Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Delingkuwensiya—Sanhi at Pag-iwas
Minamana ba o nakukuha ang tendensiya ng kabataan sa delingkuwensiya o pagsama? Isang grupo ang naniniwala na ang pagmamana ang pangunahing sanhi nito. Isa namang grupo ang naniniwala na ang pangunahing sanhi nito ay ang lipunan na nakapalibot. Bagaman kapuwa iyan marahil ay may bahagi sa pagsama ng isang kabataan, ang relasyong pampamilya ay isang pinaka-susi sa pagpapabilis o pagpigil ng paglago nito. Sa isang dokumento sa pananaliksik na inilathala kamakailan sa Adolescence, sinabi ni Dr. Steven A. Anolik ng Department of Psychology, St. Francis College, Brooklyn, New York: “Bagaman inaakalang ang mga sanhi ng antisosyal na asal nagmumula sa biolohiko o sosyal na mga salik, ang mga kalagayan sa tahanan ay kinikilala pa rin na isang sanhi ng delingkuwensiya.” Batay sa mga pag-aaral may 30 taon na ngayon ang nakalipas at hanggang sa kasalukuyan napag-alaman na marami sa mga magulang ng mga delingkuwente ang malulupit, pabagu-bago sa paglalapat ng disiplina, at magaang ang kamay.
Sa panahong ito na ang mga anak ay “masuwayin sa mga magulang” at ang mga miyembro ng pamilya ay “walang likas na pag-ibig,” kapit pa rin ang mainam na payo ng Bibliya. (2 Timoteo 3:1-3) Ang mga anak ay natututong umibig kung sila’y pinagpapakitaan ng pag-ibig, at ang kaligayahan ay nakakamit sa pagpapakita ng pag-ibig at gayundin sa pagtanggap ng isa ng pag-ibig. (Gawa 20:35) Bagaman ang disiplina at mga paghihigpit ay kailangan ng mga bata, ipinakikita ng Bibliya na obligasyon din ng mga magulang na sila’y huwag sosobra, na gumagawa ng labis-labis na pagtutuwid hanggang sa galitin o yamutin ang bata. Ito’y nagpapayo: “Huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang kanilang kalooban.”—Colosas 3:21; Efeso 6:4.