.”—2 Tesalonica 3:10.
Ang katamaran ay isang pangunahing sanhi ng pandaraya at ng krimen. Ang Kristiyano ay dapat na magtrabaho, at huwag sa iba umasa ng kaniyang ikabubuhay.
“Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa.”—Hebreo 13:4.
Sa surbey na binanggit na, halos kalahati ng lahat ng mga mag-asawang tinanong ay umamin na kanilang dinadaya ang kani-kanilang asawa. Oo, makikita mo ang pagkakaiba ng iiral na mga relasyon ng tao sa isa’t-isa kung susundin ang utos na ito.
Praktikal Kaya Iyon?
Ang mga pamantayang ito ay maliwanag na napakainam. Subali’t praktikal kaya sa ngayon? Ang sagot ay oo. Hindi tayo hihilingan ng Diyos na gumawa ng isang bagay na di-praktikal o makapipinsala sa ating sarili. Narito ang ilan lamang sa kabutihan ng pagiging mapagtapat.
Una, kung tayo’y mapagtapat ay hindi tayo parurusahan dahil sa pagdaraya. Ang taong mapagtapat ay hindi nadarakip dahil sa pagpupuslit ng mga kalakal sa customs, pandaraya sa buwis o pagnanakaw sa kaniyang mga kapitbahay.
Isa pa, ang mga nasa paligid natin ay may lalong maalwang buhay. Baka pa sila matulungan na maging mapagtapat din. Pagkatapos ng pagsusurbey sa mga empleado sa mga malalaking department store, ang sabi ng magasing Psychology Today: “Kung inaakala ng mga empleado na ang mga nangangasiwa ay mapagtapat, marahil ay aakalain nila na sila’y inaasahang maging mapagtapat . . . Subali’t pagka nahalata ng mga empleado (sa totoo man o hindi) na ang mga nangangasiwa ay nagdaraya, malamang na kanilang ipagmamatuwid at aariing-matuwid ang sarili nilang pandaraya.” Karamihan sa atin ay hindi gaya ng mga tagapangasiwa na totoong maimpluwensiya. Nguni’t lahat tayo ay maaaring makaimpluwensiya sa mga nasa palibot natin. At kung tayo’y mapagtapat, tayo’y makaiimpluwensiya sa kanila sa mabuti.
Bukod diyan, tayo’y iginagalang dahil sa pagkamapagtapat natin. Napatunayan ito ng isang empleadong Kristiyano sa isang opisina ng airline sa Liberia. Ang babaing ito’y tinawagan sa telepono ng kaniyang boss, at nang sabihin sa kaniya na sabihing wala ang kaniyang boss, sinabi niya na hindi siya makapagsisinungaling. Nagalit ang boss at ipinalipat siya sa ibang departamento. Iniutos ng bagong boss na pagtakpan na ang nawawalang kakulangan sa petty cash. Tumanggi siya at nagalit din ang boss na ito. Subali’t, makalipas ang mga ilang araw, kinailangan ang isang tao na magdadala ng libu-libong dolar para idiposito. Sino ang pinili? Aba, ang mapagtapat na empleadong ito! Ang totoo, siya’y iginagalang
ng kaniyang mga boss dahilan sa kaniyang pagkamapagtapat. Oo, kung mahirap na panahon ang mapagtapat na mga Kristiyano ay nakakakita ng mapapasukang trabaho nguni’t ang iba ay hindi.Mabuti ang ikaw ay igalang, magkaroon ng malinis na budhi at maging maginhawa ang buhay para sa mga taong nasa palibot natin. Subali’t may mas mabuting dahilan sa pagiging mapagtapat.
Ang Pinakamagaling na Dahilan sa Hindi Pagdaraya
Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling. (Tito 1:2) Oo, ang Diyos na Jehova ay mapagtapat, at kaniyang inaasahan na tayo’y maging mapagtapat din. Kabilang sa mga bagay na kinapopootan ng Diyos ay isang “sinungaling na dila” at “sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan.” (Kawikaan 6:16-19) Kinapopootan ng Diyos pagka nagbulaan ang mga tao upang mabawasan ang kanilang ibinabayad na buwis, upang makapagnakaw sa kanilang mga amo o makapagsamantala sa iba sa ano mang paraan.
Marahil ay kinapopootan mo rin ang mga bagay na ito. Kung gayon, magagalak kang malaman na maaalis at talagang aalisin ng Diyos ang pandaraya. Oo, siya’y kaylapit-lapit nang kumilos upang alisin ito. Ang kaniyang pangako: “Ang mga manggagawa ng kasamaan [kasali na ang mga magdaraya] ay mangahihiwalay, nguni’t yaong nagsisipaghintay kay Jehova ang mangagmamana ng lupain. Sapagka’t sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.”—Awit 37:9, 10.
Hindi papayagan ni Jehova na ang lupang ito’y mapangibabawan magpakailanman ng mga pandaraya. Kaniyang aalisin dito yaong mga pusakal na magdaraya, at lahat ng iba pang “mga manggagawa ng kasamaan.” Nguni’t, silang mga nagmamahal sa katapatan at katuwiran at nagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos ay magkakaroon ng magandang kinabukasan. Ang salmista ay nagtanong: “Oh Jehova, sino ang makapanunuluyan sa iyong tabernakulo, Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok?” Ang sagot? “Siyang lumalakad na matuwid at gumagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso. Siya’y hindi naninirang-puri ng kaniyang dila. Sa kaniyang kasamahan ay hindi siya gumagawa ng anumang masama.”—Awit 15:1-3.
Sa ngayon, isang malaking hamon sa iyo ang ikaw ay huwag magdaya. Subali’t ang hinahanap ng Diyos ay yaong mga taong mananatiling mapagtapat sa harap ng tukso at panggigipit. Sila’y angkop na mamuhay sa ilalim ng matuwid na “mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako.” (2 Pedro 3:13) Sa ngayon, marami ang naglilingkod sa Diyos na Jehova at puspusang nagsisikap na sumunod sa kaniyang mga pamantayan. Kung sa bagay, ang mga taong ito ay hindi sakdal. Subali’t naniniwala sila sa pangako ng Diyos na isang matuwid na “bagong lupa.” At sa kanilang pamumuhay ngayon ay ipinakikita nila ang kanilang taimtim na hangaring maging bahagi ng “bagong lupa” na iyon, isang bagong lipunan ng mga tao sa lupa.
Kung minamahalaga mo ang pagkamatapat, bakit hindi ka makipagkilala sa mga taong ito? Ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay nagagalak na tulungan kang makipagkilala sa kanila.
[Blurb sa pahina 5]
Tutulungan ka ng kaalaman sa Bibliya na maging mapagtapat, at nakalulugod ito sa Diyos
[Blurb sa pahina 6]
Praktikal ang pagkamatapat. Sa paano?
[Blurb sa pahina 6]
Ano ang pinakamagaling na dahilan sa di-pagdaraya?