Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagkakaisang mga Mananamba ng Tanging Tunay na Diyos

Nagkakaisang mga Mananamba ng Tanging Tunay na Diyos

Nagkakaisang mga Mananamba ng Tanging Tunay na Diyos

“Oh Jehova, . . . ikaw ang Diyos, ikaw lamang mag-isa.”—Awit 86:9, 10.

1. (a) Ano ang sinimulang paandarin ni Jehova upang matupad ang pagkakaisa ng pagsamba? (b) Ano ang agad naging resulta ng “administrasyon” na iyon?

 PAGKAKAISA ng pagsamba—totoong nakabibighani iyan! Nguni’t ang karamihan ng tao ay hindi pa nakararanas niyan. Gayunman, hindi isang pangarap lamang ang pagkakaisa ng pagsamba. Ito ang layunin ng Diyos. May labinsiyam na siglo na ngayon nang pasimulang paandarin ni Jehova ang isang “administrasyon,” na ang layon ay pagkakaisa—pagkakaisa na katulad ng nasa isang sambahayan na doo’y umiiral ang matalik na ugnayan at pag-iibigan. Dahil sa pagkakaisa na likha ng “administrasyon” na ito ay agad naakay ang mga Kristiyanong Judio na sumamba kasama ng mga Samaritano; at pagkatapos ay tinanggap sa kongregasyon ang di-tuling mga Gentil. At lalong mahalaga, lahat sila ay nadala sa pakikipagkaisa sa Diyos na Jehova salig sa kanilang pananampalataya sa nagtatakip-kasalanang bisa ng inihandog na hain ni Jesus. At tinamasa nila ang kaugnayan ng mga anak sa isang mapagmahal na Ama.

2. (a) Ano ang “administrasyon” na iyon, at kailan nagsimulang umandar iyon? (b) Ano ang ibig sabihin ng pagtitipon ng “mga bagay sa langit”?

2 Sa Efeso 1:9, 10 ay itinatawag pansin ang “administrasyon” na ito, na ang sabi: “Ayon sa kaniyang minagaling ay nilayon niya ang isang administrasyon [o, paraan ng pagpapalakad ng sambahayan] sa katapusan ng takdang panahon [mula noong Pentecostes 33 C.E. patuloy], samakatuwid nga, na tipuning muli ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at [sa bandang huli] ang mga bagay sa lupa.” Ang pagtitipon sa “mga bagay sa langit,” samakatuwid nga, yaong mga makakasama ni Kristo sa kaniyang Kaharian sa langit, ay pinasimulan sa mga Judio, isinunod ang mga Samaritano at kasunod nito ay ang mga Gentil.

3. Ano ba ang naibunga ng pagtitipon sa “mga bagay sa lupa”?

3 Sa kaarawan natin, lalo na sapol noong 1935, nasasaksihan natin ang pagtitipon sa “mga bagay sa lupa,” samakatuwid nga, yaong mga taong pagkakalooban ng buhay sa lupang Paraiso. Angaw-angaw nang mga tao ang tumugon sa ikalawang bahaging ito ng maibiging “administrasyon” ng Diyos. Sila’y nagmumula sa lahat ng bansa at wika. Ang pagkakaisang nasasaksihan nila ay hindi lamang isang pagtitipon sa mga taong patuloy na nanghahawakan pa rin sa kanilang mga dating paniniwala at mga kinaugaliang gawain. Bagkus, gaya ng inihula sa Isaias 2:3, sila’y nag-aaral ng mga daan ni Jehova upang sila’y ‘makalakad sa kaniyang mga landas.’

4. (a) Magiging gaanong kalawak ang pagkakaisa ng pagsamba, at paano ito inilalarawan ng Bibliya? (b) Pagkatapos ng katapusang pagsubok, anong kaugnayan kay Jehova ang tatamasahin ng pinaging-sakdal na mga tao?

4 Gayunman, ang nasasaksihan natin ngayon ay hindi pa yaong nilayon na lubusang pagkakaisa. Tiyak na ang layunin ng Diyos ay pagkaisa-isahin sa tunay na pagsamba ang lahat ng matalinong nilalang. Si apostol Juan ay binigyan ng pangitain ng kamangha-manghang pagkakaisa na iiral sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo, at kaniyang inilalahad ito sa Apocalipsis 5:13: “At ang bawa’t nilalang na nasa langit at nasa lupa at nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito, ay narinig kong nagsasabi: ‘Sa Isa na nakaupo sa trono [alalaong baga si Jehova] at sa Kordero [si Jesu-Kristo] ay ang pagpapala at ang kapurihan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailan-kailanman.’” Doon ay nakita ni Juan na lahat ay nagkakaisa sa ilalim ni Jesu-Kristo sa pagsamba kay Jehova. At kung magkagayon, pagka natapos na ang katapusang pagsubok at nalipol na ang lahat ng mapaghimagsik, sa pamamagitan ni Kristo ay aariin ni Jehova na kaniyang mga anak ang lahat ng pinaging-sakdal na mga tao na nanatiling tapat sa kaniya. Sila’y magiging bahagi ng nagkakaisang pansansinukob na pamilya ng Diyos, at sa kanilang lahat si Jehova ang magiging tanging Diyos magpakailanman, Pansansinukob na Soberano at maibiging Ama. Anong nakagagalak na pag-asa! Taimtim bang hangarin mo ang ikaw ay makasama sa maligayang pamilyang iyan ng mga mananamba?—Roma 8:20, 21.

“Ikaw ang Diyos, Ikaw Lamang Mag-isa”

5, 6. Sa Awit 86, ano ang isinulat ni David tungkol sa Isa na ating sinasamba?

5 Ang pagsusuri sa Awit 86 ay tutulong sa atin na makilala kung ano ang kailangan nating gawin upang makabahagi sa pagpapalang iyon. Si David, na sumulat ng kinasihang awit na ito, ay may ulat na ng debosyon kung tungkol sa tunay na pagsamba. Nguni’t natalos niya na siya’y kailangang patuloy na umunlad sa espirituwalidad, at mababanaag ito sa kaniyang isinulat.

6 Sa talatang 8-10 ay itinutuon niya ang pansin sa Isa na kaniyang sinasamba, at nagsasabi: “Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, Oh Jehova, at walang ano mang mga gawa na gaya ng iyong mga gawa. Lahat ng mga bansa na iyong ginawa ay magsisiparito, at sila’y magsisisamba sa harap mo, Oh Jehova, at kanilang luluwalhatiin ang iyong pangalan. Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay; ikaw ang Diyos, ikaw lamang mag-isa.”

7. Bakit napakamahalagang kilalanin na si Jehova lamang mag-isa ang Diyos?

7 Noong kaarawan ni David, gaya rin ngayon, ang mga bansa ay mayroong maraming mga diyos. Subali’t taglay ang tunay na pagkakilala na sinabi ni David kay Jehova: “Ikaw ang Diyos, ikaw lamang na mag-isa.” Ang ganiyan ding katotohanan ay idiniin ni Jesu-Kristo. Noong gabi na bago siya namatay ay nanalangin siya sa kaniyang Ama, na tinukoy niya na “ang tanging tunay na Diyos.” (Juan 17:3) Datapuwa’t, isang Trinidad ang sinasamba ng Sangkakristiyanuhan, angaw-angaw ang sumasamba sa mga idolo; ang dinidiyos naman ng mga iba ay mga taong tanyag, salapi, ang kanilang sarili at sekso. Ikaw naman? Kabilang ka ba sa matatag na naniniwalang “walang gaya mo . . . Oh Jehova,” at siya “ang tanging tunay na Diyos”?

8. Gaya ng ipinakikita ng Awit 86:11, ano ang kahilingan sa lahat ng nagnanais sumamba kay Jehova?

8 Nakini-kinita noon pa ni David ang mga taong magmumula sa lahat ng bansa at maglilingkod kay Jehova. Tiyak na natalos ni David na pagka sumamba na kay Jehova ang gayong mga tao, marami silang dapat na matutuhan. Kailangang gumawa sila ng mga pagbabago sa kanilang buhay. Subali’t kinilala rin ni David na siya man ay kailangang maturuan at gumawa ng higit pang pagbabago sa kaniyang buhay. Sa Awit 86:11 ay sinabi niya: “Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Jehova. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Buuin mo sa aking puso ang matakot sa iyong pangalan.” Iyan ba rin ang nais mo?

9. Bakit tayo ay isang nagkakaisang bayan, at anong pananagutan mayroon tayo tungkol dito?

9 Ang pagkakaisang umiiral na sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay tunay na natatangi. Ito’y dahilan sa, bilang isang grupo, taimtim na nadarama natin ang gaya ng nadama ni David—hinahanap natin ang patnubay ni Jehova at kumikilos tayo na kasuwato niyaon. Nais din nating magkaroon ng bahagi sa pagkakaisang iyon sa pamamagitan ng ating saloobin at pamumuhay. Isa pa, ating maiingatan ang ating pagkakaisa at matutulungan ang iba upang makibahagi rito sa pamamagitan ng pagsisikap na mapaunlad sa mga bagong interesado ang pagpapahalaga sa sarisaring mga bagay na tagapagkaisa sa atin.

Mabisang mga Bagay na Tagapagkaisa

10. Ano ang una sa mga bagay na tagapagkaisa sa atin?

10 Una ay yaong bagay na lahat tayo’y sumasamba kay Jehova at kinikilala natin ang karapatan niya na magtakda ng pamantayan ng kung ano ang mabati at kung ano ang masama. (Apocalipsis 14:6, 7; Genesis 2:16, 17) Anong kahanga-hanga ang naging epekto niyan sa mga lingkod ni Jehova sa buong daigdig! Sinasabi ng Bibliya na si Jehova “ang Isang Mataas at Matayog, na tumatahan sa walang hanggan at ang pangalan ay banal.” (Isaias 57:15) Pagka sinamba natin siya at sumunod tayo sa kaniyang mga pamantayan, ito’y nakabubuti sa atin. At yamang ang mga pamantayang iyan ay kumakapit sa lahat ng panig ng lupa, ang pagsunod natin sa mga iyan ang tumipon sa atin sa pagkakaisa bilang isang bayan.

11. Paano natin matutulungan ang mga baguhan upang makabahagi sa pagkakaisang ito?

11 Nguni’t kung minsan may mga taong nakikiugnay sa atin na napapasangkot sa totoong masamang pamumuhay. Bakit? Pagka tinanong sila tungkol sa kanilang kaugnayan sa Diyos, ang sabi ng iba, ‘Hindi naman tunay sa akin ang Diyos.’ Kaya’t hindi rin naman nila gaanong pinahalagahan ang kaniyang mga kahilingan. Matutulugan ba natin yaong mga inaaralan natin upang si Jehova ay maging tunay sa kanila? Kailangang idiin natin sa kanila na ang tunay na pagsamba ay hindi lamang ang paniniwala sa mga ilang turo, pagpunta sa Kingdom Hall at marahil paminsan-minsang paggugol ng mga ilang oras sa paglilingkod sa larangan. Yaong mga ibig maglingkod kay Jehova ay nangangailangan ng isang matalik at personal na kaugnayan sa kaniya. Dapat silang matutong manalangin sa kaniya nang regular at personal, at hingin ang kaniyang patnubay sa lahat ng gagawin nila. (Filipos 4:6; Kawikaan 3:5, 6) Kung gayo’y magkakaroon sila ng bahagi sa pandaigdig na pagkakaisang tinatamasa natin.

12, 13. (a) Papaanong ang ikalawang bagay na nakatala rito ay tagapagkaisa sa atin? (b) Upang lubusang makinabang dito, ano ang dapat gawin ng isang tao?

12 Ikalawa ay ito: Tayo’y nagkakaisa sapagka’t, saanman tayo naroon sa daigdig, taglay natin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na giya natin. Ating kinikilala na ang Bibliya ay kinasihan, at ang isang nakaakit sa marami sa atin upang makiugnay sa mga Saksi ni Jehova ay yaong bagay na talagang sa Bibliya nanghahawakan ang mga Saksi.—2 Timoteo 3:16, 17.

13 Yaong mga inaaralan natin ay sasang-ayon marahil sa atin pagka sinabi natin na ang Bibliya’y Salita ng Diyos. Nguni’t gaano na sa Bibliya ang kanilang nabasa? Makabubuti na himukin ang bawa’t isa na basahin ang lahat nito, at sa ganoon ay alamin kung paano maaapektuhan ng Bibliya ang mga desisyon na ginagawa nila sa araw-araw na pamumuhay. Alam na alam ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama at nakatanim nang malalim sa kaniyang isip at puso kung kaya’t nasabi niya, “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa kaniya.” (Juan 8:29) Anong inam na tunguhin iyan para sa ating lahat!

14. Bakit mahalaga ang ikatlong bagay na binanggit dito, at ano ang maaari nating gawin upang higit na pahalagahan ito ng mga baguhan?

14 Ang ikatlong tagapagkaisa sa atin ay yaong bagay na lahat tayo’y nakikinabang sa iisang kaayusan ng pagkaing espirituwal. Kinikilala natin “ang tapat at maingat na alipin” bilang ahensiyang ginagamit ni Jehova sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa angkop na panahon. (Mateo 24:45-47) Tayo’y walang bahagya mang alinlangan na ang “alipin” na ito ay binubuo ng pinahiran-ng-espiritung mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian na sa gitna lamang ng mga Saksi ni Jehova matatagpuan. Ating pinahahalagahan ang ginagawa ng “alipin” na iyan at ng kaniyang Lupong Tagapamahala upang asikasuhin ang ating espirituwal na mga pangangailangan. At pinasasalamatan natin ang Diyos dahil sa taglay nating napakainam na mga pagkaing espirituwal. (Isaias 65:13, 14) Gumagamit ba tayo ng sapat na panahon upang ang mga taong bagu-bagong nakikiugnay sa kongregasyon ay turuang magpahalaga sa kaayusang ito?

15, 16. (a) Sino ang ating Lider? (b) Papaanong naapektuhan ang ating saloobin sa isa’t-isa sa pagpapahalaga sa ginagampanang bahagi ni Jesus sa ating pagsamba?

15 Ang ikaapat na tagapagkaisa, na mahalaga pa rin, ay yaong bagay na si Jesu-Kristo at hindi sino mang tao, ang ating Lider at tagapamagitan nating lahat sa paglapit kay Jehova sa pagsamba. Noong huling linggo ng kaniyang buhay bilang isang tao, idiniin ni Jesus ang kahalagahan nito. Sa Mateo 23:8, 10, kaniyang sinabi: “Huwag kayong patatawag na . . . ‘mga lider,’ sapagka’t ang inyong Lider ay isa, ang Kristo.” Sa ngayon, saanman sa daigdig naroroon ang isang tao, kung kaniyang tatanungin ang sinuman sa mga Saksi ni Jehova, ‘Sino ang inyong lider?’ pare-pareho ang itutugon sa kaniya: ‘Yao’y ang Panginoong Jesu-Kristo.’

16 Si Jesus lamang ang maaaring tagapamagitan sa paglapit natin kay Jehova sa pagsamba. Bakit? Sapagka’t lahat tayo ay ipinanganak sa pagkakasala, hinatulan ng kamatayan. Lahat tayo ay parepareho sa bagay na ito. Ang tanging paraan upang tanggapin ang sinuman sa atin bilang mga lingkod ng Diyos ay nakasalig sa ating pananampalataya sa inihandog na hain ni Jesu-Kristo, at sa pamamagitan lamang niya makalalapit ang sinuman sa atin ngayon kay Jehova sa panalangin. Ang taus-pusong pagpapahalaga rito ay mahalaga sa tunay na pagsamba.—Roma 3:23; Juan 14:6.

17. Paanong dahilan sa ating saloobin sa Kaharian ng Diyos ay ibang-iba tayo sa Sangkakristiyanuhan nguni’t tagapagkaisa ito sa atin bilang mga Saksi ni Jehova?

17 Ang ikalimang tagapagkaisa sa atin ay yaong bagay na saanman tayo naninirahan, tayo’y sa Kaharian ng Diyos nakatingin bilang ang tanging pag-asa para sa sangkatauhan. (Mateo 6:9, 10: Daniel 2:44) Hindi ito ginagawa ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Kaya naman sila’y napapasangkot sa politikal na mga pamamalakad ng sanlibutan at ng mga digmaan nito. Tuwirang kabaligtaran naman ang mga Saksi ni Jehova, na sa lahat ng bansa ay nagsa-puso ng sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga alagad ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Sa pagsunod sa Salita ng Diyos, ang ating mga tabak ay ginawa na nating mga pang-ararong sudsod at ang mga sibat ay mga karit na panggapas. Tayo’y hindi na gumagamit ng mga armas laban sa ating mga kapuwa tao, at hindi na rin tayo nag-aaral ng pakikidigma. (Mikas 4:3) Tayo’y matibay na naniniwalang ang tanging lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan ay ang Kaharian ng Diyos. Kaya naman, tayo’y nagkakaisa-isa ng ating mga kapuwa Saksi sa buong daigdig sa tunay na pagkakapatiran.

18. Papaanong ang bunga ng espiritu ng Diyos ay tagapagkaisa sa atin? Magbigay ng mga halimbawa?

18 Ang ikaanim na tagapagkaisa sa atin ay yaong bunga ng banal na espiritu ng Diyos sa buhay na mga mananamba kay Jehova. At anong kalugud-lugod na bunga iyon—pinaliligaya tayo sa pagsasama-sama! Bagaman mayroon tayong mga kahinaan na kailangang mapagtagumpayan natin, totoo ang sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”—Juan 13:35; Galacia 5:22, 23.

19. Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano tayo’y nagiging mga kamanggagawa nino?

19 Karagdagan sa mga binanggit na ang ikapitong punto: Lahat tayo bilang mga Saksi ni Jehova ay may pananagutan na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ito ay isang pananagutan, nguni’t isa ring pribilehiyo. Gaya ng ipinaliwanag ng apostol Pablo, sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano tayo ay nagiging mga kamanggagawa ng Diyos. Bagaman isa sa atin ang magtatanim at iba ang magdidilig, si Jehova ang Siyang nagpapalago at ang resulta’y mga bagong alagad.—Mateo 24:14; 1 Corinto 3:6-9.

Matatag sa Panig ng Tunay na Pagsamba

20. (a) Bakit mayroong mga iba na dumadalo sa Kingdom Hall na hindi lubusang nasisiyahan sa mga pagpapala ng gayong nagkakaisang pagsamba? (b) Bakit kailangang apurahang gumawa sila ng tiyakang paninindigan sa panig ni Jehova ngayon?

20 Samantalang tinatanggap ng mga baguhang nakikisama sa mga Saksi ni Jehova ang mga katotohanang ito na tagapagkaisa sa atin at sila’y gumagawang kasama natin, sila rin naman ay nagtatamasa ng kagalakan ng pakikibahagi sa nagkakaisang pagsamba sa tanging tunay na Diyos. Datapuwa’t, ang iba ay kontento na sa bahagyang kaalaman sa katotohanan. May natututuhan sila tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos, subali’t hindi nila hinahayaang ang katotohanan ay magkaugat sa kanilang puso. Nasasarapan sila ng pakikisama sa atin, nguni’t ayaw nilang sabihin na kanilang gagawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraan ni Jehova sa lahat ng panahon. Sa ilang paraan ay katulad sila ng mga ilan noong kaarawan ni propeta Elias, na sinabihan nang buong linaw ni Elias: “Hanggang kailan kayo mag-aalinlangan sa dalawang magkaibang kaisipan? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sige sumunod kayo sa kaniya; nguni’t kung si Baal, sige sumunod kayo sa kaniya.” (1 Hari 18:21) Pagka dumating na ang itinakdang panahon ni Jehova upang puksain ang kasalukuyang balakyot na sistema, hindi siya magpapaliban. Hindi niya ipagpapaliban ang panahong iyon o babaguhin man ang kaniyang mga pamantayan upang pagbigyan ang mga taong nakakapit pa rin sa sanlibutan, yaong mga may alinlangan pa rin tungkol sa pagkaalam sa kalooban ng Diyos at sa paggawa niyaon. Anong halaga nga, kung gayon, para sa lahat ng nagpapakita ng interes sa katotohanan na gumawa ng tiyakang hakbang ngayon na magtatag ng tunay at walang hanggang kaugnayan kay Jehova!

Bilang Repaso

□ Hanggang sa anong sukdulan makakamit ang pagkakaisa ng pagsamba at ano ang magiging kahulugan niyan para sa iyo?

□ Paano natin maipakikita na tayo’y may katulad na damdamin na tinutukoy sa Awit 86:11?

□ Ano ang ilan sa mabibisang bagay na tagapagkaisa sa atin?

□ Pagkatapos na sila’y makapag-aral ng saligang mga katotohanan sa Bibliya, tutulungan natin ang ating mga inaaralan sa ano pang higit na pagsulong?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 16]

‘Oh Jehova, ikaw ang Diyos, ikaw lamang mag-isa’