Ang Kamakailang Kulungan Para sa mga “Ibang Tupa”
Ang Kamakailang Kulungan Para sa mga “Ibang Tupa”
“Mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.”—JUAN 10:16.
1. Anong karagdagan tungkol sa kulungan ng mga tupa ng espirituwal na Israel ang naganap noong 36 C.E.?
NANG magsimula ang bagong kulungan ng tupa ng espirituwal na Israel noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ang dating kulungan para sa likas na mga Judio sa ilalim ng tipang Mosaicong Kautusan ay lumipas na sapagka’t nagsilbi na iyon sa layunin niyaon. Makalipas ang tatlo at kalahating taon ay sumapit ang kombersiyon, bautismo at pagkapahid sa espiritu ng Romanong senturion na si Cornelio at ng kaniyang sumasampalatayang sambahayan at mga kaibigan sa Cesarea. Sa gayon ang di-proselita at di-tuli na mga Gentil ay napapasok sa kulungan ng mga tupa na “ang pinto” ay si Jesu-Kristo. (Gawa, kabanata 10) Nakakulong sa kulungang ito “ang Israel ng Diyos,” na mga Israelita sa espiritu, o espirituwal na mga Israelita. Masasabi ba tungkol sa sinuman dito—Judio man o Gentil—na sila’y “hindi sa kulungang ito”—ang kulungan na ang mga narito’y tinipon ayon sa bagong tipang kaayusan? Tiyak na hindi!—Galacia 6:16; Juan 10:16.
2. Paanong si Jesus ay naglilingkod pa rin bilang ang Mabuting Pastol ng mga nasa bagong tipan?
2 Sa atrasadong petsang ito ay mayroong isang nalabi ng Israel na ito ng Diyos na naririto pa sa lupa, at ito’y nagpapatotoo na si Jesu-Kristo, ang Tagapamagitan ng bagong tipan, ay naging isang Tapat at Mabuting Pastol. Kaya’t kahit na ngayon, makalipas ang mahigit na 19 na siglo, ang niluwalhating si Jesu-Kristo ay matuwid na makapagsasabi, nang walang pangangalandakan, ng sinabi na niya bago siya namatay at binuhay-muli, at mababasa natin iyon sa Juan 10:14, 15: “Ako ang mabuting pastol, at nakikilala ko ang aking mga tupa at nakikilala ako ng aking mga tupa, gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama [ang Kataas-taasang Pastol], at ng pagkakilala ko naman sa Ama; at ibinibigay ko ang aking kaluluwa alang-alang sa mga tupa.”
3, 4. Bakit dapat makilala ang pagkakaiba ng “mga ibang tupa” at ng “munting kawan”?
3 Sa puntong ito si Jesus ay nagpatuloy na magsabi ng kapansin-pansin nguni’t kasuwato na pangungusap: “At mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito [o, “pen,” New International Version; Today’s English Version]; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.” (Juan 10:16) Sino ba ang kaniyang tinutukoy na “mga ibang tupa”?
4 Yamang ang “mga ibang tupa” na iyon ay hindi sa “kulungang ito,” sila’y hindi kasali sa Israel ng Diyos, na ang mga miyembro ay may espirituwal o makalangit na mana. Sa kabuuan, ang espirituwal na mga Israelitang ito ay isang “munting kawan,” sapagka’t sa mga alagad na nakahanay noon na buhusan ng banal na espiritu noong Pentecostes ay sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagka’t ang inyong Ama ay sumang-ayon na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Lucas 12:32) Ang munting kawan ng mga tupa na pagbibigyan ng makalangit na Kaharian at maghaharing kasama ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, sa Kahariang iyon ay may bilang lamang na 144,000 mga espirituwal na Israelita.—Apocalipsis 7:1-8; 14:1-5.
5. Paano mo gagamitin ang Apocalipsis 14:4 upang ipakita na makatuwiran ang mga ibang tupa ay magkaroon ng pag-asang naiiba sa pag-asa ng munting kawan?
5 Sa Apocalipsis 14:4 ay sinasabi: “Ang mga ito ang binili buhat sa sangkatauhan upang maging mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.” Paanong ang 144,000 mga espirituwal na Israelitang iyon ay makapagiging simbolikong mga pangunahing bunga buhat sa sangkatauhan kung wala nang mga iba pang bunga, wala nang mga bunga pang iba pagkatapos. Hindi matututulan, kung gayon, na bukod sa 144,000 mga espirituwal na Israelita, na bumubuo ng munting kawan ng maharlikang mga tupa sa bagong tipan, sa kulungan ng mga tupa, mayroon pang mga ibang tupa na dapat tipunin sa bandang huli. At ganoon nga ang nangyari, di ba?
6, 7. Paano matutupad ang Apocalipsis 22:17, at sino ang dito’y mga hindi inaanyayahan na “pumarito”?
6 Ang hula ng Apocalipsis 22:17 ay nagsasabi na “ang espiritu at ang nobya ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; at ang may-ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” Sa pag-aanyaya ng “Halika!”, ang kinakausap ng espirituwal na nobya ni Kristo ay hindi ang kaniyang sarili, samakatuwid nga, yaong mga kailangan pang tawagin ng Diyos na Jehova upang maging bahagi ng uring nobya para ito’y mahustong 144,000 malalakas. Sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito na nagsimula noong 1914 narinig natin ang paanyaya ng “nobya,” na sinusubaybayan ng banal na espiritu ng Kataastaasang Pastol.—Mateo 24:3.
7 Ang paanyayang iyan ay para sa mga tao rito sa lupa, na ibig na makamit ang sakdal na buhay-tao ayon sa larawan at wangis ng Diyos sa Paraiso na isasauli sa lupang ito ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo. Sa ngayon, sa panahon ng katapusan ng sistema ng mga bagay na ito, ang mga inaanyayahang ito ay ang “mga ibang tupa” na tinutukoy sa Juan 10:16 ng hula ni Jesus na pangmahabaang-panahon. Sila’y wala sa “kulungang ito” na binanggit doon ng Mabuting Pastol na si Jesus. Subali’t kanilang tinatanggap ang paanyaya sa pamamagitan ng nalabi ng “mga tupa” na nasa “kulungang ito,” at sila ay kasa-kasama ng espirituwal na nalabi sa pagpapaabot ng paanyaya sa mga iba pa rin magpahanggang sa kadulu-duluhan ng katapusan ng sistema ng mga bagay na ito.
8. Anong paniwala tungkol sa mga ibang tupa ang tinaglay noong 1905?
8 Sa labas ng Zion’s Watch Tower ng Marso 15, 1905, isang artikulo ang inilathala na pinamagatang “True Shepherd, True Sheep, True Fold” (Tunay na Pastol, Tunay na mga Tupa, Tunay na Kulungan). Ipinakita niyaon ang pagkakaiba ng mga tupa ng “kulungang ito” at ng tinatawag na mga ibang tupa. Idiniin niyaon na ang “kulungang ito” ay may kinalaman sa kongregasyon ng mga Kristiyano na kinukuha sa panahon na tinatawag na “this Gospel age” (itong panahon ng Ebanghelyo). Kasunod ng mga subtitulong “Mga Ibang Tupa ng Isa Pang Kawan” at “Mga Kapuwa-Tagapagmana ng Pangako Ring Iyan” (pahina 89, 90) sinabi niyaon: “Ang kawan na tinitipon ng Panginoon sa kaniyang sarili sa panahon ng talinghagang ito ay hindi ang likas na Israel, kundi ang espirituwal na Israel. . . . Samakatuwid hindi tama ang paniwala ng iba na tayong mga Gentil o ‘mga ibang tupang’ binanggit ay dinadala sa iisang kawan. . . . Maliwanag na ang ‘mga ibang tupang’ ito na binanggit sa talinghagang ito ay yaong magiging mga tupa ng Panginoon pagkatapos na mabuo na ang kasalukuyang ‘munting kawan.’”
9, 10. (a) Bakit nga ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing ay hindi maaaring kumapit sa panahon ng Milenyo? (b) Kailan titipunin ang mga ibang tupa?
9 Sa isang nahuhuling parapo ng artikulong iyan ang “mga ibang tupa” ay tinukoy na katumbas ng “mga tupa” na inilarawan sa talinghaga ni Jesus ng mga tupa at mga kambing, at inilalahad sa Mateo 25:31-46. Noong taóng 1905 ang akala ay kumakapit ang talinghagang iyan sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo pagkatapos ng “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa larangang-digmaan ng Har-Magedon. (Apocalipsis 16:14-16) Datapuwa’t, tandaan natin na ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing ay huling bahagi ng sagot ni Jesus sa tanong ng kaniyang mga alagad tungkol sa kung ano baga ang magiging tanda ng kaniyang “pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Samakatuwid ang katuparan ng talinghagang ito ay sa panahon ng katapusan ng sistema ng mga bagay na ito na nagsimula noong taóng 1914.
10 Mauunawaan kung gayon na ang “mga ibang tupa” ng Juan 10:16 ay hindi dinala ng Mabuting Pastol na si Jesu-Kristo noong unang siglo nang ang tinuling mga Samaritano ay nagsimulang makumberte sa pagka-Kristiyano. At hindi rin nang ang senturiong Romano, ang di-tuling Gentil na si Cornelio, ay makumberte noong mga dakong 36 C.E. Kung gayon, kailan pinasimulan ng Mabuting Pastol ang pagtitipon sa kaniyang mga ibang tupa? Makalipas ang maraming daan-daang taon, oo, sa ika-20 siglong ito, sang-ayon sa nasasaksihang mga pangyayari.—Gawa 8:4-17; 10:9-48.
11. Sa ano ba abala ng pagtitipon hangga noong 1935 ang espirituwal na mga Israelita?
11 Mapapansin natin na hangga noong tagsibol ng taóng 1935 ang nalabi ng espirituwal na mga Israelita na kabilang sa loob ng “kulungang ito” ay abala sa pagtitipon sa mga kailangan pang tipunin sa loob ng kulungan, o pen, na iyon, ang mga huling bahagi upang mahustong 144,000 mga espirituwal na Israelita. Ang mga ito ang mga huling mapapasanib sa bagong tipan na ang tagapamagitan ay ang Mabuting Pastol, na namatay bilang ang Kordero ng Diyos upang mailaan niya “ang dugo ng isang walang-hanggang tipan.” (Hebreo 13:20; Awit 50:5) Ano, kung gayon, ang nangyari noong 1935?
12. Ano ba ang pambihirang bagay na naganap kung tungkol sa kombensiyon noong 1935?
12 Isang pangkalahatang kombensiyon ang ginanap sa kabiserang-lunsod ng Estados Unidos ng Amerika, Washington, D.C., at dito’y may-takot-sa-Diyos na mga Estudyante ng Bibliya na katulad ng di-Israelitang si Jonadab ang lalong higit na inanyayahang dumalo. Nang ikalawang araw ng kombensiyon, Mayo 31, ang noo’y presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society ay nagpahayag sa mga kombensiyonista ng kaniyang kahanga-hangang paksa hinggil sa Apocalipsis 7:9-17, tungkol sa “lubhang karamihan.” (Apocalipsis 7:9, Authorized Version) Kaniyang ipinaliwanag na ang tinukoy sa hula na “lubhang karamihan” ay bubuuin ng “mga ibang tupa,” yaong mga inilarawan ni Jonadab, o Jehonadab, ang di-Israelitang lalaki na sumama kay Jehu, na hari ng Israel, sa pagpapakita ng sigasig kay Jehova at laban sa mga mananamba ng huwad na diyos, si Baal. (2 Hari 10:15-28; Jeremias 35:6-19) Sa gayon ay ipinakita ni Jehu na siya’y “hindi sang-ayong magkaroon ng karibal si Jehova,” o ayon sa Authorized Version, “sigasig ukol sa PANGINOON.”—2 Hari 10:16.
13, 14. (a) Sino ang naging mga Jonadab sa modernong panahon? (b) Ano ang angkop noon na gawin nila, at bakit?
13 Daan-daang mga tao na ibig tumulad kay Jonadab at makabilang sa “mga ibang tupa” ng Mabuting Pastol ang tumugon sa inilathalang imbitasyon at sila’y nagsidalo sa Washington kombensiyon. Upang maging ang antitipikong mga Jonadab sa modernong panahon maka-Kasulatan na sila’y lubusang mag-alay ng sarili sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Mabuting Pastol at sagisagan ang pag-aalay na ito sa pamamagitan ng lubusang pagpapalubog sa tubig, gaya ng ginawa ng mga tupang kabilang sa “kulungang ito.” Kaya, noong Sabado, Hunyo 1, 1935, 840 mga kombensiyonista ang napabautismo sa tubig, at nakatulad ito ng lansakang bautismo na naganap noong araw ng Pentecostes ng taong 33 C.E. sa Jerusalem. Isang kahanga-hanga at makasaysayang paraan nga na ginamit ng Mabuting Pastol upang patunayan na ngayo’y pasisimulan na niyang tipunin sa ilalim ng kaniyang pangangalaga ang mga ibang tupa na makikinig sa kaniyang tinig bilang ang kanilang piniling Pastol! Isang malaking kagalakan nga ito sa kaniya! Pagkatapos ng Washington kombensiyon ng 1935, ang pahayag na nagpapaliwanag sa Apocalipsis 7:9-17 ay inilathala sa magasing Watchtower, sa mga labas nito ng Agosto 1 at 15, 1935, sa ilalim ng titulong “The Great Multitude” (Ang Lubhang Karamihan, Bahaging 1 at 2).
14 Libu-libong mga mambabasa noon ang nakatanto ng kanilang pribilehiyo na maging mga ibang tupa ng Mabuting Pastol at maatasan na dumuon sa wastong kulungan, o pen. Sa layuning iyan sila ay napabautismo sa pinakamaagang pagkakataon bilang sagisag ng matalinong pag-aalay na ginawa nila sa Kataas-taasang Pastol sa pamamagitan ng kaniyang Katulong-na-pastol, si Jesu-Kristo. Yamang kanilang kinikilala na isinuko ng Katulong-na-pastol ni Jehova ang kaniyang makataong kaluluwa alang-alang sa lahat ng tupa, sila nga, sa katunayan, ay “naglaba ng [pagkakakilanlang] damit nila” sa “dugo” ng “Kordero” ng Diyos at “pinaputi iyon” upang makasulit sila sa banal na pagsisiyasat.—Apocalipsis 7: 14.
15. Naging gaano nang karami ang mga ibang tupa, at ito’y patotoo ng ano?
15 Ang katapusan ng sistema ng mga bagay na nagsimula sa wakas ng mga Panahong Gentil noong 1914 ay hindi nagwakas noong 1935 dahilan sa ang nagliligtas-buhay na atensiyon ng Mabuting Pastol ay kaniyang ibinaling sa mga ibang tupa. Subali’t nagpapatuloy ito hanggang sa taóng ito ng 1984, at saka pa lamang darating ang wakas pagka natapos na ang pangkatapusang pangangaral ng Kaharian. Ngayon ang mga nagpapakitang sila’y nasa kulungan ng mga ibang tupa pagka ginaganap ang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon ay milyun-milyon na ang bilang, at ang di-mabilang na mga iba pa ay patungo pa rin sa kulungan. Ngayon ay makasusun-suson ang dami nila kaysa takdang bilang na 144,000, na laan para sa espirituwal na mga Israelitang ipinapasok sa “kulungang ito,” yaong mga kasamang tagapagmana ng Mabuting Pastol sa kaniyang makalangit na Kaharian. Ito’y isa pang patotoo na sila’y hindi kabilang sa “kulungang ito” ng “munting kawan” ng Mabuting Pastol.—Lucas 12:32.
16, 17. (a) Ano ba ang kaugnayan sa isa’t-isa ng mga ibang tupa at ng munting kawan? (b) Ang mga salita ni Jesus tungkol sa pagiging “isang kawan” ay nagkakaroon ng anong katuparan?
16 Ang pagkakaiba ba ng mga pag-asa—ang makalangit na pag-asa para sa mga tupa na nasa “kulungang ito” at ang makalupang pag-asa para sa mga ibang tupa na nasa kamakailan na ibang kulungan—ay nakaimpluwensiya sa kanila upang magkahiwalay na para bagang hindi sila nagkakaisa sa ano mang bagay? Ang mga pangyayari sapol noong taóng 1935 ay sumasagot ng isang Tiyakang Hindi! Si Jesus, na Mabuting Pastol, ay nagpaunang-sabi na hindi magiging gayon, sapagka’t sinabi niya: “At sila’y magiging isang kawan.” (Juan 10:16) Pansinin na hindi niya sinabing, “Isang kawan sa isang kulungan.” Subali’t bagaman marahil may magkabukod na kulungan, magkakaroon lamang ng “isang pastol,” at ito’y ang Pastol-Haring nagpupuno na sa langit sapol nang matapos ang mga Panahong Gentil noong 1914. Angkop sa pangyayaring ito, ang “mga tupa” ay may iisang gawain na dapat isagawa, ‘ang pangangaral ng mabuting balitang ito ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa,’ bago sumapit ang katapusan ng matandang-sanlibutang sistema ng mga bagay na ito.—Mateo 24:14.
17 Sa ano mang paraan ay hindi iniisip ng mga ibang tupa na sila’y nakabukod sa munting kawan. Magkasama, sila ang bumubuo ng isang kawan ng mga tupa ng Mabuting Pastol. Ang mga ibang tupa ay nagagalak sa kanilang matalik na pakikihalubilo sa munting kawan, at itinuturing nilang isang dakilang pribilehiyo ang maglingkod sandali kasama ng panghinaharap na mga hari at saserdoteng ito, at sila ang magiging mga sakop sa panahon ng paghahari ng Sanlibong-Taóng Kaharian.
18. Ano ba ang mangyayari sa hinaharap sa bagong tipan at sa pinahirang mga tupa sa “kulungang ito”? (b) Ano naman ang matutupad na pag-asa ng mga ibang tupa?
18 Sa takdang panahon ng Diyos ay matatapos ng nalabi ng espirituwal na mga Israelita ang kanilang makalupang buhay at papanaw sila rito upang pumasok naman sa kanilang gantimpalang makalangit na buhay, at sa panahong iyon ang bagong tipan na salig sa dugo ng Tagapamagitan, ang Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, ay tapos na, yamang matagumpay na nagsilbi na sa takdang layunin. At mahihinto na ang pagganap sa Hapunan ng Panginoon kung Araw ng Paskua sa taun-taon. At ang “kulungang ito” para sa kawan ng espirituwal na mga Israelita ay wala na rin. Ang nag-alay at bautismadong mga ibang tupa ay mananatili rito sa lupa upang kamtin ang mga pagpapala na pauulanin ng Kaharian, na binubuo ng Mabuting Pastol, na si Jesu-Kristo, at ng kaniyang 144,000 mga kapuwa saserdote at hari. Ang kawan na matitira rito sa nilinis na lupa ay bubuuin ng nagkakaisang mga ibang tupa na lamang. Sila’y patuloy na makikinig sa tinig ng kanilang Pastol-Hari, at ito’y hahantong sa pagkakamit nila ng buhay na walang hanggan bilang sakdal na mga tao sa lupang Paraiso.
Maipaliliwanag Mo Ba?
□ Ano ang nagpapakita na ang mga ibang tupa ay naiiba sa mga naroroon sa munting kawan?
□ Paano matutupad ngayon ang Apocalipsis 22:17?
□ Kailan at saan nagsimulang lumitaw ang mga ibang tupa?
□ Dahil sa ang mga ibang tupa ay nasa kulungan na iba kaysa kinaroroonan ng pinahiran, paanong sila ay nasa isang kawan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Ang artikulong “The Great Multitude,” na lathala noong 1935, ay tumulong sa pagpapakilala kung sino ang “mga ibang tupa”
[Larawan sa pahina 19]
Habang ang pagtawag sa “munting kawan” ay palapit na noon sa wakas, isang pulutong ng “mga ibang tupa” ang tinipon naman ni Jesus