Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Inglatera at ang Bibliya
Anim sa sampu katao sa Inglatera sa ngayon ang wala man lamang pahapyaw na kaalaman sa Bibliya,” ang sabi ni Tom Houston, isang ehekutiba ng Bible Society ng Inglatera. Tumutukoy sa natuklasan kamakailan ng isang pambansang Gallup surbey, kaniyang sinabi pa: ‘Kalahati ng populasyon ang walang alam sa nilalaman ng kahit na mga Ebanghelyo, lalo na ang Matandang Tipan.’ Sa mga taong wala pang edad na 25 anyos, isa sa bawa’t tatlo ang hindi pa nakakabasa ng Bibliya! Ano’t nagkakaganiyan?
Sang-ayon sa sabi ang mga tao ay tumatalikod sa relihiyon sapagka’t ang simbahan ay mahina at hindi makapagbibigay ng inspirasyon. ‘Halos dalawa sa lima katao na tinanong ang naniniwala na kailangang baguhin ng simbahan ang kaniyang “image” kung nais niyang makaakit ng mga tao,’ ang susog pa ni Houston. Sang-ayon sa surbey, 56 porciento ng populasyon, sakali mang sila’y nagsisimba, ay nagsisimba lamang para sa pagdalo sa mga kasalan, mga libing o mga pagbibinyag.
Hindi ang Inglatera lamang ang nakakaranas ng espirituwal na tagtuyot kundi ang daigdig sa pangkalahatan. Inihula ng Bibliya ang ganiyang kalagayan nang sabihin: “Ako [si Jehova] ay magpapadala ng taggutom sa lupain, isang taggutom, hindi sa tinapay, at pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Kabaligtaran nito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng espirituwal na paraiso. (Isaias 65:13, 14) Halimbawa, sa Britanya ay nasasaksihan ang patuluyang pagdami ng aktibong mga Saksi—5 porciento noong nakaraang taon—at ang bilang ng dumadalo sa kanilang lingguhang mga pulong ay umabot sa sukdulang 110 porciento. Ang tema ng mga pulong ng mga Saksi ay laging matatag na nakasalig sa Bibliya. Sa paggawa ng mga alagad, kanilang itinuturo ang pagtupad sa lahat ng mga utos ni Jesus.—Mateo 28:19, 20.