Ang Mabuting Pastol at ang Kaniyang “Kulungang Ito”
Ang Mabuting Pastol at ang Kaniyang “Kulungang Ito”
1, 2. (a) Paano inilarawan ni Haring David si Jehova sa Awit 23:1? (b) Bakit angkop na si Jehova ay ihambing sa isang pastol at ang Israel ay sa kaniyang mga tupa?
“SI Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman. Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan; pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan.” Ganiyan ang pananalita ng dating batang pastol at manunugtog ng alpa, subali’t nang malaunan ay naging hari ng bansang Israel, bilang pambungad ng isa sa kaniyang pambungad na mga awitin.—Awit 23:1, 2.
2 Sa sinaunang Israel lamang bilang tanging bansa iniukol ng isa pang salmista ang mga salita ng Awit 95:6, 7: “Tayo’y magsiluhod sa harap ni Jehova na Maylalang sa atin. Sapagka’t siya ang ating Diyos, at tayo ang bayan ng kaniyang pastulan at ang mga tupa ng kaniyang kamay.” Bagaman ang kaniyang haring tao ay maihahambing sa isang pastol, ang bansang Israel ay maihahambing sa mga tupa na may kataas-taasang Pastol, si Jehovang Diyos. Siya ang pinakamabuting Pastol na maaaring tularan ng mga tao na naglilingkod bilang makasagisag na mga pastol sa isang kongregasyon ng nag-alay na bayan ni Jehova.
3. Paanong ang pagtukoy kay Jehova bilang isang Pastol ay angkop maging tungkol man kay Jesus?
3 Si Haring David ay lumarawan kay Jesu-Kristo, subali’t si Jesu-Kristo ay makapupong dakila kaysa kay David noong una, na kaniyang maharlikang ninuno. Kaya naman kaniyang masisipi at mabibigkas ang mga salita ni David: “Si Jehova ang aking Pastol.” Ang naghanda ng kaniyang daan, si Juan Bautista, hindi baga itinawag-pansin nito sa naroroong mga tagapakinig ang palapít na si Jesu-Kristo at sinabi niya: “Narito, ang Kordero ng Diyos na umaalis ng kasalanan ng sanlibutan”? (Juan 1:29, 36) Sa pagtukoy kay Jesus bilang isang Kordero, ng pamilya ng mga tupa, baka ang nasa-isip ni Juan ay ang mga salita ng Isaias 53:7: “Siya’y gaya ng kordero na dinadala sa patayan.” At sa huling aklat ng Bibliya, mula sa Apocalipsis 5:6 pasulong, ang niluwalhating si Jesus ay 28 beses na tinutukoy na isang makasagisag na Kordero.
4. Paanong si Jesus ay naging tulad sa isang tupa sa isang kulungan ng mga tupa at ano ba ang kulungang iyon ng mga tupa?
4 Siya’y kahima-himalang ipinanganak sa lupa sa bansang Israel, noong taong 2 B.C.E. Sa gayon ay napasa-ilalim siya ng tipang Kautusan na ginawa ni Jehova, na Pastol ng Israel, sa piniling bayan na iyon. Para sa bansang Israel ang tagapamagitan sa tipang Kautusan, na may Sampung Utos, ay ang Propetang si Moises. (Galacia 4:4, 5) At bilang bahagi ng piniling bayang iyon, si Jesus ay inianak bilang isang makasagisag na tupa na si Jehova ang Kataas-taasang Pastol. Kung gayon, si Jesus ay nasa isang makasagisag na kulungan ng mga tupa, ang pinagpalang kaugnayan sa Banal na Pastol at protektado siya ng tulad-pader na tipang Mosaicong Kautusan.
5. Ano ba ang dahilan ng pagkuha ng isang naiibang paniwala tungkol sa kulungan ng mga tupa na tinutukoy sa Juan 10:1?
5 Ang ibig ba nating sabihin dito ay na ang “kulungan ng mga tupa” sa Juan kabanata 10, talatang 1, ang siya ring kaayusang tipang Mosaicong Kautusan? Oo, iyan nga! Ang dating paliwanag na ang tipang Abrahamico ang kulungan ng mga tupa ay salig sa paniwalang iisang kulungan lamang ang tuwirang binabanggit sa Juan kabanata 10, at kung gayon, walang ibang tinutukoy iyon kundi ang tipang Abrahamico. Subali’t, pagkatapos na pag-aralan pa ang kabanatang ito napatunayan na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi lamang iisang kulungan ng mga tupa. Kung gayon, gaya ng makikita natin, angkop na magkaroon ng pagbabago sa paliwanag.
6. Ano ba ang nadarama ninyo tungkol sa gayong mga pagbabago ng unawa sa mga punto sa Bibliya?
6 Ang gayong mga pagbabago ay kailangan paminsan-minsan, sapagka’t sa Kawikaan 4:18 ay sinasabi sa atin na “ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.” Oh, ang apostatang mga mananalansang sa katotohanan ay “nagngangalit ng kanilang ngipin” sa ganiyang baytang-baytang na pagsisiwalat ng katotohanan, nguni’t tayo’y hindi nababahala. (Gawa 7:54) Bagkus, ating pinasasalamatan si Jehova na “ang mismong liwanag ay kumislap para sa matuwid, at ang kasayahan ay para sa mga may matuwid na puso.” (Awit 97:11) Kami’y nananalig na masasayahan kayo pagka napag-alaman ninyo kung ano baga para sa inyo at sa lahat ng iba pang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang kahulugan ng ilustrasyon ni Jesus ng mga kulungan ng mga tupa.
Isang Sinaunang Kulungan ng mga Tupa, sa Ilalim ng Kautusan
7. Kung tungkol sa kulungan ng mga tupang Israelita, paanong si Jesus ay nagkaroon ng isang bagong tungkulin doon noong 29 C.E.?
7 Kung gayon, ano ang masasabi tungkol sa kulungan ng mga tupa ng tipang Mosaicong Kautusan? Pagkatapos na si Jesus ay mabautismuhan ni Juan Bautista, at siya’y pahiran ng banal na espiritu ni Jehova at dumanas ng 40 araw ng pagkatukso sa ilang ng Judea, si Jesu-Kristo ay pumaroon bilang isang espirituwal na Pastol sa kulungan ng mga tupang Israelita noong taong 29 C.E. Sinabi ni Jesu-Kristo na siya’y doon lamang sinugo sa “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mateo 10:6; 15:24) Nang siya’y mabautismuhan na siya’y hindi lamang ngayon isa sa mga likas na Israelitang namumuhay na sakop ng kaayusan ng tipang Mosaicong Kautusan. Kundi ngayon, yamang pinahiran at inianak na ng espiritu ni Jehova, si Jesu-Kristo ay makapupunta na sa kulungang iyan ng mga tupa sa kaniyang taglay na bagong tungkulin bilang “ang mabuting pastol.”—Juan 10:11.
8. Sino ang makasagisag na bantay-pinto ng Juan 10:3, at sa paano?
8 Si Juan Bautista ang unang kumilala kay Jesus bilang ang Tunay na Pastol na hinirang ng Kataas-taasang Pastol, si Jehovang Diyos. Si Jesus ay hindi naparito upang magnakaw sa kulungan ng mga tupa kundi naparito siya para sa isang gawaing nararapat. Kaya’t may karangalang maihaharap niya ang kaniyang sarili bilang isang espirituwal na Pastol sa kulungan ng mga tupa ng bansang Israel. Kasuwato ng hula sa Malakias 4:5 (ihambing ang Mateo 11:12-14; Lucas 1:13-17), si Juan ay inatasan ng Kataas-taasang Pastol upang maging ang makasagisag na “bantay-pinto” ng kulungan ng mga tupang Israelita. (Juan 1:15, 17, 19-28; 10:3) Kinilala ni Juan ang mga kredensiyal ni Jesu-Kristo bilang ang Katulong-na-pastol ng Diyos na Jehova at siya’y handa kaagad na tanggapin ito, upang ipakilala siya bilang ang inihulang Mesiyanikong Pastol na tatawag sa kaniyang mga tupa sa pangalan at aakayin sila upang manginain sa pastulan.
9, 10. Paanong si Jesus ay nakatugon sa kaniyang sariling paglalarawan ng isang pastol, at paano ba nakikitungo sa kanilang mga tupa ang mga pastol na Israelita?
9 Si Jesus ay nakatugon sa kaniyang sariling paglalarawan ng Tunay at Mabuting Pastol, gaya ng sinasabi sa mga salitang ito sa Juan 10:1-5: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pinto ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw. Datapuwa’t ang pumapasok sa pinto ay siyang pastol ng mga tupa. Binubuksan siya ng bantay-pinto, at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig, at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan at sila’y inihahatid sa labas. Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, siya’y nangunguna sa kanila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa, sapagka’t nakikilala nila ang kaniyang tinig. At sa iba ay hindi sila sumusunod kundi tatakas sila sa kaniya, sapagka’t hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba.”
10 Kilalang-kilala ng mga pastol sa sinaunang-Israel ang kaniyang mga tupa. Siya’y mayroong pangkalahatang pantawag na kaniyang-kaniya lamang at sa pamamagitan nito ay tinatawag niya ang lahat ng kaniyang mga tupa upang magsama-sama para bigyan niya ng personal na atensiyon. At, kaniyang binigyan ng kani-kaniyang pangalan ang bawa’t isa sa kaniyang mga tupa. Masunuring tumutugon ang bawa’t tupa pagka ang sariling pangalan niyaon ay tinawag. Kilala ng mga tupa ang kakayahan at tono ng boses ng kanilang sariling pastol at sa gayo’y hindi tumutugon sa tinig ng mga hindi nila kilala.
11. Ano ang dapat madama ng bawa’t isa sa atin tungkol sa tungkulin ni Jesus bilang isang Pastol?
11 Kahambing nito, anong laking kaaliwan na matiyak natin na bawa’t isa sa atin ay kilala sa pangalan ng ating espirituwal na Pastol at tayo’y mabibigyan niya ng kaniyang personal na pangangalaga at atensiyon! Huwag sana tayong maging kagaya ng marami sa mga tagapakinig noon ni Jesus na hindi nakaunawa sa kaniyang makahulugang paghahambing. Bilang isang babalang halimbawa sa atin, nasusulat sa Juan 10:6: “Sinalita ni Jesus sa kanila [na mga Judiong tagapakinig] ang paghahambing na ito; nguni’t hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng mga bagay na kaniyang sinasabi sa kanila.”
12. Sino ang mga ‘hindi kilala’ na tinukoy ni Jesus, at paano sila naging gayon?
12 Ang mga ibang Israelita na dumating at nag-angkin na sila yaong ipinangakong Mesiyas, o Kristo, ang tinutukoy ni Jesus na mga hindi kilala. Sila’y hindi ipinakilala na Mesiyanikong Pastol ni Jehova ng kaniyang inatasang “bantay-pinto,” na si Juan, na nilapitan mismo ni Jesus upang pabautismo sa kaniya. Dito, si Jesus ay hindi nagkamali. (Mateo 3:1-7; Marcos 1:1-7; Lucas 3:1-9) Sa layuning mabigyan ng proteksiyon ang mga tao kaya minabuti ngayon ni Jesus na ipakilala ang kaniyang sarili bilang ang Isa na sinugo sa kanila ni Jehova bilang ang kanilang espirituwal na Pastol at ibunyag ang huwad na mga pastol.
Isang Bagong Kulungan sa Ilalim ng Mabuting Pastol
13. Anong pagbabago ang ginawa ng Diyos tungkol sa kaniyang kulungan ng mga tupa?
13 Ang mahalaga ay ang mapapunta ang isang tao sa tamang kulungan ng mga tupa, maging noon man at ngayon. Ipinahihiwatig ba niyan na maaaring magkaroon ng pagbabago sa mga kulungan ng mga tupa na sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova? Oo. Ang ipinagpatuloy pang sabihin ni Jesus sa Juan kabanata 10 at ang ipinakikita ng mga pangyayari sa kasaysayan—ang dalawang ito ang nagpapatunay na ang kulungan ng mga tupang Israelita sa ilalim ng Kautusan ay hahalinhan noon ng Diyos ng isang bagong kulungan. Pansinin ito samantalang nagpapatuloy tayo sa mga salita ni Jesus.
14, 15. Bakit maliwanag na sa Juan 10:7-10 ay isang bagong kulungan ng mga tupa ang tinutukoy ni Jesus?
14 “Kaya’t sinabi na naman ni Jesus,” sa Juan 10:7-10, “‘Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pinto ng mga tupa. Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito ay mga magnanakaw at mga tulisan; datapuwa’t hindi sila dininig ng mga tupa. Ako ang pinto; ang sino mang taong pumasok sa akin ay maliligtas, at siya’y papasok at lalabas at makakasumpong ng pastulan. Hindi pumaparito ang magnanakaw kundi upang magnakaw at pumatay at pumuksa. Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay at magkaroon nito nang sagana.’”
15 Pansinin sa mga talatang ito na tinutukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang pinto ng kulungan ng mga tupa na binabanggit niya ngayon, ang pinto sa kulungang ito ng mga tupa ng Kataas-taasang Pastol, ang Diyos na Jehova. Si Jesus ay hindi ang makasagisag na pinto sa kulungan ng mga tupa ng likas na Israel, sapagka’t siya mismo ay ipinanganak roon sa pamamagitan ng panganganak sa kaniya ng birheng Judio na si Maria. Si Jesus ay hindi siyang tulad-pintong tagapamagitan ng tipang Kautusan na sa pamamagitan niyaon ang bansang Israel ay napalagay sa isang bukud-tanging kaugnayan sa Diyos na Jehova. Malaon pa bago isinilang dito sa lupa si Jesus sinabi ng Diyos na Jehova sa bansang Israel: “Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa.” (Amos 3:2) Buhat sa simbolikong Judiong kulungang ito ng mga tupa tatawagin ng tunay na Katulong-na-pastol ang unang mga tupa ng kaniyang kawan at aakayin niya sila sa isang natatanging espirituwal na pastulan. Samakatuwid tiyak na ang tinutukoy ngayon ni Jesus ay isang bagong kulungan ng mga tupa na siya, ang Mabuting Pastol, ang pinto, ayon sa isa pang diwa.
16. (a) Ano ang mas maagang patotoo na si Jehova noon ay magkakaroon ng isang bagong kulungan ng mga tupa? (b) Paano ipinakita ni Jesus na ang bagong kulungan ng mga tupa ay halos iiral na noon?
16 Ang mga Judiong iyon na tumangging maging kaniyang tulad-tupang mga alagad ay naniniwala na ang kanilang kulungan ng mga tupa ang tanging sumasaisip ni Jehova at na itinakda iyon na magpatuloy hanggang sa walang takdang panahon sa hinaharap. Hindi nila isinasaisip noon ang “bagong tipan” na ipinangako ng Diyos na Jehova na itatatag sang-ayon sa hula ng Jeremias 31:31-34. Ito’y nangahulugan ng isang bagong kaugnayan sa Diyos na Jehova at, kung gayon, isang bagong makasagisag na kulungan ng mga tupa. Si Jesu-Kristo ay hindi siyang pintuan sa isang kulungan ng mga tupa na itinakdang lilipas, na hindi na nakukulong ng pinaka-pader ng proteksiyon na nanggagaling kay Jehova (Hebreo 8:7-13) Nang gabi ng selebrasyon ng kaniyang huling Paskua kasama ang kaniyang mga alagad na Hebreo, bumigkas si Jesus ng mga ilang makahulugang pananalita nang kaniyang ipinapasa sa kanila ang alak ng Paskua. Kaniyang binigyan ng simbolikong kahulugan ang alak, at ang sabi niya: “Ang kahulugan ng kopang ito ay ang bagong tipan dahil sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.”—Lucas 22:20; Mateo 26:27-29.
17, 18. (a) Ano ba itong bagong kulungang ito ng mga tupa na ang Mabuting Pastol ay si Jesus? (b) Paano ba siya maihahalintulad din sa pinto ng bagong kulungang ito?
17 Si Jesu-Kristo ang itinakdang maging pinto sa isang walang hanggang kulungan ng tupa, na hahalili sa dating kulungan ng mga tupa para sa likas na mga Israelita sa ilalim ng tipang Mosaicong Kautusan. Nang iwanan ni Jesus ang kaniyang mga alagad dito sa lupa at siya’y umakyat sa langit may 40 araw pagkabuhay-muli niya, siya’y umakyat na taglay pa rin ang kaniyang karapatan sa sakdal na buhay, isang karapatan na hindi niya naiwala nang dahil sa ano mang pagkakasala sa laman. (Isaias 53:3-12; Gawa 8:30-35) Sa gayon, siya’y sinangkapan upang magsilbing isang Tagapamagitan at ikapit ang bisa ng karapatang ito sa buhay, at sinasagisagan ng dugo niya, sa pagtatatak sa isang bago at lalong mainam na tipan alang-alang sa kaniyang mga alagad sa lupa. Sa pinakahuli ay ginawa niya ito nang araw ng Pentekostes ng 33 C.E., nang ang banal na espiritu ay ibuhos sa kaniyang masunuring mga alagad na Judio na naghihintay noon sa Jerusalem.
18 Ang mga alagad na ito kung gayon ay napalakip sa bagong tipan, at isang bagong kulungan ng mga tupa ang umiral, yaong kaugnayan sa Diyos na Jehova nang dahil sa bagong tipan na tinatakan ng dugo ni Jesu-Kristo. Ang simbolikong mga tupa sa bagong kulungang ito ay inianak ng espiritu ni Jehova at pinahiran ng kanyang espiritu. Si Jesus ang pinto sa kulungang ito at siya rin ang Mabuting Pastol na hinirang ni Jehova upang mangalaga sa mga tupa sa loob ng pen, o kulungang ito.
19. Paano natupad ang hula sa Zacarias 13:7?
19 Nang mga bahagi ng tatlong araw pagkatapos na si Jesus ay dakipin at patay roon sa libingan, ang pangangalaga sa kaniyang tulad-tupang mga alagad ay lubusang ipinagkatiwala niya sa Kataas-taasang Pastol, si Jehovang Diyos. At nang magkagayo’y natupad ang sinalita ni Jehova sa Zacarias 13:7, na: “Saktan mo ang pastol, at mangangalat ang mga tupa; at akin ngang ipipihit ang aking kamay sa mga di-minamahalaga.” Ang kamay ng Pinakamakapangyarihan-sa-lahat na Pastol, si Jehova, ay ipinihit sa di-minamahalagang mga alagad na ito, hanggang sa sila ay ibigay na uli sa pangangalaga ng kaniyang binuhay-muling Katulong-na-pastol, si Jesu-Kristo.—Mateo 26:31, 32.
20. Paanong ang Juan 10:16 ay nagpapahiwatig na may darating na isa pang kulungan, at bakit tayo kasangkot dito?
20 Nguni’t habang isinasaisip natin ang bagong kulungang ito ng mga tupa sa ilalim ng Mabuting Pastol, pansinin na sa Juan 10:16 ay sinabi ni Jesus: “Mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko.” Hindi ba ipinakikita nito na siya’y magkakaroon ng isa pa, ang ikalawa, na kulungan na doo’y siya ang magsisilbing Mabuting Pastol? Kung gayon, kailan ba iiral iyon at sino ang mga tupang doroon? Ito’y mga tanong na lubhang napapanahon, at ang mga kasagutan ay maaaring magkaroon ng tuwirang kaugnayan sa inyong pag-asa at walang hanggang kinabukasan. Kaya’t suriin natin ang bagay na ito.
Paano Mo Sasagutin?
□ Paano ba ipinanganak si Jesus sa isang kulungan ng mga tupa, at sino ang Pastol nito?
□ Anong bagong tungkulin ang ibinigay kay Jesus noong 29 C.E.?
□ Ano ba ang tungkuling ginampanan ni Juan Bautista tungkol sa kulungan ng mga tupang Israelita?
□ Ano ba ang bagong kulungan ng mga tupa na doo’y si Jesus ang Mabuting Pastol?
□ Ano ang nagpapakita na mayroon pang darating na isang kulungan ng mga tupa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 12]
Bilang ang makasagisag na bantay-pinto, ang Mabuting Pastol, si Jesus, ay tinanggap ni Juan Bautista
[Larawan sa pahina 13]
Ang kaniyang mga tupa ay inakay ni Jesus sa isang bagong kulungan ng mga tupa. Ano ba iyon?