‘Pagkakaisa ng Espiritu’ sa Mabilis na Lumalagong Kawan
‘Pagkakaisa ng Espiritu’ sa Mabilis na Lumalagong Kawan
1. (a) Sa Efeso 4:1-6, anong angkop na payo tungkol sa pagkakaisa ang isinulat ni Pablo? (b) Bakit ang payong iyan ay angkop din sa ating kaarawan?
NANG si apostol Pablo’y sumulat sa mga Kristiyano sa kongregasyon sa Efeso kaniyang idiniin ang pagkakaisa, at pinayuhan sila na maging mapagpakumbaba, na pagtiisan nila ang isa’t-isa nang may pag-ibig at masikap na “ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.” (Efeso 4:1-6) Si Pablo ay gumugol ng mahigit na dalawang taon sa Efeso at batid niya ang sarisaring nakalipas na pamumuhay ng mga kapatid doon. Batid din niya na ang tagapagkaisang mga puwersa na pinapangyari ni Jehova na umimpluwensiya sa kaniyang mga lingkod ay makapananaig sa gayong mga diperensiya, at ipinayo sa kanila ni Pablo na pahalagahan at itaguyod ang mga impluwensiyang ito. Mahalaga rin ito sa ating kaarawan. Bakit? Sapagka’t ang mga tao “buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika” ay tinitipon sa organisasyon ni Jehova nang lubhang maramihan.—Apocalipsis 7:9, 10.
2. Paano iniingatan ni Jehova ang pagkakaisa ng kaniyang nakikitang organisasyon?
2 Kasuwato ng kaniyang layunin, pinagkaisa-isa ni Jehova ang kaniyang mga lingkod “na gaya ng isang kawan sa kulungan.” (Mikas 2:12) Kaniyang binibigyan sila ng kinakailangang patnubay upang maingatan ang kanilang pagkakaisang iyon. Sa papaano? Kaniyang inilagay ang kaniyang sariling Anak, si Jesu-Kristo, bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano. Sa Bibliya, pinapangyari ni Jehova na maisulat ang mga detalye ng kaniyang layunin, at sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon ay pinapatnubayan niya ang mga pagsisikap ng kaniyang mga lingkod tungo sa mga alulod na kasuwato ng layuning iyon. Nakapagpapatibay-pananampalataya na talakayin ang katunayan ng makalangit na patnubay na ito sa modernong panahon, sapol noong 1919.
Handa Upang Magbigay ng Pangglobong Pagpapatotoo
3. Anong aktibidad tungkol sa mga tagapagmana ng Kaharian ang inihula ng Bibliya ukol sa katapusan ng sistema ng mga bagay?
3 Sa pagtalakay sa katapusan ng sistema ng mga bagay, inihula ng Kasulatan ang muling pagtitipon ng nagsipangalat na “mga pinili” tungo sa pagkakaisa sa isang organisasyon, pati ang pag-aani sa mga huling miyembro ng mga kabilang sa uring Kaharian. (Mateo 24:31; 13:37-43, 47-50) Papaano pinapangyari ito?
4. (a) Anong nakikitang mga kasangkapan ang ginamit ni Kristo at ng mga anghel upang muling matipon at maibukod ang mga nalabi? (b) Kaya’t anong dalawang paraan ang ginamit dito ni Jehova upang pagkaisahin ang kaniyang mga lingkod?
4 Sinasabi ng Kasulatan na susuguin ni Kristo ang kaniyang mga anghel upang maisagawa ito. Walang sinuman dito sa lupa na nakakakita sa kumikilos na mga espiritung nilalang na iyon, nguni’t ang mga epekto ng kanilang aktibidad sa nakikitang organisasyon ni Jehova ay malinaw na nakikita. Pagkatapos ng marahas na pag-uusig na dinanas noong Digmaang Pandaigdig I, at panibagong lakas ang isinangkap sa mga lingkod ni Jehova sa pamamagitan ng mga artikulo sa Watchtower na pinamagatang “Blessed Are the Fearless,” na lathala noong 1919, si Jehova ay mayroong higit na gawain para sa kanila. Sa kanilang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, nang taon na iyon, sa diskursong “Announcing the Kingdom” (Pag-aanunsiyo sa Kaharian), nagbigay ng patalastas tungkol sa isang bagong publikasyon, The Golden Age (kilala ngayon na Awake!, Gumising! sa Tagalog), na malaganap na ipamamahagi sa madla upang akayin ang mga tao sa pagkaalam tungkol sa “Gintong Panahon” ng maluwalhating paghahari ng Mesiyas. Lahat ng “mga pinili” ay pinatibay-loob na makibahagi sa aktibidad na ito. Noong 1922, sa isa pang kombensiyon sa Cedar Point, nagbigay ng malakas na pananawagan na “Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Noong 1925, sa pagkaunawa ng kahalagahan ng aktibidad ng mga lingkod ni Jehova matapos ang digmaan, sa liwanag ng Apocalipsis kabanata 12, ito ay nagsilbing isa pang mabisang pampasigla sa gawain. At noong 1931, sa pamamagitan ng isang resolusyon na pinagtibay sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, at pagkatapos ay sa 50 extension kombensiyon sa buong daigdig, ang pangalang mga Saksi ni Jehova ay tinanggap nila, at ang mga Kristiyanong ito ay napabukod sa lahat ng sekta ng Sangkakristiyanuhan at pinatingkad ang kanilang bigay-Diyos na gawain. (Isaias 43:10-12) Sa gayo’y pinagkakaisa ni Jehova ang kaniyang mga lingkod (1) sa pamamagitan ng sumusulong na pagkaunawa sa Kasulatan at (2) ng pag-uudyok sa kanila sa masigasig na paggawa bilang kaniyang mga saksi.
5. Hangga noong 1935 ano na ang maisagawa sa pamamagitan ng nagkakaisa-isang pagkilos sa ilalim ng patnubay ni Jehova?
5 Bagaman kakaunti sila, ang kanilang nagkakaisang pagkilos sa ilalim ng patnubay ni Jehova ay nagpapangyaring ang pabalita ng Kaharian ay makarating sa mga kadulu-duluhan ng lupa. Mula noong 1921 hanggang 1935 sila ay nakapagpasakamay sa madla ng 205,217,917 na mga pinabalatang aklat at mga pulyeto sa maraming wika. Daan-daang angaw na mga tract ang ipinamahagi rin at malaganap na ginamit ang radio. Ang resulta, libu-libo pa ang nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova, napabautismo at pinahiran ng banal na espiritu samantalang patapos na ang pagtitipon sa mga kabilang sa uring Kaharian. Gayunman, ang kanilang pangmadlang ministeryo ay hindi pa tapos, sila’y inihahanda ni Jehova para sa hinaharap.
Pinalakas Upang Humarap sa Pananalansang
6. Para sa ano pa inihahanda noon ni Jehova ang kaniyang pinahirang mga lingkod?
6 Noong Digmaang Pandaigdig I, ang pinahiran ay pinapangalat ng kaaway. Darating pa noon ang balakyot na pagsisikap na sugpuin ang kanilang gawain. Nguni’t pinalakas sila ni Jehova upang sila’y huwag nang muling mangalat pa bilang isang kawan. Papaano isinagawa ito?
7. Nang itinatayong muli ang templo, paano pinapangyari ni Jehova na ang kanyang bayan ay nagkakaisang patuloy na gumawa samantalang nakaharap sa pag-uusig?
7 Nang dahil sa pananalansang ay nahadlangan ang muling pagtatayo sa templo ni Jehova matapos bumalik ang mga bihag galing sa Babilonya, pinalakas ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagbabangon ng mga propeta, ng nakikitang mga tagapagsalita niya, at kaniyang pinapangyaring salitain nila ang napapanahong mga pasabi buhat sa kaniya. Isa pa, ang sariling espiritu ni Jehova ang dumaig sa tulad-bundok na mga balakid at pinapangyaring ang kaniyang mga lingkod ay gumawa bilang isang nagkakaisang organisasyon.—Hagai 1:1-8; Zacarias 4:1-14.
8. Papaano pinalakas ni Jehova ang mga kapatid noong unang siglo?
8 Nang ang mga tunay na mananamba ay atakihin ng kaaway noong unang siglo, pinapangyari ni Jehova na ang mga apostol ay sumulat ng mga liham na nagbibigay ng pamamatnugot at pagpapayo. Dito ang pasimuno sa pag-uusig ay malinaw na nakilalang si Satanas na Diyablo, na ang pakay ay patahimikin ang pangangaral ng mabuting balita, sa pamamagitan ng marahas na pag-uusig o pagwawalat sa pagkakaisa ng mga kongregasyon sa pamamagitan ng impluwensiya ng mga nagkukunwang kapatid. Sa gayo’y natulungan ang lahat na makitang malinaw ang kasangkot na mga isyu. (Efeso 6:10-13; 2 Corinto 11:12-15; 1 Pedro 5:5-8) Maibiging pinatibay-loob sila na ‘manindigang matatag sa iisang espiritu, na nagkakaisa ng kaluluwa na sama-samang nagsisikap sa pananampalataya sa mabuting balita, na sa ano mang paraan ay hindi natatakot sa kanilang mga kalaban.’—Filipos 1:27, 28.
9. (a) Sa modernong panahon, paano nagbibigay si Jehova ng gayong tulong? (b) Magbigay ng mga halimbawa nito.
9 Sa modernong panahon, si Jehova ay patuloy ng pagbibigay ng kinakailangang tulong para sa kaniyang mga lingkod, at ginagawa ito sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” ang nalabi sa lupa ngayon, na si Jesus ang hinirang na ulo, at ang tulong na ito ay dumarating sa tamang panahon. (Mateo 24:45-47) Sa gayon noong 1925 ang uring “alipin,” sa pamamagitan ng The Watch Tower, ay tumulong sa kaniyang mga mambabasa upang maunawaan na ang Kaharian ng Diyos ay natatatag na sa langit sapol noong 1914 at, sa katunayan, mayroon lamang dadalawang organisasyon—ang kay Jehova at ang kay Satanas. Noong 1929 ang obligasyon ng Kristiyano na laging sundin ang batas ng Diyos bilang nakatataas kaysa batas ng tao ay ipinakadiin. Baytang-baytang na gumawa ng mga pagbabago sa organisasyon hanggang, noong 1938, lahat ng pag-aatas sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon ay isinagawa sa teokratikong paraan, sa halip na sa pamamagitan ng mga botohan sa mga kongregasyon. Lahat na ito ay nagsilbing tagapagkaisa at tagapagpalakas sa mga lingkod ni Jehova, at lubhang napapanahon!
10. (a) Paano lubhang napapanahon ang tulong na iyon? (b) Habang patuloy na bumabangon ang pag-uusig, ano pang tulong ang ibinigay sa kanila ni Jehova?
10 Noong mga taon ng 1930’s at hangga pa noong Digmaang Pandaigdig II at pagkatapos, ang mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa ay dumanas ng mahigpit na pag-uusig. Libu-libo sa kanila ang inihabla sa hukuman. Sa maraming lupain ay ipinagbawal ng gobyerno ang kanilang gawain. Marami ang kinulong ng maraming taon sa mga piitang kampo ng mga totalitaryano. At habang patuloy na bumabangon ang pag-uusig na ito, patuloy namang pinagtitibay ni Jehova ang kaniyang mga lingkod. Sa mga pag-aaral ng Watch Tower noong 1931, kanilang tinalakay kung paanong noong mga kaarawan ni Reyna Esther ang mga Judio ay hindi lamang nakipaglaban upang iligtas ang kanilang buhay kundi lumusob din sila sa kanilang mga kaaway, at tinalakay kung paano kumakapit ito ngayon sa espirituwal na pakikidigma. Sa mga artikulo sa “The Crucible,” noong 1934, ay ginamit ang ulat tungkol sa tatlong Hebreo na inihagis sa nag-aapoy na hurno upang magkaroon ang mga Saksi ni Jehova ng determinasyon na manindigang matatag na taglay ang lubos na kumpiyansa kay Jehova. (Daniel 3:17, 18, 28) Si Jehova ay mayroon pa noon na isang malaking gawain na kailangang maisagawa, at hindi niya pahihintulutang mahadlangan iyon ng pananalansang ng mga alipores ni Satanas.
Pagtitipon sa Isang “Malaking Pulutong” Para sa Kaligtasan
11. (a) Ukol sa anong lalo pang malawak na gawaing pangangaral inihahanda noon ni Jehova ang kaniyang mga lingkod? (b) Ipaliwanag ang ilan sa mga hakbang sa programang ito ng paghahanda na minamaniobra buhat sa langit.
11 Samantalang ang pagtitipon sa “munting kawan” ng mga tagapagmana sa Kaharian ay malapit na noon na matapos, ang pansin ay idinirekta ni Jehova sa isang lalong malawak na gawain, ang pagtuturo sa isang “malaking pulutong” na ililigtas sa “malaking kapighatian” upang mabuhay sa lupa sa isang isasauling Paraiso. Sa gayon noong 1918 ang presidente ng Watch Tower Society ay nagbigay ng pahayag sa Los Angeles, California, sa paksang nang maglaon ay inulit ng daan-daan pang mga tagapagsalita, sa ilalim ng titulong “Natapos Na ang Sanlibutan, Angaw-angaw na Nabubuhay Ngayon ang Maaaring Hindi Na Mamatay.” At noong 1923, ipinaliwanag ng The Watch Tower na ang “mga ibang tupa” ng Juan 10:16 ay yaon ding “mga tupa” na tinukoy sa talinghaga ni Jesus ng mga tupa at mga kambing, at na nagsisimula nang sila’y magsilitaw. Noong 1931 ang mga ito ay ipinakitang inilalarawan sa Ezekiel 9:1-11 bilang yaong mga minarkahan sa kanilang mga noo upang iligtas. Noong 1932 ay isiniwalat na ang uri ring ito ang inilarawan ni Jonadab, na nakakaalam na napakahalaga na mag-ukol kay Jehova ng bukud-tanging debosyon. Ang programang ito ng paghahanda na minamaniobra buhat sa langit ay umabot sa sukdulan noong 1935 nang, sa isang kombensiyon sa Washington, D.C., ang “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong,” na tinutukoy sa Apocalipsis 7:9-17 ay ipinakita rin na isang uring para dito sa lupa, at daan-daan sa mga tagapakinig ang nagpakilala ng kanilang sarili bilang bahagi ng grupong iyon. Sa ilalim ng patnubay ng espiritu ni Jehova, ang pagtitipon sa grupong ito ngayon ay mabilis na nagaganap.
12. (a) Bakit ang pagtitipon sa mga taong may makalupang pag-asa upang makaisa ng mga may makalangit na pag-asa ay hindi nagbunga ng pagkakabaha-bahagi? (b) Ano, sa pagpapala ni Jehova, ang naging resulta hangga sa ngayon ng kanilang nagkakaisang mga pagsisikap?
12 Ang pagtitipon bang ito ng mga nasa uring makalupa upang makaisa ng mga may makalangit na pag-asa ay nagbunga ng pagkakabaha-bahagi sa organisasyon? Tiyak na hindi. Gaya ng inihula ni Jesus, sila’y naging “isang kawan” at siya ang kanilang “isang pastol.” (Juan 10:16) Batid nila na ang pagkakaroon nila ng alinman sa dalawang pag-asang iyan ay katunayan ng di-sana nararapat na kagandahang-loob ni Jehova, na silang lahat ay may pribilehiyo at pananagutan na maging mga saksi sa pangalan at Kaharian ni Jehova, at iisang pamantayang Kristiyano sa katapatan ang kailangang sundin nilang lahat. Sila’y tunay na isang nagkakaisang bayan. Sama-samang nagkakaisa-isa sila sa pagbibigay ng patotoo sa Kaharian sa buong tinatahanang lupa, at ang resulta nito’y isang malaking pagtitipon. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I ay mayroon lamang mga ilang libo na nakibahagi sa pagbabalita sa madla ng Kaharian ni Jehova. Hindi nangyari kundi noong 1941 mahigit na 100,000 katao ang nakibahagi sa pambuong daigdig na gawaing ito. Sa ngayon yaong mga nagkakaisa bilang mga tagapagbalita sa madla ng mensahe ng Kaharian ay may kabuuang 2,652,323. Natutupad ang gaya ng pinapangyari ni Jehova na ihula ni propeta Isaias: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.”—Isaias 60: 22.
Nagkakaisang Pagsisikap sa Paglalaan ng Kailangang mga Pasilidad
13. Ano ba ang naging epekto ng paglagong ito sa mga palimbagan ng Watch Tower Society, at paano tinugon ang pangangailangang iyan?
13 Ang lubhang pagdaming ito ng mga Saksi ni Jehova ay humihiling na palawakin ang kanilang mga pasilidad. Noong mga taon ng 1920’s karamihan ng nilimbag na mga babasahin sa Bibliya na ginamit ng mga Saksi ay doon ginagawa sa Brooklyn, New York. Ngayon ang gayong paglimbag ay ginagawa rin sa mga 30 pang mga bansa. Ang kusang-loob na mga abuloy ang nagtutustos dito, at pagka may kakulangan ng pondo sa isang bansa ay tinatakpan iyon ng bukaspalad na pag-abuloy ng iba.—Ihambing ang 2 Corinto 8:14.
14. Sapol noong 1935 paano nailaan ang kinakailangang mga bagong Kingdom Hall?
14 Nang taon ding iyon na wastong ipinakilala ang “malaking pulutong” bilang isang uring makalupa, ang isang dakong pinagtitipunan ng mga Saksi ni Jehova sa Hawaii ay binigyan ni J. F. Rutherford, na presidente noon ng Watch Tower Society, ng pangalang Kingdom Hall. Magmula na noon, ang pangalang ito ay regular na ginagamit na ng mga Saksi ni Jehova para sa kanilang pinagtitipunang mga bulwagan. Mula noong 1940 hanggang sa kasalukuyan, ang mga kongregasyon ay dumami buhat sa 5,118 hanggang sa naging mahigit na 46,000. Para makatugon sa pandaigdig na pagdaming ito, libu-libong mga bagong Kingdom Hall at mas malalaking mga assembly hall ang itinayo. Ang kailangan dito’y nagkakaisang pagsisikap, kapuwa kung tungkol sa pantustos na salapi at sa konstruksiyon mismo. Ang nagkakaisang bayan ni Jehova ay buong pusong sumusuporta rito!
15. Bakit nga mahalagang magkaroon tayo ng sapat na mga dakong mapagtitipunan?
15 Sa ngayon ang mga taong nagsisihugos sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay mas marami kaysa kailanman at lalo pang mabilis na dumarami. Buong siglang tinatanggap namin ang lahat ng mga taong talagang ibig na matuto tungkol sa mga daan ni Jehova upang sila’y makalakad sa kaniyang mga landas. (Isaias 2:2, 3; Hebreo 10:23-25) Ibig din nating tiyakin na may sapat na mga pasilidad na magagamit yaong mga nagpapakita ng pagpapahalaga sa paglalaang ito ni Jehova. Papaano magagawa ito?
16. (a) Kung isang bagong Kingdom Hall ang kinakailangan para sa ating lumalaking kongregasyon, ano ang dapat nating madama tungkol sa trabaho sa pagtatayo at sa magagastos, gagamitin man o hindi ng ating kongregasyon ang bagong Kingdom Hall? (b) Pagka mayroong mainam na paglago sa mga lugar na kung saan napakataas ang halaga ng mga ari-arian, paano maaaring itayo ang mga bagong Kingdom Hall?
16 Bagaman tayo’y nagtitipon sa maraming lokal na mga kongregasyon, tayo ay “isang kawan” lamang, isang bayang nagkakaisa-isa. Ang interes sa pagpapalawak ng dalisay na pagsamba at ang pag-ibig sa ating mga kapatid ang mag-uudyok sa atin na tumulong sa ano mang paraan na kaya natin, anuman ang pangangailangan. Dahilan ba sa pagdami ng mga kongregasyong gumagamit ng isang Kingdom Hall ay kailangang magtayo ng isang bago? Anong inam pagka yaong mga nagpapatuloy ng paggamit sa dati nang Kingdom Hall ay may maitutulong na anupaman para sa pagtatayo ng isang bagong Kingdom Hall para sa bubukod na kongregasyon! Sa mga ibang lugar, may mga kapatid na tumutulong sa pagtatayo ng mga ibang Kingdom Hall kailanma’t kailangan sila. Sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano at nagkakaisang pagsisikap, maraming mahuhusay na mga bagong Kingdom Hall ang naitayo sa loob ng dalawang araw o wala pa. Datapuwa’t, sa mga ilang bansa dahilan sa mabilis na pagtaas ng halaga ng mga ari-arian sa mga siyudad ay naging imposible na ang isahang mga kongregasyon lamang ang gumastos sa gayong mga pagtatayo. Subali’t ang hindi magawa ng isahang kongregasyon ay magagawa ng nagkakaisang pagsisikap. Pagka tayo’y binigyang-alam na tayo’y may pagkakataong tumulong, papaano tayo tutugon?
17. Anong mga simulain sa Bibliya ang angkop para masapatan ang pangangailangang ito?
17 Nang ang mga Israelita ay bigyan ng pagkakataon na mag-abuloy sa pagtatayo ng banal na tabernakulo ni Jehova, sila’y inudyukan ng kanilang puso na kusang mag-abuloy nang labis-labis. (Exodo 35:5-9; 36:5-7) Ang minamahalaga’y hindi lamang ang malalaking abuloy sa pagtustos sa tunay na pagsamba. Pinapurihan ni Jesus ang pagkabukas-palad ng isang maralitang babaing balo na nagbigay ng pagkaliit-liit na halaga. (Lucas 21:1-4) Tungkol sa mga paglalaan ng pantulong sa mga kapuwa lingkod ng Diyos sa materyal na mga paraan, si apostol Pablo ay sumulat: “Kung mayroon na munang pagkukusa, iyon ay lalo nang tinatanggap ayon sa kung ano mayroon ang isang tao, hindi ayon sa kung ano ang wala ang isang tao. . . . Ayon sa pagkakapantay-pantay, ang inyong kasaganaan ngayon ay maging abuloy sana sa kanilang kakulangan . . . Gaya ng nasusulat: ‘Ang nagtipon nang marami ay hindi naglabis, at ang nagtipon nang kaunti ay hindi kinulang.’” (2 Corinto 8:12-15) Ang simulaing iyan ay makaaakay sa atin sa ating pagtutulungan sa pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall o pagpapalaki ng mga ito kailanma’t kinakailangan, doon man tayo nakatira o hindi man tayo doon nakatira sa lugar na pagtatayuan o kinaroroonan niyaon.
18. (a) Ano ba ang motibong nasa likod ng ating Pagpapahayag ng Pagkakaisa sa kamakailan na mga Pandistritong kombensiyon? (b) Ano ba ang kahulugan ng unang punto sa Pagpapahayag na iyan? (c) ng ikalawa? (d) ng ikatlo? (e) Sa anong panalangin angkop na nagwakas ang Pagpapahayag na iyan?
18 Ang ‘pagkakaisa ng espiritu’ ay katangian ng organisasyon ni Jehova, at tayo ay may pribilehiyo, bawa’t isa, na ipakitang nababanaag iyan sa atin. Sa ating mga kombensiyon kamakailan sa buong daigdig, tayo’y gumawa ng isang napapanahong pagpapahayag tungkol dito. Ito’y mababasa sa pahina 23. Sana’y ripasuhin mo ang Pagpapahayag na iyan ngayon, sa gayo’y binibigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili na muling isaalang-alang ang mga paraan na masusunod mo sa mga araw na darating.
Ano ang Sagot Mo?
□ Paano iniingatan ni Jehova ang pagkakaisa ng kaniyang mga lingkod?
□ Paano pinatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay upang matapos na ang pagtitipon sa mga nasa uring Kaharian?
□ Paano pinalakas ang mga Saksi ni Jehova para sa matinding pag-uusig bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II at samantalang ito’y nagaganap?
□ Sa paanong inihanda ng Diyos ang kaniyang mga Saksi para sa pagtitipon na nagsimula noong 1935?
□ Ano ang maaaring maging bahagi natin sa pagtatayo ng lubhang kinakailangang mga Kingdom Hall?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 23]
PAGPAPAHAYAG NG PAGKAKAISA
Kami, mga Saksi ni Jehova, na natitipon sa aming “Pagkakaisa ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon, ay nagnanais magpahayag ng aming matinding pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa amin. Tunay na pinasasalamatan namin ang inihandog na hain ng kaniyang sinisintang Anak at ang kaniyang pagkapili sa amin bilang isang bayan ukol sa kaniyang Pangalan.
Kung gayon, AMING IPINAPAHAYAG ang aming determinasyon, una, na panatilihin ang dakilang pagkakaisa na pinagtipunan sa amin ni Jehova na gaya ng isang kawan sa kaniyang kulungan, na kami’y lubusang nagtitiwala sa kaniyang patnubay at sa paggabay sa amin ng kaniyang banal na espiritu; ikalawa, sisikapin namin na sa lahat ng panahon ay mamuhay nang karapat-dapat sa gitna ng mga bansa habang masigasig na ipinangangaral namin ang pag-asa sa Kaharian sa lahat ng taong makikinig; at, ikatlo, iingatan namin na huwag lumihis sa kapakanan ni Jehova bagaman may magsikap na umimpluwensiya sa amin na gumawa ng gayon.
At AMING IDINADALANGIN na harinawang magpatuloy kami na maging karapat-dapat sa pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa amin, na laging pinahahalagahan ang pribilehiyo na taglay namin sa pagdadala ng kaniyang Pangalan at paghahayag ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo.
[Larawan sa pahina 25]
Ang pagtatayo ng sapat na dami ng mga Kingdom Hall ay nangangailangan ng nagkakaisang pagsisikap, kapuwa kung tungkol sa pagtustos ng salapi at sa mismong pagtatayo