Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Trinidad—Dapat Mo Bang Paniwalaan?

Ang Trinidad—Dapat Mo Bang Paniwalaan?

Ang Trinidad—Dapat Mo Bang Paniwalaan?

IKAW ba’y taimtim na naniniwala sa Trinidad? Sa Sangkakristiyanuhan ay daan-daang angaw ang naniniwala. Marahil ay inaakala mong nakasalig iyon sa Bibliya. Alam mo ba kung anong talaga ito? Nauunawaan mo ba ito? Maipaliliwanag mo ba ito?

Ang Athanasian Creed ay isa sa pinakamaagang kompletong mga pangungusap tungkol sa Trinidad, at ganito ang paliwanag:

“Ang pagka-Diyos ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo ay pawang iisa: ang kaluwalhatian ay magkakapantay, sa kadakilaan ay pare-pareho silang walang hanggan. . . . ang Ama ay makapangyarihan-sa-lahat, ang Anak ay makapangyarihan-sa-lahat, at ang Espiritu Santo ay makapangyarihan-sa-lahat. . . . Kaya’t ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos. Subali’t hindi tatlo ang mga Diyos, kundi iisa ang Diyos. . . . Sa Trinidad na ito walang mababa o walang mataas; walang higit na dakila o higit na nakabababa. Kundi ang buong tatlong persona ay pare-parehong walang hanggan, at pare-parehong magkakapantay.”

Samakatuwid ayon sa doktrina ng Trinidad, ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo ay magkakapantay sa kapangyarihan, sa autoridad at pare-parehong walang hanggan. Subali’t ang mahalagang tanong ay ito: Si Jesu-Kristo ba at ang kaniyang mga apostol ay naniwala at nagturo ng Trinidad? Kung tayo’y naniniwala na gumawa sila ng gayon, tayo’y napapaharap sa ilang mga tanong na lubhang nakalilito.

Sa Marcos 13:32, sinabi ni Jesu-Kristo: “Nguni’t tungkol sa araw o sa oras na yaon [ng darating na paghuhukom ng Diyos] ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” a (Tingnan ang kahon, “Bakit Wala ang mga Ito?” sa pahina 7.) Subali’t kung ang Ama at ang Anak ay magkapantay, ano’t hindi malalaman ng Anak ang mga bagay na alam ng Ama? ‘May dalawang naturalesa si Jesus,” ang isasagot ng iba. ‘Dito siya ay nagsasalita bilang isang tao.’ Subali’t, kahit na gayon, komusta naman ang “Espiritu Santo”? Kung ito ang ikatlong persona ng Trinidad, bakit hindi nito alam? Ang kadena ay kasintibay lamang ng pinakamahinang kawing niyaon. At ang “Espiritu Santo” ay bahagi ng kadena ng mga Trinitaryo.

Gayundin, mas maaga rito ay sinabi ni Jesus: “Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, o kung sino ang Ama kundi ang Anak.” (Lucas 10:22) Uli, komusta ang “Espiritu Santo”? Kung ito’y isang may kamalayang bahagi ng “pagka-Diyos,” na kapantay ng Ama at ng Anak, bakit hindi nakikilala nito?

Mahigit na 20 taon pagkamatay ni Jesus at pagkaakyat sa langit, si apostol Pablo ay sumulat: “‘Sapagka’t sino ang nakakilala sa pag-iisip ng Panginoon [ang Ama] upang siya’y turuan niya?’ Datapuwa’t nasa atin ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Paano ka magkakaroon ng “pag-iisip ni Kristo” nguni’t hindi mo alam ang “pag-iisip ng Panginoon” kung ang Ama at ang Anak ay magkapantay?

Sa Kawikaan 8:22-24 ay mababasa natin: “Ang PANGINOON ang lumikha sa akin sa pasimula ng kaniyang paggawa, ang una sa kaniyang mga ginawa noong una. Pagkatagal-tagal na mga panahon ang lumipas nang ako’y lalangin, noong una, bago nilikha ang lupa. Nang wala pang mga kalaliman ay iniluwal ako.” Ang mga sinaunang Kristiyano ay may malinaw na pagkaunawa na si Kristo ang tinutukoy sa paglalarawang ito. Isinulat ng Trinitarian iskolar na si Edmund J. Fortman: “Ito [ang Kawikaan 8:22-31] ay ikinapit ni Pablo sa Anak ng Diyos. Ginamit ito ng mga Apologist upang patunayan sa mga Gentil at Judio na umiiral na noong una ang Verbo at may bahagi Siya sa paglalang.” (Ihambing ang Colosas 1:15-17; Apocalipsis 3:14.) Subali’t kung si Jesus ay may unang pasimula, ‘nilikha,’ ‘nilalang,’ “iniluwal,” noong matagal na matagal pa bago siya ipinanganak dito sa lupa, paano siya makakapantay ng kaniyang Ama na walang hanggan? Isa pa, tanging ang isang nilikha lamang (samakatuwid, may pasimula) ang makapagsasabi: “Ako’y nabubuhay dahilan sa Ama.”—Juan 6:57.

Paulit-ulit na tinukoy ni Jesus ang Ama bilang “aking Diyos”—kahit na pagkatapos na siya’y bumalik sa makalangit na kaluwalhatian. (Mateo 27:46; Juan 20:17; Apocalipsis 3:2, 12) Tanging ang isang nakabababa, na isang mananamba, ang makatutukoy sa isa na “aking Diyos.” Subali’t bakit kahit minsan ay hindi natin makikitang ang Anak ay tinatawag ng Ama na “aking Diyos”? At bakit ang “Espiritu Santo” ay hindi tinutukoy ng Ama o ng Anak na “aking Diyos”?

Mga tanong na humihila sa atin na mag-isip, hindi ba?

Bakit Walang mga Epekto?

Kung iniisip natin na si Jesu-Kristo’y may paniwala at nagturo na siya’y kapantay ng Diyos, may isa pang bagay na nakalilito: Bakit hindi natin nababasa sa “Bagong Tipan” ang tungkol sa mga epekto ng gayong turo? Anong mga epekto?

Una, ang epekto niyaon sa mga alagad ni Jesus. Sa pasimula, marahil ang turing nila kay Jesus ay isang tao lamang. (Ihambing ang Marcos 6:3.) Pagkatapos, pagtatagal-tagal ay ipagpalagay natin na isiniwalat ni Jesus sa kanila na siya ang Diyos mismo. Ano kaya ang epekto nito sa kanila? Ano ang magiging epekto nito sa iyo kung sakaling biglang nakita mong ikaw pala’y katabi ng Diyos?

Si Andrews Norton, isa sa mga unang propesor sa Harvard Divinity School noong ika-19 na siglo, ay bumulalas: “Anong laking panggigilalas na di-malirip ang madarama natin!” At kung talagang napag-alaman ng isang tao na kasa-kasama niya mismo ang Diyos, “lagi niyang babanggitin iyon sa pinakamariing pananalita, kailanma’t may pagkakataon siya na banggitin iyon!”

Subali’t, sa tuluy-tuloy na pagbabasa mo ng Ebanghelyo may nakikita ka bang ganitong epekto sa mga alagad ni Jesus? ‘Kaya naman ang katotohanan nito ay unti-unting isiniwalat sa kanila ni Jesus,’ sasabihin marahil ng iba. Kung gayon, bakit wala kang mahahalata kahit bahagya ng gayong panggigilalas kahit na sa mga liham ng “Bagong Tipan,” na isinulat makalipas ang maraming taon pagkatapos mamatay at mabuhay uli si Jesus? Nakapagtataka, hindi ba?

Bukod dito, mayroon pa marahil mga ibang resulta kung itinuro ni Jesus na siya’y Diyos. Para sa mga Judio, na sumasampalatayang “ang PANGINOON . . . ay iisang PANGINOON,” isang pamumusong ang sabihin na si Kristo ay kapantay ng Diyos bilang ang ikalawang persona ng Trinidad. (Deuteronomio 6:4) Ito’y nagbabangon ng dalawang tanong.

(1) Bakit wala tayong makikitang ang mga manunulat ng “Bagong Tipan” ay nagpapaliwanag, nagbibigay-linaw, nagbibigay ng halimbawa at nagtatanggol sa di-kapani-paniwalang doktrinang ito nang paulit-ulit para sa kapakinabangan ng mga Judiong di-sumasampalataya? Walang ibang turo na mangangailangan ng higit na paliwanag!

(2) At bakit wala tayong makikitang di-sumasampalatayang mga Judio, mga mahihigpit na mananalansang sa Kristiyanismo, na umaatake sa doktrinang ito na inaakala nilang kasuklam-suklam? Walang ibang turo na pagtatalu-talunan ng pinakamarami! b

Kaya, ganito ang puna ni Propesor Norton:

“Lumilitaw, kung gayon, na bagaman ang mga ibang suliranin na hindi gaanong mahirap (halimbawa, ang pagtutuli ng mga nakumberteng Gentil) ay pinagdududahan at pinagtatalu-talunan na anupa’t halos hindi nakasasapat maging ang autoridad man ng mga Apostol upang itatag ang katotohanan, ang doktrinang ito [ng Trinidad], na lubhang kakatuwa, nakaririmarim, at napakahirap na intindihin, ay ipinasok nang walang abug-abog, at tinanggap nang walang pag-aatubili, pag-ayaw, pagsalansang, o maling pagkakilala.”

Nakapagtataka, ang pinakabahagyang masasabi!

Kaya’t bakit hindi niliwanag ito ng mga manunulat ng “Bagong Tipan”? Hindi sinalungat ng mga mananalansang na Judio? Sapagka’t si Jesus at ang mga apostol niya ay hindi nagturo ng palasak na pinaniniwalaan sa Sangkakristiyanuhanang Trinidad! Saan nga nanggaling ang doktrina ng Trinidad?

Ang Trinidad—Nagbibigay ba ng Kapurihan sa Diyos?

‘Nang magtagal ay tinanggap ang Trinidad bilang isang tradisyon, bagaman hindi itinuturo ng Kasulatan,’ marahil ay sasabihin ng iba. Nguni’t, paano ito naayon sa mga salita ni Pablo sa Galacia 1:8: “Nguni’t kahit na kami, o isang anghel buhat sa langit, ang nangaral sa inyo ng isang ebanghelyo na iba kaysa aming ipinangaral na sa inyo, siya’y itakuwil”?

Nagbabala ang Bibliya ng paghiwalay o apostasya sa tunay na pagka-Kristiyano, na ang sabi: “Sa mga huling panahon ay may mga hihiwalay sa pananampalataya at makikinig sa nagliligaw na mga espiritu at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Yamang, ayon sa New Catholic Encyclopedia, ang turo ng Trinidad ay hindi lubusang nabuo kundi noong “huling quarto ng ika-4 na siglo,” ang tanong natin: “Posible kaya na ang doktrina ng Trinidad ay resulta ng apostasya buhat sa tunay na pagka-Kristiyano? Hindi kaya ang totoo’y isang “turo ng mga demonyo” ang Trinidad?

Ang isang mapagkakakilanlan ay ang bunga ng turong iyan. Si Jesus ay inakusahan ng mga Judio ng ‘pagkakaroon ng isang demonyo,’ at siya’y tumugon: “Ako’y walang demonyo; kundi pinapupurihan ko ang aking Ama.” (Juan 8:49) Kaya’t komusta naman ang turo ng Trinidad? Ikaw ba’y lalong inilapit nito sa Diyos ng Bibliya? Ito ba’y nagdulot ng kapurihan sa Diyos sa bagay na lalong napapalapit sa kaniya ang mga tao? Ano ang ipinakikita ng mga pangyayari?

“Ang doktrina ng Santisma Trinidad ay napakahirap na ipaliwanag, at walang nakakaintindi nito,” inamin ng klerigong Katoliko na si Robert I. Gannon. Upang magkaroon ng saligan ng pananampalataya, ang nag-iisip na mga tao ay humahanap ng paliwanag na kasiya-siya sa makatuwirang kaisipan. Hindi baga may kamalian ang isang turo tungkol sa Diyos kung ito’y hindi maipaliwanag? Ang Diyos ba’y mabibigyan ng kapurihan ng isang turo tungkol sa kaniya na “walang nakakaintindi”? Kailangang makilala ng mga tunay na Kristiyano ang Diyos na kanilang sinasamba. Dito’y walang lugar ang hiwaga!—Juan 17:3.

At, samantalang hindi na nga lalong inilapit sa Ama ang mga tao, pinapangyari pa ng doktrina ng Trinidad na siya’y halinhan. Sa tradisyong Protestante, ang resulta nito ay ang pagkalagay ng Ama sa dako na kung saan hindi siya nakikilala bahagya man. Sinuman na bumubulalas ng “Praise the Lord!” ay tanungin mo kung sino ang kanilang tinutukoy doon at pare-pareho ang kanilang isasagot, “Aba, si Jesu-Kristo, siempre pa!”

Mas Malapit sa Diyos—O kay Maria?

Sa tradisyong Romano Katoliko, ang epekto ay lalo pang pinasamâ ng pagpuri kay Maria bilang ang “Ina ng Diyos,” “Mediatrix of all Graces,” “Co-redemptrix of man” at “Reyna ng Kalangitan”—na pawang resulta ng turo ng Trinidad! Ipinaliliwanag ng New Catholic Encyclopedia: “Si Maria ang talagang ina ng Diyos kung totoo ang dalawang bagay: na siyang talaga ang ina ni Jesus at na si Jesus ay talagang Diyos.”—Amin ang italiko.

Upang ipakita ang laki ng kanilang nagawa upang tabunan ang Ama, sa An Historian’s Approach to Religion ay sinipi ni Arnold Toynbee ang Pranses na Huguenot noong ika-17 siglo na si Pierre Bayle, na ang pakutyang sabi’y ipinagkaloob na raw ng Diyos kay Maria ang sansinukob:

“Magmula noon patuloy, ang Diyos ay hindi na nakikialam sa anuman, kundi sa lahat ng bagay ay si Maria ang pinagkatiwalaan niyang mamamanihala; at inutusan ang mga ilang anghel upang ipatalastas sa Lupa ang pagbabagong ito ng gobyerno, upang maalaman ng Sangkatauhan kung kanino at sa papaano nila ipahahatid sa hinaharap ang kanilang mga panalangin; at na sila . . . ay hindi mananalangin sa Birheng Maria bilang isang mediatrix o isang nakabababang reyna, kundi manalangin sila sa kaniya bilang siyang soberano at ganap na emperatriz ng lahat ng bagay.”

Sa kabaligtaran nito, ang hinihingi ng Diyos na Jehova ay bukud tanging debosyon! (Exodo 20:5) “Ang kaluwalhatian ko ay hindi ko ibibigay sa iba,” ang sabi niya.—Isaias 42:8, Douay Version.

Kung gayon, ano ba ang ipinakikita ng mga pangyayari? Ito: Ang doktrina ng Trinidad ay hindi nagdala ng kapurihan sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapangyaring lalong mapalapit sa kaniya ang mga tao. Sa halip, ay maling-maling ang pagkalarawan nito sa Diyos. Kaya’t maliwanag na yaong mga may bahagi sa pagkabuo ng turong ito ay mga apostata na humiwalay sa tunay na pagka-Kristiyano.

Saan ba Nanggaling Ito?

Ang totoo, may nauna na sa Kristiyanismo na mga trinidad ng mga diyos, at karaniwan ito sa sinaunang mitolohiya ng Ehipto at Babilonya. Papaano napasingit sa Sangkakristiyanuhan ang ideang iyan? Ganito ang sabi ng History of Christianity, na lathala ni Peter Eckler:

“Kung ang Paganismo ay nagapi ng Kristiyanismo, totoo naman na ang Kristiyanismo ay nahawahan ng Paganismo. Ang dalisay na Deismo ng mga unang Kristiyano, (na walang ipinagkaiba sa kanilang mga kapuwa Judio kundi ang paniwalang si Jesus ang ipinangakong Mesiyas,) ay binago, ng Simbahan ng Roma, at ito’y naging ang di-maintindihang aral ng trinidad. Marami sa mga turong pagano, na inimbento ng mga Ehipsiyo at ginawa ni Plato na pinaka-idea niya, ay isinama at ginawang karapat-dapat na paniwalaan.”

“Karapat-dapat na paniwalaan”? Sang-ayon ka ba? Maliwanag na sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga tunay na alagad ay kailangang “sumamba sa Ama sa . . . katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Oo, ang ating pagsamba ay kailangang kasuwato ng katotohanan na nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kasali rito ang pagtanggap kay Jesu-Kristo bilang “ang Anak ng Diyos,” hindi ang Diyos Anak! (Juan 20:31; 1 Juan 4:15) Kailangan na itakuwil natin ang lahat ng makapaganong turo. Ang binabasa mo ngayong magasing ito, sa loob ng mahigit na isang daang taon, ay nakatulong sa angaw-angaw na tapat-pusong mga tao na sumamba ‘sa katotohanan’ sa kaisa-isang Diyos, “si Jehova na Soberanong Panginoon.”-Awit 140:7, New World Translation.

[Talababa]

a Ang mga siniping talata ay galing sa Revised Standard Version maliban sa kung iba ang ipinakikita.

b Baka banggitin ng iba ang Juan 5:17, 18, kung saan sinasabi: “‘Hangga ngayo’y gumagawa ang aking Ama, at ako’y gumagawa.’ Dahil dito’y lalo nang pinagsikapan ng mga Judio na siya’y patayin, sapagka’t hindi lamang niya sinira ang araw ng sabbath kundi tinawag din naman na kaniyang sariling Ama ang Diyos, at siya’y nakikipantay sa Diyos.” Dito, ang tinutukoy ni Juan ay yaong maling pagkakilala kay Jesus ng mga Judiong di-sumasampalataya, na siya’y “nakikipantay sa Diyos.” Ito’y pinatutunayan ng bagay na kanila ring maling pinaratangan si Jesus ng pagsira sa araw ng Sabbath.—Ihambing ang Mateo 5:17-19.

[Blurb sa pahina 6]

Bakit wala tayong makikitang ‘di-sumasampalatayang’ mga Judio na sumasalansang sa doktrina na inaakala nilang kasuklam-suklam?

[Kahon sa pahina 7]

Bakit Wala ang mga Ito?

Tungkol sa panahon ng “malaking kapighatian,” sa Mateo 24:36 ay mababasa, ayon sa Authorized Version, o King James Version: “Subali’t tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam na sino mang tao, oo, kahit mga anghel sa langit, kundi ang aking Ama lamang.” Pansinin na ang mga salitang “kahit ang Anak” ay wala bagaman makikita ito sa maraming mga iba pang salin. Bakit wala ang mga ito? Marahil ay nag-alala ang mga Trinitaryo sa talatang ito! Sapagka’t paano ngang hindi malalaman ng Anak ang mga bagay na alam ng Ama kung sila’y magkapantay? Tungkol sa Mateo 24:36, ganito ang paliwanag ng The Codex Sinaiticus and The Codex Alexandrinus, na lathala ng mga trustees ng British Museum: “Idinagdag ng Sinaiticus at Vaticanus [mga manuskrito ng Bibliya] ang kahit ang Anak pagkatapos ng langit, marahil ito ang orihinal na inalis dahilan sa pangambang magkaroon ng maling pagkaunawa sa doktrina.”

[Larawan sa pahina 3]

Paglalarawan sa Trinidad sa Simbahang Katoliko ni San Pedro sa Tagnon, Pransiya noong ika-14 na siglo

[Larawan sa pahina 7]

Alam mo ba na mayroon nang matagal nang naunang mga trinidad ng mga Diyos sa Kristiyanismo?