Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapaunlad ng Kahinhinang Kristiyano

Pagpapaunlad ng Kahinhinang Kristiyano

Pagpapaunlad ng Kahinhinang Kristiyano

1. Anong mga pananalita ang nagpapakita na mayroong mga tao sa sanlibutan na nagpapahalaga sa kahinhinan?

 ANG kahinhinan ay isang katangian na dati’y pinahahalagahan ng mga marurunong na tao ng sanlibutang ito. Kaya’t sa atin ay sinasabi: “Ang taong mahinhin ay pambihirang hindi kinalulugdan ng taong kaniyang kausap, sapagka’t walang sinuman na naiinggit sa isang taong tila hindi nangangalandakan ng kaniyang sarili.” At may kasabihan: “Ang kahinhinan ay isang nagniningning na liwanag; inihahanda nito ang isip upang tumanggap ng kaalaman, at ang puso ukol sa katotohanan.” Ang taong kulang ng kahinhinan ay malamang na may makitid na kaisipan.

2. Papaanong ang mga ilang tanyag na tao ay nagpakita ng kahinhinan?

2 May mga taong napabantog sa kanilang mga tinuklas na kinakitaan ng kahinhinan. Minsan ay sinabi ni Albert Einstein na “isang espiritu ang mahahalata sa mga batas ng Uniberso—isang espiritu na makapupong malakas kaysa taglay ng tao, at sa harap nito’y tayong mga mahihina ay dapat magpakumbaba.” At si Sir Isaac Newton, na kinikilala ng marami bilang pinakabantog na siyentipiko magpakailanman ay nagsabi: “Kung sakali mang mas malayo ang naabot ng tingin ko kaysa iba, ito’y dahil sa pagtayo sa balikat ng mga dakila.” Marahil ay may ganiyan ding kaisipan ang mga ibang siruhano na umupera sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos na maisagawa nila ang mahihirap na operasyon nang walang pagsasalin ng dugo, sinabi nila sa kanilang mga pasyenteng Saksi na ang Diyos ang dapat tumanggap ng kapurihan, hindi ang mga siruhano.

Mga Halimbawa ng Kahinhinan

3. (a) Ano ang tutulong sa atin upang mapaunlad ang kahinhinan? (b) Ano ang masasabi tungkol kay Moises at sa kahinhinan?

3 Ano ang tutulong sa atin upang mapaunlad ang totoong kanais-nais, oo, totoong kinakailangang katangiang ito ng kahinhinan? Ang pagkakapit ng lahat ng tinalakay na sa dalawang naunang mga artikulo tungkol sa kapalaluan at kahinhinan ay tutulong sa atin na paunlarin ang kahinhinan. Ang isa pang tulong sa pagpapaunlad ng kahinhinan ay ang pag-isipan kung paano ginamit nang husto ni Jehova ang kaniyang mahihinhing mga lingkod. Ano’t gagamitin ng Diyos ang mga tao na mapaghangad ng papuri at sa kanilang sarili tumatawag ng pansin imbis na sa kanilang Maylikha! Totoo nga na minsang nagawa ito ni Moises—nang siya’y mapuno na dahilan sa panggagalit sa kaniya. Subali’t, anong laki ng kaniyang ibinayad doon! Nguni’t si Moises ay talagang mahinhin at ito’y pinatutunayan ng kaniyang pagkakimi nang siya’y pinapupunta kay Faraon. Isa pa, sang-ayon sa Kasulatan: “Si Moises ang pinakamaamo sa lahat ng lalaking nabuhay sa ibabaw ng lupa.”—Bilang 12:3; Exodo 4:10-17.

4. Papaanong si Elihu at si Jose ay nagpakita ng nararapat na kahinhinan?

4 Ang isa pang mainam na halimbawa ng kahinhinan ay si Elihu. Siya’y matiyagang naghintay hanggang sa ang matatanda, si Job at ang kaniyang tatlong kasama, ay makapangusap na bago siya nagsalita. Hindi ipinangalandakan ni Elihu ang kaniyang sarili kundi lahat ng papuri ay sa Maylikha niya iniukol. (Job 32:411, 21, 22; 36:9) Si Jose, na anak ng patriyarkang si Jacob, ay nagpakita rin ng nararapat na kahinhinan nang mapaharap sa makapangyarihang si Faraon at tanungin siya kung maipaliliwanag niya ang panaginip ng haring iyon. Kay Jehova ibinigay ni Jose ang kapurihan sa pagpapaliwanag ng mga panaginip.—Genesis 40:8; ihambing ang Daniel 2:26-30.

5. Bakit naging mahalaga sa Diyos na Jehova ang kahinhinan ni Gideon?

5 Nariyan din si Gideon. Nang siya’y tumanggap ng atas, mahinhing sinabi niya na ang kaniyang angkan ang pinakadukha sa Manases at siya ang pinakamaliit sa sambahayan ng kaniyang ama. Kaya’t si Gideon ang minagaling ni Jehova na gamitin sa paglupig sa mga Madianita sapagka’t disidido ang Diyos na mapasakaniya ang kapurihan sa tagumpay na iyon. Tanging ang isang talagang mahinhing lalaki ang wastong magagamit sa ganoon.—Hukom 6 : 14-16; 7 : 2-7.

6. (a) Bakit malugod si Jehova sa kahilingan ng may kabataang si Haring Salomon? (b) Sino pang mga ibang kabataang lingkod ni Jehova ang nagpakita ng nararapat na kahinhinan, at dahilan iyon sa ano? (c) Papaanong ang naging saloobin ng mga kabataang sina Elihu, Salomon at Jeremias ay maaaring makaapekto sa mga kabataan o walang gaanong karanasan na mga saksi ni Jehova?

6 Nang kabataan pa si Salomon, nang siya’y unang gawing hari, siya’y kinakitaan din ng kahinhinan. Nang sa panaginip ay tanungin ng Diyos kung ano ang ibig niya, mahinhing tumugon si Salomon: “Ako’y isang munting bata lamang. . . . Bigyan mo ang iyong lingkod ng matalinong puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at masama; sapagka’t sino ang makahahatol dito sa mahirap hatulan na bayan mo?” Ganiyan na lamang ang kaluguran ni Jehova sa kahinhinan ni Salomon kung kaya Kaniyang binigyan hindi lamang ng karunungan kundi pati malaking kayamanan at kaluwalhatian. (1 Hari 3:4-14) Dahilan sa kahinhinan ni Salomon, siya’y ginawa ni Jehova na pinakamarunong sa lahat ng hari sa lupa. Si Jeremias ay nagpakita rin ng kahinhinan dahilan sa kaniyang kabataan nang tawagin siya upang maging propeta ni Jehova. (Jeremias 1:6-8) Ikaw ba, kung ihahambing sa iba, ay isang kabataan o walang karanasan na saksi ni Jehova? Kung gayon, ipakikita mong ikaw ay marunong kung ikaw, tulad ng mga kabataang sina Elihu, Salomon at Jeremias, ay magpapakita ng nararapat na kahinhinan.

7. Papaanong ang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 2:1-5 ay nagsisilbing mainam na halimbawa ng kahinhinan para sa mga tagapagbalita ng Kaharian?

7 Kapuna-puna rin ang kahinhinan ni apostol Pablo. Bagaman dati’y isa siyang Fariseo na may mataas na pinag-aralan at ginamit nang husto ng Diyos na Jehova, hindi niya ito ipinagparangalan. Kaya sinabi niya: “At ako, mga kapatid, nang pumariyan sa inyo, ay hindi ako napariyan na may kagalingan sa pananalita sa karunungan sa pagbabalita sa inyo ng banal na lihim ng Diyos. Sapagka’t aking ipinasiyang huwag makaalam ng anuman sa gitna ninyo maliban kay Jesu-Kristo, at siya na ibinayubay. At ako’y napariyan sa inyo nang may kahinaan at may takot at may malaking panginginig; at ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa nakahihikayat na mga salita ng karunungan kundi sa patotoo ng espiritu at kapangyarihan, upang ang inyong pananampalataya ay huwag doon masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.” (1 Corinto 2:1-5) Ang ilan sa mga Saksi ay nanggaling sa mga may matataas na pinag-aralan. Nguni’t, tulad ni Pablo, sila’y makikitaan ng kahinhinan sa pangangaral ng mabuting balita, at may karunungang tinutularan nila ang mainam na halimbawa ng apostol.

8. Papaanong si Jesus ang pinakadakila at pinakamainam na halimbawa ng kahinhinan?

8 Mangyari pa, ang pinakadakila at pinakamainam na halimbawa ng kahinhinan ay walang iba kundi si Jesu-Kristo. Anong laking pagkakaiba ng Anak ng Diyos at niyaong isa na naging si Satanas na Diyablo! Kailanman ay hindi naging palalo si Jesus upang magsikap na makapantay ni Jehovang Diyos. (Mateo 4:8-10; Filipos 2:5-8) Bagkus, kuntentong-kuntento na si Jesus na maging katulong at tagapagsalita ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:30; Juan 1:1) Nang narito pa siya sa lupa ay ulit at ulit na binanggit niya ang kaniyang pagkamababa sa Diyos. (Juan 5:19, 30; 7:28; 8:28, 42) Hindi niya inangkin ang kapurihan, kundi idinirekta niya ang atensiyon kay Jehova. (Marcos 10:18) At sa sukdulan ng pagsubok sa kaniya ay sinabi niya: “Ama ko, kung baga maaari, nawa’y lumampas sa akin ang sarong ito. Gayunman, huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ayon sa ibig mo.” (Mateo 26:39) Oo, si Jesus ay nagbigay sa atin ng napakainam na halimbawa sa kahinhinan. Kung gayon, tiyak na lahat ng mga espiritung nilikha ng Diyos at lahat ng mga tao ay dapat na maging mahinhin.

Makatuwiran ang Maging Mahinhin

9. Sang-ayon sa 1 Corinto 4:6, 7, bakit makatuwiran na maging mahihinhin ang mga lingkod ng Diyos?

9 May lohika ang tayo*y maging mahinhin; ito’y makatuwiran. Unang-una, hindi baga lahat tayo ay di-sakdal? Sino ang makapagkakaila niyan! (1 Hari 8:46) Lahat tayo ay nagkakamali. Ang ating karanasan ay limitado at gayundin ang ating kaalaman. Isa pa, tinanggap lamang natin ang lahat ng mayroon tayo. Kaya ipinayo ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya na huwag lalampas sa mga bagay na nasusulat “upang,” gaya ng sabi niya, “huwag ipagmalaki ninuman ang isa at hamakin naman ang iba. Sapagka’t sino ang gumawa upang ikaw ay mapatangi sa iba? Oo nga, ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? Kung gayon na tinanggap mo pala, bakit mo ipinagmamapuri na para bang hindi mo tinanggap?” (1 Corinto 4:6, 7) Kung gayon, ang malaking bahagi ng kung ano tayo ay depende sa ating henetikong mana, kapaligiran at lalung-lalo na sa paglalaan ng Diyos.

10. Depende sa ano ang tagumpay sa banal na paglilingkod, at paano tayo dapat maapektuhan ng pagkakilala sa bagay na iyan?

10 Isa pa, hindi ba totoo na ano mang tagumpay ang kamtin natin sa ating banal na paglilingkod, ang lahat ay depende sa pagpapala roon ni Jehova? Bilang halimbawa: Gaano mang pagsisikap ang gawin ng magsasaka, ang lagay ng panahon ay napakalaking bagay sa paglaki ng mga tanim. At gaya ng napuna ng salmista: “Malibang si Jehova mismo ang nagtatayo ng bahay, walang kabuluhan ang masikap na pagpapagal doon ng mga nagsisipagtayo. Maliban na si Jehova mismo ang magbantay sa lunsod, walang kabuluhan ang pamamalaging gising ng bantay.” Ganiyan din ang idiniriin ni apostol Pablo tungkol sa gawain ng mga ministrong Kristiyano: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, nguni’t ang Diyos ang patuloy na nagpalago; anupa’t walang anuman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig, kundi ang Diyos na siyang nagpapalago.” (Awit 127:1; 1 Corinto 3:6, 7) Oo, kung mangangatuwiran tayo tungkol sa bagay na iyan, sasang-ayon tayo na nababagay sa ating lahat ang kahinhinan, anuman ang ating mga kakayahan, mga pinag-aralan o mga kayamanan.

Mga Tulong sa Pagpapaunlad ng Kahinhinan

11. Paano tayo matutulungan na maging mahinhin ng dahil sa pag-ibig sa Diyos na Jehova?

11 Ang isa sa makatutulong sa atin upang maging mahinhin ay ang pag-ibig, ang walang-imbot na pag-ibig. Kung pinahahalagahan din lamang natin ang lahat ng nagawa na ng Diyos na Jehova, ang kaniyang ginagawa at gagawin pa para sa atin, tunay na iibigin natin siya ng ating buong puso, kaluluwa, isip at lakas. (Marcos 12:30) Kung gayo’y hindi natin ipaghahambog ang ating sarili. Oo, ang kahambugan ang kabaligtaran ng kahinhinan. Bagkus, tayo’y laging magsasalita at kikilos nang may nararapat na kahinhinan upang ang pansin ay mapapako hindi sa ating sarili kundi sa Diyos na Jehova, upang lahat ng kaluwalhatian at karangalan ay sa kaniya mapapunta. Kaya’t masusunod natin ang payo: “Ang marunong ay huwag maghambog ng kaniyang karunungan ni ang. matapang ng kaniyang katapangan; ang mayaman ay huwag maghambog ng kaniyang kayamanan; nguni’t kung sinuman ay maghahambog, ipaghambog niya ang ganito, na kaniyang nauunawaan at nakikilala ako. Sapagka’t ako ay [si Jehova], ako’y nagpapakita ng walang pagkabisalang pag-ibig, ako’y gumagawa ng katarungan at ng katuwiran sa lupa; sapagka’t dito nakalagak ang aking puso. Ito ang mismong salita [ni Jehova].”—Jeremias 9:23, 24, The New English Bible.

12. Paanong ang mabuting kaugnayan sa Diyos ay makatutulong sa atin na maging mahinhin?

12 Ang pagpapaunlad ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova ay tutulong din sa atin na maging mahinhin sa lahat ng panahon. Tayo’y inaasahan na magiging mahinhin sa paglakad na kasama ng ating Diyos. (Mikas 6:8) Ang pagkatunay na tunay sa atin ng Maylikha, ng kaniyang kadakilaan, ng kaniyang kamahalan at ng kaniyang mga katangian, ang mag-uudyok sa atin na kumilos nang may nararapat na kahinhinan. Ibig nating magkaroon ng kaisipan na gaya ng kay Moises, na “patuloy na nagpakatatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Iyon ay para bang tayo’y mga mumunting bata na humahawak sa kamay ng ating makalangit na Ama. Ang ating regular na pag-aaral ng Salita ni Jehova at ‘pagmamatiyaga sa pananalangin,’ oo, ng ‘walang patid na pananalangin,’ ay tutulong sa atin na magkaroon ng napakainam at matalik na kaugnayang ito sa Diyos.—Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17.

13. Papaanong ang ating hangaring matularan si Jesu-Kristo ay tutulong sa atin na maging mahinhin?

13 Ang pag-ibig at pagpapahalaga sa lahat ng ginawa para sa atin ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo, at ang pagkaalam ng kahulugan ng maingat na pagsunod sa kaniyang mga yapak ay tutulong din sa atin na maging mahinhin. Anong inam, dakila, walang-imbot, at sakdal na halimbawa ang ipinakita sa atin ni Jesus! Kung tinutupad natin ang ating obligasyon na sumunod nang buong ingat sa kaniyang mga yapak, tutulong ito sa atin na maging mahinhin. Sa paano? Sapagka’t makikita natin na tayo’y hindi pala lubusang makatutulad sa kaniya. Baka masiyahan na tayo pagka ang sarili natin ay inihambing natin sa iba. Nguni’t nasisiyahan ba tayo kung kay Jesu-Kristo natin inihahambing ang ating sarili? Sa halip, dapat nating madama ang gaya ng nadama ni apostol Pablo—na hindi natin magawa ang talagang ibig nating gawin at kadalasan pa’y ang nagagawa natin ay yaong talagang hindi natin ibig gawin. Walang Kristiyano na talagang nakadarama na hindi siya lubusang makatutulad kay Jesu-Kristo ang mag-iisip na maghambog ng kaniyang sarili.—Roma 7:15-25.

14. Papaanong ang pag-ibig sa mga kapatid ay tutulong sa atin na maging mahinhin?

14 Ang pag-ibig sa ating mga kapuwa saksi ni Jehova at sa mga miyembro ng ating pamilya ay tutulong din sa atin na magpakahinhin. Gaya ng pagkasabi ng isang awiting pang-Kaharian: ‘Nakikita ng pag-ibig ang mabuti. Pinatitibay ng pag-ibig ang pagkakapatiran.’ Oo, uudyukan tayo ng pag-ibig na pahalagahan ang mabubuting kuwalidad ng iba. Nguni’t paano tayo matutulungan nito upang magpakahinhin? Bueno, kung kulang tayo nito ay kinayayamutan tayo ng iba, kinasusuyaan. Yamang hindi natin gustong kayamutan tayo ng mga taong ating iniibig, ang tunay na pag-ibig sa mga kapatid ang mag-uudyok sa atin na maging mahinhin. Ang kawalan ng kahinhinan ang sanhi ng kompetisyon, pagkamagkakaribal, o ng pagkadama ng iba na sila’y alangan sa atin. Subali’t ang pag-ibig ay “hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.” Bagkus, ito ay mahinhin.—1 Corinto 13:4.

15. Papaanong ang pagpipigil-sa-sarili ay tutulong sa atin na maging mahinhin?

15 Ang pagpipigil-sa-sarili, na bunga ng banal na espiritu ng Diyos, ay tutulong din sa atin ng pagpapaunlad ng kahinhinan. (Galacia 5:22, 23) Talaga bang may kaugnayan ang dalawang ito? Oo. Malimit na ang hilig ng isang tao’y sabihin o gawin ang isang bagay na nagsisilbi sa sariling kapakanan o nambobola sa sarili, at kung minsan ay dahilan lamang ito sa silakbo ng damdamin. Oras na masabi o magawa ito ng isang tao, baka matalas niya pagkatapos na nagkamali pala siya. Ito’y dahilan sa ang puso ng tao ay mahilig na lumihis, magdaraya, sinungaling. (Jeremias 17:9, The Jerusalem Bible; NE) Subali’t ang pagpipigil-sa-sarili, paghinto sandali, pag-iisip, pagbubulay-bulay kung paano maaapektuhan ang iba ng ating sasabihin o ikikilos, ay tutulong sa atin upang magpakita ng nararapat na kahinhinan. Halimbawa, kung hindi pinag-iisipan nang husto, baka ang iniisip natin ay kunin ang pinakamagaling o pinakamalaking piraso ng karne, keik o prutas pagka isinisilbi o ipinapasa iyon sa isang plato pagka tayo’y nanananghalian. Subali’t ang pagpipigil-sa-sarili at ang pagkamaalalahanin sa iba ang tutulong sa atin upang masugpo ang hilig na iyon. Kapit din ito tungkol sa hilig na umupo sa pinakamagaling na dako kung tayo’y nasa isang bangkete o handaan. Ipinakita ni Jesus na baka tayo paalisin doon at palipatin sa isang mababang dako. Ang kaunting pag-iisip at ang kahinhinan ang tutulong upang tayo’y huwag magkamali at mapahiya kung tungkol sa mga bagay na ito.—Lucas 14:8-11.

16. Bakit ang pananampalataya kay Jehova ay makatutulong sa atin na maging mahinhin?

16 Ang isa pang bunga ng espiritu na tutulong sa atin sa pagpapaunlad ng kahinhinan ay ang pananampalataya kay Jehova, na resulta ng mabuting kaugnayan sa kaniya. Likas sa taong makasalanan na mangambang mawala sa kaniya ang mabubuting bagay sa buhay, maging iyon ay materyal, intelektuwal, emosyonal o espirituwal. Subali’t ang pananampalataya kay Jehova ang pipigil sa atin upang huwag tayong padala sa kapalaluan o sa kapangahasan. Bagkus, kay Jehova natin ipababahala ang mga bagay. Kung tayo’y mahinhin, makapaghihintay tayo hanggang sa ituwid ng Diyos ang mga bagay-bagay o pangyarihin niya na tayo’y makilala o sumulong. Bago naging hari si David, siya’y nakitaan ng ganitong kahinhinan. Maaari sanang kumilos siya noon ayon sa kaniyang magalingin, sapagka’t pinahiran siya na maging hari. Marahil si David ay naging hari kaagad ng Israel kung pinatay niya si Haring Saul, nguni’t hindi niya ginawa ito, kundi hinintay ni David na si Jehova ang magbigay sa kaniya ng paghahari, at ito’y ginawa ni Jehova, sa Kaniyang takdang panahon.—1 Samuel 24:2-6; 26:10, 11.

17. Sa anu-anong paraan matutulungan tayo ng empatia upang magpakahinhin?

17 Ang isa pang tulong sa pagkakaroon ng kahinhinan ay empatia, ang paglalagay ng sarili mo sa lugar ng iba, sa madaling-sabi. Halimbawa, ang kakulangan ng kahinhinan ang maaaring dahilan na ang isang hinirang na matanda sa kongregasyon ay paulit-ulit na lumalabis sa takdang oras pagka isinasagawa ang kaniyang mga asainment sa mga pulong ng kongregasyon. Nguni’t kung siya’y may empatia, ang sarili niya’y mailalagay niya sa lugar ng kaniyang mga kapuwa hinirang na matatanda na ibig ding magkaroon ng sapat na panahon sa kani-kanilang bahagi sa programa. Pag-iisipan din ng mahinhing matanda ang kapakanan ng kaniyang espirituwal na mga kapatid, na hindi na mapakali pagka lumabis sa takdang oras ang isang pulong kung wala namang mabuting dahilan. Oo, dahilan sa empatia ay magiging mahinhin ang isang tao sa lahat ng kaniyang pinakikitunguhan, pati sa mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano. Dahilan sa empatia si apostol Pablo ay naging “gaya ng isang Judio sa mga Judio, gaya ng nasa-ilalim ng kautusan sa mga nasa-ilalim ng kautusan, gaya ng mahina sa mahihina,, at iba pa—pawang dahil sa mabuting balita. Iyan ay pagiging mahinhin, at pagpapakita sa kaniyang mga tagapakinig na hindi niya iniisip na siya’y mas magaling kaysa kanila.—1 Corinto 9:19-23.

18. Ano ang masasabi tungkol sa nagagawa ng kahinhinang Kristiyano?

18 Oo, malaki ang nagagawa ng kahinhinang Kristiyano. Anong laking pinsala ang nagawa ng kakulangan nito sa buong lumipas na panahon! Para sa Kristiyano ay talagang makatuwiran ang maging mahinhin. Ang resulta’y mabuting kaugnayan sa Diyos, sa ating mga kapuwa saksi ni Jehova, sa ating sariling pamilya at sa iba. Ang kahinhinan ay tutulong pa rin kahit na sa ating sarili, sapagka’t tayo’y magiging kontento at hindi makadarama ng kabiguan. Oo, ang karunungan ng Salita ng Diyos ay malaki ang naitutulong sa atin upang tayo’y magpakahinhin. Sana nga’y patunayan natin na tayo’y may tunay na karunungan sa pamamagitan ng pagpapaunlad at pagpapakita ng kahinhinang Kristiyano.

Paano Mo Sasagutin?

□ Sa Bibliya, papaanong ang mga ilang taong nasa kabataan pa ay nagpakita ng kahinhinan?

□ Papaanong si Jesu-Kristo ang pinakadakila at pinakamainam na halimbawa ng kahinhinan?

□ Sa papaanong ang pag-ibig kay Jehova at ang mabuting kaugnayan sa kaniya ay tutulong sa atin upang paunlarin ang kahinhinan?

□ Papaanong ang hangad nating tularan si Jesu-Kristo ay tutulong sa atin na magpakahinhin?

□ Bakit ang pag-iibigang pangmagkakapatid ay tutulong sa atin na magpakahinhin bilang mga sumasamba kay Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 17]

Hindi ipinangalandakan ni Elihu ang kaniyang sarili kundi lahat ng papuri ay iniukol niya kay Jehova

[Larawan sa pahina 18]

Ang regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at ‘pananalanging walang patid’ ay tutulong sa atin upang mapaunlad ang kahinhinan